Ang Kastilyong Azul

1032 Words
Araw ng kaarawan ni Aquarius at lahat ay abala sa ikatlong taon ng kapanganakan ng nag-iisang tagapagmana ng Serenadia. Buong Serenadia ay imbitado. Lahat ay gumagayak at handang-handa nang masilayan ang napakaamo at kulay asul na mata ni Aquarius. Maging ang kaniyang tagapangalagang si Siri ay sadyang hindi maipinta ang kasiyahan sa mukha. "Ate Siri, bakit ganyan ang mukha mo?" "Wala ito mahal na prinsipe. Natutuwa lang ako." "Akala ko kasi luluha kayo e nasa ilalim pa naman tayo ng dagat." "Ang bata-bata mo pa pero marunong ka ng magpatawa." At napuno ang silid ng prinsipe ng tawanan. Kahit tatlong taong gulang pa lang si Aquarius ay makikitaan mo na ito ng katalinuhan. Idagdag pa ang unti-unting pagsilay ng angking gandang lalaki nito na namana rin niya sa kaniyang amang si Aquano. "Siri, ang mahal na reyna ito." "Aquarius, nasa labas na ang iyong mahal na ina." "Lalabas na po kami mahal na reyna." "Ang guwapo naman ng anak ko. Mana sa ina at ama. Halika na. Naghihintay na ang buong Serenadia sa iyo. Magsisimula na ang iyong kaarawan." Dumiretso na sina Siri, Aquarius at Sereyna sa napakalawak at napapaligiran ng iba't ibang perlas na mga palamuti at mga kulay asul na mga telong pinagawa pa ng reyna sa malayong parte ng Dagat Pasipiko. Nanari-saring pagkain naman ang nakahanda na sa napakahabang mesang gawa sa ginto ang iyong makikita. Hanggang sa bumaba na nga ang mahal na Hari at Reyna mula sa pasilyo ng Serenadia. Hiyawan at palakpakan ang maririnig mo sa loob ng kastilyong Azul. "Lubos akong nagpapasalamat sa inyong pagdalo upang samahang muli ang aming nag-iisang anak na si Aquarius sa kaniyang ikatlong kaarawan dito sa Kastilyong Azul," pambungad na pagbati ng hari. "Maraming salamat sa inyong paghahanda. Lubos kaming nasiyahan at natutuwa dahil kahit anyong tao ang aming anak ay hindi kayo naging hadlang upang tanggapin siya nang buong puso. Sa halip, naging bukas ang inyong isipan sa kaniya upang mapanatili pa ang kaayusan at katahimikan ng buong Serenadia," dugtong naman ng reyna. "At dahil diyan, binubuksan ko na ang pagtitipong ito upang ipagdiwang nating lahat ang ikatlong kaarawan ng aming anak na si Aquarius. Simulan na ang piging. SIMULAN NA ANG KASIYAHAN!" masiglang anunsiyo ni Aquano. Ang kastilyong Azul ay pinagawa ng mahal na Hari at Reyna para kay Aquarius. Kulay asul ito na kung saan ang mga pader at poste nito ay gawa sa kulay asul ding marmol at tansong niregalo pa sa hari at reyna ilang araw matapos maipanganak si Aquarius. Ang mga materyales nito ay galing pa sa Gresya at Persia. Habang nagkakasiyahan ang lahat, nag-iinuman, nagsasayawan at nagkakantahan, ibinigay naman ng mahal na hari at reyna ang kani-kanilang regalo. "Aquarius, anak, maligayang kaarawan. Wala kaming hangad kundi ang lumaki kang maging matalino at mabait. Kaya heto ang aking regalo sa iyo. Ilahad mo ang iyong mga palad," wika ni Sereyna at isang hugis pusong kabibe ang lumitaw sa palad ni Aquarius. "Ang ganda po ina," masayang sabi ng prinsipe. "Buksan mo anak para makita mo ang laman sa loob ng kabibe," nakangiting turan ng reyna sa anak. "Perlas?" manghang tanong ni Aquarius. "Oo anak. Isang gintong perlas na bihirang-bihira mo lamang makikita sa karagatan. Ang perlas na iyan ang magsisilbing palawit diyan sa kwintas mo. Halika ilalagay ko," ngiting-ngiting paliwanag ng reyna at sa isang kumpas ng kaniyang kamay ay naikabit na ang perlas sa kuwintas. "Wow! Ang ganda-ganda po ina. Salamat po," tuwang-tuwang pasasalamat naman ng anak at agad na niyakap ang ina. "O, ako naman. Hindi pwedeng wala akong regalo. Kaya ibibigay ko rin ang akin," singit naman ng hari. "Ano po ang regalo niyo sa akin ama?" tanong ng anak. Napukaw agad ang kuryusidad ng bata. "Halika. Akin na ang kaliwa mong kamay. Ipikit mo muna ang iyong mga mata," hawak-hawak ang kamay ng anak ay isang hugis tinidor na may tatlong kandila sa bawat dulo nito ang lumitaw sa kaliwang pulsong kamay ng prinsipe. "Pwede mo ng buksan ang iyong mata anak ko," dugtong ng hari. "Ama, hindi ba ito ang?" gulat na tanong ni Aquarius. "Oo anak. Yan ang bigay ng iyong lolang si Landira. Ang sabi niya galing iyan sa kanyang amang si Poseidon. Ibig sabihin, lolo mo rin si Poseidon. Gamitin mo lamang yan kung tinatawag na ng matinding pangangailangan at tulong para sa iyo. Ang gagawin mo lamang ay ipikit ang iyong mga mata, hilingin ito ng buong puso at ilalahad ang kaliwang kamay mo sa dagat. Pagkatapos ay lilitaw na sa iyong mga kamay ang bagay na iyan." pagbibigay instruksiyon ng hari. Hindi naman matigil ang pagkamangha ng bata sa regalong natanggap niya mula sa ama. "Salamat po sa mga regalo ninyo ama at ina. Mahal ko po kayo." buong pusong pagpapasalamat ng prinsipe at mahigpit na niyakap ang mga magulang. "Ano ba yan! Nakakaiyak naman ang eksenang ito. Mahal kong prinsipe, ito naman ang regalo ko sa iyo." biglang singit naman ni Siri. "Dugong? Lalaki ba iyan?" gulat na wika ng prinsipe. "Oo mahal na prinsipe. Pero babae siya. He-he. Kapapanganak pa lang sa kaniya. Ikaw na magbigay ng pangalan," sabay abot ni Siri ng isang batang dugong sa prinsipe. "Alam ko na! Papangalanan ko na lang siyang Aqua-Sere." Yakap-yakap at kandong-kandong na ni Aquarius ang batang dugong. "Kaygandang pangalan mahal na prinsipe. Parang pangalan mo at pangalan ko yan ah?" nakangiting tanong naman ni Siri. "Aqua ay galing kay Ama tapos Sere ay galing kay ina." page-esplika ng prinsipe. "Ganun? Eh di sila na ang mahal mo. Hmp. Nakakatampo ka!" tampu-tampuhan ng tagapangalaga ni Aquarius na si Siri. "'Wag ka na magtampo ate, Siri. Mahal naman kita eh kasi galing sa iyo ang regalo. Salamat sa dugong ha?" pagpapasalamat ng prinsipe kay Siri at agad na hinalikan sa pisngi ang tagapangalaga. Masayang-masaya ang prinsipe sa mga regalong natanggap nito. Nakikipaglaro na rin si Aqua-Sere sa kaniya. At walang humpay na kasiyahan ang namayani sa buong Kastilyong Azul. Ngunit biglang natigil ang kasiyahang nang isang pagsabog ang narinig ng lahat sa labas ng pintuan ng kastilyo. Isang hindi inaasahang bisita ang kanilang nakita.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD