Si Siri

1124 Words
Sa isang maliit at walang katao-taong isla napadpad si Siri kasama ang kaniyang alagang prinsipe na si Aquarius. Malungkot ang mukha ng prinsipe nang mga oras na iyon habang nakaupo ito sa dalampasigan at pinagmamasdan ang karagatan. Kung hindi dahil sa pagsabog sa kahariang kanilang nilisan ay hindi sila mapapadpad sa islang kinatatayuan na nila ngayon. Ramdam kasi nila pareho ang pagsabog sa isang parte ng Serenadia at tinangay sila ng malakas na bulang parang hanging umihip palabas sa kanila mula sa kaharian ng Kastilyong Azul. At hindi nila alam kung ano na ang nangyari sa mahal nilang hari at reyna. Mabuti na lamang at hindi nasugatan o nagalusan man lamang ang mahal nitong Prinsipe. Sa kaniya inihabilin ang tatlong taong gulang na bata na ngayon ay mahimbing nang natutulog sa kaniyang mga hita habang yakap-yakap nito ang kaniyang niregalong batang dugong na si Aqua-Sere. Habang hinahaplos-haplos ang mukha nito ay nanariwa sa alaala ni Siri ang masasayang araw na kasama nila ang mababait at mapagmahal na hari at reyna. Walang araw na hindi niya ito kasa-kasama. Kahit na anong okasyon man o piging na dadahulan ang hari o ang reyna, naroroon palagi si Siri upang sila ay bantayan. Kaya nang magsilang ang reyna ng isang sanggol ay mas lalo pa siyang naging masaya. Napangiti siya nang bahagya kapag naalala ang mga iyon. subalit napalitan naman ito ng kalungkutan nang sumagi sa kaniyang isipan ang mga huling habilin sa kaniya ng mahal na reyna, Sereyna. Nagbabadya na ring mahulog sa kaniyang mga mata ang mga butil ng luhang kanina pa niya pilit na pinipigilan. Hindi niya aakalaing sa isang iglap ay mapapalayo sila sa Serenadia. "Siri, inaatasan kitang bantayan mo at alagaan mo ng higit pa sa iyong buhay si Aquarius. Ikaw ang gagabay sa kaniya sa lahat ng bagay. Ikaw ang tatayong pangalawa niyang ina. Kaya nakikiusap akong sundin ang utos ko." Paulit-ulit na ipinaalala sa kaniyang isipan ng reyna ang papel niya sa batang si Aquarius. Hinding-hindi ito kailanman mawawaglit sa kaniyang isipan. Isang mabigat na responsabilidad naman ang kaniyang aasikasuhin, aabagahin, at gagawin alang-ala sa mahal niyang hari at reyna. At ito ay ang protektahan, gabayan, at alagaan ang prinsipe at nag-iisang tagapagmana na si Aquarius. Siya na lamang ang nag-iisa at bukod tanging tagapagmanang kailangan ng Serenadia upang maibalik ito sa kaayusan. Kailangan ni Aquarius na maging malakas at matapang upang makuhang muli ang nararapat na para sa kaniya -- ang Kastilyon Azul at ang ibalik ang katahimikan sa buong Serenadia at Dagat Landia. "Mahal kong hari at reyna. Tutuparin ko po ang habilin ninyo. Aalagaan at po-protektahan ko si Aquarius. Sasanayin ko siya sa pakikipaglaban at tuturuan ng magandang asal. Sa takdang panahon ay babalik kami at ililigtas ang Serenadia." Hindi namalayan ni Siri na tuluyan na palang umagos ang mga luha sa kaniyang pisngi. Pinawi at pinahiran na lamang niya ito gamit ang kaniyang kamay. Kailangan niyang maging malakas. Kailangan niyang ipakita sa prinsipe na karapat-dapat siyang tagabantay at tagapangalaga nito. "Mahal kong Dyosa Landira. Alam ko pong nakikinig kayo. Dalangin ko po sanang, gawin mong paa ang aking mga buntot upang magabayan ko at mapalaki ng tama ang tagapagmanang si Aquarius." Sa pag-usal ng mga salitang iyon ni Siri ay isang malamig na simoy ng hangin ang kaniyang naramdaman. Tila hinahaplos nito ang kaniyang buntot. Nanuot ito sa kaniyang walang saplot na mga braso. Tanging mahahabang buhok niya lamang ang nakatakip sa kaniyang dibdib. Hanggang sa nag-iba pa ang ihip ng hangin sa paligid niya.. Tumingin si Siri sa karagatan at nagulat siya sa kaniyang nasaksihan. Unti-unting tumaas ang alon sa karagatan. Animo'y isang malaking pader ang naging hugis nito na hindi kayang tibagin ng sino man. Sa hugis pader na iyon at may biglang lumitaw na isang imaheng hindi pa niya nakikita sa buong buhay niya at ito ay walang iba kundi si Dyosa Landira. "Narinig ko ang pagsusumamo ng iyong puso, Siri. Alam ko ang pinagdadaanan mo at ng aking nag-iisang apong si Aquarius. Gustuhin ko mang tulungan kayo pero hindi ko sakop ang pakikialam sa isang kaharian. Wala akong karapatan upang kalabanin si Nympha. Tanging mga katulad niyo lamang ang may kakayahang talunin sila." Nagsasalita ang diyosa habang umaalon-alon ang malaking pader na gawa sa tubig nang mga sandaling iyon. Gustuhin mang yumuko at lumuhod ni Siri bilang paggalang sa Diyosa ng Karagatan ay hindi niya magawa dahil nakatulog sa kaniyang buntot ang batang prinsipe. "Ipinagbabawal sa aming mga anak at apo ni Poseidon na mangialam kapag may hidwaan sa pagitan ng mga katulad ninyong imortal. Pero--magagawa ko ang iyong kahilingang bigyan ka ng paa." Ipinaliwanag ni Landira ang rason kung bakit hindi niya natulungan ang Kastilyong Azul sa kamay ng itinapon niya noong si Nympha sa Lumot Dagat. "Talaga po mahal na Dyosa?" Sumilay ang pag-asa at pananabik sa mukba ni Siri nang marinig nito mula sa diyosa na matutupad ang kaniyang kahilingang magkaroon ng paa. "Oo Siri. Magkakaroon ka ng paa sa lupa pero kapag uminom ka, o mababasa ng tubig-alat ay babalik ka sa pagiging sirena. Kaya sa bisa ng aking kapangyarihan, magiging paa ang iyong buntot." At iwinasiwas ng Diyosa ang kaniyang kamay. Isang lumilipad na puting bagay na kumikinang ang lumabas sa repleksyon ng Diyosa mula sa tubig at dumiretso ito sa mga buntot ni Siri. Unti-unting nawawala ang mga kaliskis at ang buntot nito ay naging mga paa. "Maraming salamat po mahal na Dyosa." Tuwang-tuwa si Siri sa nakikita niyang mga paa. "Walang anuman, Siri. Alagaan mo ang aking apo. Darating ang panahon na magiging mas malakas pa siya kay Nympha at sa akin. Magiging isang huwarang tao at sireno rin siya sa takdang panahon. Palagi akong magbabantay sa inyo. Si Aqua-Sere ang magiging tulay niyo naman pabalik sa Serenadia sa tamang panahon. Paalam." Hindi pa man nakapagsalita si Siri upang muling pasalamatan ang diyosa ay nawala na ang imahe nito sa karagatan. Tahimik na ring sumasayaw ang mga alon at humahalik sa lupa matapos ang pakikipag-usap ng diyosa sa kaniya. Pinagmasdang muli ni Siri ang kaniyang paa at ginalaw-galaw ito. Hindi pa siya puwedeng tumayo dahil baka magising si Aquarius. Kaya, tinapunan na lamang niya ng tingin ang kaniyang paa. Sa kaniyang paghagod sa mga braso at kamay ng bata ay napansin niyang unti-unti ring nawawala ang mga kaliskis nito. Ang mga daliri sa mga kamay at paa ni Aquarius ay hindi na nagdidikit-dikit. Marahil ay sadyang mahiwaga lamang ang pamilyang pinanggalingan ng prinsipe kaya masasabi ni Siri na maswerte siya at pinagkatiwalaan siya ng Diyosa, ng Hari, at ng Reyna gawin ang lahat ng makakaya upang proteksyuna si Aquarius.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD