IILAN na lamang ang nasa school ng hapon na iyon. Maagang sinundo ng mga magulang ang kanilang mga anak. 4PM pa lamang pero halos tahimik na sa campus. Ayaw ng mga magulang na ipakipagsapalaran ang kanilang anak. May dinukot na naman kasing estudyante kagabi.
"Fin, natatakot na rin akong lumabas minsan. Feeling ko laging may nakamasid sa akin at anytime kikidnapin ako." Takot na takot si Belle, napakapit pa sa manggas ni Fin.
"Maaga naman tayong uuwi, saka 'yong pinsan ko ay adik sa'yo. Ihahatid ka naman no'n."
"Sabagay, ang lakas talaga ng pinsan mo. Paano niya nagawang parang toothpick lang 'yong mga pinatumba niya?" Takang-taka pa rin siya kung paanong parang sipa ng kabayo ang lakas ng sipa ni Franz.
"Hindi ko rin alam. Baka nag-martial arts lessson ng palihim 'yon." Paano nga ba? Wala ding naibigay na eksplanasyon ang mga tiyahin ko.
"Ms. Espiritu," pukaw ni Dylan. "Yes?" nagtatakang tanong ni Fin. Himala, kinausap ako nito.
"May nakakita sa naglagay ng mga ipis sa locker mo."
"Sino? Iyong mga cheer leaders ba?" Tamang-hinala talaga ako sa mga yon.
"Paano mong nalaman?" nagtatakang tanong ni Dylan.
"kinompronta na ko minsan no'n, akala niya nilalandi ko si Jacob. Inaagaw ko daw sa kaniya. Wala naman silang relasyon at nakikipagkaibigan lang naman sa akin yung tao." nakaismid na sagot ni Fin.
"Gusto mo bang mag-file ng formal complaint para maturuan sila ng leksyon?"
"Huwag na. Baka humaba pa lalo. 'Pag naulit na lang, saka ako magrereklamo. Isa pa, may mas malaki tayong problema ngayon kaysa sa petty things na 'yan. Marami nang nadudukot na babae dito at sa karatig bayan natin."
"Sabagay, may punto ka. Iilan na nga lang nga ang pumapasok ngayon. Natatakot ng lumabas ng bahay." Napahinto saglit si Dylan. "Postponed din muna ang Acquaintance Party hangga't hindi pa nareresolba ng otoridad ang kidnapang nangyayari," huminga ng malalim si Dylan. "Kayo, magiingat kayo sa pag-uwi." Patungkol niya kina Fin at Belle.
"Mag-iingat kami, salamat." Nakangiting pasasalamat ni Fin.
Mabait naman pala 'to, concern din. Siguro naiisip niya ang pinsan niya.
"May balita na ba sa pinsan mo? Sigurado na bang iyong mga taong naka-hood ang dumukot sa kaniya at hindi lang basta ransom money ang hinihingi o kalaban sa pulitika?" Anak ng mayor ang pinsan ni Dylan kaya posibleng gamiting palusot ng mga kidnaper ang mga lalakeng naka-hood para magamit na cover-up sa masamang plano nila.
"Wala pa rin kaming balita." Malungkot na naupo sa bakanteng silya si Dylan. "Walang tawag ng pananakot o paghingi ng ransom kaya malakas ang kutob namin na may kinalaman dito ang mga naka-hood." Malungkot na napatulala sa kawalan si Dylan.
"I'm sorry. Lalo ko pang pinabigat ang dinadala mo." Hindi alam ni Fin kung ano ang mararamdaman ng mga oras na 'yon habang tinitingnan si Dylan. Napakagandang iguhit ng maamong mukha nito habang may malalim na iniisip. Ano ba 'yan! Saway ni Fin sa sarili. May problema na 'yong tao, kung ano-ano pa ang iniisip ko. Tsk.
"Girls, tara na. Sinuspend na ang klase. Wala na kasing gaanong estudyante." Aya ni Jacob. Napatingin ito kay Dylan. "Oh, pards, sorry sa nangyari kay Jana. May ginawa na bang hakbang ang tito mo para mahanap si Jana?" nag-aalalang tanong ni Jacob.
"Oo, lahat na ng kapulisan sa buong bayan ay pinakalat na. Ipahahalughog na rin ang kagubatan. Ang problema nila ay mahirap pasukin ang masukal at matarik na gubat. Alam nating lahat na may mga naeengkanto roon at naliligaw sa loob. Inaabot ng ilang linggo bago makabalik." Tila nawawalan na ng pag-asang sambit ni Dylan.
"M-may engkanto dito?" Nahintatakutang tanong ni Fin.
"Mayro'n Fin, laging kinukwento ng mga matatanda dito sa atin na may mga naeengkanto sa kagubatan at kabundukan ng San Isidro, kaya walang nangangahas pumasok na do'n." Sagot ni Belle.
"Halika na at umuwi na tayo, baka gabihin pa kayo sa daan. Delikado." Aya ni Jacob.
"Maaari ba akong sumabay sa inyo? Tanong ni Dylan.
"Oo naman. Tara na. Teka, si Franz nasaan?" Takang tanong ni Fin.
"Aba ewan ko. Kanina ko pa tinatext 'yon, 'di nagrereply eh," sagot ni Belle.
"Halika na mauna na tayo. Kaya ni Franz ang sarili niya. Ihahatid ka na muna namin, Belle." Aya ni Jacob sa dalawa.
☆
HUMAHANGOS si Franz habang palinga-linga. Sinusundan niya ang isang lalaking naka-hood ng itim na nakasagupa niya kanina subalit bigla itong nawala. Tumagos na naman ba sa pader?
Lumabas lang saglit ng school si Franz para bumili ng materials para sa project nila sa Home Economics ng makita niyang mayroong dalawang lalakeng naka-hood na pilit hinihila ang isang babae. Sinugod niya ang dalawang ito at inundayan ng mga suntok at sipa. Nakipagpalitan siya ng malalakas na suntok sa isa. Napabagsak niya ito, at sa kagulat-gulat na pangyayari ay bigla na lang itong umusok at naglaho na tila mabilis nadecompose sa hangin. Natira ang damit at sapatos na suot nito. Natakot ang babae sa nasaksihan niyang kakaiba kaya kumaripas ito ng takbo. Natakot din maagnas ang isa pang lalakeng naka-hood kaya tumakbo ito sa ibang direksyon upang tumakas. Hinabol ito ni Franz subalit bigla itong naglaho pagdating sa plaza.
"s**t! ‘Di ko inabutan! Mata mo lang ang walang latay pag nakita ulit kita!" sigaw ni Franz. Teka, si Belle! Biglang naalala nito ang ihahatid sa bahay.
Binalikan niya ang damit na naiwan kanina ng nag-evaporate na lalaki at dinampot ang hoodie jacket nito. Nagmamadali siyang lumiko pabalik ng school. Nakasalubong niya ang mga ito sa parking lot ng school.
Humihingal pa si Franz habang papalapit sa grupo. "Ate Fin, Belle." Hingal-kabayo na tawag ni Franz sa dalawang babae.
"Franz!" Ano’ng nangyari sa 'yo? Bakit gan’yan ang itsura mo, pawis na pawis ka?"
"Hindi dapat tayo pakampante, Ate, Belle, guys," huminga muna ng malalim si Franz bago nagpatuloy.
"Ano’ng ibig mong sabihin?" Nag-aalalang tanong ni Dylan.
"May estudyanteng muntik nang dukutin, kani-kanina lang. Do'n sa tapat ng bookstore." huminga ulit si Franz, "Nakita ko siyang hinihila ng dalawang naka-hood. Sinugod ko sila. Iyong isa... pagkabugbog ko, napatulog ko yata sa kasusuntok ko, tapos bigla siyang naagnas at nag-evaporate sa hangin. As in poop! Wala na siya. Damit lang ang natira. Eto, oh." Pinakita niya ang natirang hoodie na hawak niya.
Nagkatingin na lamang sila na nahintatakutan. Ano ang nangyayari sa kanilang lugar? Nakakapangilabot. Napayakap si Fin sa saili.