Hanggang tanaw na lamang ang kayang gawin ni Sereyna nang mga oras na iyon habang pinagmamasdan ang masasayang ngiting nakaukit sa mga labi ng kaniyang nag-iisang anak na si Aquarius. Nagpapasalamat siya at natagpuan niya ang pinananabikan niyang anak dahil sa ungol na nilikha ni Aqua-Sere. Maluha-luha pa itong tinatanaw ang binatang ilang taon ding nawalay sa kaniyang mga yakap.
Malakas ang pinakawalang kapangyarihan ng nakalaban niyang si Shukira noon dahilan upang tumilapon si Sereyna sa malakas na pagsabog na ginamit ng pangit na siyokoy. Ang buong akala niya ay katapusan na niya noon at mamamatay na siya dahil sugatan na rin siya at natamaan ni Shukira ang kaniyang katawan.
Nawalan siya ng malay matapos ang pagsabog na iyon pero agad siyang sinaklolohan ng isa ring kalahi niya. Ang sirenang ito ang isa sa mga nilalang sa kaharian ng Serenadia na ang pangalan ay Lira. Si Lira ay may kakayahang magpagaling kaya ginamit niya ito upang paghilumin ang mga sugat ng reyna na si Sereyna.
Matapos pagmasdan ang kaniyang pakay ay tumalikod si Sereyna at agad na lumusong sa ilalim ng karagatan gamit ang kaniyang mga buntot. Masaya na siyang makitang nasa ligtas na lugar ang mga mahal niyang sina Siri, Aqua-Sere, at ang kaniyang pinakamamahal na anak na si Aquarius. Hindi pa siya puwedeng magpakita dahil baka matunton siya ng mga alagad ni Nympha.
"Magkikita pa tayo, anak ko. Hindi man ngayon pero darating ang panahon na makakasama kitang muli. Palagi kitang babantayan. At kapag dumating na ang takdang panahon na iyon, alam kong malakas ka na. Tutulungan kitang mabawi ang ating kaharian at hahanapin natin ang iyong ama. Alam kong sa puso ko ay buhay pa siya at bihag siya ni Nympha. At aalamin ko rin iyon at magpapalakas din ako. Mahal na mahal kita anak. Mahal na mahal kita, Aquarius."
Tanging sa isip na lamang ni Sereyna sinabi ang mga katagang iyon para sa kaniyang anak. Nagpatuloy siya sa pagsisid sa ilalim ng karagatan hanggang makabalik nga siya sa isang tagong kuweba. Naghihintay doon ang nag-aalalang mukha ni Lira kasama ang kaniyang nag-iisang anak na si Erielle. Ang kuweba ay ilang milya lamang ang layo mula sa bayan ng mga tao, ang bayan ng Katahimikan. Kaya doon sila nagtago. Wala ding nakaaalam sa kuwebang iyon. Kaya kampante sina Lira at Erielle na ligtas sila.
"Inay, nandito na po ang mahal na reyna Sereyna," wika ni Erielle. Sinalubong niya ito at inalalayan.
"Mahal na Reyna, saan po kayo galing? Mabuti at nakabalik po kayo. Ang buong akala ko ay iniwan niyo na kami rito," nag-aalalang tanong ni Lira. Nginitian siya ng reyna at hinawakan ang kamay nito.
"Ipagpaumanhin ninyo, Lira at Erielle. May pinuntahan lang ako. Nakita ko na si Aquarius. Natagpuan ko na siya. Binatang-binata na siya at masayang-masaya siya sa piling nina Siri at Aqua-Sere. Kasing edad mo na rin siya ngayon, Erielle," pagkukuwento ni Sereyna. Hindi mapalis-palis ang mga ngiti sa labi ng reyna sa pagsasalita tungkol sa kaniyang anak.
"Talaga po, mahal na reyna?" nagagalak namang tanong ni Erielle.
"Wala po ba kayong naramdamang panganib sa kinaroroonan nila, mahal na reyna?" tanong ni Lira. Isiningit lang ito ni Lira para na rin sa kaligtasan ng reyna at ng mahal na prinsipe.
"Wala, Lira. Walang masamang elementong nahagip ng aking pakiramdam. Ligtas sila roon. At kung maari, Lira ay Sereyna na lamang ang itawag mo sa akin. Hindi naman nagkakalayo ang ating edad. Wala na tayo sa Serenadia at wala rin sa akin ang korona. Pareho na tayong ordinaryong sirena," pag-uutos ng reyna. Nagulat naman si Lira sa utos ng reyna sa kaniya at tila naurong ang dila.
"Kung iyan po ang gusto niyo, masususunod po, mahal na reyna este Sereyna," wika ni Lira na bahagyang ngumiti sa harapan ng reyna. Napalapit na rin kasi sila sa isa't isa.
Tama ang sinabi ng reyna na hindi nga nagkakalayo ang mga edad nila. Pero para kay Lira ay dugong bughaw pa rin ang kaharap niya at kahit saang anggulo mang tingnan ay mataas pa rin si Sereyna sa kaniya. Ipinagpapasalamat na lamang ni Lira na napakabusilak at mabait ang reyna.
"Salamat. At ikaw naman Erielle, tita na lang ang itawag mo sa akin ha? Tita, Sereyna. Para na rin akong pangalawa mong ina. Okey ba iyon?" nakangiting suhestyon naman ni Sereyna sa dalagang si Erielle.
"Opo,--Tita." sabi ni Erielle. Napuno ng tawanan ang kuweba sa tatlong sirenang sina Sereyna, Lira, at Erielle.
Pansamantalang napawi ang lungkot sa mukha ni Sereyna at napalitan ito ng napakalapad na ngiti sa kaniyang mga labi. Nadagdagan pa ang ngiti niya ng tawanang umalingawngaw sa loob ng kuweba dahil kina Lira at Erielle. Hindi na masama na naging kasa-kasama niya ang mga ito kahit pa napakataas ng estado niya noon sa Serenadia kung ikukumpara sa mga nasasakupan niya. Magkagayunpaman ay buong puso pa rin siyang tinanggap nang walang pag-aalinlangan at natulunga siya ni Lira. Ang pangalawang buhay na mayroon siya ay dahil kay Lira at tatanawin niya itong malaking utang na loob hanggang sa kaniyang kamatayan. Hinding-hindi niya rin hahayaang may mangyaring masama sa dalawa kaya todo ingat siya kapag siya ay lumalabas sa kuweba. Ayaw niyang matunugan ang pinagtataguan nila ng mga kampon ni Nympha.
SA KABILANG DAKO, sa kaharian ng Serenadia, sa loob ng Kastilyong Azul naman ay iniba ni Nympha ang pamamalakad at ayos sa kaharian. Binihag niya ang lahat ng mga sireno at sirenang nasugatan at buhay pa. Ginawa niyang mga alipin ang mga ito at pinapatawan ng parusang kamatayan kapag nagtatangkang tumakas o gagawa ng hindi naayon sa kaniyang kautusan.
Ang mahal na hari naman ay bihag din niya. Si Aquano ay nabulag nang magpakawala ng pagsabog noon si Shukira sa mahal niyang reyna Sereyna. Sa sobrang liwanag kasi nito ay hindi nakayanan ng kaniyang mata at kinalaunan nga ay nawalan ito ng paningin. Kaya naman, nagpasiya si Nympha na palitan ang mukha ng hari at pagalingin ito gamit ang kaniyang nalalaman. Maluha-luha pa itong maangkin ang taong pinakamamahal niya. Wala ring pagsidlan ang tuwa niya pagkat nagtagumpay siyang maging reyna ng Serenadia.