PROLOGUE
Ito na ang huling beses na i-to-tolerate ko ang hayagang pagtatangka ng half-brother ko sa buhay ko. Ilang beses na akong pinagtangkaan nito. Naalala ko pa nang maglaglag ng nakasaksak na blower sa indoor jacuzzi na nasa recreation lounge namin habang naglulublob ako roon. Masuwerte na lang at biglang nag-brown out nang mga oras na iyon at sira ang generator kaya nakaligtas pa ako. Ang sabi lang ng half-brother niya ay aksidenteng nabitiwan nito ang blower saka nag-sorry. Pinalagpas ko na lang kaysa magreklamo. Ayoko rin humaba pa ang issue. Baka nga naman hindi niya sadya.
Noong isang araw naman ay sira ang preno ng sasakyan ko, mabuti na lang at pinatingnan ko muna ito kay Mang Dado bago ko gamitin. Napansin ng driver namin na mukhang sinadyang putulin ang wire ng preno.
Kahapon naman ay naglalakad ako palabas ng backdoor nang may nahulog na malaking paso ng halaman mula sa terrace namin, kahit wala namang mga pasong nakalagay roon. Buti na lang at hindi ako agad humakbang nang isa pang beses dahil saktong may tumawag sa akin sa phone kaya napahinto ako. Pinalampas ko na lang ulit iyon pero hindi ko na mapapalampas pa ang nangyari ngayon.
Nasa daan ako at nagmamaneho pauwi ng mansyon nang may bumangga sa likurang bahagi ng sasakyan ko. Mabuti na lang at hindi gaanong malakas ang impact. Binilisan ko ang takbo ng sports car ko kaya kampante akong hindi na makakahabol pa ang kung sino mang nanadya na banggain ako; pero nakarinig ako ng dalawang putok ng baril, at nagpagewang-gewang ang sasayan ko. Tinamaan ang dalawang gulong sa likuran ng kotse ko. Wala akong nagawa kung hindi ihinto ang sasakyan sa gilid ng kalsada.
Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa. Dinampot ko ang bag at phone ko saka nagmamadaling lumabas ng kotse. Tumakbo ako patungo sa pinakamalapit na eskinita, saka lumusot doon patungong secondary road. Agad akong tumawid ng kalsada saka muling lumusot sa kabilang eskinita at nagtago sa likod ng drum. Ilang saglit ang lumipas nang makita ko ang dumaang itim na sasakyang bumangga sa akin kanina. Tiyak kong ang walanghiyang kapatid ko ang may tangkang magpapatay sa akin. Kahit noong mga bata pa kami ay mabait ito sa akin sa harap ng mga magulang namin at ni Lolo pero sinasaktan ako kapag nakatalikod na sila.
Nang matiyak na nakalagpas na ang mga humahabol sa akin, agad kong tinawagan si Mang Dado.
Sumaklolo ito sa akin at pinuntahan ako sa eskinitang pinagtataguan ko. Mabilis kaming sumakay sa kotse at naghanap ng maaari kong pansamantalang uuwian. Hindi na ako ligtas sa mansyon namin.
"Young Master, buti at hindi pa ako nakakapasok ng gate nang tumawag ka," sambit nito. "Nakita ko na maraming tauhan ang kapatid mo sa looban. Talagang kinuha niya ang pagkakataong ito habang wala ang parents mo at nasa ospital ang lolo mo."
"Harap-harapan niya akong gustong ipatumba." Kumuyumos ang kamao ko. "Sumosobra na ang kasamaan niya. Akala ko mukha lang niya ang masama."
"Kaya hindi ka muna pwedeng umuwi sa mansyon," nag-aalalang sabi nito. "Young Master, saan mo gustong magtungo muna at magpalamig?" tanong ng driver ng pamilya namin habang nagmamaneho ng kotse.
"Hindi ko alam, Mang Dado," nag-aalalang sagot ko. "Pakiramdam ko'y mahahanap ako ng mokong na 'yon kapag ginamit ko ang ATM ko at credit card ko sa mga hotel. Posible ring ipahanap niya ako sa mga bakasyunan namin."
"May alam ako. Nadadaanan ko ang boarding house na 'yon kapag bumibisita ako sa pamangkin ko." Naghintay ng sagot si Mang Dado mula sa akin. "Nakapaskil sa gats na may bakanteng unit sila. Hindi iisipin ng kapatid mo na sa boarding house ka titira. Imposibleng pumasok sa isip niya 'yon."
"Sabagay, may katangahan 'yon eh," nakangising sambit ko.
"Sige, Mang Dado. Doon muna ako magpapalipas habang wala pa sina Papa at Mama."
"Mainam pa nga." Pinaharurot na ni Mang Dado ang sasakyan patungong Pasig. "Mabuti at gabi na, hindi na siguro matutunton ng mga 'yon ang sasakyan na ito nang ganitong oras."
"Pero baka masundan pa rin nila tayo gamit itong kotse." Nag-aalala ako dahil sasakyan ito ng lolo ko. Maaaring naka-monitor na iyon sa mga tauhan ng half-brother ko.
"May solusyon diyan," sambit ng chauffeur. "Alisin mo ang tuxedo mo at itapon mo na. May baon akong t-shirt, nariyan sa bag na nasa ilalim ng upuan."
Kinuha ko ang bag saka binuksan. Nakakita ako ng puting t-shirt. Wala nang patumpik-tumpik pa, hinubad ko ang neck tie, tuxedo at puting polo, saka isinuot ang t-shirt ni Mang Dado.
"Okay ka na, Young Master?" tanong nito.
"Ready na," sagot ko.
"Halika, iiwan ko na muna ang sasakyan dito." Inihinto ni Mang Dado ang itim na BMW sa reserved parking space para sa customer ng isang mini arcade. Bumaba ito at kinausap ang security guard na naka-pwesto roon. Inabutan ito ng pera bago bumalik sa kotse. "Halika na."
Bumaba na ako sa sasakyan saka sumunod kay Mang Dado. "Saan ho tayo sasakay?"
"Sa jeep." Pumara ito ng jeep patungong city hall. Ilang minuto na rin umaandar ang pampublikong sasakyan at ilang pasahero na rin ang bumaba nang pumara si Mang Dado. "Sa kanto na lang."
Huminto ang jeep. Naunang bumaba si Mang Dado kaya sinundan ko na lang ito. Nilakad namin ang may kalaparan din na eskinita na nakasulat ang Amparo sa karatula. Tumigil kami sa tapat ng isang bahay na hanggang third floor. Asul ang kulay ng gate nito at may karatulang nakasabit na room and bed space for rent.
"Magandang gabi po," tawag ni Mang Dado mula sa gate.
Nagbukas ang main door ng bahay. Nakita namin sa siwang ng gate na may lumabas mula roon. Bumukas ang gate at sumalubong ang magandang ngiti ng may edad na babae. "Magandang gabi naman. Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo?"
"Ako ho ay tiyuhin ni Isko, diyan lang sa dulo nakaupa. Narito ang pamangkin ko para mangupahan. Naghahanap kami dahil punuan na sa pamangkin ko," mahabang salaysay ni Mang Dado.
"Aba, ganoon ba? Tamang-tama, may bakante kami rito. Mapili lang kami sa uupa kaya't hindi kami basta tumatanggap." Sinipat ako nito at pinagmasdang mabuti. "Mahal, parine ka nga rito."
Lumabas ang may edad na lalaki at sumilip mula sa tabi ng asawa. "Anong problema, mahal?" malambing na tugon ng asawa nito.
"Naghahanap sila ng mauupahan, pinsan yata ni Isko, iyong nangungupahan sa boarding house ng kapatid mo." Itinuro nito ako sa asawa.
"Mukha namang disente ang batang ito, saka kamag-anak naman pala ni isko," sagot ng lalaki. "Ako nga pala si Mang Danilo, siya ang asawa ko naman, si Aling Puring. Ano bang gusto mong upahan? May room for rent kami at bed space."
"Iyong solo ko ho sana, medyo naghihilik ho kasi ako," pabirong sabi ko.
"Ah, ganoon ba? Bale four thousand five hundred isang silid. May sariling banyo kasi iyon at may mga gamit na. Maluwang at pwede sa maliit na pamilya. Two months deposit at one month advance," mahabang paliwanag ng ni Mang Danilo.
"Sige po, kukunin ko na. Maaari na hong lumipat ngayon?" tanong ko.
"Oo naman. Pumasok kayo," aya ni Aling Puring.
"Hindi na ako tutuloy, baka hinahanap na ako ng amo ko." Sinenyasan ako ni Mang Dado. "Young... Shane, maiwan na kita. Pupuslit ako ng dalaw dito kapag may pagkakataon. Dadalhan din kita ng damit. Kakausapin ko rin ang pamangkin ko."
"Pakisilip ho si lolo," bulong ko rito. "Nag-aalala ako sa kaniya."
"Sige, ako na ang bahala." Kumaway na si Mang Dado sa mag-asawa saka lumakad palayo.
"Ano nga ang pangalan mo, iho?" tanong ni Aling Puring.
"Shane ho," tipid na sagot ko.
Mabait ang nakausap ko na mag-asawang nagpapaupa ng bahay. Pinili ko ang sariling silid at nagbayad ako ng tatlong buwang advance. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa mga susunod na araw. Lalabas ako bukas para mag-withdraw nang malaki para may panggastos ako at minsan lang ang paglabas ko. Mahirap na at baka makita ako ng mga galamay ni George.