"Heroes are made by the paths they choose, not the powers they are graced with."
-Brodi Ashton
Mula sa loob ng palasyo ng Malakanyang ay lumabas si Helena. Nakasuot siya ng itim na maong at pulang polo na napapatungan naman ng kulay itim na bolero jacket at nakasuot din sa kanyang dalawang kamay ang tila guwantes na may butas sa mga daliri nito. Ito ang dating hitsura ni Helena dalawang taon na ang nakakaraan. Ang nagbago lamang ay ang kanyang buhok dahil bahagya itong humaba. Itinali niya na lamang ito na parang naka-pony sa likod at natatakpan ang kanyang asul na memory gene ngunit makikita pa rin ang kanyang bangs na humahaba hanggang sa kanyang mga mata.
Napanganga lamang si Albert habang tinitingnan ang dalagang nakasimangot habang bumababa sa hagdan ng palasyo.
"Anong problema Albert?" tanong niya.
"Ah wala, ngayon ko lang ulit kasi nakitang ganyan ang suot mo. Parang full battle gear," sagot naman niya.
"Wala akong oras para makipagbiruan, Albert. Kailangan kong makarating sa susunod na estasyon na pupuntahan ng tren. Bilisan mo ang pagpapatakbo!" utos naman ng dalaga. Humakbang naman si Albert sa dalang itim na hover bike. Umangkas naman sa likuran nito si Helena. Sinuot niya ang isang asul na helmet at ang itim naman ay kay Albert.
"Sigurado ka ba dito, Helena?" tanong ni Albert.
"Wala nang ibang gagawa nito kundi ako. Kapag gumamit tayo ng prototype at militar, made-detect sila ng mga prototype sa loob ng tren. Maagang sasabog ang mga bombang dala nila," sagot naman ng dalaga. Agad namang pinatakbo ni Albert ang hover bike. Umangat ito nang dahan-dahan at pinaharurot nang mabilis palabas ng gate ng Malakanyang. Agad namang sumaludo ang mga sundalo sa paligid ng gate at bumukas naman ito agad nang malapit na sila dito.
*****
Patuloy ang matinding takot na bumabalot sa mga sakay ng tren ng NMRT o Neo Metro Rail Transit patungong Batangas. Sa pagkakataong iyon ay nakarating na sila sa Makati Station. Bawat estasyong dinadaanan ng ruta ng tren ay nilalampasan lamang nito. Bawat estasyon namang dadaanan ay makikita ang mga nagkukumpulang media. Bahagyang nakalayo ang mga ito sa dilaw na linya, dala-dala pa rin nila ang mga camera at tinututukan ang pagdaan ng tren. Ang mga pasaherong sasakay sana sa naturang tren ay tila abot-langit ang pasasalamat dahil wala sila sa loob nito. Sinara naman ang dinadaanan ng riles mula EDSA hanggang sa Magallanes papuntang Laguna. Ito ay para maiwasan ang peligrong dala ng mga prototype sa mga tao sa paligid kung sakaling sumabog man ang mga ito.
Kalbaryo naman ang dinaranas ng mga sakay ng tren. Bawat isa ay pinagmamasdan na lamang ang mga prototype na wangis tao. Tinititigan nila ang numerong tumatakbo nang pabaliktad sa kanilang pisngi. Bawat bagon ng tren ay mayroong sakay na dalawang prototype. Mayroong dalawampung bagon sa kabuuan ng tren na iyon. Kung susumahin, kapag sumabog ang mga prototype na ito ay walang maiiwang buhay. Lahat ng sakay ng tren ay maaabo at maaari pang umabot sa mga nasa paligid nito.
Walang magawa ang iba kundi ang magdasal. Ang iba ay kapit-kapit na lamang ang kanilang mga mahal sa buhay habang nakalayo sa mga prototype. Umiiyak na lamang ang mga ito sa bawat sulok ng tren at animo'y naghihintay na lamang ng kanilang kamatayan.
"M-Ma?" wika ng isang batang lalaki habang nakatitig sa labas ng tren. Dahan-dahan nitong itinuro ang kanyang nakikita. Agad namang tumingin ang kanyang ina sa labas at nakita si Helena na tumatakbo nang mabilis sa ibabaw ng railings ng dinadaanan ng tren. Agad namang sumenyas ang dalaga na huwag maingay. Sa likod kasi ng mag-ina ay makikita ang isang nakatalikod na prototype.
Napangiti na lamang ang babae habang naiiyak. Agad namang lumundag si Helena sa ibabaw ng tren. Bahagyang dumagundong ang bubong at napatingin naman ang prototype. Napansin agad ni Helena na naging maingay ang pagbagsak niya kaya't tumakbo siya patungo sa unang bagon ng tren. Nag-iba naman ang hitsura ng mata ng prototype sa loob ng tren. Dine-detect nito kung may tao sa itaas at naaaninag nga nito ang tumatakbong dalaga. Sumunod namang tumingin ang isa pang wangis babaeng prototype. Sinundan nila si Helena patungo sa unang bagon hanggang ang iba pang prototype mula sa likurang bahagi ay sumunod din sa kanila.
Hindi nila madetect kung prototype ang tumatakbo. Hindi rin nila malaman kung sundalo ng militar ang nasa itaas ng tren kaya't hindi sumasabog ang mga bombang kanilang dala. Sinusundan nila si Helena at inaakalang isang sibilyan lamang. Napatingin naman si Helena sa isang malaking salamin nang dumaan ang tren sa estasyon. Pinapakita dito ang nagkakagulong mga tao sa loob dahil sinusundan siya ng mga prototype. Bawat pagdaan ng mga ito ay umiiwas ang mga tao at lumalayo. Makikita naman ang napakaraming media sa estasyon at nagulat sila nang makita si Helena sa bubong ng tren.
Ganyan nga, sundan niyo lang ako, wika ng dalaga sa sarili. Nagpatuloy ang pagtakbo niya papunta sa unang bagon. Bawat hati ng tren ay binubuksan ng mga prototype. Winawasak nila ang mga pinto upang makapunta sa isa pang bagon.
*****
"Ang Subject 7, nasa tren na," wika ni Layla.
"Magaling. Oras na. Maghanda ang lahat. Alam mo na ang gagawin, Layla," sagot naman ni Edward.
Napangiti na lamang si Layla at muling nagpipindot sa hologram screen na nasa kanyang harapan.
*****
Mula naman sa isang malaking basement ng National Museum ay nagsi-ilaw ng kulay pula ang mga mata ng mga prototype na naka-helmet ng fiber glass. Nakauniporme rin ito ng itim, at mula sa pagkakayuko ay tumingala ang daan-daang prototype at nagsimulang maglakad patungo sa salaming pintuan ng malaking kwarto.
"A-anong nangyayari?!"
Nanlaki naman ang mga mata ng isang security guard habang nakatingin sa hologram monitor ng CCTV security. Pinapakita dito ang mga nagising na mga prototype habang lumalabas sa salaming pintuan ng isang malaking vault.
Agad niyang pinindot ang alarm ng buong museo. Tumunog naman ang sirena at nagsilabasan ang mga guwardiya ng museo na iyon. Nagsimula namang magpanic ang mga tao at ilang mga kabataang nagfi-field trip sa lugar nang makita nila ang paggalaw ng mga prototype. Naglakad na nakalinya ang mga prototype sa hallway ng museo. Napatigil naman sa pagtakbo ang mga guwardiya at tila kinabahan ang mga ito.
"H-hindi natin sila kaya. Kailangan natin ng prototype," sagot ng isang guwardiya. Napatigil naman ang isang prototype at dahan-dahang lumingon sa kinatatayuan nila.
"A-anong gagawin natin?" kabadong tanong ng isa pa. Muli namang tumingin sa unahan ang prototype na iyon at saka naglakad na muli.
"Paanong nabuhay ang mga ito? Patay na si Johan Klein. Imposible!" bulyaw naman ng isa pang guwardiya.
Nang malapit na ang mga prototype sa malaking pinto palabas ng museo ay agad sumulpot ang mga bakal na harang nito. Tumigil ang mga prototype at umamba na aatake. Malalakas na pwersa ang kanilang pinakawalan upang mawasak ang pinto. Sumuntok ang iba at ang iba naman ay paikot na sinipa ang pinto. Ilang segundo lamang ay nasira na nila ang pintuan.
Nang makalabas ay agad na nagsilundagan ang mga ito patungo sa matataas na gusali. Tinatakbo lamang nila ang mga ito paakyat at patungo sa iisang direksyon. Tila isang palabas naman ang napapanood ng mga taong dumaraan. Ang iba ay natakot at napaiwas sa dinadaanan ng mga prototype. May pagtataka sa kanilang mga mukha at ang iba naman ay napapangiti at namamangha dahil parang nag-aacrobat lamang ang mga ito at palundag-lundag sa kanilang mga nadadaanan.
"E-Emergency! Mula sa National Museum! Nagising ang mga prototype model X-21." Tumawag sa communicator ang guwardiyang nasa loob ng control room. Sa pagkakataong iyon ay patuloy pa rin ang paglabas ng mahigit sa dalawandaang mga prototype mula sa vault.
"Ano? Imposible ‘yan. Patay na ang may master key ng mga prototype na 'yan!" sagot naman ng isang commander mula sa isang opisina ng AFP. Narinig din ito ng iba pang mga sundalong nasa loob ng isang kwarto. Napakunot-noo sila at dahan-dahang lumapit sa kanilang commander. Pinadala naman ng guwardiya ang CCTV footage na kuha sa museo. Nanlaki naman ang mga mata ng commander at agad pinatay ang kanyang communicator gamit ang hologram stick.
"Ihanda ang lahat. Pupunta tayo sa National Museum. Magmadali kayo!" bulyaw naman ng commander.
"Sir, hindi ba tayo reresponde sa NMRT?" tanong naman ng isang sundalo, na may bakas din ng pag-aalala.
"Hindi. Walang pupunta sa tren. Iyon ang utos ni Helena," sagot naman ng commander.
"P-pero paano na po ang mga tao doon? Ang mga sibilyan?"
"Siya ang gagawa ng paraan. Kapag pumunta tayo doon ay mapapaaga ang pagsabog ng tren na 'yon. Daan-daang tao ang mamamatay." Napayuko na lamang ang commander pagkatapos niya iyon sabihin. Wala silang magawa kundi ang maghintay.
"Hindi pa nga napipigilan ang mga prototype sa tren na ‘yon. Ngayon naman ay ang mga prototype na ginamit ni Johan. Ano bang nangyayari?" wika naman ng isang sundalo.
*****
Dumating ang mahigit sa limang heli ship sa dinadaanan ng tren, lahat ito ay pawang miyembro ng media. Halos hindi magkamayaw ang mga ito sa pagco-cover sa kaganapan sa tren. Nakikita mula sa kanilang camera ang dalaga habang tumatakbo nang maingat. Mula naman sa mga hologram billboard sa paligid ng dinadaanan ng tren ay lumitaw ang mukha ni Helena. Live itong kuha ng mga reporter mula sa himpapawid.
"Ganyan nga," wika ni Helena. Alam niyang makikita ito ng mga prototype at susundan siya. Nakita nga iyon ng mga prototype at nagmadali sila patungo sa kinaroroonan ng dalaga. Sa pagkakataong iyon ay nasa pangatlong bagon na ang mga prototype mula sa likod. Lahat ng prototype na nasa loob ng tren ay nakasunod sa kanya.
Lumundag naman si Helena patungo sa hati na nagdudugtong sa pangalawa at sa unang bagon. Tinadyakan niya ito at sinira nang kaunti ang malaking bakal na nagdudugtong at pagkatapos ay muli siyang umakyat patungo sa unang bagon. Naghintay siya ng pagkakataon at nang dumating na ang mga prototype ay agad lumundag sa ibabaw ang ilan sa mga ito. Pumorma na lamang si Helena na akmang lalaban. Nasa harapan niya ang mahigit sa sampung prototype.
Naghiyawan naman ang mga tao sa loob ng unang bagon nang wasakin nila ang pintuan ng tren. Gumapang naman sa gilid ang iba pang prototype at pinaligiran si Helena. Mula sa unang bagon ay nagsitakbuhan naman ang mga tao sa pangalawa.
Nakatutok pa rin ang camera ng mga reporter na nakasakay sa mga heli ship. Napapanood ito sa buong bansa at maging sa Malakanyang.
"Hindi natin siya puwedeng pabayaan na lang! Wala ba tayong gagawin?!" bulyaw naman ni Maria.
"'Yan ang utos niya, Maria. Wala tayong magagawa," sagot naman ni Albert.
Kasalukuyan silang nagpupulong at nanonood mula sa main screen ng techno hub ng Malakanyang. Lahat ay tensyonado. Ang ilang mga kababaihan ay napapakapit pa sa kanilang mga bibig at bakas sa kanilang mukha ang sobrang pag-aalala kay Helena. Kapag sumabog ang mga prototype na iyon ay siguradong madudurog si Helena at maaabo kasama ng tren.
Isang heli ship naman ang dumating at nakihalubilo sa mga press. Lahat sila ay lumilipad sa ibabaw ng umaandar na tren. Sa loob naman ng heli ship na iyon ay nakatayo si Edward Vitore, bitbit niya ang isang camera at animo'y kinukuhanan din ng video ang dalaga habang nakangiti. Tuwang-tuwa siya at tila nasisiyahan sa kanyang nasasaksihan.
Patuloy ang pagdaan ng mga tao sa pagitan ng una at pangalawang bagon ng tren. Bahagya namang nasisira ang bakal na kanina lamang ay tinadyakan ni Helena. Halos lahat ng mga prototype na iyon ay nasa unang bagon na. Nagpatuloy ang hiyawan, iyakan at siksikan. Hindi magkamayaw ang mga tao dahil lahat ay gustong maisalba ang kanilang mga buhay.
Nahati na nang tuluyan ang tren. Bumagal ang pagtakbo ng pangalawang bagon sa una.
"ANAK!" bulyaw ng isang ina habang inaabot ang kamay ng kanyang anak. Nang mahati ang tren ay naiwan ang batang iyon sa unang bagon kasama pa dito ang isa pang pamilya.
"ANAK ABUTIN MO ANG KAMAY KO!" bulyaw naman ng ina sa kanyang anak. Nanggigigil na siya sa pag-abot habang napupuno ng luha ang kanyang mga mata at pisngi. Matinding takot ang bumabagabag sa kanyang dibdib.
"MAAA...MAAA!" Napahangos ng iyak ang batang babae. Kinuha na lamang ito ng pamilyang nasa loob upang hindi malaglag mula sa hati ng tren. Tuluyang lumayo ang unang bagon. Mas bumilis ang takbo nito dahil hindi na nito dala ang bigat ng kabuuan ng tren. Narinig naman ni Helena ang pag-iyak na iyon. Alam niyang may mga naiwan pa sa unang bagon kung saan siya nakatayo. Napangiwi na lamang siya at napakunot-noo. Nakapaligid sa kanya ang mga prototype. May iilan pang nasa loob at nakatitig sa kanya habang patuloy na nagde-detect kung siya ba ay isang sundalo ng militar o isang prototype.
Malas..bakit may naiwan pa? wika ng dalaga sa sarili.
"Ano ang gagawin mo ngayon, magandang binibini? Ikaw lang ang mag-isa ngayon sa kinatatayuan mo. Apat na buhay ang kapalit ng lahat ng iyong iniligtas. Gusto ko nang makita ang gagawin mo," wika naman ni Edward habang nakangiti at patuloy na kinukunan si Helena gamit ang camera.
"Hindi ko na matitiis ito. Tawagin ang lahat ng tropa ng New Order! Hindi natin siya pwedeng pabayaan," bulyaw naman ni Albert.
"Opo!" sigaw naman ng mga sundalo ng New Order. Maging ang ilang militar ay sumali na rin.
"Sasama ako, Albert," sagot naman ni Maria.
"Dito ka na lang, Maria. Ayokong mapahamak ka," tugon naman ng pinuno ng New Order. Tumalikod siya sa kausap at lumabas ng techno hub. Bakas naman sa mukha ng dalaga ang pag-aalala.
Helena, isip! Mag-isip ka. Ano ang susunod mong gagawin? wika ng dalaga sa sarili. Patuloy pa rin ang mabilis na pag-andar ng tren. Unti-unti nang lumapit sa kanya ang mga prototype mula sa kanyang harapan, maging sa kanyang likuran. Bigla namang tumakbo ang isa sa likod upang hablutin si Helena. Agad namang lumundag nang mataas at patalikod ang dalaga. Nag-landing siya sa pinakaunahang bahagi ng tren. Mula naman sa loob ay napatingin ang prototype na nagmamaneho at nagtataglay din ng bomba.
Tumalikod si Helena, lumuhod at sinuntok ang windshield ng tren. Kinapitan niya ang ulo ng prototype. Sa lakas ay nayupi ang ulo nito at nag-spark pa ang kanyang leeg. Isang bakal na brace naman ang kanilang madadaanan kung saan makikita ang isang hologram billboard. Inangat niya ang prototype na iyon, tumama ang katawan nito sa bakal. Nasira naman ang reception ng hologram billboard at nahati ang katawan ng prototype. Bumagsak ang kalahati ng katawan nito sa ibabaw ng tren at nakita ni Helena na may laman ngang bomba ang loob nito. Nakita naman iyon ng mga prototype. Dahan-dahan silang tumingin sa kanya at nagsimulang sumugod sa dalaga. Sinira naman ni Helena ang salamin na kanina lang ay kanyang sinuntok at pumasok sa loob. Kinapitan niya ang walang malay na lalaki sa loob at nakita niya ang apat na taong nasa loob pa ng tren.
"Diyan lang kayo sa dulo!" bulyaw ng dalaga bago lumundag papunta sa bubong ng tren.
Isang prototype naman ang agad na sumugod sa kanya at akmang hahablutin ang kanyang ulo. Yumuko naman ang dalaga at agad na pinutol ang braso ng prototype gamit ang kaliwa niyang kamay at saka sinipa ito pabalik. Ikinabahala naman ng dalaga ang pagbilis ng countdown ng mga numero sa kanilang mga pisngi.
Humarap siya sa unahan ng tren at tumingin sa mga gusali. Marami ang mga taong nanonood mula sa mga gusaling iyon. Nakikita ito ng dalaga at tanging salamin lamang ang pagitan nila mula sa labas. Lahat sila ay nag-aalala at natatakot. Nakakita naman siya ng isang platform sa gilid ng isang gusali. Agad siyang lumundag nang mataas. Tinakbo din niya pataas ang platform nang hindi niya ito naabot. Sa bawat apak niya ay nababasag ang salamin na pader. Naghiyawan naman ang mga tao sa loob ng gusali. Bitbit pa rin ng dalaga ang walang malay na lalaki. Nang makarating sa platform ay agad niya itong ihiniga
Kumapit naman si Helena sa platform at muling lumingon sa tren. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makitang lumundag din ang tatlong prototype mula sa tren. Umakyat si Helena nang mas mataas pa sa gusali at nang makarating sa isang bakal na parte ay pabaliktad na ang kanyang porma. Inapak niya nang mabuti ang kanyang paa sa bakal at akmang tatalon nang may pwersa mula sa gusali.
Iyon nga ang ginawa niya. Pinadyak niya ang kanyang paa. Nabasag ang mga salamin ng gusali at bahagyang dumagundong. Nagdulot ito ng tila isang crater gawa ng pagkabasag ng mga salamin sa maliliit na piraso. Animo’y kristal itong nalalaglag mula sa gusali. Kinapitan ni Helena ang tatlong prototype na iyon habang bumubulusok pababa sa tren.
"Saan kayo pupunta?!" bulyaw niya.
"Masyado siyang mabilis! Mapapahamak ang mga taong natitira pa. Anong ginagawa niya?!" wika naman ng isang reporter mula sa isang heli ship.
"Ito na ang pinakahihintay ko!" Patuloy pa rin ang pagkuha mula sa kanyang camera si Edward. Namangha siya sa ipinakita ng dalaga at sa pagkakataong iyon ay nanlalaki ang kanyang mga mata habang tinutunghayan ang mga pangyayari.
Kapit-kapit ni Helena ang tatlong prototype na iyon. Nang malapit na siya sa tren ay agad namang tumunog nang matinis ang kanilang katawan. Senyales ito na sasabog na ang mga prototype.
"AAAHH!" Nanggigigil na sigaw ng dalaga. Gamit ang kanyang mga braso at sariling katawan, at ang mga prototype na kanyang bitbit, hinati niya ang tren. Agad namang naging malikot ang takbo ng tren dahil hindi na nakakapit ang bakal nito sa riles at dahil na rin sa magnetic technology kaya't umangat ang hulihang bahagi ng tren. Nagkapit-kapit naman ang isang pamilyang nasa loob nito kasama ang batang babae na patuloy pa rin sa pag-iyak.
Isang prototype namang nakauniporme ng itim at nakahelmet na itim ang lumitaw mula sa isang mataas na gusali. Nag-free fall ito mula sa tuktok patungo sa nawasak na tren. Patuloy ang pagtunog ng signal ng mga prototype mula sa tren. Sa pagkakataong iyon ay nagkalat na sa paligid ang mga ito ngunit patuloy pa rin sa paghabol kay Helena. Tinakbo nila nang mabilis ang kinaroroonan ng dalaga. Si Helena naman ay patuloy na kinakapitan ng hindi mabilang na mga prototype ngunit patuloy pa rin ang panlalaban ng dalaga. Nang makawala ay agad itong lumundag mula sa kalahati ng tren. Humabol naman ang isa pa at kinapitan ang kanyang paa. Gamit ang isa pang paa ay sinipa niya ang braso nito na tuluyan namang nawasak.
Nagsilundagan ang iba pang mga prototype patungo sa kanya. Tila bumagal ang lahat nang makita ni Helena ang pagbuka ng kanilang mga bibig at ang liwanag na nasa loob ng kanilang mga lalamunan.
"H-Hindi...h-huwag..."
Nabalot ng takot ang kanyang katawan. Nakapitan siya ng apat na prototype habang nasa ere at sumusunod pa ang iba sa kanya. Nang sasabog na ito ay agad siyang hinablot ng prototype na naka- helmet na itim. Kita pa rin dito ang kanyang matang naka-ilaw ng kulay pula. Winasak nito ang mga kamay na nakakapit kay Helena. Saktong sumabog ito at pinangsangga nito ang kanyang likuran. Napuruhan nang kaunti ang mga braso at paa ng dalaga.
Napangiwi na lamang siya habang nakapikit dahil sa sakit gawa ng sunog na bumalot sa kanila. Nakalabas naman mula sa pagsabog ang prototype habang yakap ang dalaga. Nabasag ang mga salamin ng mga gusali sa paligid ng pinagsabugan. Maging ang riles at ang kongkretong humaharang sa highway ay nasira rin. Nadamay ang iilang kotseng nakaparada sa ‘di kalayuan. Tuluyan namang naabo ang unahang bahagi ng tren. Ang kalahati naman ay napalayo dahil sa shockwave na dulot ng pagsabog.
Napaiwas naman ang mga heli ship sa himpapawid dahil sa matinding hangin. Si Edward ay nanlalaki pa rin ang mga mata habang nakangiti. Napapaluha pa siya dahil sa sobrang galak na nararamdaman.
"A-Ang ganda..." wika niya. Kakaibang ningning ang makikita sa kanyang mga mata habang tinutunghayan ang mga pangyayari.
Mula sa malayo naman ay makikita ang tila isang higanteng kabute ng apoy na kalauna’y nagiging maitim na usok. Natunghayan ito ng mga tropa ng New Order at ng militar. Napatigil sila dahil sa matinding pagsabog. Malayo na ngunit ramdam pa rin nila ang dagundong at ang malakas na hangin mula sa pinanggalingan ng pagsabog.
"Helena..." bulong na lamang ni Albert matapos ibaba ang kanyang braso upang ipangsangga sa malakas na hangin.
Sa isang gilid naman ng highway naglanding ang prototype na iyon habang buhat ang nanghihinang katawan ni Helena. Nasunog ang ilang parte nito lalo na ang likuran. Ang helmet naman ay bahagyang natunaw at makikita ang loob na parte nito sa kanang itaas na bahagi. Animo'y isang mukha ng bungo ang makikita. Umiilaw pa rin ang kaliwang mata nito ngunit ang kanan naman ay patay sindi na lamang. Dahan-dahan nitong inilapag si Helena sa kalsada. Sa paligid nila ay ang napuruhang mga sasakyan. Bahagyang nagliliyab ang mga ito at umuusok. Ang mga sibilyan naman ay tila nanghina, umuubo at napahiga na lamang sa kalsada.
Paunti-unti ay binuksan naman ni Helena ang kanyang mga mata. Nakita niya ang isang prototype na pamilyar sa kanya. Hindi ito makapaniwala sa nakikita. Malapit ang mukha ng prototype na iyon sa kanyang mukha habang ihinihiga siya sa kalsada. Tumayo rin siya agad at naglakad palayo. Bahagya pang natutunaw ang likuran nito dahil sa labis na init. Napatitig na lamang si Helena habang sinusubukang tumayo. Hindi niya maigalaw nang maayos ang kanyang braso at mga paa dahil sa lapnos na kanyang natamo. Naghilom din naman ito nang paunti-unti. Tinunghayan niya ang prototype na iyon habang papalayo sa makapal na usok. Hinahawi rin nito ang ilang mga hover car na nasusunog sa paligid upang siya ay makadaan.
P-Paano ka nagising? W-Wala na si Johan. Imposible 'to, bulong na lamang ng dalaga.
"Helena!" Dumating naman ang mga sundalo ng militar kasama si Albert. Naabutan nilang nakatitig ang dalaga sa prototype na naglalakad papalayo.
"Ang prototype na iyon..." wika ni Albert. Hindi din ito makapaniwala sa kanyang nakikita. Ang prototype na ginamit noon ni Johan ay nagising nang muli.
"Magaling, sakto sa eksena. CUT!" wika naman ni Edward mula sa heli ship. Patuloy pa rin siya sa pagvideo ng mga pangyayari sa ibaba. Nakangiti pa rin siya habang pinagmamasdan ang prototype na naglalakad palayo.
"Tayo na. Marami pa tayong gagawin. Mas marami pa ang pagsabog na magaganap."
Tumango naman ang nagmamaneho ng kanyang heli ship. Lumundag dito ang prototype na nagligtas kay Helena. Kumapit muna ito sa magkabilang hawakan upang pagmasdan ang dalaga at pagkatapos ay umupo na ito sa tabi ni Edward.
Nakatitig pa rin si Helena sa prototype na lumundag habang papalayo ito. Napuno ng pagtataka ang kanyang isipan. Si Albert naman ay lubhang nabahala sa nangyari. Tumitingin-tingin siya sa paligid at pagkatapos ay muling lumingon sa heli ship na papalayo. Tila naging war zone ang paligid sa isang iglap lamang.