Ilang buwan din nanirahan sina Tita April at Erin dito sa bahay. Akala ko nga ay magtatagal pa sila ngunit ng mamatay ang mga magulang ni Tita April ay nagkita-kita na silang tatlong magkakapatid sa burol ng kanilang yumaong mga magulang.
May dalawang babaeng kapatid pal si Tita April at talaga namang magkakamukha sila ngunit nagka-iba lang sa height dahil nga kung sino ang panganay ay siyang pinakamaliit.
Malungkot na mag-isa na naman ako sa bahay ngunit masaya naman na pagkatapos magkakahiwalay ng magkakapatid ng ilang taon ay nagkita-kita na rin sila.
Niyaya naman nila akong sumama na sa kanila lalo pa at anak na talaga ang turing sa akin ni Tita April pero tinanggihan ko.
Matagal ko ng pangarap na may matawag na pamilya pero hindi ko rin maintindihan sa sarili ko kung bakit tinanggihan ko ang alok ni Tita.
Hindi ko alam.
Hindi ko alam ipaliwanag kung ano ang posibleng dahilan.
“Makoy, bakit naman ang bagal mong magneho? Mas Mabilis pa yata kung maglalakad na lang kami ni Light para agad na kaming makarating sa mall,” naiinis na rekamo ni Erin.
Nagpasama siya sa akin na maghatid ng mga kakanin na order mismo kay Tita April at pagkatapos nga raw ay diretso kami ng mall para sa project ni Light.
Si Light ay anak ni Tita Alexis na pangalawang kapatid ni Tita April. Siya ang matagal ng nawalay sa pamilya nila.
May pagkasuplada si Tita Alexis pero sa mukha lang naman dahil ang totoo nakakahanga siyang babae ay nanay.
May kapansanan siya pero nagaww niyang itaguyod si Light ng siya lang mag-isa sa buhay.
Nakakatuwa nga na maliban kay Tita April ay may iba na akong tinatawag na Tita gaya nga ni Tita Alexis at Tita Abby na siyang bunso sa kanilang tatlong magkakapatid na ang anak naman ay isang batang babae.
“Erin, hindi ko pwedeng bilisan dahil bilin ng mommy mo na maging maingat ako lalo pa at tatlo tayong nakasakay dito sa sasakyan. Hahanap lang ako kung saan ako pwedeng pumarada,” sabi ko habang naghahanap ng bakanteng parking lot.
“Mauna na kaming bumaba ni Light at hintayin ka na lang namin. Ibaba muna kami.”
Sinunod ko naman si Erin. Inihinto ko na muna ang sasakyan at saka sila bumaba ni Light. Itinuro rin ni Erin kung saan sila maghihintay sa akin.
Umikot-ikot pa ako para makahanap ng parking area pero sa sulok pa ako nakahanap kaya baka nainip sina Erin at Light.
“Ate!”
Nagulantang ako ng marinig ang malakas na boses ni Light habang tinatawag ang kanyang ate.
Naalarma ako at agad na binilisan ang paglakad hanggang sa nakita ko nga si Light na hawak ng isang hindi kilalang lalaki at pilit na sinasakay sa isang kotse.
“Kuya!” sigaw ni Light ng makita ako at agad ko na siyang inagaw sa hindi kilalang lalaki na pilit siyang isinasakay sa sasakyan.
“Huwag ka ng mangealam pa kung sino ka namang totoy ka! Demonyo ang tatay ng batang yan kaya dapat lang na mamatay siya at mapunta sa impyerno!” sigaw ng lalaking katunggali ko at saka ko sasaksakin sana sa tiyan ngunit nakaiwas ako. Pero ganunpaman ay nahiwa ang braso ko kasabay ng pagtumba ko.
Pero hindi ako dapat na manghina dahil kailangan ako ni Light.
Nakatakbo papalayo ang kotse pero tumakbo rin ako at gumawa ng paraan para makahabol.
Oras na may mangyaring masama kay Light ay wala akong mukhang maihaharap kay Erin kay Tita April lalo na kay Tita Alexis na kasalukuyan pa naman na buntis.
Nariring ko kanina na sumisigaw si Erin pero wala akong panahon na lingunin siya dahil mas kailangan ako ni Light.
Umikot ako ng daan para mas mauna ako sa daan kung saan man dadaan ang patakas kotse sakay ang pinsan ni Erin.
Walang pag-aalinlangan kong hinarang ang aking sariling katawan sa umaandar na sasakyan.
“Hindi ka makakatakas!” sigaw ko bago tuluyan humampas ng malakas ang katawan ko sa harapan na bahagi ng sasakyan.
Naradaman ko ang sakit at pati ang pagtilapon ng katawan ko sa kung saan pero ang mahalaga ay huminto ang sasakyan na nakita ko ng pinabutan ng mga tao na nakasaksi na sa nangyari.
“Boy, gising. Huwag ka na munang matutulog at dadalhin ka na namin sa ospital.” Narinig ko na pagkausap sa akin ng isang babae ngunit hindi ko magawang sumagot man lang dahil pakiramdam ko ay masakit lahat ng bahagi ng katawan ko pero hindi ako makakilos.
Gusto ko sanang itanong kung nasaan si Light at Erin pero tila umurong yata ang aking dila.
Heto na ba ang katapusan ko?
Kung ito na nga ay malugod ko naman na tatanggapin para maputol na kung anuman na sumpa ang dala sa pagiging malas.
Tanggap ko na rin naman na malaki lamang na kahibangan na patuloy akong umasa na mahahanap ko pa kung sinuman ang mga kamag-anak ng nanay ko.
Kaya kahit mawala ako ay wala na rin naman akong iiwan pa. Wala na rin namang iiyakan ang pagkamatay ko.
Masaya na rin ako na nakaabot ako sa edad na ito.
Kasama ko sina Erin at Light kaya nadamay sila sa kamalasan na dala ko
Nakarinig ako ng maingay na tunog galing sa malakas na wang wang ng ambulansiya.
Gusto kong sabihin na unahin nilang dalhin sina Erin at Light at hayaan na lang ako.
Nararamdaman ko ng gusto ko ng matulog. Namimigat na ang mga talukap ng aking mga mata.
“Makoy! Makoy, anak. Lumaban ka, ha. Kaya mong lampasan yan. Huwag mong hahayaan na basta ka lang mawawala.”
Hindi ko alam kong dinadaya lang ba ko ng pandinig ko pero nagising muli ang diwa ko ng marinig ko ang boses ni Tita April na tila umiiyak at nagsusumamo.
“Dok, iligtas mo si Makoy. Iligtas mo rin ang anak ko,” pakiusap pa ni Tita Apri.
Kung ganun ay nasa ospital na pala ako?
Pero bakit mukhang malala yata ang tama ko na umiiyak pa si Tita April.
Parang nauulinagan ko rin ang boses ni Tita Alexis.
Si Light?!
Nakuha kaya siya ng kidnapper?.
Si Erin? Nasaan si Erin?