CHAPTER 7: TEASING HER

1424 Words
SHANE Hindi ako napansin ni Gastadora. May ilan din kasing nakatayo at naghihintay ng bus sa sakayan, bukod pa sa naka-face mask ako. Lutang yata ang isip niya habang nakatitig sa kung saan. Sinundan ko ang tingin niya. "Anong problema niya?" bulong ko. Nakatingin ito sa isang display ng manequin na may suot na yellow dress. Pinagmamasdan ko siya habang nakamasid pa rin sa isang boutique. Natawa ako sa reaksyon ng mukha niya. Salubong ang kilay, nakasimangot sabay buntong-hininga. Sarado pa kasi ang shop. Mukhang natipuhang bilhin ang damit na nasa display. Hindi ko mapigilang ma-amuse dahil doon. Adik talaga siya sa shopping, hindi lang sa online. Wala namang masama dahil pinagtratrabahuhan naman niya ang ginagastos niya. Wala naman siyang bisyo kundi ang mag-shopping at magpa-deliver ng kung ano-ano sa bahay nila. Narinig ko siyang bumulong. "Babalikan kita mamaya bago ang shift ko. Sana nariyan ka pa!" Napaantanda pa ito sabay pinagdaop ang mga kamay na parang nagdarasal. "I want that dress!" Napalakas pa ang huling sinabi nito kaya nagtinginan ang ibang mga naghihintay ng bus, pero hindi niya napansin ang mga ito. Talagang sa damit nakatuon ang atensiyon niya. May naisip akong kalokahan kaya napangisi ako. Dumating na ang bus; isa-isa nang nagsisakay ang mga pasahero kasunod si Gastadora. Hindi ako sumakay at nanatiling nakatayo sa waiting shed. Sinipat ko ang oras sa cellphone ko. "May isang oras pa bago magbukas ang shop." Bumalik ako sa coffee shop na pinanggalingan ko at um-order ulit ng frappe para magpalipas ng oras. Natutuwa akong nakikitang naiinis siya sa akin. I find her amusing. Ilang saglit din ang hinintay ko bago ko sinipat ang oras sa phone. Saktong pasado alas-otso na. Inubos ko na ang laman ng frappe saka ako nagmamadaling lumabas ng coffee shop. Nakahalukipkip na nilakad ko ang sidewalk pabalik sa shop malapit sa sakayan ng bus. Napangiti pa ako nang matanawan ko itong nagbubukas na. May guard na nag-aangat ng roll-up security grilles. Napalingon sa akin ang guard. "Good morning, Sir," bungad na bati nito. "Good morning din. Pwede nang pumasok?" tanong ko rito. "Pwede na po," tugon nito, Binuksan nito ang glass door saka inimuwestra na pumasok na ako. "Salamat." Tuloy-tuloy akong pumasok at lumapit sa sales lady na nag-aayos ng mga naka-hanger na damit sa estante. "Good morning, Sir. Ano pong hanap n'yo?" magalang na tanong nito. Itinuro ko agad ang bestida na nasa manequin. "Gusto kong bilhin 'yon para sa... girlfriend ko. Ilan ang stock n'yo no'n?" Ngumiti ang sales lady. "Lima lang po ang stock namin niyan, iba-iba ang kulay for summer collection. May pink, lavender, mint green at white." "Kukunin ko ang lahat," walang patumpik-tumpik na sabi ko. "Pakibalot. May gift wrapper kayo?" "Mayroon po, Sir. Sandali at kukunin ko ho lahat ng stock." Tumalikod ito saka dumiretso sa stock area nila. Napangiti ako nang pilyo dahil sa naisip ko. "Gusto kong makita kung paano siya ma-disappoint na wala na ang babalikan niya mamaya." Napatawa ako nang mahina. Pinigilan ko dahil baka isipin ng staff nila na baliw na ako. Nagpatulong ang sales lady sa guard para alisin ang naka-display na suot ng manequin. Isa-isang tinupi nang maayos ang mga binili ko. Dumiretso ito sa cashier saka ipinatong doon ang mga damit. Sinundan ko ito para makapagbayad na. "Sir, fifteen thousand five hundred po lahat," sabi ng kahera. "Sige, teka," sambit ko. Kinuha ko ang wallet ko saka naglabas ng pera. "Miss, may katerno bang sapatos ang mga ito?" "May mga sapatos kami na pareho ng kulay ng mga 'yan, Sir," tugon ng sales lady na nag-aassist sa akin. "Bigyan mo na rin ako ng mga 'yon..." Napatigil ako. "Ano nga ba ang size ng paa niya?" tanong ko sa sarili ko. "Anong size po, Sir?" "S-size eight." Nanghula na lang ako. May katangkaran naman siya kaya baka pareho sila ng size ng Mama ko. "Sige, Sir, aayusin ko lang ho. Napakaswerte ng girlfriend ninyo," papuri nito. Simpleng ngiti lang ang naging tugon ko. Tumalikod na ito para kuhanin ang mga sapatos na terno ng mga damit. "Itatago ko muna. Saka ko na ibibigay kapag napapayag ko na siyang magmanman sa baliw na 'yon," bulong ko sa hangin. "Iinisin ko na muna." Napangisi ako. Dinukot ko ang phone sa bag ko saka tinawagan si Mang Dado. "Pakikuha ang pinamili ko sa shop ngayon, Mang Dado. Pakidala sa condo ko sa Pasay. Ite-text ko sa 'yo ang address. Salamat ho." Tinapos ko ang tawag saka tinext ang driver ko. Malapit lang ang lokasyon niya kaya makararating siya agad. Bumalik ang sales lady saka dinala ang lahat sa cashier. Binuksan doon isa-isa ang mga sapatos para ipakita na maayos ang mga pinamili ko. "Ito po ang katerno ng mga damit, Sir." Sinipat ko isa-isa ang mga nasa kahon. Maayos naman ang mga ito. "Ayos na 'to, Miss. Babayaran ko na. Pakibalot ng magandang wrapper pagkatapos." "Sige po, Sir." Tila kinikilig pa ang babae habang isa-isang inaasikaso ang mga na-scan na damit kanina. "Napakaswerte talaga ng girlfriend n'yo, Sir." Thank you," tipid na tugon ko. Isa-isang ini-scan ng kahera ang mga sapatos bago ibinalik sa mga kahon. "Fifty five thousand pesos po lahat, Sir. May discount na rin pong kasama." "Okay, Miss." Kinuha ko ang perang mula sa pinagsanlaan ng kwintas sa backpack ko. "Okay lang na cash ibayad ko? Naiwan ko ang cards ko," palusot ko. "Mas okay nga iyan, Sir." Iniabot ko sa babae ang bayad ko. "Thank you for assisting me well.Your boss should give you a raise. Both of you," sambit ko sa kahera at sa sales lady. "Thank you, Sir," nag-blush pa ang mga ito. Nakakatuwa rin na purihin ang mga babae minsan, they will really show if they appreciate you and your gestures. Naiayos na ang mga pinamili ko. Limang malalaking paper bags din ang bibitbitin ko. Mabuti na lang at nariyan lang sa malapit si Mang Dado. Hindi rin pwedeng makita ni Gastadora ang mga ito na bitbit ko. Baka maalala niya ang pangalan ng shop na naka-print sa mga paper bag. "Is it okay if I wait here for my driver?" tanong ko sa sales lady. "Ayos lang po, Sir. Customer naman namin kayo. Maupo muna kayo." Itinuro nito ang upuan na laan para sa mga nagsusukat ng sapatos. Ilang minuto rin akong naghintay kay Mang Dado. May ilang customers na rin ang pumapasok sa shop. Kalahating oras din ang hinintay ko bago dumating si Mang Dado. "Young Master, pasensya na. Nagpa-ikot-ikot ako para..." Luminga si Mang Dado bago itinuloy ang sasabihin. "Kailangan nating mag-ingat." "Salamat, Mang Dado." Tumayo na ako at tinulungan siyang magbitbit ng mga paper bag patungo sa sasakyan. "Ano ba ang mga ito at bakit ang dami?" nagtatakang tanong nito. "Boutique na pambabae ang shop na iyon ah." "May kailangan lang suhulan, Mang Dado." Napangisi na naman ako nang maisip ko si Gastadora at ang nakabusangot niyang mukha. "May natitipuhan ka na bang babae?" panunuksong tanong nito. "Ho? Naku, hindi ho. Kailangan ko lang ng tulong niya," mariing tanggi ko. "Sinabi mo eh." Napatawa ito. Hindi ko na lang pinansin ang panunukso niya. Wala lang sa akin ang ginawa ko. Gusto ko lang mang-inis. Inilagay na namin sa trunk ng kotse ang mga pinamili ko. "Thank you, Mang Dado." "Mas mainam yata kung iuwi ko ito kaysa dalhin sa condo mo. May mga nakabantay ding tauhan si George doon," suhestyon ni Mang Dado. "Sige ho, kung ano ang mas nakabubuti. Pasensya na ho sa abala." "Young Master, maliit na bagay ito kumpara sa mga naitulong ng lolo mo sa pamilya ko." Bigla itong napaunat sa pagkakatayo. "Oo nga pala, kailan mo gustong pumuslit sa opsital para makita ang lolo mo?" Napaisip ako. "Kailangan muna nating bumili ng bagong kotse, kahit second hand, Mang Dado. Gusto ko lang na makasigurong hindi tayo masusundan ng mga 'yon." "Sige, ako na ang bahala. Gumamit ka nga pala ng money app, para doon mo maipasok ang pera mo at doon ka na rin magwi-withdraw." "Hindi ko pa nasusubukan 'yan, Mang Dado, pero kung useful naman sa sitwasyon ko, ayos sa akin 'yan." "Pag-aralan mong gamitin para doon ka makapaglipat ng pera at magamit mo nang walang pangamba na ma-track ka ni George." "Sige ho, Mang Dado. Salamat sa suggestion. Mauuna na ho ako. Magbu-bus na lang ako. Baka may makapansin ng kotse." "Ingat ka, Young Master." Sumakay na ito sa kotse. Naglakad na rin ako pabalik sa waiting shed para mag-abang ng bus. Nae-excite akong umuwi. Susundan ko si Gastadora mamaya pagpasok niya. Gusto kong makita ang reaction niya. Ngiting tagumpay ako ngayon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD