Sa isang isla sa Iloilo ay may isang bayan na kung tawagin ay Katahimikan. Ang pangalan ng bayan ay literal na kinuha sa salitang katahimikan.
Ang mga taong nakatira dito ay mababait at magagalang. Walang sapawan, walang inggitan, walang awayan, at lalong walang patayang nagaganap sa bayan na ito. Kaya lubos na nasiyahan si Diyosa Landira sa uging taglay ang kabutihang asal sa mga naninirahan sa bayan na ito.
Kaya biniyayaan ng Diyosa ng masaganang pamumuhay ang bayan ng Katahimikan sa pamamagitan ng pagbibigay ng maraming huling isda sa kanila sa tuwing papalaot ang mangingisda sa karagatan. Walang araw na punong-puno ang kanilang mga bangka ng iba't iba at naglalakihang mga isda.
Masayang-masaya ang bawat mangingisda sa bawat araw na sila ay pumapalaot sa dagat. Maging ang kanilang mga asawa at anak ay nagagalak din ng lubos kapag punong-puno ng isda ang bangkang kanilang sinasakyan kapag sila ay umuuwi pagsapit ng dapithapon. May nauulam sila sa araw-araw at may nailalako pa sila sa pamilihang-bayan upang may pagkakakitaan.
Kaya ganoon na lamang ang pagbubunyi ng mga taong nakatira sa bayan ng Katahimikan dahil hindi sila nagugutuman. Hindi sila pinababayaan ng Diyosa ng Karagatan. Sapat na sapat ang pagkaing ibinibigay ng dagat sa kanila araw-araw.
Ngunit, ang masasaya at tahimik na lugar na ito ay bigla na lamang nasira isang araw dahil bigla na lamang naging sakim ang ilan sa mga taong nanirahan doon. Nakalimutan ng iba na maging mapagbigay o magbigayan at magtulungan sa kanilang kapwa. Nauuwi pa ang maliit na alitan sa bulyawan, suntukan, at umabot ito sa p*****n. Isang malungkot na balita ito sa Diyosa ng Karagatang si Landira at ng Diyosa ng Kagubatan na si Alwyna.
Hindi lingid sa kaalaman ng mga tao na ang Diyosa ng Karagatan ay nanonood sa kanilang masamang ginawa. Maging ang Reyna ng Kagubatang si Alwyna ay hindi rin natuwa sa kanilang pagtatalo at mga kamalian.
Kaya paunti-unti ay nawala ang katahimikan at kasaganaang taglay ng bayang iyon dahil sa kasakiman ng ibang tao. Nadamay ang mga hindi gumagawa ng masama. Nawalan ng hanapbuhay ang iba. Dahil sa kasalanan ng iba ay tuluyan ngang nagdesisyon ang mga ito na lumipat na lamang at lisanin ang isla. Ang iba ay nagsilikas pero karamihan naman sa naninirahan doon ay nanatiling hindi umalis sa bayang minahal na rin nila dahil dito na rin sila ipinanganak at nagka-isip. Kahit unti-unti nang nawawala ang kasiyahan at katahimikan sa bayang iyon, mas pinili pa rin ng iba na huwag iwan ito.
Ang buong akala nina Diyosa Landira at Reyna Alwynna ay tapos na ang baluktot at hindi kanais nais na ugaling mayroon sa bayang pareho nilang minahal. Nagsisimula pa lamang pala ang mga ito sa kasamaang gagawin nila.
Isang pangyayari sa bayan at sigaw ng dugo sa karagatan ang nagpagising sa kanila dahil naramdaman ng dalawang Diyosa ang malagim na pangyayari sa mga taong lumisan sa bayan sa gitna pa mismo ng karagatan kung saan saklaw ni Landira ito. Nakikita lamang at nararamdaman naman ni Alwyna ang panganib na ito sa karagatan.
Kitang-kita ng dalawang diyosa ang sinapit ng mga nagsisilikas na mga tao sa gitna ng karagatan.
Isa-isang tumaob at hinila ng isang misteryoso at makapangyarihang nilalang ang mga bangkang nagsipaglikas pababa sa pinakailalim na parte ng karagatang hindi na sakop ng kapangyarihang taglay ni Landira.
Hindi niya rin ito makita gamit ang kaniyang taglay na kapangyarihan. Kaya wala siyang kaalam-alam sa sasapitin ng mga taong minahal niya mula sa bayan ng Katahimikan.
"Bwahahaha. Hahahaha. Alam kong hindi mo ako nakikita Landira. Ako ang pinakamakapangyarihan sa buong karagatan at angkan ng Bantay-Tubig," pagmamalaki ng misteryosong nilalang.
"Masarap pala talaga ang kumain ng puso ng tao. Hmmm. Napakasarap. Walang kasing sarap. Bata man o matanda ay wala akong pakialam. Basta't ang alam ko lang ay lalo akong lumalakas. At kapag dumating na ang tamang panahon, iisa-isahin ko kayong mga lapastangang Bantay-Tubig! UUNAHIN KITA LANDIRA AT ALWYNNA!" Sigaw at galit na galit na turan ng misteryosong nilalang.
Pagkatapos kainin ang puso ng mga taong nahuli niya ay lumusong na ito pailalim upang isa-isang kainin ang mga nahuli niya. Dinala niya ang mga katawan ng mga taong iyon sa pinakailalim na parte ng karagatan, sa kaniyang palasyong tanging siya lamang ang nakaaalam.
Tagumpay ang kaniyang plano dahil marami siyang nahuling mga tao. Nagbubunyi pa siya nang isa-isa niya itong inilatag sa loob ng kaniyang itinuturing na kaharian at masayang-masayang pinagmamasdan silang wala nang buhay.
Halos hindi pa siya makapagpili kung alin sa mga biktima niya ang uunahin niyang balatana at kainin ang mga puso at lamang loob dahil babae, bata, lalaki, at matatanda ang nasa kaniyang harapan.
Hindi rin masusukat ang kasiyahan niya dahil hindi saklaw ng kapangyarihan ni Landira ang kinaroroonan niya at alam niyang walang makatutuklas ng lihim niyang lagusan o lugar kung saan siya nagtatago. Tanging siya at siya lamang ang nakaaalam sa kahariang mayroon siya. Hindi niya hahayaang matuklasan ito ni Landira dahil hindi pa siya handa upang labanan ang diyosang isa sa mortal niyang kalaban.
Subalit, walang kaaalam-alam ang misteryosong nilalang na ito na may isang pares pala ng mga mata ang nakakita at nakatunton sa kaniyang lihim na taguan. Isang pares ng mga matang wala nga lang kakayahang sisisirin ang kinaroroonan nito. Isang pares ng mga matang kanina pa nanonood sa sarap na sarap na mukha nitong kanina pa takam na takam sa mga pagkaing nakahandusay sa kaniyang harapan. Isang pares ng mga matang may bahid ng kalungkutan dahil walang kakayahang pigilan ito sa susunod pa niyang mabibiktima. Isang pares ng mga matang nag-aalala sa magiging kahihinatnan ng natitirang mga tao sa bayan ng Katahimikan kapag nagutom muli ang nilalang na ito at maghasik na naman ng lagim sa mga naroroon. At isang pares ng mga matang naghihintay lamang ng pagkakataong maghiganti sa mga pumaslang sa walang kalaban-labang mga taong tinanggalan niya ng buhay. Buhay ng mga taong hindi niya dapat basta-basta na lamang kinukuha sa kanila.