Sa kabila ng bali-balitang may misteryosong nilalang na gumagala sa ilalim ng karagatan at gumagambala sa tahimik na nayon ng Katahimikan ay unti-unti namang nagsisipaglikas ang mga tao sa bayan ng na iyon.
Ngunit, karamihan pa rin naman ay nanatili rito. Nagbabakasakali pa rin silang bumalik sa dati ang lahat at maging mabait muli ang karagatan sa kanila nang makapamuhay sila ulir ng normal at walang iniisip na anumang takot o pangamba. Ipinapanalangin din ng natitirang mga tao doon na sana tigilan na ng iba ang pagiging sakim at maging mapagbigay na lamang sa kanilang kapwa na walang sapawan o inggitan.
At isa ang pamilya Recuerdo sa mga pamilyang ilang taon na ngang nanirahan sa maliit na islang iyon. Nang magkaroon ng alitan at bangayan sa mga kababayan niya ay hindi sila nakigulo. Nang unti-unting nawalan ng hanapbuhay ang halos lahat ng mangingisda doon ay hindi sila nawalan ng pag-asa. Nang magkaroon ng delubyo sa karagatan kung saan marami sa mga nagsilikas ay nahulog sa dagat at hindi na nakaahon pa o nakabalik man lamang sa pangpang, taos puso silang nanalangin sa Diyosang Landira na gabayan sila at iadya sa ano mang kapahamakan o trahedya sa karagatan. Kaya nanatili pa ring buo ang kanilang katapatan sa bayan ng Katahimikan. Mas nanaisin nilang mamatay sa mismong lupang kanilang sinilangan.
"Mahal, wala tayong dapat ipangamba sa bayang ito. Tanging ang mga may maiitim na budhi lamang ang kailangang lumisan rito. Kahit tayo na lamang ang matira sa buong Katahimikan, dadami at dadami ang lahi natin. Dahil tayo ay nanggaling sa mga mababait at may takot sa kalikasang pamilya," wika ng ama ng tahanan. Kakikitaan mo ito ng tapang at inspirasyon sa mga salitang binibitiwan niya sa kaniyang pamilya.
"Naiintindihan ko ang iyong nais iparating, mahal ko. At sa abot ng aming makakaya ay susupportahan ka namin ng mga anak mo," pagsang-ayon naman ng ilaw ng tahanan. Walang oras na hindi ito kasangga ng ama ng tahanan. Sa bawat panganib ay naroon siya. Sa bawat desisyon nito ay sinusuportahan niya ito nang walang hinihinging anumang kapalit o pag-iimbot.
Kahit salat sa pagkain ay masaya pa rin silang nagsasalo-salo sa hapag-kainan. Hindi inisip ng pamilya Recuerdo ang posibleng mangyari at mangyayari pa sa kanila kung mananatili pa sila sa bayang iyon. Matindi at malakas ang pananampalataya nila sa Panginoon at sa Diyosang Landira na babantayan sila at ilalayo sa kapahamakan at kasamaan.
Isang araw sa liblib na parte ng kagubatan ay napadpad ang magkakapatid na Recuerdo. Ito ay sina JC at Julz Recuerdo.
Naghahanap sila ng panggatong noong mga oras na iyon at hindi nila namalayang nakarating na pala sila sa isang hindi pamilyar na lugar, malapit sa batis. Namangha ang dalawa sa ganda ng kapaligirang ito. Tahimik din at napakalmado ng lugar. Ang huni ng mga ibon ay tila isang saliw sa musikang tumutugtog sa kanilang mga tainga. Maging ang lagaslas ng tubig ay napakapreskong pagmasdan kahit hindi sila magtampisaw. Nakabibighani ang lugar sa kanilang pananaw.
At dahil hindi nila napigilan ang mga sarili na tingnan lang ang tubig, nagpasiya silang magtampisaw muna at uminom gamit ang kanilang dalawang palad bilang pansalok dito.
"Ang sarap ng tubig dito Julz," sabi ni JC. Sarap na sarap ito sa pagsalok at pag-inom.
"Oo nga e. Kung maligo kaya tayo?" suhestyon naman ni Julz. Hindi na masama kung ilublob man lamang nila ang buong katawan sa tubig sa batis na iyon.
"Sa susunod na lang, baka abutin tayo ng dilim dito," pagtanggi ni JC. Alam ni JC na hindi sila dapat abutin ng gabi. Hindi rin pamilyar ang lugar sa kanila. Ngayon lamang nila ito nakita. Kaya ganoon na lamang ang pagtanggi sa alok ng kapatid.
"Teka. May naririnig ka ba?" napatigil naman sandali si Julz.
Ili Ili
tulog anay.
Wala diri
imo nanay.
Kadto tienda
bakal papay.
Ili Ili
tulog anay.
"May naririnig ako. Napakagandang tinig," napapapikit bigla si JC upang lalo pang pakinggan ang tinig at kanta.
"Teka -- parang may bumubula sa gitnang bahagi ng sapa. Doon! JC, tingnan mo!" sabay turo ni Julz sa bumubula ngang bahagi ng sapa.
"A-ano yan?" may takot na tanong ni JC habang pinagmamasdan ang pumapailanlang na tubig. Walang kakurap-kurap nilang pinagmasdan ang parang bulkang tumataas na tubig sa kanilang harapan.
At laking gulat nga ng dalawa nang biglang may lumundag mula sa tumataas na tubig na isang nilalang na may itim na buntot at lumangoy ito nang lumangoy papunta sa kinaroroonan nila kung saan ang mga paa nila ay nakalublob sa tubig.
"I-i-isang..." utal na sabi ni Julz. Nanginginig pa ang bibig sa nakikitang pamilyar na nilalang.
"Kataw!" biglaang sigaw ng dalawa at agad na kumaripas ng takbo. Hindi sila lumingon. Halos maihi pa ang dalawa sa katatakbo hanggang sa may nakasalubong silang isang matandang babae sa daan. Kaagad silang pinatigil nito at kinausap.
"Anong nangyayari sa inyo mga apo? Para kayong nakakita ng multo," isa-isang tinitigan ng matanda ang mga bata habang tinatanong. Balisang-balisa na ang mga ito. Sunod-sunod ang pagtagaktak ng pawis nila.
"La-la-kasi-kasi..." pautal-utal at hindi halos matapos-tapos ni JC ang kaniyang sasabihin sa matanda.
"La, Kataw. Totoo ang kataw," dugtong ni Julz. Mabuti na lamang at nabigkas niya ito sa harapan ng matanda.
"Malapit na. Malapit na. Ang paglitaw ng isang kataw sa sapa o ilog ay isang babala sa ating mga tao. Umuwi na kayo at mag-ingat," sambit ng matanda. Lalo lamang nagbigay ng matinding takot sa dalawa ang mga pinakawalang salita ng matanda.
Kaagad namang kumaripas ng takbo sina Julz at JC pauwi sa kanilang bahay habang ang matanda naman ay naiwang nakatayo sa gilid ng daan.
May malaking delubyong mangyayari sa bayan ng Katahimikan. Isang digmaan naman ang gigimbal sa buong karagatan. Kailangang mahanap ang tagapagligtas.
Iyon ang mga huling mga salitang binigkas ng matanda. Isang babala sa bayan ng Katahimikan. Isang delubyong mangyayari at mangyayari na. Isang digmaan ang gigimbal at maraming tao ang magbubuwis ng buhay. At upang mapigilan ito ay kailangang mahanap ang tagapagligtas.
Mula sa pagiging matanda ay naging isang napakagandang diyosa ito at unti-unting naging isang malaking ibong lumipad paitaas.