Darius
"Darius," pukaw ng aking ama habang nakayukyok ako sa mesa. Heto, kaning lamig at tuyo ang agahan namin ulit.
Ito na naman, halos araw-araw na naming ulam. Kung minsan, noodles at itlog. Naghihirap na kami, kapos na sa pera. May sakit pa si Lolo na may maintenance sa puso at sa diabetes niya. Ilang beses na rin siyang pabalik-balik sa ospital. Nag-aaral ang kapatid ko habang sideline lang ang trabaho ni Itay. May trabaho ako bilang security guard sa pawn shop pero hindi sapat ang sinasahod ko para maitaguyod ang pamilya ko at maitawid ang pangangailangan namin.
Napatingala ako para humugot pa ng kaunting lakas ng loob. "Kailangan ko nang masilo ang bagong target ko." Hinawakan ko ang phone ko para silipin ang bagong target ko.
Nag-angat ako ng tingin, inayos ang salamin na nawala na sa tamang posisyon. "Bakit po, Itay?"
"Hindi ka na naman kumakain. Alas-diyes na ng gabi ah." Lumapit si Itay para kuhanin ang phone ko. Binabasa ko kasi ang social media updates ng suki ng pawn shop na pinapasukan ko. Inilapag ko ang phone sa mesa. "May pasok ka pa. Night shift ka kaya dapat mas marami kang kinakain."
"Itay, may tinatapos lang akong basahin, importante 'to." Akma ko ulit na kukunin ang phone ko subalit pinigilan ako ni Itay. "Isa pa, nagsasawa na ko sa tuyo. Gusto ko namang makakain ulit ng steak. Tatlong buwan na kaming hiwalay ni Carmela, wala na kong ipon, wala na rin tayong panggastos."
"Tama na 'yan. Kuntento na ako sa sitwasyon natin at ang pagiging scholar ng kapatid mo sa school," sambit ni Itay.
Bungalow style lang ang bahay namin, nabili ito ni Itay gamit ng pinagbentahang lupa ng lolo ko sa probinsya. Kami lang apat ang nakatira sa bahay. Si Lolo ay iniwan daw ng lola ko at sumama sa Hapon, si Itay naman ay iniwan ni Inay noong seven years old pa lang ako at sumama daw sa Amerikano. Naiwan kaming magkapatid sa poder ng Itay namin. Nasa lahi yata namin ang iniiwan ng mga babae. Kaya ako? Hindi ako mag-aaksayang magkagusto sa babae. Sasakatan lang nila ako tapos, ano? Iiwan na parang basahan? Magwa-walling ako habang lumalaklak ng alak? Hindi na, uy! Sapat nang makita ko si Itay na ginagawa 'yan noon gabi-gabi. Matagal din bago naka-move on si Itay. Hindi na rin ako nag-abalang hanapin si Inay dahil kung ayaw niya sa amin ay ayaw ko rin sa kanya. Sina Itay at Lolo lang ang nagpalaki sa akin, nagtiyaga sa pag-aalaga nang walang pagod at reklamo.
Nakasanla ngayon ang lupang kinatitirikan ng bahay namin, at nagawa kong mabayaran ang interest nito mula sa mga matronang nabola ko, ang huli nga ay si Carmela. Okay na sana dahil hayahay ang buhay namin sa kaniya pero nabuking siya ng asawa niya kaya't nahinto ang relasyon namin. Kailangan ko na namang humanap ng bagong mabobola para mabuhay kami nang maalwan.
Hindi sa pagmamalaki, pero ang sabi nila ay magandang lalaki ako at may makinis na kutis. Kaya rin siguro nakadadagit ako ng matabang isda para perahan. Kailangang wais na sa panahon ngayon para mabuhay.
Tumayo si Itay at kumuha ng isang baso ng tubig, inilapag niya ito sa tabi ng plato ko. Kinuha ko ang baso at nilagok ang kalahati nito. "Tigilan mo na kaya ang pagsabit sa mga may asawa o panloloko ng mga babae? Baka ikapahamak mo pa 'yan."
"Sorry, Itay. Alam mo pong pangarap ko ang makaahon tayo sa hirap at ito na lang ang tanging paraan na naisip ko. Hindi ako nakatapos ng pag-aaral at naubos ang pera natin sa pagpapagamot ni Lolo." Sumubo akong muli ng kanin at ulam.
"Oo naroon na ako, pero delikado ang ginagawa mo," paalala ni Itay sa akin.
"Mag-iingat ako, Itay. Saka bata-bata ang target ko ngayon, single pa. Pwede ko na 'tong seryosohin." Tinapos ko na ang pagkain ko dahil tiyak na hahaba na naman ang sermon ni Itay.
isinukbit ko na nag batuta sa baywang ko saka dinampot ang phone. Sinipat ko pa ang profile ng bagong target ko. "Tuesday Lozano... magiging akin ka."
Napapahalakhak pa ako habang papalabas ng bahay at iniisip ang magandang mukha ng regular customer ng pawn shop. Madalas itong magtungo roon para maglagay ng pera sa online money app nito. Pasimple ko pang sinipat ang pangalan niya habang nagsusulat sa form saka ko hinanap sa social media. Mabuti na lang at hindi naka-private ang account niya.
"Ang ganda niya, mukha pang mapera." Napapangisi ako. "Jackpot ako kung sakali."
Matiyaga kong nilakad mula sa bahay hanggang sa ikatlong kanto kung nasaan ang terminal ng jeep. May tricycle naman pero mas makatitipid ako kung lalakarin ko na lang siya araw-araw. Panggabi naman ako kaya hindi na mainit.
Nakarating ako sa terminal ng jeep saka sumakay sa naabutang halos mapupuno na. Sumabit na lang ako para makaalis agad at hindi ma-late. Malaki rin ang kaltas kapag late sa trabaho kahit ilang minuto lang.
Nakarating ako sa pawn shop na tagktak na sa pawis. "Ang hirap maging mahirap," reklamo ko. Nagpunas ako ng pawis gamit ng good morning towel ko na sobrang luma na. Napahinga ako nang malalim habang iniisip ang sitwasyon ko at kalagayan naming mag-anak.
Nag-time in ako bago pumwesto at palitan ang kahalili kong sekyu. "Kailangang madiskartehan ko na siya sa lalong madaling panahon."
Naalala kong mahilig itong tumambay sa coffee shop, di-kalayuan sa pawn shop. "Tatambay ako ro'n para magkalapit kami. Makisama sana ang pagkakataon." Napangisi ako.
Dinukot ko ang phone sa bulsa ko saka muling sinilip ang profile ni Tuesday. Mayroon akong account na mukha akong mayaman. May pictures ako sa loob ng kotse, sa restaurant, sa hotel, sa mansion. May kuha rin ako sa eroplano habang patungo sa Singapore. Lahat ng iyon ay kuha ko sa tuwing nakakasama ko ang mga nakarelasyon kong matrona. Ang huli kong nakarelasyon ay si Carmela at nahuli kami ng asawa nito sa akto. Mabuti na lang at nakatakas ako.
Malaki ang nahuhuthot ko sa mga ito pero lahat iyon ay napupunta sa pagbabayad ng nakasanlang bahay at pagpapagamot sa Lolo ko.
"Ikaw ang sagot sa kahirapan ko, Tuesday." Hinalikan ko ang picture nito sa profile.