"Maligayang kaarawan, anak!"
Natutuwang nilapitan ni Jeselle ang kaniyang magulang. Naka-uniform na siya at handa na para pumasok. May exam kasi sila ngayon at hindi siya puwedeng umabsent. Naka-missed na kasi siya ng ilang test at major subject ang kailangang ipasa niya ngayon.
Kaya kahit kaarawan niya, kailangan pa rin niyang pumasok. Sabagay, sabado naman ngayon at maaga ang kanilang uwi.
Una niyang niyakap ang ama na nakaupo sa wheelchair. Nasa salas sila naroroon.
"Salamat, pa. Ayos lang po ba pakiramdam mo? Bakit --?” Bago pa man matapos ni Jeselle ang sasabihin, iniabot na ni Luke ang regalo sa anak.
"Pagpasensiyahan mo na ang nakayanan namin ng mama mo," mahinang saad nito pero sapat para marinig naman ng anak. Nakangiting tumango naman si Shanaya bago hinawakan ang balikat ng asawa.
"Nag-abala pa po kayo."
Nakangiting kinuha naman ni Jeselle ang isang maliit na kahita. Kasing laki lang iyon ng lalagyan ng hikaw o kuwintas kaya. Kulay pink ang balot nito na may ribbon na kulay violet.
Nang magdikit ang kanilang balat ng ama, habang nakatingin siya sa mukha nito, nagulat siya dahil parang may naglitawang mga letra sa ulo nito!
Napaigtad siya dahilan para mabitawan niya ang regalo at lumagpak ito sa sahig. Napaatras din siya nang bahagya habang nakatingin pa rin sa ama. Subalit, wala na ang mga letra kanina. Pumalit ang nalilitong mukha nito habang nagpalipat-lipat ang tingin sa kaniya at sa regalong nasa paanan nito.
"Anong problema anak?" Mabilis namang lumapit si Shanaya sa anak at hinawakan sa magkabilang-balikat ang natutulang anak.
Nalilitong salit-salitan niyang tiningnan ni Jeselle ang magulang.
"Ko-kotse? Kulay lilang kotse?" pabiglang nasambit ni Jeselle. Iyon kasi ang nabasa niya sa mga salitang lumabas sa ulo ng ama:
"Sana magustuhan mo ang lilang kotseng regalo namin..."
Malinaw ang nakasulat. Na parang nagbabasa lang siya ng isang aklat. Pero, bakit biglang nawala? Guni-guni lang ba niya iyon?
Nagkatinginan naman ang mag-asawa.
"Sinabi mo?" halos sabay pa nilang saad.
"Hindi." Pagkapanabay na muling saad ng mga ito. Umiling-iling pa bago nalilitong tumingin muli sa anak.
"Kanino mo nalaman ang tungkol sa kotse? Pati kulay alam mo?" nagdududang saad ni Shanaya.
Saglit na hindi umimik si Jeselle bago ngumiti nang tipid sa magulang.
"Hu-hula lang po." At mabilis na niyang pinulot ang kahita sa lapag. Alanganing inilagay sa bag at mabilis na humalik sa pisngi ng mga magulang.
"Alis na po ako. Late na po ako, e. Kita na lang po tayo mam'ya. Maaga po ang uwi ko." At nagmamadali na siyang lumabas ng bahay.
Nagkakatinginan namang hindi na umimik ang mag-asawa.
Mayamaya, nagkibit-balikat si Luke.
"Baka naman nabanggit mo sa anak mo? Nadulas ka siguro kaya nalaman niya. Surprise sana iyon e," nakangiting saad nito.
Tipid na ngumiti lang si Shanaya at hindi nagkomento. Lumakas nang bahagya ang t***k ng kaniyang puso.
Mali sana ang sapantaha niya.
***
"Hoy! Tulaley lang?"
Napaigtad si Jeselle nang ilapag ni Sandra ang tray sa lamesa. Uwian na pero nag-aya siya saglit sa kaibigan sa canteen. May nais siyang ibahagi. Na kahit sa exam e, gumugulo sa isipan niya.
"A, Sandra... minsan ba ---" Hindi na natuloy ni Jeselle ang sasabihin dahil biglang tumabi sa kaniya si Junnie. May inilapag din ito sa harapan niya.
"Hello, Jeselle. Happy birthday! Eto o, may regalo a—si Calvin. Pinaabot na lang niya kasi may lakad siya ngayon."
Tiningnan niya lang ang regalo at hindi inabot. Walang reaksiyong tiningnan niya rin si Junnie pati ang mga alipores na nasa tabi lang nito.
Umismid si Junnie at tumayo. Bigla na lang nitong kinuha ang kanang kamay niya at inilapag sa hindi kalakihang box. Kasing-laki lang ata ito ng kahon ng sapatos at nababalutan ng puting pambalot. May ribbon na kulay pink.
Nanatiling hawak nito ang kamay niya bago naiiritang tumingin sa kaniya at nagsalita.
"Kunin mo na, arte mo!"
Hindi sa paraan nang paghawak ng kamay at pagsasalita nito nang matalim siya nagulat. Kung hindi sa mga salitang nakita na naman niyang naglitawan sa ulo ni Junnie.
"Punyeta kang babae ka! Magustuhan mo sana ang regalo kong patay na pusa!"
Gulat na napatayo si Jeselle at basta na lang kinuha ang kahon at inihagis sa nagulat na si Junnie. Tinamaan ito sa tiyan at galit na susugurin sana siya, buti na lang at napigilan ni Sandra na agad na nakalapit sa bakla.
"Gaga ka talaga! Ikaw na nga ang binibigyan ng regalo, ikaw pang -- kakalbuhin kita!" At pilit nitong inaabot si Jeselle na galit na ring nakatingin kay Junnie. Nanatili namang nakaharang sa gitna si Sandra. Pinagtitinginan na rin sila nang mga estudyanteng naroon. Buti na lang at kaunti lang ang nasa canteen ng mga oras na iyon.
"Sa 'yo na 'yang patay na pusa mo! Hindi ko kailangan iyan!" At basta na lang niyang hinablot ang bag at umalis. Nalilitong sumunod namang kinuha na rin ni Sandra ang mga gamit niya at hinabol ang kaibigan.
Naguguluhang nagkatinginan naman ang tatlo. Bago nanlilisik na tiningnan ni Junnie ang dalawa.
"Sino sa inyo ang nagsabi kay Jeselle? Tayong tatlo lang ang nakakalam no'n?" mahinang saad niya pero madiin ang mga salita para umamin ang sino mang ang nagtraydor sa kaniya.
Napaatras namang umiling-iling pa ang dalawa.
"Junnie naman. Bakit namin sasabihin sa kaniya, close ba kami?" nakaismid na sabi ni Fushia.
"E, sino nga!" naiirita nang sigaw nito. Wala na siyang pakialam marinig man sila ng lahat. Basta naiinis siya dahil palpak ang plano niya!
"Lalong hindi ako. Baka naman may nakaalam sa gagawin natin. Kaya ayon, sinabi sa bruha." biglang saad naman ni Rey.
Naguguluhang napatingin pa sila sa regalong nasa lapag.
"Ang waley naman kasi ng ginawa mo? Patay na pusa talaga?" nakaismid na saad muli ni Rey. Natakot siya nang bahagya dahil binalingan siya nang matalim na tingin ng kaibigan.
"Gaga! Umpisa pa lang iyan. Wala pa tayo sa main course!"
Pero sino nga kaya ang nakakabuwiset na nagsabi?
jhavril---