NAPAKAPA si Kana sa baba ng dibdib, bandang gilid nang kumirot iyon. Pakiramdam niya, sinasaksak pa rin siya ng mga sandaling iyon. Namamawis na ang kanyang noo Nanginginig din ang katawan niya dahil sa takot, kaya agad na nagpatawag ang ina ng doctor para i-check siya.
At dahil hindi kumalma si Kana, napilitan ang doktor na bigyan siya ng gamot para kumalma. Nakatulog din siya ulit. Nang magising, nasa silid na ang ama, sa tabi niya mismo.
“How are you, baby?”
Medyo sleepy pa ang mata niya. Para siyang nalasing dahil sa mga gamot na naibigay sa kanya.
Ngumiti lang siya sa ama at sumagot ng, “I’m good, Dad.”
Kinuha nito ang kamay niya at dinala sa labi nito para halikan. Ngumiti din ito kapagkuwan.
“Good. Because ilang araw akong mawawala kasi. Ayokong umalis na hindi masigurong nasa maayos ka.” Dinala naman ng ama ang kamay niya sa pisngi nito. “Lahat gagawin ko, makuha lang ang hustisya sa nangyari sa ‘yo.”
Speaking of hustisya, tiningnan niya ang ama nang seryoso. “N-nahuli na po ba ang gumawa nito sa akin?”
“Yes, baby. But hindi ako kumbinsido, kaya nagpaimbestiga pa ako.” Sa koneksyon pa lang ng ama, hindi malabong mahuhuli nga ang salarin.
Nasabi na sa kanya ng ina ang ibang detalye kanina pero matagal mag-sync-in sa isipan niya. Actually, ngayon lang. May binanggit din itong bago niyang bodyguard.
“D-Dad, tungkol po sa bodyguard ko. Can I—”
“No!” mabilis na putol ng ama.
Hindi pa nga niya tapos ang mga sasabihin niya nag-no kaagad ito.
“Hindi mo na sila pwedeng palayuin, Kana. Understand? I can’t protect you because of my duty in our country. Kaya sana ‘wag mo silang palayuin this time, baby. Please? You know how much I’ve worried since I found out that you were stabbed.”
Kita ni Kana ang pag-aalala sa mukha nito kaya tumango na lang siya. Hindi kumbinsido ang ama kaya pinapangako pa siya nito.
Limang araw pa ang itinagal ni Kana sa ospital bago siya binigyan ng clearance ng doctor. Dapat nong pangatlong araw niya siya lalabas pero hindi siya pinayagan ng ama. Wala talaga siyang magagawa minsan kapag galit ito.
“JJ!” Napatingin siya sa ina nang sumigaw ito. Kasalukuyan siyang pabaa noon sa kama.
“Mom, ang ingay mo po,” aniya rito.
“It’s because nakasara ang pintuan,” paliwanag ng ina. “Saka alam naman niyang tatawagin siya.”
Inaayos kasi ng ina ang mga gamit niya kaya hindi siguro ito makalabas rin para tawagin ang bodyguard niya. Oh, alam niyang name iyon ng bodyguard niya dahil nasabi na nga ng ina sa kanya. Pero hindi raw talaga iyon ang pangalan nito kung hindi John. JJ lang daw kasi ang tawag dito ng maid nila.
Napailing siya dito. Buti na lang talaga sarado ang pintuan. Dahil kung hindi, nakakahiya sa magkabilaang silid.
Nakayuko siya noon para ayusin ang susuotin na flat sandals nang pumasok ang JJ na tinawag ng ina. Nagsalita ito kaya bigla siyang napaangat. Ewan lang niya kung nabingi siya.
“Ma’am,”
Hindi alam ni Kana kung bakit parang nadismaya siya sa nakita. Isang balbas sarado ang pumasok.
“What happened to you?” nagtatakang tanong ng ina sa JJ na iyon. Pero matagal itong sumagot dahil nakatingin ito sa kanya.
“Um, panay po kasi ang picture ng dalaga sa kabilang room. Hindi po ako sanay na ganoon.”
“Oh, right. Natanong nga niya akong kung may nobya ka.” Natawa pa si Mommy habang sinasabi iyon kay JJ. Napataas tuloy siya ng kilay. Sa itsurang ‘yan, hinahangaan pa nila? Nagmumukha kaya itong matanda.
Hindi napansin ni Kana na nakatingin sa kanya si JJ nang paikutin nito ang mata.
Sa likod siya pumuwesto habang ang ina naman ay sa harapan. Baka raw kasi masagi nito ang sugat niya kaya ayaw nitong tumabi.
Pagdating sa bahay nila ay inalalayan siya ng ina at ng bodyguard niya pababa. Napilitan siyang balingan si JJ dahil sa kakaibang naramdaman. Pero pinalis niya rin kaagad iyon nang makita ang sasakyan ng ama na papasok sa gate.
Akmang sasalubungin niya ang ama nang pigilan siyan g bodyguard niya. Muli, dumaloy ang kuryente na naramdaman kanina. Ngayon lang niya napagtanto na ganoon nga ang naramdaman niya kanina.
“I’m sorry hindi ako nakauwi nang maaga, anak. Marami lang kasing inasikaso sa opisina.”
“It’s okay, Dad. Ang mahalaga nandito ka na po.”
Bahagya kinabig ng ama ang ulo niya para hinalikan. Sabay na rin silang tatlo na pumasok tapos sumunod naman si JJ.
Sa silid niya siya dumiretso para makapagpahinga. Tatawagin na lang daw siya ng ina kapag kakain na.
Nang mga sumunod na araw, tumawag kay Kana ang secretary niya at sinabing marami itong dinala sa condo niya na kailangan niyang harapin. Ayaw pumayag ng ama pero iginiit niya pa rin dahil may urgent doon.
Sa umaga, nasa kumpanya siya ng ama at sa gabi naman sa bar niya. Gustuhin man niyang bitawan na ang bar para maasikaso niya rin ang publishing house ng ina pero hindi niya magawa. Malaki ang pinapasok na pera ng bar niya kaya pinagpatuloy na lang niya. Maganda kasi ang lugar na napili ng ama. Kaya mabilis ang paglago niyon. Pinalis na rin niya sa isipan ang kaisa-isang dahilan kung bakit niya naitayo ang Sanctum.
“Bring JJ para mapanatag kami,” habilin ng ina sa kanya nang bumaba siya ng hagdan.
“Yes, Mom!” Tumingin siya sa ama na nakasimangot. “Bye, Dad. Love you!” Sinundan ni Kana nang ngiti iyon. Dinig niyang kinausap naman ng ina ito. As usual, dahil nga raw sa JJ nito magiging safe siya.
Saglit na natigilan si Kana paglabas nang makita si JJ sa hambaan ng pintuan ng kanyang sasakyan. Oo nga pala, kasama niya ito at ito rin ang kanyang driver.
Usually, nagpapasalamat siya sa driver nila kapag pinagbubukas siya ng pintuan. Pero ngayon, hindi. Hindi niya rin alam kung bakit. Maybe dahil sa bago lang si JJ sa kanya?
“Saan po tayo, ma’am?” Napaangat si Kana nang tingin nang marinig na naman ang pamilyar na boses na iyon. Pinilig niya ang ulo at sinagot na lang ito.
Hindi maiwasang mapakunot ng noo ni Kana nang mapagtantong sumunod sa kanya si JJ sa taas.
“Hindi ba dapat sa sasakyan ka lang?”
“Sorry, ma’am. Pero kabilin-bilinan po ng Mommy at Daddy niyo, kung nasaan ka po. Nandoon din ako,” seryosong sagot ni JJ sa kanya.
“Pwede ba, JJ—”
“John na lang po, ma’am,” putol nito sa sasabihin niya.
“Whatever, John or JJ! Basta sa sasakyan ka lang! Gets mo?! Hindi ako sanay na may bumubuntot sa akin. Kaya, get lost!” ‘Yon lang at binilisan niya ang lakad.
Pero hindi pa man niya nararating ang pintuan ng condo nang makitang nakasunod pa rin ito. Nakaramdam siya nang inis.
“Are you bingi ba?” Naiinis na siya ng mga sandaling iyon.
“Hindi ho, ma’am.”
“Ayon naman pala, John, e! Tsupe na! Please lang!” pakiusap niya rito. Pero hindi ito kumilos sa kinatatayuan kaya ang inis niya ay umabot na sa ulo niya.
Lumapit siya rito at tinulak pero napangiwi siya bigla nang maramdaman ang pagkirot.
“Ayos lang kayo, ma’am?” agad na tanong ni John sa kanya.
“I’m not!”
“Gusto niyo ho bang gamutin ko? May background naman po ako—”
“I said get lost!” Natigilan si John sa malakas na sigaw niya. Napatingin tuloy sa kanila ang dalawang lalaki na kakalabas lang sa katapat na unit.
“Okay, ma’am. Pero tatawagan ko muna ang magulang mo. Ayoko naman hong masesante agad. Kailangan ko ho talaga ng traba—”
Nang marinig ang sinabi ni John, muli na naman niyang sinigawan si John ng Stop. Hawak na kasi nito ang telepono nito.
“Sasama na ho ako?” tanong ni John sa kanya na nakangiti.
Napahilot na lang si Kana sa ulo kesa sagutin ito. Tinalikuran na lang din niya ito.
Bahagya niyang nilakasan ang pagsara ng pintuan. Naiinis pa rin si Kana kasi. Pero mabilis ang kamay ni John na pinigil iyon para makapasok rin ito sa loob ng unit.
Kita niya ang pag-angat ni John ng kilay nang makita ang bitbit niyang stool sofa. Binagsak niya iyon sa harap nito.
“Dyan ka lang, huh! At ‘wag mo rin akong iistorbohin dahil marami akong gagawin!” Mabilis na tinalikuran niya ito pagkasabi.
“Paano po kapag naiihi na ako?”
“Eh ‘di lumabas ka! May public restroom sa baba.” Lingon niya rito.
“Pero kabilin-bilinan po ng parents niyo na ‘wag daw kitang wawalain sa paningin ko.”
Mukhang puputi yata buhok niya sa bodyguard niya kaya napasigaw siya sa inis at tinalikuran ulit ito.
Hindi na nakita ni Kana ang pagsilay nang ngiti sa labi ni John. Mukhang mahihirapan si John sa amo, ah. Pero natigilan siya nang maalala ang dating Kana. Ang laki nang pinagbago nito. Ang jolly nito noon, ngayon naman parang bugnutin. Madaling mainis. Aba’y sumusunod lang siya sa utos ng boss. Saka, hindi si Kana ang susundin niya, ang ama nito.
Sinabi na ng ama nito na may pagka-rebelde ito. Kung ano ang ayaw nito, ‘yon ang ginagawa ng dalaga. Challenge para sa kanya pero sa tingin niya, mapapaamo niya rin ito. Nakikinita na niyang ngingiti ulit ito sa kanya isa sa mga araw na ‘to.