ITINIGIL ni Janicah ang ginagawa sa loob ng green house dahil hindi mapakali ang isip niya. Sa huli ay ipinasya niyang lumabas roon para silipin kung nasa kubo pa ba si Ezekiel. Ang kanina pang nagpapagulo sa isipan niya. Habang naglalakad si Janicah papunta sa may kubo ay wala naman siyang matanawan na mayroon pang tao roon. Umalis na ba si Ezekiel? Pero wala naman siyang namataan o narinig na ugong ng sasakyan kanina na dumating. Indikasyon na sinusundo na ito. Nakumpirma lang niya kung nasaan si Ezekiel nang makita ito sa may wooden hammock. Nakahiga. Mukhang nakatulog sa may duyan. Saka lang siya animo nakahinga nang maluwag nang makita ito. Animo may sariling isip ang kaniyang mga paa na nilapitan ang binata sa may hammock. Bakit kaya naroon pa rin ito? Naiinip ba ito sa hacienda?