ISANG malaking pangarap para sa mga kababaihan ang maikasal sa simbahan at maikasal sa lalaking mahal na mahal nila. Pero sa akin ay isang bangungot ang kasalang ito. Parang dumidikit ang paa ko sa pulang carpet na nilalakaran ko ngayon dito sa simbahan. Suot ang napaka-ganda at napaka-mahal na wedding gown habang hawak sa aking dalawang kamay ang bouquet ng bulaklak. Nanginginig ang mga tuhod ko habang humahakbang. Kinikilabutan rin ako sa matatalim na titig ni William sa unahan. Samantala, sina madam Thelma at sir Willie ay matamis na nakangiti sa akin. Kumikinang ang mga mata ni Madam Thelma na hindi mo aakalain na may malubha siyang karamdaman. Oo, may karamdaman siya. Inamin niya ito sa akin kinabukasan ng tangkain ko ulit na umatras sa kasal dahil sa utos ni William. May isa rin siyang kahilingan sa 'kin na hindi ko alam kung magagawa ko ba. Hindi ko siya natanggihan dahil na rin sa awa na naramdaman ko. Hindi ko lang talaga maintindihan kung bakit ang isang tulad ko pa ang napili niyang ipakasal sa kanila anak. Tinanong ko rin 'yun sa ginang, ngunit ang sagot niya lamang ay malalaman ko rin daw sa tamang panahon.
Sa wakas ay nakarating rin ako sa altar. Sinalubong ako ng yakap nina Madam Thelma at sir Willie. Lumingon naman ako sa kinauupuan nila nanay. Nakangati sila ng peke sa akin p'wera na lang si ate na halatang masaya para sa akin. Kahit pa alam naman niyang napipilitan lang ako sa kasal na ito.
"You wait me too long. Nag-enjoy ka ba sa paglalakad? huh?" galit na tanong ni William. Mahigpit niya ng hawak braso ko ngayon habang kunwari'y inaalalayan niya ako palapit sa altar kung saan naghihintay ang pari.
"B-Bakit naman kasi ang lawak ng simbahan na 'to? Sa tingin mo ba sanay ako magsuot ng heels?" reklamo ko. Pinukulan niya ako ng nagbabagang tingin.
"Ginusto mo 'yan... kaya magdusa ka!" aniya.
Tumagal rin ng halos isang oras ang seremonya ng kasal. Matagal rin pala. Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi ng pari. Ano daw? Kiss the bride? Mabilis akong lumingon kay William. Nagtama ang mga mata namin.
"Why? Do you ever think na hahalikan kita? No way!" aniya na tila nandidiri. Sakit n'un ah! Hindi rin naman kita gustong halikan. Aniko pero hindi ko na lang isinatinig pa. Baka mas lalo pang mag-init ang kanyang ulo. Naghiyawan na ang mga tao sa simbahan.
"Kiss!" Kanya-kanya nang hiyawan. Nag-init ang mukha ko. Pakiramdam ko'y pulang-pula na ito. Akala ba nila nagmamahalan kaming dalawa? Kung makahiyaw naman sila. Pero tila gumuho ang paligid nang dumampi ang mga labi ni William sa pisngi ko at sinabayan pa iyon ng malakas na palakpakan. Dampi lang iyon pero ramdam ko ang init niyon na nagmula sa kaniyang hininga. Tulala ko siyang binalingan.
"Para tumigil na sila," sabi niya lang at humarap ulit sa pari. Hindi pa rin ako maka-move on sa ginawa niyang paghalik sa pisngi ko. Tapos na ang seremonyas pero tulala pa rin ako.
"Wala ka bang balak na gumising?" Natauhan ako nang magsalita si William sa tabi ko.
"S-Sorry."
"Tss. Bilisan mo ng maglakad, p'wede ba?" pagsusungit niya at mas binilisan pa niya ang paglalakad. Hawak niya ang kamay ko kaya naman napapasunod ako sa paglalakad niya. Halos madapa-dapa na ako sa paraan ng paghila niya. Pasimple niya akong kinakaladkad. Alam naman niyang mataas ang takong sa sandals ko at hindi ako sanay mag-suot ng ganitong kataas.
"S-Sandali lang naman. Masakit na mga paa ko," reklamo ko sa kanya.
"Kung ayaw mong mapahiya dito, bilisan mo ng maglakad. Maraming oras na ang nasayang ng dahil sa kasalan na 'to," mariin niyang sambit at muli akong hinila. Huminto lang siya ng salubungin kami nila mdam Thelma. Nasa likuran naman nila ay sina nanay.
"Congrats to the both of you," bati ng ginang at hinawakan niya ang dalawa kong kamay.
"S-Salamat po, madam," nahihiya kong sagot. Natawa naman ang ginang, gayon din si sir Willie.
"Mama na lang ang itawag mo sa akin at papa naman ang sa kanya," aniya at tinuro si Sir William sa kanyang tabi. "Asawa ka na ng anak namin kaya simula ngayon ay anak ka na rin namin."
"O-Okay po, m-mama."
"Sounds great!" masayang sambit ni mama Thelma. Nakakailang man pero masasanay rin ako. Kailangan ko ng sanayin ang mga bagong kaganapan sa aking buhay. Tulad na lamang ang buhay may asawa. Malaking adjustment ito para sa akin.
"Tara na sa reception," aya na ng ginang. Hanggang ngayon ay hawak niya pa rin ang mga kamay ko. Binitawan niya lang ng sumingit si nanay. Binati nila ako ni tatay at may dramang pahalik-halik pa! Si ate lang ang niyakap ko ng mahigpit, dahil sa kanilang tatlo.. si ate lang ang tunay na may malasakit sa akin at tunay na nagmamahal sa akin. Mami-miss ko siya ng sobra-sobra. 'Di bale bibisitahin ko na lang siya.
"Congrats, sister!" masigla niyang bati. Pilit ko siyang nginitian.
"'Pag sinaktan ka ng lalaking 'yan, isumbong mo kaagad sa akin!" bulong niya pa. Natawa ako sa sinabi niyang iyon.
"Kaya ko na sarili ko ate."
Ang kasal na iyon ang pinakamasamang nangyari sa aking buhay. Na hanggang ngayon ay pinagdudusahan ko pa rin. Hindi naman niya ako trinato bilang asawa. Itinuring niya akong katulong dito sa mala-palasyo niyang bahay, na bigay pa sa amin ng kanyang ama at ina. Kumusta na kaya sila? Isang buwan na rin ang nakakalipas magmula nang nagpunta kami sa hacienda. Nami-miss ko na si mama Thelma. Sa unang buwan naming mag-asawa'y, d'on kami nanirahan sa hacienda, kaya naman napalapit ang loob namin sa isa't-isa ni Mama Thelma. Dahil sa kaniya'y naramdaman ko ang pagmamahal ng isang ina na kahit kailan ay hindi ko naramdaman kay nanay. Gabi na naman at nandito kami sa kusina upang ipaghanda si sir William ng kanyang hapunan. Nagluto lang kami ni Nana ng ginataang alimango na paborito niya. Sigurado akong ubos ang kanin nito sa kanya mamaya. Malakas siya kumain pero iisipin mo kung saan niya iyon dinadala dahil sa kisig ng katawan niya. Kahit na napaka-sungit niya sa akin ay hindi ko pa rin maiwasan ang mapahanga sa angking ka-gwapuhan niya. Kahit naman sino ay mamangha sa kanya. Makita ko lang ang kanyang katawan ay nakikita ko sa kanya ang paborito kong artista na si Jericho Rosales. Maging ang kulay ng katawan niya'y kapareho sa kanya. Samantala ang mukha naman niya'y napaka-amo. Ang mga mata niya'y mapupungay, pinaresan ng mahabang pilik mata at makapal na kilay. At ang labi niya'y kasing pula ng rosas.
"Hoy, tulala ka na naman!" panggugulat sa akin ni Nana. Nakaramdam ako ng hiya sa isipin na pinagpapantasyahan ko si sir William. Kahit pa hindi alam ni Nana kung sino ang nasa isip ko.
"M-May naalala lang po kasi ako," nauutal kong sabi.
"Ohh, mag-alas nuwebe na pala pero wala pa ang asawa mo," pagkuwan ay banggit ni Nana na may halong pang-aasar. Kay sarap pakinggan pero nakakasuka para kay sir William. Napatingin na rin ako sa orasan na nakasabit sa itaas ng kabinet dito sa dining. Oo nga alas nuwebe na pero wala pa rin si Sir William. Nakita ko ang paghikab ni Nana at bakas na sa mukha niya ang matinding pagod at antok.
"Nana, ako na lang po ang maghihintay kay sir William. P'wede ka na pong matulog,"
"Ayos lang ba sa'yo, Kristelle?" naninigurado niyang tanong. Mabilis akong tumango sa kanya.
"Oh, sige mauna na akong matulog. Ikaw na ang bahala dito. I-ref mo na lang ang ulam kung may matitira pa. Ang mga ilaw patayin mo," habilin niya.
"Opo, nana." Tumalikod na siya at dumiretso na sa aming silid.
Hanggang sumapit ang alas onse ng gabi ay walang dumating na William. Saan naman kaya siya nagpunta? tanong ko sa sarili.
Mabilis akong napatayo nang makarinig ng ugong ng sasakyan. Mabilis akong nagtungo sa pinto at sinilip kung si sir Wiliiam na ba iyon. At hindi nga ako nagkamali. Si sir Wiliam iyon at pagewang-gewang kung maglakad. Teka, lasing siya? Patakbo akong lumapit sa kanya ng muntik na siyang mapasubsob. Mabilis kong kinuha ang kamay niya at sisinabit iyon sa aking balikat. Inalalayan ko siyag tumayo ng maayos.
"B-Bitawan mo ako babae!" singhal niya. Tinulak niya ako sanhi ng pagkakatumba ko sa damuhan. Mabuti na lang at damo ang binagsakan ko kaya hindi masyadong masakit. Tumayo na ako at nagpagpag ng sarili.
"T-Tutulungan na kitang makapasok sa loob," aniko. Kapag ganito na katalim ang kanyang titig ay nakakaramdam agad ako ng matinding takot.
"No need. Just get out of my sight!"
Napaatras ako ng mas lalo 'pang lumakas ang kanyang sigaw. Huminga ako ng malalim at nag-ipon ng lakas loob.
"Bakit ba ayaw mong makinig? Tutulungan lang naman kita. Ano'ng masama d'on?" sigaw ko.
"I don't want your dirty hand to touch me!" sigaw niya.
"Maligo ka na lang, problema ba 'yon? Tara na, ihahatid na kita sa kwarto mo," aya ko at muli kong hinawakan ang matipuno niyang braso. Hindi naman na siya kumontra pa. marahil ay hindi na rin niya kaya ang makipagtalo pa dahil sa sobrang kalasingan.