Chapter1: Dying
“MS. RAMIREZ, you have only three months left to live.” Parang guguho ang mundo ni Kana nang marinig ang sinabi ng doctor sa kanya.
Oh God, simpleng hilo at kirot lang, ‘yon na kaagad ang hatol sa kanya? Aba’y talagang gugunaw talaga ang mundo ng kung sino man ang bigyan nang ganitong hatol. Dapat rin ba niyang sisihin ang ina niya? Naikuwento kasi ng Mommy niya na minsan na siyang nahulog sa kama. Teka nga, baka nakadagdag iyon sa sakit niya?
Parang gusto niyang sumigaw ng mga sandaling iyon.
Wala sa sariling napatayo siya at iniwan ang doktor. Tinawag pa siya nito pero lumusot lang sa tainga niya. Ayaw na niyang marinig ang mga sasabihin nito. Ganoon din naman, mamatay pa rin siya!
Napasandal si Kana sa upuan ng sasakyan niya nang makapasok. Tumingin sa kanya ang driver niya kapagkuwan.
“Saan ho tayo, Ma’am?”
“Sa bahay,” malungkot niyang sagot.
Hindi alam ni Kana kung gaano katagal siya sa biyahe, basta namalayan na lang niyang pinagbubukas na siya ng pintuan ng driver niyang si Jaztin.
“Ma’am, nandito na ho tayo,” untag sa kanya ng driver niya mula sa labas.
Ilang beses siyang nagpakawala nang buntonghininga bago iginiya ang sarili palabas ng sasakyan.
Agad siyang sinalubong ng kasambahay nila para kunin ang bag niya.
“Si Mommy?”
“Pumunta ho ng Bulacan kasama si Sir.” Tumango siya sa kasambahay. Dumiretso siya sa silid niya at walang sigla na nahiga.
Agad namang lumabas ang kasambahay nila pagkalapag ng bag niya. Nakatingin lang siya sa nilabasan nito. Ni-lock din nito kaya dapat wala na ang tingin niya.
Napapikit si Kana nang maalala na naman ang sinabi ng doktor.
“Mommy, Daddy…” aniya. Namumuo na rin ang luha sa mata niya.
Kailangan niya bang sulitin ang araw na kasama ang magulang? Pero paano? Laging wala ang dalawa sa bahay nila dahil abala ang mga ito.
Mahigit dalawang oras yata ang tulog ni Kana. Nagising siya dahil sa masamang panaginip. Inililibing na raw siya kaya naalarma na naman ang isipan niya.
“Ah!” sigaw niya kapagkuwan. Napaupo pa siya dahil sa sobrang inis. Pati ba naman kasi sa panaginip niya pumasok ang ganoong eksena. Imbes na makapagpahinga ang isip niya, hindi na lang!
Bumangon siya at ilang beses siyang nagpalakad-lakad. Iniisip niya ang magandang gawin sa loob ng ilang buwan.
Napatigil siya mayamaya nang may pumasok sa isipan niya. Mabilis ang naging kilos niya na kinuha ang telepono niya at nag-send ng mensahe sa mga kaibigan niya, maging sa mga bagong kakilala. Dinayal niya rin ang numero ng amang si Atlas. Dahil lahat ng gusto niya ay binibigay nito, agad siyang pinayagan sa gusto niya.
Napangiti siya nang muling nag-send ng mensahe sa mga kaibigan niya kung anong oras sila magkikita sa isang bahay na pag-aari ng ama. Parteng Bulacan din iyon pero strikto ang mga security kaya kailangan talagang alam ng ama.
Pasado alas kuwatro ng hapon nakarating si Kana sa subdibisyon. Nasabi na niya sa guard na darating ang mga kaibigan niya. Itinawag din nito sa may-ari na kaibigan ng Daddy niya at kinumpirma nga nitong pwede siyang magdala ng mga kaibigan sa loob.
Nakatatlong balik yata ang driver niya sa supermarket para bumili ng alak. May dinaanan din itong mga mga kainan at nag-take out na kakainin nilang magkakaibigan.
Yes, isang party ang magaganap ngayong gabi. A memorial gathering? Living funeral? Pre-funeral? Hindi niya alam ang tamang term. Basta nabanggit na iyon dati ng mga kaibigan niya. Ito na ang panahon para makapagpaalam siya sa mga kaibigan niya.
Brilliant idea, right? Kasi naman kapag patay siya, hindi na niya malalaman ang mga saloobin ng mga ito. Maigi na itong buhay pa siya ganapin.
Isang itim na off-shoulder dress na hindi lalagpas ng tuhod ang sinuot niya. May suot din siyang hat na may itim na mesh, na halos nakatakip sa mukha niya. Sa totoo lang, nagmumukha siyang biyuda na dumadanas ng pagluluksa ngayon. Pero wala siyang pakialam sa mga sasabihin ng mga kaibigan niya.
Isa-isa niyang sinalubong ang mga kaibigan nang dumating ang mga ito. Puno nang pagtataka ang mga ito dahil ang theme niya ay black. May mga petals din na itim na sadyang dinaanan niya kanina sa ilang flower shop sa Maynila.
Nang makumpleto at nagkakasiyahan na ang mga kaibigan niya pumuwesto siya sa hagdan ng bagay na iyon. Lahat ng mga ito ay tumingin sa kanya. Bahagyang hinawi pa niya ang mesh ng magarang hat niya.
“I know, nagtataka kayo dahil pinapunta ko kayo ngayon dito. And the reason why I'm wearing this freaking outfit.” Minuwestra pa niya ang kamay niya sa katawan niya. Oh, nakalimutan niyang sabihin, lipstick niya ay black din.
Dinig ni Kana ang iba-ibang reaksyon ng mga dumalo. May mga boses ding nagsasabing sabihin na niya dahil kinakabahan na ang mga ito.
“Baka mamaya, kulto mo pala ito, besh. Tapos illegal pa ang mga ipapagawa mo,” biro ni Francy Lou sa kanya.
“Shut up! Let me finish first kasi.” Nakaramdam na rin kasi siya nang inis dahil sa mga sari-saring binibitawan ng mga bibig ng mga ito.
Nagsitahimik din ang mga kaibigan kapagkuwan.
“I’m dying!” sa wakas ay nasabi na niya. Bahagyang pumiyok pa iyon.
Ang masayang si Francy Lou ay napalis na ang ngiti. Napalitan na nang pagkunot noo ang mukha. Parang hindi ito makapaniwala.
“Ang dami mong ijo-joke, ang mamatay pa talaga?” Ngumisi pa si Francy Lou pero mayamaya ay napalitan ulit nang hagulhol dahil seryoso nga siya. Hindi siya nagmumukhang nagbibiro.
“S-seryoso?” anito nang makabawi.
Malungkot siyang tumango sa kaibigan na ikinalakas na nang pag-iyak nito. Maging ang mga naroon ay nagsimula na ring sabayan ang kaibigan. Napalitan ang kasiyahan sa mga mukha ng mga ito nang kalungkutan. Lahat nakisimpatya sa kanya. Kani-kaniya pa ngang nagbigay ang mga kaibigan at mga kakilala ng mga nakakaiyak na mga mensahe. Kaya napuno nang luha ulit ang bahay na iyon.
“What the hell is happening here?” Lahat sila napatingin sa bagong dating. Ang ama niya na nakakunot ang noo, ganoon din ang ina na nasa tabi nito.
“D-Dad, M-Mom.”
“Kana?” Ang Daddy niya. “Someone called me na parang may mga nag-iiyakan dito. Ilang block lang ang layo dito ng pinuntahan namin kung alam mo lang. May problema ba rito?”
“Bakit parang nag-iiyakan kayo na parang may patay? At bakit ganyan ang suot mo, anak?” Ang Mommy niya naman.
Imbes na sumagot, napahagulhol siya. Nagsunuran ang mga kaibigan niya sa pag-iyak din. Walang may gustong magsalita sa mga ito dahil siya nga ang hinihintay.
Awang ng labi na lang ang nagawa ng mag-asawang Palma. Tumingin si Atlas sa itsura ng anak. Parang may mali talaga, e. Kaya naman tinawag nito ulit ang anak.
“Kana! Ano ba talaga ang nangyayari dito?!” Halata na sa boses ni Atlas ang inis. Parang kulto lang sa paningin nito. Kung ano ang ginagawa ng anak ay siya ring ginagawa ng mga kaibigan nito. Hindi naman ganito ang inaasahan niya nang magpaalam sa kanya ang anak na si Kana sa telepono. Nasa bahay siya ng mga Madrid dahil sa isang party, at may tumawag sa kanya, ang driver ng anak, at sinabi ang mga naririnig na iyakan. Parang may patay raw kasi kung maka-iyak ang mga ito, kaya niyaya niya ang asawa para tingnan.
Samantala, nagtinginan si Francy Lou at Kana. Mukhang hindi na rin alam ni Kana ang sasabihin kaya sinalo na lang ni Francy Lou.
“I-I’m sorry po, Tito. M-may problema po kasi ako. T-tapos gusto akong pasayahin ni Kana kaya heto, naghanda siya ng party para makalimot.”
Matagal na tinitigan ng amang si Atlas ang kaibigan. Kinabahan na si Kana. Mukhang hindi pa niya pala pwedeng sabihin sa ama dahil baka magalit pa ito lalo sa kanya.
“So, party pala ito. Bakit kayo nag-iiyakan?” Tumingin pa ang ama sa mga kaibigan nila.
“Tears of joy po, Tito,” ani ni Cassandra na isa rin sa kaibigan niya.
Napaangat nang kilay ang ama. “Tears of joy, huh.”
“Y-yes, Dad,” aniyang nakangiwi.
“Okay. Maiwan na namin kayo. Pero may isa sana akong hiling.”
“A-ano po ‘yon, Dad?” ani ni Kana sa ama.
“Will you all stop crying? Ang we-weird niyo.”
“S-sure, Dad.” Tumingin siya sa mga kaibigan at sinenyasan na ngumiti. Alanganing ngiti naman ang mga ginawa ng mga ito.
Naiiling na tumalikod ang ama niya. Ang ina niya ay may sinabi sa kanya bago umalis. “Tell me everything pag-uwi sa bahay.”
Pinalitan na lang nila nang kasiyahan ang living memorial na iyon. Nagpakalasing sila.
At hindi pa natapos ang kasiyahan na iyon, lima silang magkakaibigan ay nag-book ng ticket kinabukasan papuntang Malaysia. At doon, nagwalwal sila.
Ang buong akala ng ama ni Kana, mag-tour lang silang lima, hindi. Sinusulit niya ang ilang buwan niya sa mundong ibabaw. Basta naka-set na sa utak niyang ang huling dalawang buwan ay ilalaan niya sa pamilya niya— sa magulang niya.
Nakangiting sumunod siya kay Francy nang igiya siya nito papasok sa isang bar dito sa Malaysia. Nauna na sila Cassandra, Lily at Mera. At hindi niya maiwasang mapataas ng kilay nang makitang may mga katabi na ito. Nakilala niya ang mga ito kalaunan, sundalo rin gaya ng ama niya. Napaisip tuloy siya, ano kaya kung sa isang sundalo niya ibibigay ang matagal nang iniingatang p********e?
Inisa-isa niya ngang tingnan ang mga sundalo na kasama ng mga sandaling iyon. Pero nagtagal iyon sa katabi niya na tahimik lang na umiinom. Nakuha nito ang atensyon niya dahil napakatahimik nito. Mas may ibubuga nga ito sa kasamahan nito dahil sa angking kakisigan nito. Saka ang appeal nito, ang lakas. Napapasiko nga lagi si Francy sa kanya at nginunguso ang katabi niya. Type din yata nito. Pero sorry na lang ang kaibigan dahil type niya rin ang sundalong ito.
“Serrano,” ulit niya sa isipan nang tawagin ito ng katabi nitong madaldal. Ang dami nitong sinabi kay Serrano pero tipid lang kung sumagot ang katabi. Kung hindi oo, pwede, sige lang.
Parang ang boring ni Serrano kasama. Pero ayos lang sa kanya dahil parang binubuhay nito ang interes niya. Ito lang din kasi ang hindi nagpapakita ng interes sa kanya. Kaya siguro binuhay nito ang natutulog niyang interes. At hindi siya makakapayag na walang mangyayari sa kanilang dalawa ngayon. Dapat bago matapos ang gabing ito, magiging kanya na si Serrano! At least, masaya siyang lilisan sa mundong ito!