SHANE
Nasa tapat ako ng isang pawnshop, nag-iisip kung isasanla ko ba ang kuwintas ko o magwi-withdraw. Naisip kong baka matunton ng magaling na kapatid kong hilaw ang lokasyon ko oras na mag-withdraw ako sa banko. Posibleng pinababantayan na niya sa mga bayarang tauhan niya ang pagkilos ng pera ko, lalo na't gamit ko ang corporate accounts ko. Pati mga credit cards ko ay provided ng kumpanya. Hindi na ako magtataka kung may bayaran din iyon sa banko para manmanan ang accounts ko. May personal account ako pero hindi sapat ang laman. Hindi ko naman kasi masyadong nilalagayan iyon dahil may savings account ako na in-open din nina Lolo para sa akin. Kailangang makaisip ako ng paraan para mailipat ang laman niyon sa personal account ko na hindi alam ni George.
Sinipat ko ang oras sa wrist watch ko. Six o'clock pa lang ng umaga. Mabuti at may bukas na pawn shop ng twenty-four hours.
Napahalukipkip ako saka muling nag-isip. "Bahala na." Lumapit na ako sa pinto, saktong naroon ang guwardya kaya pinagbuksan ako nito. Kailangan ko nang magsanla ng mga alahas ko.
"Magandang araw," bati nito sa akin pero tila wala sa loob ang pagbati. Tipong nakasanayan na lang dahil sa araw-araw na pagsasabi nito ng magandang araw sa lahat ng customer. Mukhang kaedad ko lang ang guwardya at may itsura, pero sigurado akong mas gwapo ako sa kaniya.
Hinayaan ko na lang siya. Dumiretso na ako sa window one para magtanong. "Miss, magkano ang appraisal nito?" Mabuti at mag-isa lang ako kaya ako agad ang maaasikaso. Iniabot ko sa butas sa baba ng glass window ang kuwintas na nabili ko pa sa Dubai. Makapal ito at mabigat kaya tiyak kong sasapat ang sanla ng kuwintas para sa panggastos ko habang wala pa si Mama at Papa. Inilagay ko rin ang relos ko para ma-appraise ng babae.
"Titingnan ko po, Sir." Kinuha nito ang kuwintas at relos saka sinimulang suriin ang mga ito. Ilang saglit ang lumipas bago ito tumayo at lumapit sa window. "Two hundred seventy five thousand po ang kuwintas, Sir. Sagad na 'yon. Ang relos po ay two hundred thousand. Sagad na rin ho."
Napaisip ako. Pwede na pansamantala. "Sige, kukunin ko na."
Inabutan ako ng dalawang forms para sulatan ng information ko. Napahinto ako dahil hindi ko maaaring gamitin ang pangalan ko. "Miss, okay lang ba kung ipapangalan ko ito as uncle ko? Siya rin naman ang tutubos ng mga ito."
"Ayos lang naman," tugon ng empleyado ng sanglaan. "Magdala lang ng valid ID ang uncle n'yo sa pagtubos."
"Sige, salamat." Sinumulan ko nang sulatan ang form, saka pinirmahan. Pangalan ni Mang Dado ang inilagay ko. Iniabot ko sa empleyado ang form.
"Maupo muna kayo, i-log ko lang sa system ito," sambit nito.
Naupo ako sa long bench na provided ng pawnshop sa mga kliyente. Ilang saglit akong naghintay bago ako muling tinawag ng babae. "Sir, pakipirmahan lang ho dito."
Pumirma ako sa log book nila. Nanghingi sila ng contact number ni Mang Dado. Iniabot ko agad ang log book pagkatapos. Inilabas na ng babae ang pera at nagbilang sa harap ko.
"Two hundred sixty four thousand po ang natira, awas na ang interest. One hundred ninety two thousand naman ho sa relos." Isinuksok nito ang dalawang bungkos ng perang nakatali ng goma sa butas sa baba ng glass window.
"Thank you, Miss." Kinuha ko ang pera saka isinuksok sa backpack ko. Napansin kong ngumisi ang gwardya pero saglit lang iyon.
Pinalagpas ko na lang dahil wala akong panahon sa kaniya. Lumabas na ako ng pawnshop saka binaybay ang daan patungo sa GDC Building. Hindi ako magpapakita, sisilipin ko lang kung ano ang ginagawa ni George bilang "acting CEO" habang wala ako. Matagal na niyang pinapangarap ang posisyon ko na hindi maipagkatiwala ni Papa sa kaniya. Nag-abang ako sa tapat ng building; nagtiyagang maghintay sakaling dumating ang isang iyon.
Saglit lang ang paghihintay ko. Dumating ang magarang sasakyan at pumarada sa tapat ng entrance ng building. Gusto kong sugurin ang walanghiya dahil ang paboritong kotse ko pa talaga ang ginamit niya. Nagtago ako sa likod ng hamba ng building saka sumilip. Nakita kong bumaba sa kotse si George kasunod ang alalay nitong todo ang balot sa katawan, may hand gloves pa. Naglabas ito ng alcohol bottle spray at winisikan ang kamay ni George. "Sagad talaga sa kaartehan ang isang 'yon."
Taas-noong pumasok ang lalaki sa building kahit nakasuot pa ang shades nito. "Mataas pa rin ba ang araw sa loob ng building?" Napailing ako. "Nuknukan sa yabang, kaartehan at kasakiman talaga ang isang 'yon, binabagayan din ng mukha ang ugali misan.."
Ilang saglit din akong nag-isip ng plano kong gawin, kung papasok ba ako sa loob o hindi, pero tiyak na makikilala ako ng building staff.
Papatalikod na sana ako nang mamataan ko ang nakaingos na babae habang nagpapagpag ng puwitan at naglalakad palabas ng building. Mabigat ang mga hakbang nito habang tila bumubulong-bulong sa hangin. "Gastadora? Anong ginagawa niya rito?"
Sinundan ko ng tingin ang anak ng landlady ng boarding house. Papadyak pa rin ang mga hakbang nito na tila masama ang araw. Palihim akong sumunod sa kaniya. "Sa GDC Bilding siya nag-oopisina?"
Hindi ako pansin nito habang nakasunod sa kaniya. Bitbit niya ang shoulder bag habang diretsong naglalakad sa sidewalk ng kalsada patungo sa lokasyon ng mga kainan at retail shop. Simple lang ang lakad nito sa suot na off-shoulder na pink blouse at black skinny jeans. May kataasan ang takong ng sapatos niya kaya't ang bawat hakbang nito ay may pilantik sa balakang.
"Maganda ang hubog ng katawan pala nito," bulong ko sa sarili. Ipinilig ko ang ulo ko dahil sa naiisip ko. Wala sa oras ang paghanga sa kaniya, pero hindi ko maialis ang tingin ko sa kaniya kahit likod lang niya ang nakikita ko. Lumakas ang ihip ng hangin at nilipad ang alon-alon nitong buhok. Pakiramdam ko ay nanonood ako ng pelikula sa sinehan hang pinagmamasdan ang bidang babae na nililipad ang buhok habang slow motion. Nanuot din sa ilong ko ang pabango nito na naiwan sa hangin. Naramdaman ko ang kabog ng dibdib ko; saglit lang iyon kaya binalewala ko na lang. Patuloy ko siyang sinundan hanggang sa pumasok siya sa isang coffee shop. Naghintay ako saglit sa labas bago pumasok. Isinuot ko ang black face mask ko para siguradong hindi niya ako mapansin.
Nakatapos siya sa pag-order; bitbit ang tray, gumala ang paningin nito sa loob ng coffee shop. Nakahanap ng magandang pwesto sa medyo sulok at nagtungo roon. Marahan na inilapag ang tray saka umayos ng upo.
Um-order na rin ako ng iinumin ko sa counter at naghintay saglit bago ko nakuha ang frappe. Humanap din ako ng puwesto kung saan kita ko pa rin siya. sa kabilang dulo ako ng restaurant at tanaw ko pa rin siya. Nakatagilid siya sa gawi ko. Nagkaroon ako ng interest na makipagbati sa kaniya para sa pag-espiya sa building. "Kung suswertehin nga naman. Kailangan ko lang magpakabait sa kaniya. Hindi ako paghihinalaan n George dahil hindi niya alam na magkakilala kami."
Naagaw ang atensyon ko ng lalaking kapapasok lang ng coffee shop. Napakunot ang noo ko dahil tanda ko siya. Siya iyong gwardya sa pawn shop. Kakaiba lang ang ayos nito ngayon dahil naka-long sleeves blue polo at black slacks, may suot na gintong relo at kuwintas. Napakunot ang noo ko dahil sa itsura nito. "Ano naman ang mayro'n at pumorma nang gano'n?"
Gumala ang tingin nito sa shop bago nagtungo sa counter at um-order.
Bitbit ang tray, tinungo nito ang mesa katabi ng mesa ni Gastadora saka naupo roon. Napansin ko na panay tingin niya sa anak ng landlady namin.
Ilang saglit ang lumipas, tumayo ito sa kinauupuan saka lumapit sa table ni Gastadora.
"Excuse me," pukaw nito sa babaeng busy sa phone niya.
"Yes?" kunot-noong tanong ng babae. Nag-angat ito ng ulo saka napatingin sa estrangherong nakatayo malapit sa mesa niya.
"You look familiar to me. Have we met before? Probably in a corporate party?" sambit niito. Pa-English English pa. Ano ang trip nito?
"I'm sorry, I don't remember you." Umiling si Gastadora.
Tumikhim ang lalaki. "Naka-attend ka na ba sa corporate party ng GDC? Isa ako sa silent share holder ng kumpanyang 'yon."
"Ano raw?" tanong ko sa sarili ko. Lalo akong nalito sa sinasabi nito. Paano at kailan siya naging share holder ng GDC? NI hindi ko nga ito kilala. I have never seen him in any corporate occasions and meetings. I smell something fishy.
"Ay, hindi ako sa GDC nagtratrabaho. Iyong BPO na pinapasukan ko, naka-lease sa isang floor ng GDC Building," paliwanag ni Gastadora. Natuwa ako sa narinig ko. Perfect siya para makapagmanman kay George.
"Ah, ganoon ba? Pasensya ka na. Akala ko ikaw iyong nakita ko sa party that time. Ang ganda mo kasi," sagot ng gwardyang nagpapanggap na share holder.
Ayun na. Sinimulan na ang pambobola. Ano naman kaya ang plano niya kay Gastadora?
"Wala iyon," sagot naman ni Gastadora. Mukhang namula ito pero nanatili ang composure.
"By the way, I'm Darius Albe, you are?" Inilahad nito ang palad sa dalaga.
"I'm Tuesday Lozano." Tinanggap naman ng dalaga ang palad ng lalaki pero saglit lang iyon.
Ang dali namang magpauto nito!
"Mind if I sit here? I'm sorry, I'm alone. Wala ang assistant ko eh."Napakamot ito sa ulo. "Medyo boring mag-relax mag-isa."
"OKay lang naman. Hindi ka naman mukhang masamang tao," sang-ayon ni Gastadora, itinuro nito ang bakanteng upuan sa harapan nito.
Nagtiwala naman agad sa stranger, pinaupo pa!
"Thank you." Agad na bumalik sa sariling mesa ang lalaki saka kinuha ang order. Bumalik agad siya sa mesa ni Gastadora at naupo sa bakanteng upuan. Hindi ko maintindihan sa kaniya kung sobrang bait lang niya o tanga siya.
"Assistant? What a way to fool someone." Napailing ako. "At itong isa naman masyadong mapagtiwala."
Nagmasid lang ako sa kanila habang nag-uusap sila at mahinang nagtatawanan. Gusto kong sugurin ang lalaking iyon dahil sa panloloko niya pero wala ako sa posisyon para gawin iyon. Hindi ko rin maaaring ilantad ang sarili ko. Posible ring tulad ko siya na nagpapanggap na gwardya sa gabi dahil may pinagtataguan. Kailangan ko siyang manmanan.
May mali sa ikinikilos ng lalaki. Show off; intentional ang pagporma. Ibang-iba ang itsura nito kanina sa pawn shop at dito habang kaharap si Gastadora. "Nataon lang ba o sinadya niyang abangan ang anak ng landlady ko?"
Pinagmasdan ko ang bawat kilos ng lalaki. Aral ang ilang kilos nito, pero may slips pa rin. Hindi pulido ang astang mayaman.