"KAMUSTA ang aking bayaw na hilaw, Arnulfo?" Bungad ni Luisa kay Arnulfo. Nakapiit pa rin ito sa silid na may mahiwagang baluti. Ang sino mang nakakulong dito ay hindi magagamit ang kaniyang kapangyarihan, tila isang ordinaryong nilalang lamang at maghihintay na pakawalan ng sino mang maaawa.
"Narito na ang inyong hapunan, Arnulfo. " Ikinumpas ang mga kamay upang lumagos ang handang hapunan sa baluti. "Ikaw naman kasi, hindi ako ang pinili mo. Lahat na lang kayo ay si Alicia ang gusto." May poot sa mata ni Luisa habang binabanggit ang pangalan ni Alicia. Muling binalikan ang pinagmulan ng kaniyang poot sa kapatid.
Nakatingin ng palihim si Luisa kina Alicia at Arnulfo habang naguusap ang dalawa sa hardin. Magkasalikop ang mga palad. Pati ang lalaking kaniyang itinangi sa unang kita niya pa lamang ay si Alicia ang nagustuhan. Siya ang unang nakakita dito ng bagong salta pa lamang ito sa isla, subalit naagaw agad ni Alicia ang atensyon nito nang magkaroon ng handaan sa kastilyo para sa kaarawan ng kanilang ama.
"Hindi ito maaari. Pati si Arnulfo ay si Alicia ang pinili.” Naningkit ang mga mata. “Lagot kayo kay ama," bulong ni Luisa sa sarili.
"Alicia! Ano ang nakarating sa aking balita na nakikipagmabutihan ka kay Gurong Arnulfo?" Galit na salubong ng kaniyang ama pagpasok pa lamang niya sa silid-tanggapan ng mga bisita nito.
"A-Ama, wala po iyong katotohanan. Magkaibigan lamang po kami ni Gurong Arnulfo," tanggi ni Alicia. Hindi siya marunong magsinungaling subalit Proprotektahan niya ang kaniyang minamahal na si Arnulfo.
"Siguraduhin mo lang, Alicia. Hindi ka maaaring umibig sa isang ordinaryong salamangkero. Ni hindi natin alam kung saan nagmulang lahi ng salamangkero si Arnulfo. Hindi ka maaaring basta-bastang pumili ng magiging asawa mo sapagkat ikaw ang mamumuno sa Ora Mago. Huwag mo sanang biguin ang ating mga katribo. Libo-libong salamangkero dito sa isla ang madadamay sa isang maling desisyon mo." Paalala ng kaniyang ama.
"Opo, Ama," malungkot na sagot ni Alicia.
Nangingiti naman si Luisa habang nakikinig mula sa labas ng silid tanggapan gamit ang kaniyang mahika.
"Alicia, hindi maaaring mapasaiyo ang lahat. At kung maaari, aagawin ko sa'yo ang lahat!" bulong ni Luisa habang humahalaklak sa kaniyang isip.
"Sa oras na mahanap ko ulit si Alicia at ang inyong anak, sinisiguro ko sa iyong wawakasan ko na ang kanilang mga buhay, maaangkin ko ang medalyon pati na rin ang buong Ora Mago. Sasakupin ko rin ang mga ordinaryong tao. Napakadali nilang paglaruan sa mga palad ko. Sa katiting na kapangyarihan, nagagawa nilang manakit ng kanilang kapwa. Hahahahaha!" Malutong na halakhak ni Luisa na tila nababaliw.
"Subukan mo lang na saktan ang mag-ina ko, ako ang makakalaban mo!" singhal ni Arnilfo.
"Bakit, Arnulfo, may magagawa ka ba? Hayan at nakapiit ka. Ilang taon ka na diyan subalit wala ka pa ring magawa. Magpasalamat ka at hanggang ngayon, kahit paano ay itinatangi pa rin kita kaya humihinga ka pa!" Banta ni Luisa.
"Hindi ko kailangan ang pagtatangi ng isang masamang nilalang na katulad mo! Pwe!" Dura ni Arnulfo upang insultuhin si Luisa.
"Wala ka nang magaggawa, Arnulfo. Mamamatay ang mag-ina mo, at ikaw ay makukulong dito habambuhay!" At biglang naglaho si Luisa.
☆
MAHIMBING na natutulog si Fin ng magising siya at makita ang isang usok na tila hugis ng isang babae. Nagkaroon ng porma ang mukha nito. "Anak, anak...."
Biglang bumalikwas ng bangon si Fin at pawis na pawis. "Sino ang babae na iyon? Bakit niya ako tinawag na anak? Wala raw naiwang larawan ang aking ina kaya wala akong ideya kung ano ang kaniyang mukha. Ang alam ko lang ay Alicia ang pangalan niya. Teka..." Tumayo si Fin at tumakbo pababa sa bakanteng silid na ginawang bodega ng mga lumang gamit. Hinalughog niya ang mga kahon na nasa sulok na bahagi. “Baka sakaling may naisingit na larawan sina Tita at 'di lang napansin.” Pawis na pawis na siya at tila susuko na ng mahagip ng kaniyang paningin ang isang lumang box na may aklat sa loob at nakasulat sa cover nito ang mga katagang "De Libro Vires".
"Book of Powers? Powers na ano?" Binuklat-buklat ang pahina ng makita niya ang isang lumang litrato na nakaipit dito. Larawan ng tila magkasintahan ito. Sa ibabang bahagi ng larawan ay nakita niya ang pangalang "Alicia and Arnulfo, January 10, 2000". Alicia? Siya ang aking ina! Ang ganda-ganda niya! Sino 'tong Arnulfo? Siya ba ang ama ko?” Napatingin si Fin sa wrist watch niya. 3:00am. Maaga pa.
"Mamaya ko na lang tatanungin sina Tita." Bumalik na si Fin sa silid bitbit ang De Libro Vires at pinilit matulog habang yakap ang larawang natagpuan.
☆
"TITA Cory," tawag ni Fin sa tiyahing naghahanda ng agahan sa mesa.
"Oh, Fin, halika na't baka mahuli ka pa sa pasok mo."
"Tita, nakita ko ito sa bodega." Sabay abot ng De Libro Vires sa tiyahin. "Saka ito." At inabot ang larawang kaniyang natagpuan.
"Napatakip ng bibig si Cory at maluha-luhang niyakap ang larawan. "Ate Alicia... may natira pala siyang larawan. Silang dalawa ni Arnulfo, at ang De Libro Vires na akala ko ay nasunog noon sa bahay bakasyunan."
Pagkaalis ni Alicia sa lihim na silid ay sumaglit si Cornelia sa kaniyang silid upang kunin ang De Libro Vires na ipinahiram sa kaniya ni Alicia ilang linggo na ang nakalilipas upang pag-aralan ang pinakamataas na uri ng salamangka. Nilingon ang kaniyang silid sa huling saglit bago tuluyang naglaho sa hangin...
"Iyong Arnulfo, Tita... Siya ba ang aking ama?" kinakabahang tanong ni Fin.
Huminga ng malalim si Cory bago, "Oo, Fin. Sobra nilang mahal ang isa't isa bago sila nagkalayo."
"Nasaan na siya? Ang sabi n'yo sa akin ay patay na siya, pero may nagbubulong sa akin na buhay pa rin siya." Maluha-luhang umaasa si Fin ng positibong sagot.
"Oo Fin, buhay pa siguro ang iyong ama at maging ang iyong ina. Sa ngayon ay malabo pang makita mo sila," saad ni Cory, "Isa lang sigurado ko sa'yo, hindi nila ninais na malayo sa'yo."
Maluha-luhang niyakap ni Fin ang tiyahin. Masaya siya. Kahit paano, alam niyang may pag-asa pang buhay ang mga magulang niya.
"Huwag mo munang alamin kung ano ang nangyari. Masyadong kumplikado, at sa ngayon, wala kaming ideya sa lagay nila. Pero alam kong buhay pa rin sila." Paniniyak ni Cory.
"Naiintindihan ko po, Tita." Matipid na ngiti ni Fin. Malaki ang tiwala niya sa kaniyang mga tiyahin na tumayong kaniyang ama at ina. Pakikinggan niya anuman ang sabihin nila.