PROLOGUE
ITO ang isla Ora Mago. Ito ang tahanan ng mga Wiccan na payapang naninirahan sa dulong bahagi ng kanluran ng Pilipinas. Ang isla ay nakatago mula sa mga pangkaraniwang nilalang at nababalot ng makapangyarihang pananggalang upang hindi mapasok ng masasamang elemento o ng ordinaryong nilalang. Ilang daang taon nang naninirahan ang mga Wiccan sa lugar na ito, mula nang mapili ni Marcus at ng mga kasamahang salamangkero nito na rito mapayapang mamuhay. Si Marcus Mago ay isang makapangyarihang salamangkero na nagmula sa Inglatera. Si Marcus ay nakapangasawa ng isang makapangyarihang Babaylan na si Asarea, at dito nagsimula ang kasaysayan ng Ora Mago Tribe.
16 taon na ang nakararaan...
"NATUTUWA akong makita ang mapayapang isla mula rito sa kastilyo," sambit ni Alicia habang pinagmamasdan ang malawak na isla mula sa taas ng kastilyo sa tuktok ng bundok.
"Sana ay mapanatili natin ang ganitong kapayapaan na napangalagaan ng ating mga ninuno sa nagdaang mga henerasyon. Napakasarap tingnan. Hay,” saad ni Cornelia. Ang pangalawa sa magkakapatid na Mago. Nag-aalala ito habang nakatingin kay Alicia. Mukhang may nais sabihin ngunit hindi alam kung paano sisimulan.
"Sana nga. Nasaan nga pala si Benita?" Biglang naalala ni Alicia ang bunso sa magkakapatid sa namayapang asawa ng pinuno ng Ora Mago.
"Malamang ay lumuwas na naman sa siyudad upang makipaghalubilo sa mga pangkaraniwang tao," sambit ni Cornelia.
"Ang tigas talaga ng ulo ng ating bunso. Sana lang ay hindi niya ginagamit ang kaniyang kapangyarihan doon. Walang dapat makaalam tungkol sa ating lahi."
"Naku, sana nga. Siya nga pala... mamamanhikan na bukas ang napili ni Ama na mapapangasawa mo na nagmula sa Inglatera. Nabanggit na ba sa 'yo ni Ama?" tanong ni Cornelia.
"A-ano? Wala akong alam diyan, at ayokong magpakasal sa hindi ko mahal." Nanlalaki ang mga mata na may takot at pangamba. Hindi siya maaaring makasal kahit kanino sapagkat may iba na siyang tinatangi.
"Narinig ko lamang kay Ama habang nag-uusap sila ni Pontafex (High Priest) Osualdo. May napisil nang mapapangasawa mo. Isang salamangkerong may dugong Pilipino rin ngunit lumaki sa Inglatera. Anak daw ito ni Janus sa isang pinay na Babaylan sa hilaga. Si Janus ay kanang kamay ni kataas-taasang Narreus ng Inglatera, at siya ang napisil ni Ama para sa 'yo no'ng nakaraang taon nang dumalo siya sa pagupulong ng kagawaran ng mga Wiccan sa buong mundo," nag-aalalang kwento ni Cornelia.
"Hindi ito maaari. Alam mong si Arnulfo ang mahal ko, hindi ba?"
"Alam ko, pero alam mong ikaw ang magiging pinuno ng ating lahi at nais ni Ama na mapanatili ang lakas ng ating angkan. Hindi papayag si Ama na isang mababang uring gurong salamangkero lamang ang iyong mapapangasawa," pahayag ni Cornelia.
"Hindi ako makapapayag. Kakausapin ko si Ama." Padabog na tumalikod si Alicia patungo sa silid ng kaniyang ama.
☆
"AMA! Ano ang aking narinig na ipakakasal n'yo ako sa lalaking hindi ko kilala?"
"Tama ang iyong narinig, anak. At bukas ay paparito na sila upang hingin ang iyong kamay mula sa akin," mahinahong pahayag ng kaniyang amang si Amadeo, ang kataas-taasang pinuno ng Isla Ora Mago, habang ito ay abala sa pinaghahalong dilaw at asul na likido.
"Ayoko. Hindi ako papayag!"
"Sumunod ka na lamang. Ito ang makabubuti para sa atin. Kailangan nating mapanatili ang ating kapangyarihan sa mga susunod na henerasyon upang hindi tayo masakop ng masasamang elementong matagal nang nagtatangkang pasukin ang isla at lipulin tayo." Habang patuloy ito sa paghalo ng mga likido.
"Inuulit ko, Ama. Ayoko!" maluha-luhang sambit ni Alicia sabay talikod nito at naglaho patungo sa tahanan ni Arnulfo.
☆
"ARNULFO." Ang biglang sulpot ni Alicia sa tahanan nito. Mag-isa lamang ang lalaki roon habang gumagawa ng aralin para sa susunod na klase nito ng mahika.
"Alicia, mahal ko." Yumakap si Arnulfo kay Alicia.
"Ipakakasal ako ni Ama sa taong hindi ko kilala," mangiyak-ngiyak na wika ni Alicia.
Nag-aalalang niyakap muli ni Arnulfo si Alicia. "Hindi ito maaari. Hindi ako papayag."
"Ngunit matigas si Ama. Hindi siya papayag na... gwa... gwarrrkk!" Sabay takbo ni Alicia sa lababong nasa hindi kalayuan.
"Masama ba ang pakiramdam mo? Ayos ka lang ba? May masakit ba?" nag-aalalang tanong ni Arnulfo habang hinahagod ang likod ni Alicia.
Napaangat ang ulo ni Alicia, sabay tingin nang may pag-aalala at takot kay Arnulfo." Nagdadalang-tao yata ako."
Nagkatinginan ang magkasintahan. May ngiti ang mga labi subalit may pangambang nararamdaman.
☆
"ANO?" galit na bulyaw ni Amadeo sabay sampal kay Alicia.
"Ama! Tama na po. Patawad pero nagmamahalan kami ni Arnulfo!" Iyak ni Alicia habang sapo ang namamagang pisngi.
"Patawarin n'yo kami pinunong Amadeo, mahal ko po ang anak n'yo," saad ni Arnulfo.
"Wala akong pakialam sa pagmamahal na 'yan. Hindi niyan maisasalba ang Isla Ora Mago sa mga susunod na henerasyon! Maraming nagtatangkang pasukin at lipulin tayo subalit nabibigo sila dahil sa napanatiling malakas na kapangyarihan ng mga pinuno rito! Malalagay tayo sa peligro dahil sa ginawa ninyo! Naipangako ko na sa kanila na ipakakasal ko ang isa sa aking mga anak!" hiyaw ni Amadeo.
"Ama, tama na po nasasaktan na si Ate Alicia. Baka mapaano pa ang magiging apo n'yo. Wala na tayong magagawa rito," pagsusumamo ni Cornelia upang protektahan si Alicia.
"Manahimik ka Cornelia!"
"Ama, ako na lang ang ipalit nyo kay Alicia bilang mapapangasawa ng napili niyo para sa kaniya," ang sabi ni Luisa, ang anak ng kanilang ama sa isang dayo na salamangkera. Inihatid ito ng kaniyang Ina sa kastilyo at ipinakilalang anak ng kanilang Ama bago ito namayapa. Tinanggap naman ito ng Ama nina Alicia. Pumanaw na rin ang ina nito noong siya ay walong taong gulang pa lamang dahil sa hindi malunasang karamdaman. Ang ina naman nina Alicia ay namatay sa panganganak kay Benita. Hindi nila kasundo ang kanilang kapatid na halos isang taon lamang ang agwat ni Benita sa kaniya. Palagi itong gumagawa ng g**o na lagi nilang ikinapapahamak, lalo na sa kaniya.
Napaisip ang kanilang ama. Nakapangako siya na ipakakasal ang isa sa mga anak niya, subalit hindi niya binanggit ang pangalan. "Sige, maghanda ka. Ikaw ang ipakikilala ko sa kanila. Ikaw, Alicia, mag-uusap pa tayo pagkatapos nito. At ikaw Arnulfo, parurusahan kita pagkatapos ng pamamanhikan. Pansamatala kitang ipipiit sa silid na may baluti. Sinuway mo ako. Kawal!"
"Huwag, Ama! Huwag mong parusahan ang ama ng aking magiging anak!" Palahaw ni Alicia habang yakap ni Cornella. Tumalikod na ang kanilang ama habang nakangisi si Luisa.
☆
KINABUKASAN, sa araw ng pamamanhikan ay naghanda nang mabuti si Luisa.
"Luisa, nakahanda ka na ba?" tanong ni Amadeo. Tawag ni Amadeo mula sa labas ng silid.
"Opo, Ama." Suot ang mahabang pulang silka na naglalabas ng magandang hubog ng kaniyang katawan. Kuntento siyang nakaharap sa salamin habang nangangarap bilang isang tinitingalang pinuno ng Ora Mago. Sa wakas, nalamangan ko rin si Alicia sa paningin ni Ama. Ikinumpas ang kamay at naglabas ito ng kopita na may lamang alak. "Ako ang mamumuno sa isla Ora. Hindi laging ikaw ang magaling, Alicia." Habang inaalala ni Luisa ang kanilang nakaraan.
"Ang gandang bata talaga ni Alicia, hindi ba? Matangos ang ilong, malamlam na mga matang tinernuhan ng makapal na pilik, matangkad, malaporselanang kutis," sabi ng isang taga-silbi.
"Oo nga, siya ang pinakamaganda sa kanila. Maganda silang lahat, pero siya ang may natatanging ganda. Kapag nagdalaga siya tiyak kong marami ang manunuyo sa kaniya," sagot naman ng isa pang taga-silbi. Ngitngit na ngitngit naman ang dose anyos na si Luisa habang nakikinig nang palihim sa dalawang taga-silbi.
"Balita ko’y isa rin siya sa natatanging mag-aaral ni gurong Almaro sa mahika at sa pag-aaral ng mga likido. Napakahusay! Magiging mahusay siyang pinuno balang araw," bilib na bilib na sambit ng isa pang tagasilbi.
"Hindi ako makapapayag," bulong ni Luisa. "Ako ang dapat mamuno at hindi isa sa kanilang tatlo.”
"Anak, ikaw ang dapat mamuno sa mga Wiccan. Ito ang minimithi ko noon pa. Ikaw ang tumupad nito. Nabigo ang aking ina. Ngayon naman ako'y tila papanaw na. Ikaw ang magiging katuparan ng minimithi ng ating lahi." Ang naalala niyang habilin ng kaniyang ina habang ito ay nag-aagaw buhay.
"Opo, ina, pangako ko."
"Luisa, pinatatawag ka na sa bulwagan ng iyong ama. Nariyan na ang mga bisita," tawag ng kaniyang sariling tagasilbi na pumukaw sa kaniyang pagbabalik-tanaw. "Ako'y lalabas na."
☆
"KAMUSTA ang inyong paglalakbay, Janus?" saad ni Amadeo.
"Maayos naman, Amadeo, subalit mas madali kung ginamitan na lamang namin ng mahika ang pagpunta rito imbis na sumakay ng eroplano. Hahaha! Pero nakatutuwa rin namang magbuhay-ordinaryo paminsan-minsan," sagot ni Janus. Isa itong kalahating Pilipino at kalahating Ingles na nanirahan na sa Inglatera mula pa nang ipinanganak. Inampon ito ng ama ni Narreus at ngayon ay kanang-kamay ng kataas-taasang pinuno ng Mata Wicca.
"Tama, tama. Mainam naman kung ganoon. Natutuwa ako na gamit ninyo pa rin ang ating wika."
"Oo naman. Ang aking napangasawa ay isang pinay na Babaylan, at ang ilang taga-silbi ay puro Pilipino. Madalas din kami sa Pilipinas sa tuwing dumadalaw sa kaanak ng aking namayapang asawa."
"Kaya pala. Nakapagpahinga na ba kayo?"
"Oo, kami ay namahinga saglit sa malaking panuluyan d'yan sa kabilang ibayo sa labas ng isla. Nakihalubilo saglit sa mga tao. Nasaan na nga pala ang mapapangasawa ni Jeffer?" tanong ni Janus.
"Nag-aayos lamang. Palabas na 'yon."
"Ama, ako'y maglalakad-lakad muna. Maari ba pinunong Amadeo?" tanong ni Jeffer.
"Sige lang, Hijo. Isipin mong tahanan mo ang aming kastilyo," magiliw na sabi ni Amadeo.
☆
NAGLALAKAD-LAKAD sa hardin si Alicia habang nakatanaw sa maliwanag na buwan. Bilog ito ngayon, maaliwalas, pero ang puso niya ay nababalutan ng kalungkutan. Ang kaniyang pinakamamahal na Arnulfo ay nakapiit pa rin sa silid na may baluti. Nais man niyang pakawalan ang kasintahan ay hindi maaari. Ayaw niyang suwayin muli ang kaniyang ama.
"Who is that girl?" pabulong na tanong sa sarili ni Jeffer. Ang dalaga ay nakasuot ng mahabang asul na silka, nakalugay ang alun-alon na makintab na buhok, may magagandang mga mata, matangos na ilong na parang nililok ng mahusay na iskultor, mapupulang mga labi, matangkad, mahubog na katawan at makinis na kutis. Napakagandang tanawin sa ilalim ng maliwanag na buwan. Napukaw ang kaniyang imahinasyon at hindi maalis ang paningin sa dalaga.
"Jeffer, halika na anak. Your future wife is waiting," tawag ni Janus sa anak.
"Yes, father," sagot ni Jeffer habang naglalakad pasunod sa ama at nililingon pa rin ang magandang dilag na kaniyang nakita.
"Ate, halika na. Tawag na tayo ni ama." Pukaw ni Cornelia sa malalim na pag-iisip ni Alicia. "Nariyan na."
"ITO ang aking bunsong anak, si Luisa. Anak, siya si Jeffer, ang iyong mapapangasawa," pagpapakilala ni Amadeo kina Luisa at Jeffer nang magharap ang dalawa.
"Ikinagagalak kitang makilala, Ginoo," mapang-akit na saad ni Luisa. "Ako rin," matabang na tugon ni Jeffer habang inaalala ang babae sa hardin. Napakaganda nito.
Pumasok sina Alicia at Cornella sa bulwagan, sabay sulpot ni Benita sa tabi nila. "Oh, ano ang okasyon? Nahuli na yata ako sa balita?" Ang suot nito ay retro na pantalon at blusa na matingkad na berde ang kulay. Tinernuhan ng bota at may suot na shades na hugis bituin.
"Alisin mo nga 'yang suot mo sa mata, gabi na," natatawang sabi ni Cornelia.
"Uso ito ngayon. Old fashioned ka talaga. Iyang mga suot niyo ay masyadong OA. Makaluma kayong masyado. 'Pag may nakakita sa inyo, iisipin talagang mga mangkukulam kayo," sagot ni Benita. Natatawa habang napapailing na lang ang dalawang kapatid.
Lumapit ang tatlo sa mahabang hapag na kakasya ang labing-anim na tao. Napatulala si Jeffer sa kaniyang nakita. Ang babaeng nasa labas ay nasa harap na niya ngayon. "Who are they?" tanong ni Jeffer. "Sila ang aking mga anak sa namayapa kong asawa. Ang aking panganay na si Alicia, ang pangalawang si Cornella at ang pangatlo ay si Benita," pagmamalaking saad ni Amadeo.
"Siya ang gusto kong mapangasawa!" Sabay turo ni Jeffer kay Alicia.
Nagulantang ang lahat. Nag-alala si Alicia, Natulala si Amadeo at nagngingitngit sa galit si Luisa. "Si Alicia na naman!" bulong ni Luisa. "Hindi na siya puwede dahil siya ay nagdadalang-tao!" biglang sambit ni Luisa.
"May asawa na siya?" malungkot na tanong ni Jeffer.
"Wala pa. Subalit siya ay nagdadalang-tao sa kaniyang kasintahan na nakapiit ngayon dahil sinuway nila ako. Siya talaga dapat ang iyong mapapangasawa," nag-aalalang sagot ni Amadeo.
"If that is the case, then I will marry her. I want her to be my wife," giit ni Jeffer.
"Hindi maaari! No!" sigaw ni Alicia.
"Are we cutting off our treaty, Amadeo?" tanong ni Janus. "My son wants your eldest daughter, but it seems it's complicated. Sinira mo ang ating kasunduan," galit na pahayag ni Janus.
"Bakit ikaw na naman? Mas maganda ako sa 'yo, mas kaakit-akit, pero ikaw pa rin ang gusto kahit ng mga lalaking gusto kong mapasaakin? Hindi ako makapapayag!" Nagliwanag at naglabas ng pulang apoy ang mga kamay ni Luisa. Pinatamaan nito si Alicia ngunit sinalag ito ni Cornelia.
"Luisa, tama na!" nag-aalalang sigaw ng kanilang ama. Alam nito kung paano magalit ang kaniyang anak. Tinangkang gamitan ng salamangka ng ama ang anak upang mapahinahon ito subalit lalo lamang nagwala si Luisa.
"Pinagtatanggol n'yo na naman ang inyong panganay? Hindi ako makapapayag na lagi na lamang akong namamalimos ng pagmamahal sa inyo, Ama!" Ginamitan ng mahika ni Luisa ang ama, unti-unti itong lumiliit, kaniyang nailabas ang isang botelya sa isang kumpas lamang ng kaniyang kamay at ikinulong dito ang kaniyang ama.
"Ayan, Ama, ako na lang lagi ang makikita mo. Ninais kong gamitin ang botelyang ito kay Alicia, pero mas mainam yatang sa iyo ko ito gamitin, ama, para lagi na tayong magkasama. At ito, itong isla ay sa akin na," humahalakhak na sabi ni Luisa. "At ikaw Alicia..." sabay lingon nito.
"Halika na! Umalis na tayo rito!" sigaw ni Benita sabay kumpas ng isang kamay habang hawak ng isa pa si Alicia, at yakap ni Alicia ang nasaktang kapatid na si Cornelia. Naglaho ang mga kapatid. Naiwan si Luisa, si Janus at si Jeffer sa bulwagan, kasama ang ilang tagasilbi na gimbal pa rin sa mga pangyayari.
"Malakas ka pala, Luisa," may paghangang saad ni Janus.
"Mas malakas ako kaysa sa kanila dahil may dugo ako ng itim na salamangkera," pagmamalaking saad ni Luisa.
"Bakit hindi na lang ako ang pakasalan mo? Mas malakas ako kaysa sa anak kong si Jeffer. Matipuno pa rin at makisig. Pamunuan natin ang buong isla Ora Mago.”
☆
"ATE Alicia, saan ka pupunta?" nag-aalalang tanong ni Cornelia. "May kukuhanin lang ako sa silid ni Ama." Biglang naglaho sa hangin si Alicia.
Nakarating siya sa silid ng kanilang ama. Binukasan ang lihim na daan sa likod ng aklatan at bumaba sa hagdang bato na paikot. Sa ibaba ay may isang silid na may mahiwagang baluti ang pintuan. Ikinumpas ang mga kamay at naglaho ang baluti na humaharang sa gintong pintuan. Siya lamang ang may kakayahang buksan ang silid maliban sa kaniyang Ama dahil sa kaniya nakatakdang ipamana ang medalyon pagdating ng araw. Ikinumpas ulit ang mga kamay upang bumukas ang pinto. Pagpasok niya sa isang silid ay nagliwanag sa sentro nito ang medalyong ginto. Nakalutang ito sa ibabaw ng balon ng Tubig Ng Kalinisan.
"Hindi ka dapat mapasakamay ni Luisa. Manganganib ang lahat, hindi lang ang tribo." Lumapit si Alicia upang umusal ng salamangka, bumulong sa hangin.
"Et nunc mea viscera corporis potestatem ego tecum sum ut salvem te. Nostrorum magicae nobis fiet unum."
Nagliwanag ng husto ang medalyon habang papalapit sa kaniya. "Ahhhh!" Sumanib ang medalyon sa kaniyang dibdib. Nag-iinit ito, nakakapaso subalit kaniyang tiniis. Siya at ang medalyon ay magiging isa.
Proprotektahan niya ang medalyon. Napaluhod na humihingal si Alicia. Naramdaman niyang may paparating kung kaya't ikinumpas niya ang mga kamay sabay naglaho sa hangin habang sinasambit ang mga katagang,
"Babalikan ko kayo ni Ama, Arnulfo mahal ko..."
☆
DUMATING si Luisa sa lihim na silid na taguan ng medalyon. Namula siya sa galit nang makitang wala na roon ang gintong medalyon. Nagpakawala siya ng nangangalit na apoy dahil sa sobrang poot.
"Alicia! Hahanapin kita kahit nasaan ka pa!" sigaw ni Luisa.