Chapter 04

1501 Words
“PASENSIYA na, Janicah, kung uutang ka ay wala kaming pera,” iyon lang at pinagsaraduhan na si Janicah ng pinto ng kaniyang tiyahin. Humigpit ang kapit niya sa kaniyang hawak na susi ng kanilang bahay. Umaga iyon at araw ng Lunes. Dumaan siya sa bahay ng kaniyang tiyahin na siyang kapatid ng kaniyang ama. Nais sana niyang ihabilin ang susi ng kanilang bahay para doon na lamang mamaya pupuntahan ng bunso niyang kapatid na first year high school na. Ngunit hindi pa man siya nakakapagsalita ng kaniyang pakay ay ganoon na agad ang litanya ng kaniyang Tiya Flor. Hindi naman siya para humingi ng tulong o umutang para sa pagpapagamot ng kaniyang kapatid. Ni hindi man lang nito kinumusta muna ang kapatid niyang si Jayson. Huminga muna siya nang malalim bago muling kumatok sa nakasarang pinto. “Tiya Flor,” muli ay tawag niya rito. Pero hindi na ang kaniyang tiyahin ang sunod na lumabas sa pintong bumukas. Ang Tiyo Dagul na niya, asawa ni Tiya Flor. “Hindi mo ba narinig ang sinabi ng tiyahin mo? Kung uutang ka o hihingi ng tulong, wala kaming maibibigay,” halos magsalubong ang mga kilay nitong wika. Pinalampas niya ang sinabi nito sa kaniyang kabilang tainga. Wala naman kasi siyang ibang mapagkakatiwalaan para sa susi ng bahay nila. “H-hindi po ako mangungutang o kahit ang humingi ng tulong,” aniya na iniwasan ang magtanim ng sama ng loob dito. Sa katunayan ay may dalawang anak sa abroad ang mga ito at kung ikukumpara sa buhay na mayroon sila ay mas higit na nakakaluwag-luwag ang mga ito. May tindahan din ang mga ito sa harapan ng bahay. Pero bawal sila roong mangutang kapag gipit na sila. Malas daw sa negosyo ng mga ito. Ganoon pa man, hindi niya maiwasan ang maipagkumpara ang mga ito sa ibang tao. Sa realidad ng buhay, sarili mo ng kadugo pero nagagawa ka pa ring talikuran sa gitna ng iyong pangangailangan. Tunay ngang mas nakakatulong pa iyong mga hindi mo kaano-ano. Mas madaling lapitan. “Gusto ko lang pong ihabilin itong susi ng bahay. Dito na lang po ito kukunin ni Tatay Julio o kahit ni Jenny pagkalabas niya sa school.” Sa uwian na sa hapon umuuwi ng bahay ang kaniyang kapatid. Katulad niya at ng tatay nila, may baon din itong maluto para hindi na uuwi pa sa tanghalian. Mahagad kasi sa pamasahe. “Hindi mo agad sinabi,” anang tiyahin niya na biglang sumulpot sa tabi ng kaniyang tiyuhin. Inilahad nito ang kamay kaya agad na ibinigay ni Janicah ang susi rito. “Salamat po,” magalang niyang wika. Pero bago siya umalis ay may pahabol pa ang Tiya Flor niya. “Wala namang mananakaw sa bahay ninyo para i-lock niyo pa,” anito bago tuluyan ng pumasok sa loob ng bahay. Kasunod nito si Tiyo Dagul. Huminga nang malalim si Janicah para lang hindi maging emosyonal sa mga binitiwang salita ng mga ito. Mahirap talaga ang maging mahirap. Halos alipustahin ng iba. Ang masama, kamag-anak mo rin halos ang gumagawa niyon. Sinabihan din siya ng mga ito noon na sa pag-aasawa rin siya mauuwi katulad ng kaniyang Ate Jossa at Kuya Anton. Na wala pang edad bente ng mabuntis at makabuntis. Pero ano pa nga rin ba ang pinagkaiba niya sa dalawa niyang kapatid? Eighteen lang siya, pero napilitang pumasok sa isang kasunduan na hindi na niya malalabasan pa. Ganoon pa man, hindi niya pinagsisisihan ang naging desisyon niya kung kapalit naman niyon ay ang kaligtasan ng kaniyang mahal na kapatid. Kung kayang magsakripisyo ng kanilang mga magulang para sa kanila, kakayanin din niya para sa mga ito. Hindi naman pansariling interes kaya siya pumayag sa nais ni Don Alonzo. Matapos ihabilin ang susi ng bahay nila sa kaniyang tiyahin ay dumiretso na rin siya sa flower farm. May oras na tulala lang siya sa mga kumpol ng mga mamahaling rosas. Iniisip niya ang kapatid niyang si Jayson. Kumusta na kaya ito? Sinabihan niya ang kaniyang ina na huwag ipagsasabi, bukod sa kaniyang ama at kapatid, kung saan siya kumuha ng pera para sa pagpapagamot ng kaniyang kapatid. Ayaw niyang maging tampulan pa sila ng tsismis. Lalo na ang kaniyang ama’t ina. Kapag oras kasi ng trabaho ay hindi rin siya gumagamit ng cellphone. Nasa bag niya iyon sa may kubo. Ipinilig niya ang ulo at muling ipinagpatuloy ang ginagawang pag-i-spray sa mga halaman. Ang green house na iyon ay may lawak na two thousand square meter. Maganda roon dahil sa pinakagitna niyon ay mayroong animo small patio. May mga upuan at may lamesa rin. Doon daw madalas si Donya Esmeralda tumambay, ang yumaong kabiyak ni Don Alonzo, noong nabubuhay pa ito. Mga bulaklak ang isa sa nagpapaligaya rito. Ang mansion ng mga ito ay palaging may display na fresh na bulaklak galing sa farm. At ang lawak ng naturang farm na kinaroroonan ng green house ay nasa dalawang ektarya. Nasa pusod din ng farm ang kinatitirikan ng green house. Malawak ang lawn na nasa paligid ng green house. Ang mga d**o ay palaging alaga sa tabas at kinakain din ng mga naroon na alagang mga baka. Bukod sa baka ay mayroon ding man made na fish pond sa hindi kalayuan. Mayroon doong mga koi fish. Ang buong paligid naman ng farm ay nahaharangan ng malalaking puno ng mahogany, bukod sa mataas niyong pader. May ilang hilera din ng punong mangga. Sa dulong bahagi naman ng farm ay mayroong tatlong bahay na siyang bahay ng mga caretaker sa buong farm. May sarili naman siyang pahingahan sa may malapit sa green house. May kubo kasi roon na may katabing mga puno ng mahogany. Mayroon ding wooden hammock na hilig niyang higaan tuwing break time. Presko rin ang hangin doon. Siguro kung isang City girl lang siya, baka hindi siya roon makatagal. Mayroon silang group chat ng mga classmate niya noong high school. Karamihan sa mga iyon ay nasa college na. Mayroong nag-aaral sa Maynila. Mayroon naman sa siyudad ng kanilang probinsiya. Minsan, hindi niya magawang makisali sa usapan ng mga iyon dahil hindi naman siya maka-relate. Panay rin ang flex ng mga boyfriend. Kapag na-me-mention siya ay saka lang niya nagagawang mag-reply. Na kesyo nasa trabaho siya sa farm. Minsan pa nga na pinagtawanan siya ng isa nilang atribidang kaklase na walang preno ang bibig. Kawawa raw siya. Puro lang talaga ganda. Pero sa bukid pa rin talaga ang bagsak. Biniro pa siya na ipapasyal siya niyon sa Maynila para lang makaranas siya ng hanging hindi probinsiya. Gustuhin man niyang barahin ngunit pinigilan na lang niya ang kaniyang sarili. Hindi naman lingid sa kaniya na puros polusyon lang naman ang hanging malalanghap niya sa Maynila. “Janicah, meryenda muna,” nakangiti pang wika ni Lhenie, isa sa caretaker ng Farm. “Nasa may kubo. Kumain ka na habang mainit pa ‘yong nilutong pancit.” “Ano’ng mayroon?” tanong pa niya rito. Matanda lang ito sa kaniya nang apat na taon. “Birthday ni Inay,” anito bago nagpaalam na rin sa kaniya. “Pakisabi kay Inang Pasing, happy birthday,” pahabol pa niya rito. “Makakarating,” iyon lang at tuluyan na itong umalis. May ngiti sa labi na itinabi muna niya ang pang-spray bago pumunta sa kubo.     “KAILANGANG ilipat sa Maynila si Jayson. ‘Yon ang sabi ng Doktor niya.” Bigla ay nanginig ang kamay ni Janicah habang hawak niya ang kaniyang cellphone. Kausap niya ang kaniyang Ate Jossa. Kauuwi lang niya sa kanilang bahay. “M-may nangyari ba kay Jayson?” pigil ang maluhang tanong niya. Lumabas siya ng bahay para lang hindi marinig ng kanilang ama ang pag-uusap nilang iyon. Hindi agad nakaimik ang Ate Jossa niya. Huminga ito nang malalim. “Oo. Nag… nag-fifty-fifty kanina si Jayson,” dinig ni Janicah ang impit na hikbi na pinipigilan ng kaniyang kapatid. “‘Wag kang mag-alala. Na-revive naman siya agad.” “Pero bakit kailangan pa siyang ilipat sa Maynila?” Masyado iyong malayo sa probinsiya nila. “Dahil mas high technology ang mga kagamitan doon. Janicah, ikaw ang magdesisyon.” Ikinurap-kurap niya ang mga mata. “Sa lalong madaling panahon ba, Ate?” “Oo.” “Pero paano ang pagbiyahe? Ate, kakayanin ba ng katawan ni Jayson?” Paano kung hindi at lalo lang malagay sa piligro ang buhay ng kaniyang kapatid? “Dalawa lang ang pagpipilian natin, Janicah. Kung ibabiyahe ba by land si Jayson o by air. Iyon ang suhistiyon ng doktor dito.” Huminga siya nang malalim. Naalala niya si Don Alonzo, ito na rin ang nagsabi na gagawin nito ang lahat para sa kapatid niya. Magsabi lang siya kung ano ang kailangan. “By air, Ate Jossa,” anas niya. “Sige. Desisyon lang ang hinihintay nila mula sa atin. Sabi ni Nanay, ikaw ang tanungin ko.” “Gagawin natin lahat para kay Jayson,” aniya rito. Nang matapos ang pag-uusap nilang iyon ay ang Don Alonzo naman ang sunod niyang tinawagan para ipaalam dito ang nangyari sa kapatid niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD