SINO BA ang mag-aakala na makakarating si Janicah ngayon ng Maynila? Iyon ang unang pagkakataon na nakaluwas siya ng Merto Manila. Hindi naman nahirapan si Janicah sa pagbiyahe dahil inihatid siya roon ni Mang Roberto. Pinayagan siya ni Don Alonzo na pumunta muna sa Maynila matapos niyang i-settled lahat ng kailangang bayaran sa pinanggalingang ospital ng kaniyang kapatid. Babalik din naman siya sa San Fernando sa linggong iyon. Susunduin ulit siya ni Mang Roberto.
Ngayon ay nasa Makati Medical Center si Jayson. May mga isinagawa ring procedure dito.
Dahil mahirap makakita basta ng matutuluyan sa Makati kaya naman kumuha si Janicah ng isang private room sa loob ng ospital na siyang gagamitin ng kaniyang ina at Ate Jossa habang naroon ang mga ito. Iyon din ang gagamitin ni Jayson na silid kapag stable na ang lagay nito at nagpapalakas na lamang. Para madaling mapuntahan din ng mga ito si Jayson. Lalo na kung mayroong emergency. Iyon din ang payo sa kaniya ni Don Alonzo. Maging ito ay gustong maging kumportable ang kaniyang ina at kapatid. Napakalaki na talaga ng utang na loob niya sa Don. Paano na lamang sila kung wala ito? Paano ang kapatid niya?
Nanatili rin siya ng ilang araw sa ospital. Nagpapasalamat siya sa Diyos dahil maganda raw ang response ng katawan ni Jayson ngayon. Bukas siya nakatakdang bumalik sa San Fernando.
“Ate, kapag nagising si Nanay, pasabi na naglalakad-lakad lang ako sa labas kapag hinanap niya ako,” paalam pa ni Janicah sa kaniyang kapatid. Baka may makita rin siya na kahit na anong mabibilhan ng pagkain o prutas sa labas. Nagbabawi kasi ang ina nila sa pagtulog.
“Sige.”
Nang makalabas sa Makati Medical Center ay hinayaan lang niya ang sarili na maglakad-lakad. May dala naman siyang pera na nakasuksok sa suot niyang pantalon. Bilin sa kaniya ng kaniyang ina na ‘wag raw magdadala ng bag kapag lalabas at baka mahila sa kaniya. Uso raw kasi iyon sa ka-Maynilaan.
Napabuntong-hininga siya. Huminto siya sa paglalakad at tumingala sa kalangitan. Ngunit nang mag-init ang bawat sulok ng kaniyang mga mata ay muli siyang nagbaba ng tingin. Ikinurap-kurap niya iyon bago nagpatuloy sa muling paglalakad. Si Jayson pa rin ang nasa isip niya.
Kapit lang, Jayson. Hindi ka namin susukuan. Sana ikaw rin, ‘wag basta susuko…
Magaganda man ang mga nagtataasang gusali na naraanan niya, may lugar pa rin na parang ordinaryo lang din ang pamumuhay. Nagpatuloy lang siya sa paglalakad.
Maraming mga sasakyan, at hindi niya nagugustuhan ang amoy ng usok. May time na inuubo siya.
Mayamaya pa ay napahinto si Janicah mula sa paglalakad nang mapansin ang kaniyang kinaroroonan. Mukhang napapalayo na siya masyado. Hindi rin niya gusto ang hitsura ng kalye na dinaanan niya. Wala kasi roong katao-tao. Baka mamaya ay mayroong masama ang loob na bigla na lamang siyang hilahin. Akmang babalik na siya sa kaniyang pinanggalingan nang isang sasakyan ang lumampas sa kaniya at hindi kalayuan ay may basta na lamang itinulak na tao palabas ng sasakyan. Pagkuwan ay humarurot na ng alis ang isang puting kotse.
Ganoon na lang ang paninigas ng kaniyang mga paa sa kaniyang kinatatayuan. Kumurap-kurap pa siya. Totoo ngang mayroong tao na basta na lang itinulak palabas ng isang puting kotse.
Nang makahuma mula sa pagkakabigla ay wala ng pagdadalawang isip na agad tinakbo ni Janicah ang kinaroroonan ng lalaking tila hindi makapaniwala sa ginawa rito. Inilibot niya ang tingin, kamalas-malas pa at walang mga tao na maaari nilang hingan ng tulong.
“Damn you! Oh, f**k this life,” sinikap niyong bumangon.
Mabilis iyong inalalayan ni Janicah. Ang kabog sa dibdib niya ay kay bilis. Hindi siya makapaniwala na makakasaksi siya ng ganoong eksana sa tanang buhay niya. Para kasing sa teleserye lang niya iyon napapanood.
Napalunok siya. “O-okay ka lang?” nakita pa niya ang gasgas niyon sa may kamay dahil sa pagkakalaglag sa semento. May bahid ng kaunting dugo.
Marahas siyang binalingan ng lalaking kay tiim kung makatingin. Mukhang hindi ito Pinoy dahil sa hitsura nitong mukhang foreigner. Lihim pang natigilan si Janicah dahil sa tinataglay niyong kaguwapuhan. Para bang nakita na niya ito na hindi naman niya mawari kung saan.
“Are you one of them?” puno ng puot nitong tanong na ipiniksi pa ang braso nito na hawak ni Janicah.
“H-ha?” Mabilis siyang umiling nang ma-gets ang sinabi nito. “N-no. I-I just wanted to help you. I-I saw what happened,” pag-i-English niya at baka hindi ito makaintindi ng Tagalog.
Nagbawi ito ng tingin. Malalalim ang paghinga nito. Mukhang nakipagbuno pa ito sa sakay sa kotseng sinakyan nito. Ano kaya ang nangyari dito? Medyo nagulo rin ang buhok nito.
Animo nanghihina na naupo ito sa may gutter sa gilid ng kalsada. Nasapo nito ang noo.
Napapamura pa ito dahil sa dinanas nito. Tumingin pa ito sa dinaanan ng kotse. Pagkuwan ay naisuklay ang dalawang kamay sa buhok nito.
Nagdadalawang-isip pa si Janicah kung iiwan na ba niya ito o ano? Baka kasi kailangan pa nito ang tulong niya.
“You may go to the nearest Police Station to report what happened to you,” aniya bago nag-desisyon na iwan na ito. Baka maubusan siya ng English. “I think… I think they can help you.”
Huminga muna siya nang malalim bago ito tinalikuran matapos itong pagmasdan pa ng isang beses. Hindi na kasi siya nito pinansin pa. Kung ayaw naman nito ng tulong niya. Hindi naman niya ipipilit. Marunong naman siyang makaramdam ng ayaw sa gusto.
“Wait,” pigil nito sa akma niyang pag-alis.
Bahagya niyang nakagat ang ibabang-labi nang marinig ang swabe nitong boses. Muli ay huminga siya nang malalim bago pumihit paharap dito. Tumayo na rin ito at pinagpag ang suot na pang-upo at ang itim nitong coat. Pagkuwan ay hinarap siya.
“If you will ask me, where’s the Police Station? I’m sorry, Sir. I’m not familiar to this place. You can ask someone else, instead.”
Naks, Janicah, nagagamit mo na ang English mo. Tama na at baka maging English-Carabao ka na mamaya, sita sa kaniya ng kaniyang epal na isipan.
Bumuntong-hininga na naman ito. Bakas ang frustration sa guwapong mukha. “They stole my money. Even my luggage. All I have right now is my passport,” anito na dinukot pa sa loob ng bulsa ng coat nito ang passport nito. Marahas na naman itong bumuntong-hininga. “Darn,” he muttered. Pagkuwan ay muling itinago ang hawak nitong passport.
Kung ganoon, walang-wala ito ng mga sandaling iyon. Nakaramdam siya ng awa rito.
“A-are you a tourist?”
“Not really.”
Ano ba ang maitutulong niya rito?
“I just wanted to visit my grandfather here in the Philippines. And this shits happened to me.”
May cash siyang limang-libo sa kaniyang bulsa. Siguro naman ay kakasya na iyon sa paroroonan nito. May ideya siyang naisip.
“Gusto mo bang—I mean, do you wanted to go to the Police Station?”
Umiling ito. “I don’t think they can help me to trace those thief. And I don’t have more time,” dagdag pa nito. “I’m in a hurry.”
Nagkuwento pa ito na iyon ang taxi na nasakyan nito mula sa Airport. At nangakong ihahatid ito hanggang sa pupuntahan nitong lugar. Pero nagpaikot-ikot daw ang kotse na iyon hanggang sa makarating nga sa lugar na iyon ang kotse na may isinakay pang dalawang lalaki. Ang isa ay may dalang baril na itinutok pa rito. Nilimas ang mga pera nito. Pati ang maleta nito ay dinala rin na puno ng gamit nito.
Nahabag lalo si Janicah sa nangyari dito. Nabiktima ito ng masasamang tao.
“D-do you want to eat or drink something?” baka nagugutom na ito o nauuhaw.
Umiling ito. Mukhang mas gusto na nitong umuwi sa pupuntahan nito.
“Follow me,” sa halip ay sabi na lang niya. May naisip siya na maaaring itulong dito.
Mukhang hindi naman ito nabalian dahil okay naman itong maglakad nang umagapay sa kaniya. Isinantabi na muna niya ang paghangang nararamdaman dito. Para itong artista sa kaniyang paningin. Sobrang guwapo sa totoo lang. Daig pa ang isang aparisyon. Naghahalo ang awa at paghanga niya rito. Ganoon pa man ay sinikap niyang itago iyon. Ayaw naman niyang maging obvious.
“Are you working here in Manila?”
Sinulyapan niya ang estranghero. “No,” matipid niyang sagot. “I,” hindi niya masabi na naroon siya dahil naka-confine sa isang ospital ang kaniyang kapatid. “I’m just visiting someone here. A dearest one,” sabi na lang niya.
Nang makarating sila sa highway na maraming taxi ang dumaraan ay saka lang niya muling hinarap ang estranghero.
Kimi pa niya itong nginitian. “Pasensiya na pero ubos na ‘yong English ko, eh. Sa totoo lang, nalulungkot ako sa nangyari sa iyo. Alam ko naman na hindi mo rin ‘yon inaasahan. Hayaan mong tulungan na lang kita na makauwi sa pupuntahan mo,” aniya na pumara ng paraang taxi. Nasa tamang sakayan naman sila. “‘Wag kang mag-alala,” aniya na muli itong sinulyapan. “Hindi naman kita sisingilin. Isipin mo na lang na may mga tao pa ring kayang gumawa ng mabuti sa iyo. Matapos kang gawan ng masama. Baka kasi magalit ka sa mundo dahil sa dinanas mo ngayon. Ipagpasalamat mo na lang na buhay ka pa. Kasi ‘yong pera na nawala sa iyo, ‘yong gamit mo, kayang-kaya mo ‘yong makuha ulit. Pero ‘yong buhay mo, iisa lang ‘yan. Be thankful pa rin. Alam kong may kaakibat na karma ‘yong ginawa sa iyo ng mga masasamang tao na ‘yon.”
Nang huminto ang taxi sa tapat nila ay doon na natuon ang atensiyon ni Janicah. Kinatok pa niya ang bintana sa may passenger side. Amuse namang nakasunod ang tingin sa kaniya ng lalaki sa likuran niya. Mukhang hindi ito makapaniwala na matapos ng kamalasan nito ay may isang katulad niya na biglang susulpot.
“Manong, safe ba kayong sakyan?” nakangiti pa niyang tanong sa driver niyon.
“Oo naman, Ma’am. Saan po ba kayo?” anang Taxi Driver na pinakitaan pa siya ng lisensiya niyon at prangkisa ng taxi nito.
“Ah, hindi po ako sasakay. ‘Yong kaibigan ko po. Uuwi siya sa kanila. Gusto sana kitang kontratahin para makauwi siya. Kailangang-kailangan po kasi niyang makauwi sa lolo niya.” Agad niyang dinukot ang nakatuping limang-libo sa kaniyang bulsa. “Okay na po ba ‘yang five thousand?” nakagat pa niya ang ibabang-labi matapos ilahad ang pera sa harapan nito.
“Saan ba siya pupunta? ‘Wag lang sa dulo ng Pilipinas,” biro pa nito.
Binalingan niya ang lalaki sa likuran niya. “Where do you want to go? I-I mean, the place of your grandfather?”
“Somewhere in the middle of the North.” Binanggit din nito ang pangalan ng probinsiya na pupuntahan nito.
Sandali siyang natigilan dahil probinsiya rin niya iyon.
“Okay. Ihahatid ko ang kaibigan mo. Taga Norte rin ako, kaya gamay ko ang mga lugar doon.”
Napangiti si Janicah sa sinabing iyon ng Taxi Driver. “Salamat po. Kuya, siguraduhin mo po na ihahatid mo siya roon. Tatandaan ko ‘yang plate number ng sasakyan mo.”
“Makakaasa ka.”
Napangiti siya bago hinarap ang estrangherong lalaki. “You can go now,” aniya na pinagbuksan pa ito sa may back seat ng kotse. “This one is safe,” assurance pa niya rito. “I know, he will drive you until you reach your destination.”
“Are you serious with this?” hindi makapaniwala nitong bulalas.
Mukha ba siyang nagbibiro? Binayaran na nga niya ang sasakyan nito. Tumango siya bago ito nginitian. “Hmmm.” Masarap pa rin sa pakiramdam ang makatulong sa kapwa ng walang hinihinging kapalit. “I know, you need help. Even if, you didn’t ask for it. At least, in my little way, I help you. Para makauwi ka na rin…” nauubusan na talaga siya ng English.
“What’s your name?”
“No need to know. Sige na, get inside. Have a safe trip,” wika pa niya na bahagyang umatras para bigyan ito ng daan pasakay sa taxi. Magaan ang loob niya sa driver kaya alam niya na hindi iyon gagawa ng kalokohan.
“Thank you so much,” anito na pinagmasdan pa siya bago humakbang palapit sa may taxi. Humawak ito sa nakabukas na pinto pero para bang undecided sa pagsakay. Pagkuwan ay muling pumihit paharap sa kaniya. “I can’t give you anything right now,” anito na bumuntong-hininga pa. “Well, this one is too precious to have,” wika pa nito na nilapitan si Janicah.
Wala sa hinagap ng dalaga ang sunod nitong gagawin kaya hindi siya nakaiwas. Nilapitan siya nito at ginawaran ng halik sa labi na halos magpatulos sa kaniya sa kaniyang kinatatayuan.
“Thank you,” wika pa nito na sandali pang pinagmasdan ang mukha niya bago ito tuluyang sumakay sa back seat ng taxi.
Nang umandar na iyon palayo ay saka lang tila nakahuma si Janicah. Nahatid niya ng tanaw ang papalayong sasakyan. Nahawakan niya ang kaniyang labi na hinalikan na lang basta ng estranghero na iyon.
“Tinulungan na nga siya, manghahalik pa. Grabeng, thank you, ‘yon, ha?” litanya niya. Nakagat niya ang ibabang-labi.
A first kiss from a stranger?
Puwede pala iyon?