Sa mahiwagang lugar ng mga itinakwil na dayo...
"Bakit ka nakangiti, ina?"
Nakahalukipkip na tiningnan nang mataman ni Torikara ang ina na nakaupo sa trono nito. Lumingon ito sa kaniya at bumaba. Napaigtad pa siya nang biglang tumawa ito nang malakas. Mahigpit pa siya nitong inakbayan.
"Malapit na kasi ang ika-labing walong taon mo at masayang-masaya ako dahil doon." At humalakhak na naman ito nang malakas. Dahil nakakabasa ng isip si Tamara kaya nalaman niya kung kailan ang kaarawan nito.
Kalahating dayo lang ito kaya kailangan pa munang hawakan ni Torikara ang sinumang gusto nitong mabasa ang iniisip. Kaya rin nitong magtupad nang kahilingan pero kailangan muna niyang umabot sa ika-labing walong taong gulang. Pero limitado lang iyon.
Naituro na niya ang lahat ng iyon dito.
Napangiti naman si Torikara sa tinuran ng ina. Bata pa lang siya nang iminulat na siya nito sa mga kaaway. Ang mga dayong nasa kabilang lugar kung saan daw sila ay itinakwil. Siya raw ang tanging pag-asa upang makapaghiganti sa mga ito. Pagsapit ng takdang araw at iyon ay sa makalawa na.
Ayaw niyang nakikitang umiiyak o nasasaktan ito. Kaya kailangang magbayad ang mga umapi sa kaniyang ina.
Sabay pa silang napahalakhak nang maisip ang kanilang planong paghihiganti.
***
"Mahal, okay ka lang?" mabilis na pinahid ni Bella ang luhang tumulo sa pisngi at pilit na ngumiti sa palapit na asawa. Umiling siya nang marahan bago ibinalik ang paningin sa palaruan. Ang lugar kung saan nawala ang kaniyang pinakamamahal na anak.
"Wala. Naisip ko na naman si Torikara. Kaarawan na niya sa makalawa at hanggang ngayon hindi natin alam kung buhay pa ba siya o patay na." impit na napaiyak ito na agad namang niyakap ni Tamak.
Kasabay nang pagkawala ng kanilang anak ay pagkawala rin ng mga itinakwil na dayo. Nataranta sila dahil masama ang mangyayari sa kanila, sa kanilang lahat. Hinanap nila si Torikara at pati na rin sila Tamara, ang ika-apat na ninunong dayo. Subalit, nabigo silang makita ang mga ito. Maraming haka-haka na kaya hindi makita si Torikara ay dahil nakuha na ito ni Tamara at pinatay ang kawawang bata.
Ayaw nilang isipin na sa ganoon hahantong ang kasamaan ni Tamara, pero bakit hanggang ngayon ay hindi makita ang kanilang anak? Pati sila Tamara ay hindi kumilos para gantihan sila?
"Nalulungkot akong nakikita kang ganiyan. Pero ginagawa naman natin ang lahat 'di ba? Kahit pa pagsama-samahin ang kapangyarihan nating lahat sampu rin ng mga ninunong dayo ay bigo tayo. Hindi natin malaman kung saan na ba talaga napunta si Torikara." Napabuntong-hininga pa si Tamak bago pilit na ngumiti sa asawa.
"Si... Shanaya kaya? Tingin mo, may magagawa siya?" alanganing tanong ni Bella kay Tamak. Nakunot-noo namang bumaling ang lalaking dayo sa asawa.
"Ano ang kay Shanaya?"
"Isa pa rin siyang dayo. Kahit pa tuluyan na kaming pinagpalit ng kapalaran, mananatili pa rin siyang purong dayo. Baka may magawa siya kung uuwi siya at..." Lahat ng puwedeng gawin alang-alang na makita ang anak ay gagawin niya.
"Mortal na si Shanaya. At sa loob ng halos labing anim na taon hindi na siya muling bumalik dito. At alam kong tinalikuran na niyang tuluyan ang pagiging dayo. Wala siyang magagawa." Inihilig ni Tamak ang ulo ng asawa sa kaniyang balikat. Naiintindihan niya ang nararamdaman nito. Kahit siya, kahit ang pinakaimposibleng bagay ay kaniyang gagawin malaman lang nila ang nangyari sa kanilang nag-iisang anak.
"May nabasa kasi akong puwedeng makatulong sana...pero kung wala na ngang pakialam si Shanaya sa atin, malamang nga hindi puwede." Marahang tumango si Tamak at pinunasang muli ang tumulong luha sa mata ng kabiyak.
***
"Anak, malapit na pala ang kaarawan mo. Anong gusto mong gawin natin?" nakangiting humalik sa pisngi si Jeselle sa ama. Nakauwi na ito at parang walang anumang sakit. Nagbabasa ito ng diyaryo habang nasa terasa nang lapitan niya. Kalbo na rin ito pero nakakakilos naman kahit paano. Medyo, kailangan nga lang na laging nakabalot ang katawan nito dahil nagiging lamigin na. Gaya ngayon kahit pa katirikan ng araw.
"Pa, okay lang ako kahit walang party. Kayo, kamusta ang pakiramdam ninyo? Dito ka na naman sa maarawan." Akmang ibabalik ni Jeselle sa loob ng kuwarto ang wheelchair ng ama nang pigilan siya nito.
"Gusto ko rito , anak. Pasensiya ka na sa papa, ha? Hindi na ata kita maisasayaw sa debut mo." Pilit na pinipigilan ni Jeselle ang mapaluha. Saglit pa siyang tumingala para hindi matuloy iyon. Ayaw niyang makita ng ama ang kahinaan niya.
"Ano ka ba, pa? Magsasayaw tayo. Kaya niyo pa 'yan. Pero ang gusto ko, tayo-tayo lang sa kaarawan ko. Walang malaking handaan dahil hindi na naman kailangan iyon. Ang mahalaga ay kayo ni mama." niyakap niya ang ama mula sa gilid nito. Hindi na muna siya papasok. Nais niyang alagaan ang pinakamamahal na ama.
Malungkot namang pinahid ni Shanaya ang luha nang masaksihan ang kaniyang mag-ama. Awang -awa siya sa kalagayan ng mga ito. Hindi na niya tinangkang magpakita dahil moment nila ito.
Kung maaari nga lang na humiling na siya sa mahiwagang dayo. Pero, ayaw na niyang bumalik doon. Masaya na siya sa pagiging mortal. Alam niya kasi ang kapalit oras na hilingin niya ang paggaling ng asawa.
Ang muling maging dayo at kalimutan ang pagiging mortal.
jhavril---