“Ano kaya kung magpost ka sa social media, Makoy? Malay mo matulungan ka ng social media na hanapin ang mga kamag-anak mo.” Suhestiyon ni Onex sa akin dahil nauuso nga naman ang paghahanap ng ibang tao sa kanilang mga kamag-anak na matagal na nilang hinahanap.
Pinigaan ko na muna ng kalamansi ang mainit na goto na talaga namang umuusok pa dahil bagong luto.
“Paano ko sila hahanapin kung hindi ko naman alam kung anong pangalan nila? Anong last name. Alam mo naman na Marinella lang ang alam kong pangalan ng nanay ko. At maraming Marinella sa mundo,” tugon ko.
“Sabagay, tama ka. Kung bakit naman kasi kahit apleyido mo man lang ay hindi mo man lang nalaman, ano? Ang guwapo mo nga pero isa ka namang putok sa buho,” wika pa ni Onex habang napaso pa yata ang dila dahil sumubo na ng goto.
Kagagaling lang namin pareho sa trabaho at sakton nagkasabay kami pauwi kaya nagkayayaan kaming kumain muna para na rin makapag kwentuhan.
“Gustuhin ko man silang hanapin ay hindi ko naman alam kung saan ako mag-uumpisa. Kaya mag-iipon muna ako ng marami pambayad ng magaling na imbestigador para matunton ang mga kamag-anak ko.”
Iyon naman talaga ang balak ko. Kaya rin ako nagsusumikap na makapagtapos ng pag-aaral ay para magkaroon ng magandang trabaho na magbibigay sa akin ng malaking sahod para agad akong makaipon para hanapin ang pamilya ko.
Sa ngayon ay malaking suntok sa buwan ang pangarap ko.
Ngunit naniniwala ako na balang-araw ay mahahanap ko rin kung sino man sila.
Mahirap ang lumaking mag-isa. Mahirap din ang tumatanda ako na wala akong pagkakakilanlan.
“Oonga pala, Makoy. Ang astig ni Miss Erin, ano? Grabe ang babaeng iyon. Sobrang ganda na nga ay sobrang tapang pa. Nabalitaan ko nga kung paano niya mag-isa na itinumba ang grupo ni Mando. Ano na si Miss Erin, black belter?” usisa pa ni Mando.
“Hindi lang yata. Siguro ay bihasa siya sa pakikipaglaban lalo pa at nag-iisa lang siyang anak ng isang business tycoon. Malamang na bata pa lang ay hinasa na siya para na rin protektahan ang kanyang sarili laban sa mga mangangahas na gawa siya ng masama.” Kwento ko kay Onex.
“Kung ganun mayaman pala talaga si Miss Erin, pero hindi halata, ha. Wala kasi siyang ka arte-arte sa bahay niyo. Ayoko nga lang siyang kausap dahil dudugo ang ilong ko sa kanya pero nakakabilib siya kumpara sa mga anak mayaman.”
Hindi nga naman maarte si Erin. May mga ipis, daga, lamok at kung anu-ano pang mga hayop at insekto ang nakatira rito sa squatter pero hindi ko siya nakita or narinig na nag-inarte.
“Mabait sina Tita April at Miss Erin at pareho talaga silang hindi maarte. Mabuti nga at kahit paano ay may naninirahan na sa bahay at kahit paano ay may naglilinis,” wika ko pa.
“Alam mo, Makoy, bagay kayo ni Miss Erin. Napaka guwapo mo naman talaga kaya bagay ka sa magandang gaya niya. Kaso nga lang langit siya lupa ka. At may terrorista pa yata siyang tatay kaya kung ako sayo, mag-aral ka nga at pagkatapos ay magpakayaman. Iyong yaman na mapapantayan mo kung anong kayamanan meron sina Miss Erin.”
Umiling ako.
“Onex, huwag mong ipaparinig kay Miss Erin ang mga sinasabi mo at nakakahiya. Baka isipin niya ay may gusto ako sa kanya.”
“Ano naman ngayon ang masama kung may gusto ko nga aa kanya? Bawal ba?” sabay inom ng tubig ni Onex.
“Wala naman akong gusto o espesyal na pagtingin kay Miss Erin. At saka ang mga gaya niya ay bawal gustuhin ng mga katulad kong mahirap. Mayaman siya kaya bagay siya sa mayaman din. At saka matapang siya samantalang ako ay napakaduwag.” Pahayag ko pa pero nag-iba ang tingin sa akin ni Onex.
“Bro, bakit kailangan mo ng mahabang paliwanag gayong nagbibiro lang naman ako? At saka huwag mo naman hamakin ang mga gaya nating hamapaslupa. Porke ba tayo ay mga anak mahirap, hindi nag-aaral sa magandang university at pawaang mga hamak na kargador sa palengke ay wala na tayong karapatan na magmahala ng mayaman? Maniniwala ako na wala akong karapatan lalo at mukha talaga akong kargador pero ikaw hindi. Dapat nga sumasali ka sa mga papogian na contest o kaya naman mag-apply ka bilang model. Nakakabakla kaya ang kaguwapuhan mo.” Pagbibiro pa ni Onex.
Madalas kasi na nakukursunadahan din ako ng mga bakla kaya ganito na lang magbiro so Onex.
“Puro ka kalokohan. Mabuti pa ay dalian na nating kumain para makauwi ka na. Baka mamaya ay hinihintay ka ng nanay mo.” At saka ko na rin binilisan ang pagkain.
Kung si Onex ay laging nagpapahayag na mabuti pa raw ako ay may itsura at matalino kumpara sa kanya. Ang lagi ko naman sagot sa kanya ay napaka swerte niya dahil may nanay at kapatid siya na laging naghihintay sa kanya sa bahay nila.
Minsan na rin sumagi sa isip ko na hanapin sa pamamagitan ng social media ang mga kamag-anakan ko pero anumang isip ko kung paano at saan mag-uumpisa ay wala talaga akong maisip.
“Makoy, anak. Mabuti at dumating ka na. Kanina pa ako nag-alala sayo dahil oras na ay wala ka pa. Tinatawagan ko na nga si Erin na kung sakaling maaga siyang umuwi ay daanan ka sa pwesto sa palengke.” Salubong ni Tita April.
“Nagkita po kasi kami ni Onex sa daan kaya nagka kwentuhan po kami.” Magalang kong sagot.
“Kaya naman pala, o siya. Kumain ka na kung nagugutom ka na. Pinainit ko na ang ulam. Ako naman ay hihintayin ko muna si Erin.”
Ang totoo hindi ako makapaniwala.
Kanina lang ay naiinggit ako kay Onex dahil may nanay siya at kapatid ngayon ay narito si Tita April na tinawag pa akong anak.
“May problema ba, Makoy? Natigilan ka yata?”
Umiling ako.
“Hindi lang po kasi ako sanay na may sumasalubong po sa akin. Na nag-aalala at tatanungin ako kung bakit ngayon lang po ako umuwi. At higit sa lahat ay may pagkain na po para sa akin.” Malungkot kong sagot bagamat sobra akong masaya.
Ngumiti si Tita April.
“Itong batang to, napaka drama. Anak na rin ang turing ko sayo hindi ba? Kaya huwag ka ng magtaka na nag-aalala ako sayo o kung may pagkain na para sayo. Kahit sinong nanay ay matutuwa na maging anaka ka, Makoy. Kaya huwag ka ng malungkot pa,” ani Tita April.
Ganito pala talaga ang pakiramdam ng may pamilya.
“Hi! Mom. Makoy, ngayon ka lang dib? Huwag sabihin na inabangan ka ng grupo ni Mando kaya hindi ka agad nakauwi? Nasaan ang sugat mo?” mga tanong agad ni Erin at saka pa sinuri ang mga braso ko.
“Erin, nagkita kasi kami ni Onex kaya ngayon lang din ako.” Sagot ko na.
“Akala ko ay inabangan ka para awayin ng grupo ng mga yon. Bakit ba kasi napakabait mo at ayaw mo silang labanan? Gusto mo talagang nababangasan kaysa ang unahan sila sa pagsuntok at pagsipa.” Payo pa ni Erin na salubong ang mga kilay.
“Erin, ano naman ba ang itinuturo mo kay Makoy. Anak, sadyang mabait si Makoy at ayaw ng basag ulo kaya siguro hanggat maaari ay iniiwasan niyang makasakit ng kapwa. Halina nga kayong dalawa at sabay-sabay na tayong maghapunan.” Saway ni Tita April sa kanyang anak.
“Mom, tinuturuan ko lang si Makoy to depend himself laban sa mga siga-sigaan. You know me, Mom. Hindi ako basta nananakit ng kapwa unless na may nakita akong sinasaktan sa harap ko. Hindi ako mananahimik na lang basta lalo pa at alam ko sa sarili ko kaya ko silang patumbahin.” Matapang pa na sambit ni Erin na naghugas ng mga kamay sa lababo.
“Pero mali pa rin ang makipag-basag ulo. Tama ang ginagawa ni Makoy na pag-iwas sa gulo sa halip na patulan.” Payo naman ni Tita April kay Erin.
“Kaya ba kahit nasasaktan na kayo ay hindi pa rin kayo lumalaban kay, Dad? Kahit sobra na ay nagtitiis pa rin kayo?” seryosong tanong ng isang anak sa kanyang nanay.
Natahimik si Tita April sa narinig na tanong ng anak.
Oo, nalaman ko na isa pa lang battered wife si Tita sa kamay ng kanyang makapangyarihan at mayaman na asawa.
Mabuti na nga lang at iba mag-isip si Erin at talagang mas pinili na makasama ang nanay niya kahit pa kapalit ng pagkawala ng karangyaan na tinatamasa niya.
“Tita April, amoy pa lang ng ulam ba niluto mo ay nakakatakam na. Palagay ko po at tataba na ako nito.” Sinubukan kong kunin ang kanilang atensyon para mawala ang tensyon na sinimulan ni Erin.
“Sana nga tumaba ka na dahil sobra mong payat. Huwag ka na kasing kumakain ng masyadong street foods at kumain ka ng pagkain talaga. Noong una talaga kitang nakita ay inakala kong pasyente ka rin sa loob ng ospital at isang bulate na lang ang hindi pumipirma sayo.” Diretsong sambit sa akin ni Erin.
Payat talaga ako dahil madalas ay nalilipasan ako ng gutom lalo kung nasa trabaho.
Pero baka nga magkalaman na ako ngayon lalo pa at may matino na akong pagkain na kinakain sa mga luto ni Tita April.
Ang nanay ko kaya?
Kung nabubuhay kaya siya ay ganito niya rin ako aasikasuhin?
Magagalit din kaya siya kung late akong umuwi?