Ili ili tulog anay.
Wala diri imo nanay.
Kadto tienda, bakal papay.
Ili ili tulog anay.
Translation:
Hele hele tulog ka na.
Wala dito ang iyong ina.
Bumili ng tinapay sa tindahan.
Hele hele tulog anay.
Isang nilalang na malimit manirahan sa isang ilog at pumupunta sa karagatan upang mang-akit ng mga mangingisda sa tuwing pumapalaot ang mga ito sa gitna, ang kumakanta dis oras nang gabi.
At isang gabing madilim nga na iyon ay may isang mangingisda ang nabighani sa boses na nanggagaling sa kalagitnaan ng dagat. Kahali-halina. Mapang-akit. Napakaganda kung iyong pakikinggan. Tinig na sadyang hihinto at mapapahinto ka upang ito ay mapakinggan.
Pansamantalang tumigil ang lalaki sa laot at inilawan ang paligid ng kaniyang bangka gamit ang liwanag na galing sa kaniyang gasera. Ganitong-ganitong oras kasi siya pumapalaot sa pagbabakasakaling may makuha siyang maraming isda na maibebenta niya kinabukasan sa pamilihang-bayan.
Alam ng mangingisda ang tungkol sa bali-balita na may isang nakatatakot na nilalang na nakatira sa ilalim ng karagatan ang kumukuha sa katulad niya. Nagpasalin-salin pa nga ito sa magkakaibang bersyon. Kaya hindi na nakapagtataka kung maging siya ay magigiging biktima sa gabing iyon ng nilalang na ito. Hindi kasi ito naniniwala na mayroon ngang kumukuha at nawawalang mangingisda sa karagatan na hindi na nakababalik sa kaniyang pamilya.
Ngunit, itong gabing ito ang tila hudyat na sa mangingisdang ito ng kaniyang buhay dahil sa misming gitna ng karagatan sa hilagang bahagi ng Kabisayaan, sa probinsiya ng Guimaras, sa tinatawag na Bayan ng Katahimikan ay may naghihintay na palang panganib sa kaniyang harapan.
Patuloy sa pakikinig ang mangingisda sa awiting unti-unting nagpapatulog sa kaniyang isipan. Awiting magdadala pala sa bingit ng kaniyang kamatayan.
Ili ili tulog anay.
Wala diri imo nanay.
Kadto tienda bakal papay.
Ili ili tulog anay.
Nang dumilat ito ay bigla na lamang lumusong sa ilalim ng karagatan ang mangingisda at sinundan ang pinanggagalingan ng kakaibang boses. Hindi niya alintana ang panganib dahil wala na sa katinuan ang kaniyang isipan. Napapasailalim na siya ng tinig na nagdadala sa kaniya sa kailaliman ng dagat. Langoy pa rin siya nang langoy upang matunton ang kinaroroonan ng tining. Habang sinisisid ang ilalim ay nakita niya ang isang lagusan. Lagusan na kasya lamang sa isang tao ang makapapasok doon. Lagusan na na magiging dahilan pala ng kaniyang nalalapit na kamatayan.
Lumangoy siya ulit papunta sa lagusang iyon. Pinasok niya at napagtantong nasa isang hindi pamilyar na lugar na agad siya. Mula sa kaninang malawak na karagatan papasok sa lagusan ay nasa isang ilog na naman siya. Naalimpungatan ang lalaking mangingisda at dali-daling bumalik sa kung saan siya nanggaling pero may biglang humablot sa kaniyang mga paa. Mahigpit ang pagkakahawak nito sa paa niya dahilang upang mahila siya pabalik sa loob ng lagusan.
Hinila siya pabalik sa lagusan. Sinakal siya ng kakaibang nilalang. Sinubukan niyang magpumiglas para makawala. Pero napakahugpit ng mga mga kamay na nakapulupot sa kaniyang leeg hanggang sa mawalan nga ito ng hininga. Hindi kinaya ng lalaki ang pagkakasakal sa kaniya at saktong kinapos din siya ng hangin kaya wala siyang magawa kundi ang bawian ng buhay sa misteryosong nilalang na kumitil sa kaniya.
Dinala ng misteryosong nilalang ang lalaki sa kaniyang tagong kaharian at doon ay isinagawa ang pakay sa nakahandusay at wala nang buhay na mangingisda. Pinunit nito ang kamisa de chino na suot niya at tumambad sa harapan nito ang matipunong dibdib ng mangingisda. Hindi na siya nagpatumpik-tumpik at marahas niyang binuksan ang dibdib nito gamit lamang ang matutulis niyang mga kuko.
At dahil may nakaharang na mga buto sa paligid ng puso nito, parang martilyo lang itong pinukpok ng nilalang na iyon. Gigil na gigil pa itong kinuha ang puso ng lalaki. Inamoy-amoy muna niya at agad na kinain. Sabik na sabik ang sikmura nitong nginuya-nguya ang puso ng tao.
Takam na takam itong nguyain at lunok nang lunok kahit wala man lamang panulak sa kaniyang harapan. Napapadighay pa ito sa sarap nang pusong kinain niya. Sinunod niyang pagpiyestahan ay ang mga lamang loob ng mangingisda at gaya ng ginawa niya sa puso nito, kinain niya rin ang mga iyon. Isama pa ang mga balat na kinakagat-kagat pa niya na parang crispy pata ang pagngunguya.
Ilang taon na ba nang huli siyang makatikim ng sariwang puso at lamang loob ng isang tao? O mas magandang tanungin kung ilang daang taon na ba nang huli niyang matikman ang mga ito? Matagal na panahon na. Sa sobrang tagal ay nabilang na niya sa kaniyang mga daliri sa kamay at mga paa ang taon at dekadang namalagi siya sa madilim na kahariang iyon.
Alam niyang matagal na siyang pinaghahanap ni Landira, ang mortak niyang kalaban. Kaya sa ilog lamang siya nagtatago. Kapag tahimik ang alon sa karagatan at kapag nagugutom na siya ay lumalabas lamang siya upang maghanap ng susunod na magiging ulam sa kaniyang tiyan.
Ngayong sumapit nga ang ikatlong taong pagtatago sa dalawang dekadang nagdaan sa kaniya ay alam niyang malalaman at malalaman ng Diyosang Landira na may gumagambala na bagong nilalang sa karagatan. At alam niyang hindi siya ang mapagbibintangan dahil alam din niyang nasa panganib ngayon ang Serenadia. Kaya sinadya niya talagang itapat ang araw na iyon sa nangyayari sa Kastilyong Azul.
Marami siyang mata sa dagat at alam niyang mapapakinabangan niya rin sa huli si Nympha. Hihintayin niya ang araw na handa na siyang magpakita dito nang may pagkakataon na rin siyang makawala sa kulungang matagala na ring nakatali sa kaniya.
Kapag nakawala na siya ay sisiguraduhin niyang may malilinlang na naman siya hindi lang tao kundi pati na ang mga imortal sa karagatan. Sa ngayon ay mas pipiliin muna niyang manahimik at muling maghintay ng panibagong mabibiktimang mga tao sa Bayan ng Katahimikan.
Alam din niya kung paano galitin si Landira kaya inihahanda na niya ang sarili sa pagsapit ng itinakdang panahon na silang dalawa ang magtutuos. Kailangan pa niyang kumain ng maraming puso upang lumakas pa ang kaniyang kapangyarihan. Hindi niya hahayaang muli siyang matalo ng kinasusuklaman niyang Diyosa ng Karagatan.