PROLOGUE
“NAKIKITA niyo ba ang nakikita ko?” kulang na lang yata, pati ang butas ng ilong ni Leann ay manlaki habang namimilog ang mga matang nakatitig sa kabilang cottage.
Habang si Janicah naman ay hindi natinag sa pagtitig sa may dagat. Kanina lang ay asul na asul ang kalangitan. Ngunit nang mga sandaling iyon ay nagkulay abo na. Siguradong mamaya ay uulan na. Napabuntong-hininga siya. Ganoon pa man ay nanatili ang magandang kulay ng tubig sa dagat. White sand kasi ang dagat na nasasakupan ng bayan ng San Fernando. Pinong-pino rin na animo pulbos ang maputing buhangin.
Nasa outing siya nang mga sandaling iyon. Nag-aya kasi ang mga kaklase niya sa high school na maligo sa dagat. Pinayagan naman siya ng kaniyang mga magulang. Hindi naman kasi iyon kalayuan sa kanila. At isa pa ay hatid at sundo sila ng jeep na pagmamay-ari ng tatay ni Irish. Hindi naman malaki ang entrance fee sa kinaroroonan nilang resort. Swak lang sa budget nilang magka-kaklase.
Natinag lang siya sa pagtitig sa may dagat nang may humarang na katawan sa view na pinagmamasdan niya. Sunod niyon ay ang impit na tilian nang mga kaklase niya. Dinaig pa ang tila kinukurot sa singit.
“Oh, my God,” animo naiihi pang wika ni Eve na hindi inaalis ang tingin sa lalaking tila walang pakialam sa paligid kung maghurumintado man ang mga babaeng naroon.
Saka lang kumunot ang noo ni Janicah dahil sa reaksiyon na iyon mula sa mga kaklase niya. Si Grace sa tabi niya ay may pagyugyog pa sa kaniyang braso.
“Sobrang guwapo ng apo ni Don Alonzo,” kulang na lang ay maglupaging bulalas ni Jahcia.
“Siya ang apo ni Don Alonzo?” impit na bulong ni Irish kay Jahcia.
Tumango si Jahcia. “Yes. Nagtrabaho dati si Nanay sa hacienda kaya nakita ko na ‘yang si Ezekiel. Kaso sa malayuan lang. Ang guwapo, ‘di ba?”
Halos magkorteng puso ang mga mata ng kaklase ni Janicah. Kilala niya si Don Alonzo dahil isa iyon sa pinakamayamang personalidad sa bayan nila. At isa pa ay nagtrabaho rin sa pag-aari nitong Rice Mill ang kaniyang panganay na kapatid. Maraming negosyo ang naturang Don.
Ibinalik ni Janicah ang tingin sa lalaki kanina ngunit wala na iyon doon. Nang ilibot niya ang tingin ay nakita niyang nasa may tubig na iyon at naliligo kasama ang mga kasama nitong kalalakihan din na sa pakiwari ni Janicah ay mga kaibigan nito.
“Laro tayo,” na-e-excite na suhistiyon ni Eve.
“Ano naman ang lalaruin natin?” ani Irish.
“Dare game,” ngumiti pa nang matamis si Eve.
“Uy, Janicah, humarap ka rito. Kasali ang lahat,” agaw ni Jahcia sa kaniyang pansin.
“S-sige,” aniya nang ibalik ang tingin sa kaniyang mga kaklase. Ngunit pasimple pa rin siyang sumusulyap sa may parteng dagat. Kung saan naroon ang apo ni Don Alonzo na si Ezekiel. Likod pa lang nito ang nakikita niya. Hindi pa niya nakikita ang mukha niyon.
Kumuha ng bote ng soft drink si Eve at inilagay sa lamesa, pahiga. Pagkuwan ay iniikot nito. “Okay. Magsimula na tayo. Kung sino ang tapatan ng puwetan ng bote ay ang magbibigay ng dare sa tatapatan naman ng nguso ng bote. Maliwanag ba?”
“Oo,” anilang lahat.
Muling iniikot ni Eve ang bote. Hiling pa ni Janicah ay hindi tumapat sa kaniya ang nguso ng bote. Pero hayon at tila hindi nakiayon sa kaniya ang pagkakataon dahil sa kaniya iyon tumapat na ikinaawang ng bibig niya.
Ngising-ngisi naman si Irish sa kaniya na pinagkiskis pa ang mga palad. “Humanda ka, Janicah.”
“Irish, kung may sama ka sa akin ng loob, pag-usapan natin,” sa halip ay nakangiti niya ritong wika.
“Oo, masama ang loob ko sa iyo. Simula elementary tayo ay palaging ikaw ang muse sa klase natin. Pati ngayong high school na tayo,” anito na halata naman na nagbibiro lang. “Charot lang,” bawi rin nito. “Ang dare ko sa iyo, Janicah,” anito na humayon pa ang tingin sa kinaroroonan ni Ezekiel. “Kiss mo sa lips si Ezekiel,” bulong pa nito na sapat lang upang marinig nilang lahat.
Namilog ang mga mata ni Janicah sa sinabi ni Irish. “Seryoso ka?”
“Charot! Ano ka, sinusuwerte?” tumawa pa ito. “Lapitan mo lang si Ezekiel tapos bigla mong yakapin habang nakatalikod siya sa iyo. At least, five seconds. Tapos, bumalik ka na rito.”
Ganoon na lang ang kabang bumundol sa dibdib ni Janicah sa inutos na iyon ni Irish.
“Gawin mo na, Janicah. Bawal ang KJ,” susog pa sa kaniya ng mga kaklase niya.
Napapalunok pa nang tumayo na siya mula sa pagkakaupo. Isinampay muna niya sa may sandalang kawayan ang kaniyang towel at saka naglakad palabas ng cottage.
Dare lang naman ito, Janicah. At saka, siguradong hindi ka matatandaan ng lalaking ‘yon, pagpapakalma pa niya sa kaniyang sarili.
Nilingon pa niya ang mga kaklase niya na nakasunod ang tingin sa kaniya. Mga ngiting-ngiti sa gagawin niya. Huminga siya nang malalim bago nagpatuloy sa paglalakad. Hindi naman umaalis sa may mababaw na parte si Ezekiel. Umabot ang tubig sa may baywang nito. Tanging board short lang ang suot niyon na kulay dark blue. At kahit nakatalikod iyon ay tila sa maiksing sandali ay namemorya niya ang bulto ng katawan niyon.
Iyong tipong nangatog bigla ang mga tuhod niya dahil sa kaniyang binabalak. Pero bawal ang KJ sa dare game na iyon. Muli siyang huminga nang malalim. Sa loob ng labing-tatlong taon niya sa mundo ay ngayon lang niya naramdaman na para bang may naghahabulang kabayo sa kaniyang dibdib. Pabilis nang pabilis ang t***k niyon habang palapit siya nang palapit sa kinaroroonan ni Ezekiel.
Dahil hindi naman siya kasing tangkad ng binatang pakay, kaya ang tubig sa kinaroroonan niya ay umabot na sa may bandang kalahati ng tiyan niya. At bago pa siya panghinaan ng loob sa gagawin ay agad niyang ginawa ang dare sa kaniya ni Irish.
Ngunit hindi katulad ng iniisip nilang lahat ang nangyari. Dahil saktong yayakapin niya si Ezekiel, mula sa likuran nito, nang bigla naman itong humarap sa kaniya. Ang nangyari, sa mismong harapan niya ito nayakap. Taliwas sa back hug na dare sa kaniya ni Irish. Napalunok siya.
Janicah, five seconds! tili niya sa isip. Kahit humarap sa kaniya ang nagulat na si Ezekiel ay hindi siya bumitiw sa pagkakayakap dito habang pikit ang mga mata. Dinig na dinig pa niya ang kantiyawan ng mga kaibigan nito.
Five… Four… Three… Two… One!
Mabilis na bumitiw si Janicah sa pagkakayakap kay Ezekiel. Hindi rin siya nangahas na tingnan ang mukha nito dahil ramdam niya ang pamumula ng pisngi niya. Mabilis niya itong tinalikuran.
“Hey!” tawag pa nito sa kaniya.
Ngunit hindi nangahas si Janicah na tingnan si Ezekiel. Naglangoy na siya palayo sa kinaroroonan nito. Iyong pakiramdam niya na parang gusto na lang niyang lamunin ng tubig.
“Grabe!” impit na wika ng mga kaklase niyan nang makabalik siya sa cottage nila.
“Sana pala ay ako na lang ang tinapatan ng bote. Oh, my God! Ang epic noong biglang humarap si Ezekiel,” halos mabaliw na wika ni Jahcia.
Kinuha ni Janicah ang towel niya at agad na itinaklob sa kaniyang katawan. Maging ang kaniyang mukha ay halos takluban niya dahil sa pagkapahiyang nararamdaman. Pakiramdam niya ay nakatingin sa kaniya ang mga tao dahil sa ginawa niya sa may dagat.
Naupo siyang muli sa may upuan, ngunit dahil basa na siya kaya naman nasa may bandang sulok siya. Nagpatuloy ang larong dare ng mga ito. Ngunit hindi na siya sumali.
Ang kaninang maingay na mga kaklase siya ay nagsitahimikan, na animo biglang may dumaan na anghel. Saka lang nagawang mag-angat ng tingin ni Janicah. At ang unang sumalubong sa tingin niya ay ang guwapong mukha sa kabilang cottage na derektang nakatitig sa kaniya ang mga mata. Natigilan siya. At ang paghinga niya ay bahagya pa niyang napigilan.
At base sa bulungan sa tabi niya ay si Ezekiel ang katitigan niyang iyon. Mabilis na nagyuko siya ng mukha at mas itinaklob pa ang tuwalya sa kaniyang sarili.
Janicah, nakakahiya ang ginawa mo!
Hiling lang niya ay huwag ng magkrus muli ang landas nila pagkatapos ng pangyayari na iyon.