PROLOGUE
"Torikara, anak huwag kang masiyadong lalayo at baka mawala ka."
Inayos pa ni Bella ang damit ng dalawang taong gulang na anak bago binilinan si Ran, anak ni Mugsy pitong taong gulang na bantayan saglit ang anak. May gaganaping pagtitipon sa kuweba ng mga ninunong dayo. May paramdam daw na panibagong nakaambang panganib kaya kailangan nilang maghanda. Pinaiwan ang lahat ng mga bata sa palaruan para hindi makagulo pa.
Hinalikan naman ni Tamak ang anak bago inakbayan ang asawa. Kahit paano ay nakakalakad na si Torikara kaya naggagawa na rin nitong makipaglaro. Subalit, dahil masiyadong nawili rin ang batang si Ran sa paglalaro, hindi na niya namalayan na nakalayo na pala ito. Tuwang-tuwang hinabol ni Torikara ang isang itim na paru-paro hanggang makarating siya sa hugpungan ng mga nakalimutang dayo.
Sila ang mga masasamang dayo na ayaw maging mabuti. Inilagak sila sa isang kuweba na kung saan na tanging mga mortal lang ang maaaring makapagbukas ng pinto. At dahil bihira ang mga mortal na nakakarating sa kanila panatag silang walang maaaring makapagbukas nito.
Humahagikgik pa ang batang si Torikara habang sinusundan ang itim na paru-paro. Mayamaya pa ay dumapo ito sa pintuan ng kuweba. Sabik na hahawakan sana ito ng bata nang bigla itong madapa. Sumubsob siya sa pintuan na agad namang napuno ng liwanag.
Mga tawa ng tagumpay ang maririnig sa paligid. Mga nakakatakot na sigawan at halinghing na sinabayan ng isang palahaw ng bata.
Isang nakaitim na babae ang lumabas, kasunod ang anim pang masasamang dayo na pulos mga nakaitim din. Agad na kinarga ng babaeng kulay asul ang buhok si Torikara. Siya ang pang-apat sa mga ninunong dayo. At dahil itinakwil siya ng mga ito, hindi na siya kabilang sa kanila. At ngayong nakalaya na siya, simula na ng paghihiganti.
"Salamat sa 'yo." Napansin nito ang pendant na suot ng bata. "Torikara..." basa niya sa pangalang nakasabit dito. "A, kalahating mortal at kalahating dayo ka pala. Magaling, simula ngayon, akin ka na."
Mayroong tatlong bituin sa may kanang leeg ang bata, simbulo na kalahating dayo lang ito.
At isang malakas na tawa ang pinakawalan nito na sinundan ng anim pang alipores niya. Tuwang-tuwang sila kahit pa iyak nang iyak ang batang si Torikara.
jhavril---