"Buwiset! Buwiset talaga sa buhay ko ang babaeng pangit na 'yan!"
Nakakuyom pa ang mga kamao ni Junnie habang nakatingin kay Jeselle. Kausap na naman kasi nito ang kaniyang mahal. Hindi siya makakapayag na sa tagal niyang inaalagaan ito ay sa babaeng ito lang siya mapupunta!
"Hay naku, Junnie. E, hanggang salita ka lang naman. O, tingnan mo, ang sweet at bagay na bagay pa sila. Maganda at – aray naman!" Hindi naituloy ni Fushia ang sasabihin dahil bigla siyang binatukan ni Junnie. Pinandilatan naman siya ni Rey, isa ring beki, mapayat ito at sobrang laki ng mata. Makakapal ang kanilang make-up at cross-dresser din sila. Okay lang naman sa pamunuan ng eskuwelahan ang ganoon. Huwag lang silang gagawa nang ikasasakit ng iba. Pero sa naiisip ni Junnie, mukhang lalabag na silang tuluyan sa batas ng eskuwelahan. Lalo pa at nakikita niyang tuluyang nagkakaigihan ang dalawang ito.
"Bukas na bukas din ay gagawin na natin ang plano! Kairita kang babae ka! Lez see kung anong magagawa mo sa gagawin ko." Naniningkit pa ang mga mata nito sa pagtingin sa dalawa na ngayon ay paalis na.
"E, ano ba talagang balak mo?" nakataas ang kilay na sabi ni Fushia. Tiningnan lang siya ni Junnie at nakangising ibalik muli ang paningin sa puwesto kanina ng babaeng kinaiinisan. Subalit wala ng tao roon, pero lumawak pa rin ang kaniyang ngiti.
Sigurado kasi siyang magtatagumpay siya!
***
"Sandra! Sandra!"
Napalingon si Sandra sa tumatawag sa kaniya. Nais man niyang bilisan ang lakad ay hindi na niya nagawa. Tuluyan na kasing nakalapit si Krizzel. Pilit na ngiti ang ibinigay niya rito.
"Ahm... kasi 'di ba malapit na iyong Valentine Ball? Baka puwedeng..." hinihingal pa itong nagsalita sa kaniya. Pilit na ngiti rin ang nakapaskil sa kaniyang labi.
"A, Krizzel kasi, alam mo namang... hindi ako umaatend sa mga... ganiyan," medyo nakangiwi nang sabi ni Sandra.
"Baka lang kasi magbago ang isip mo... dito lang..." alanganing sabi pa nito. Hindi ito makatingin nang diretso kay Sandra.
"Pasensiya na Krizzel, pero kasi... kahit naman umatend ako... hindi pa rin kita puwedeng... alam mo na... maging date? At alam mo kung bakit..." marahan at magandang salita ang kaniyang pinili para hindi ito masaktan sa kaniyang mga sinasabi.
Matagal ng may gusto sa kaniya ang tomboy na si Krizzel. Classmate niya ito no'ng third year high school sila at fourth year. Isa ito sa mga dahilan kung bakit lumipat siya ng eskuwelahan dahil hanggang sa college e, sinundan siya nito. At nagulat na lang siya dahil pati rito sa bago niyang nilipatan e, narito na rin iyon.
Hindi naman niya ito masabihan dahil wala naman itong ginagawang masama sa kaniya. Sa katunayan, napakabait nito. Magkaiba sila ng course kaya kapag ganitong free time o ganitong di-sinasadyang nagkita sila, saka lang ito lumalapit. Kahit minsan din naman ay hindi ito pumunta sa room niya.
Tinapat na nga niya ito na wala itong mahihita sa kaniya. Hindi dahil sa babae ito kung hindi dahil wala pa siyang panahon sa mga bagay na gaya nito. Nais niyang makatapos muna ng pag-aaral. Ito kasi ang pangako niya sa kaniyang magulang.
Hindi nakaimik si Krizzel. Hindi niya alam kung bakit sa dami nang nakakasalamuha niyang babae e, si Sandra pa ang nagustuhan niya. Na simula pa lang naman, inamin na hindi siya nito kayang patulan.
"Sige," tipid na paalam ni Sandra bago tumalikod at dumiretso ng canteen.
Naiwang malungkot na tinanaw na lang ni Krizzel ang palayong si Sandra. Kasalanan bang ipinanganak siyang babae na may pusong lalaki? Sino ba kasing nagpatupad ng ang babae at para lang sa lalaki at vice versa? Kahit pa tanggap na sa lipunan ang mga katulad nilang nabibilang sa third s*x ay mas marami pa rin ang naku-question kung bakit sila ganito.
"Hi Krizzel!"
Nalingunan ni Krizzel si Apple, nakangiti at halatang nagpapa-cute sa kaniya. Kahit naman isa siyang tomboy, hindi naman malalaman agad hanggat hindi niya sinasabi o may nakakakilala sa kaniya gaya ni Sandra.
Mukha siyang lalaki sa damitan lang pati sa pagkilos. At mas guwapo pa nga siya sa mga lalaking nasa eskuwelahang iyon. Nang mag-transfer si Sandra, sinundan niya ito. Stalker na kung stalker, pero kasi mahal niya talaga ang dalaga. At iyon nga, kung hindi niya babanggitin ang pangalan, hindi nila malalamang babae siya. Pero marami pa rin naman ang nahuhumaling sa kaniya, gaya nitong si Apple. Maganda at seksi rin naman. Kung sana ay si Sandra na lang ito.
"Yes?" Inayos niya ang backpack sa pagkakasukbit.
"Lunch tayo?" Iiling sana si Krizzel, kaso naaalala niyang nasa canteen nga pala si Sandra.
"Sige, tara sa canteen."
Nauna na siyang maglakad sa babae. Subalit, mabilis itong umagapay sa kaniya at umangkala pa sa braso niya. Pilit na ngiti na lang ang naiganti niya at walang imik na sumabay rito.
jhavril---