Philippines: Year 2302 - Helena's Downfall
Dalawang taon na ang nakakaraan matapos ang insidente na nangyari sa Maynila. Isang diktador na nagngangalang Johan Klein ang napabagsak ng iba't ibang bansa sa buong mundo dahil sa pagbabanta nitong manipulahin ang lahat ng gumagamit ng memory gene upang wasakin ang sarili nilang mga bansa.
Nagtagumpay sila dahil natunghayan ng buong mundo ang kamatayan ni Johan Klein, isang binatang may angking talino dahil siya lamang ang perpektong eksperimento ng MEMO, isang kompanyang naitaguyod sa Europe upang pataasin ang kalidad ng buhay at mapataas ang lifespan ng sangkatauhan sa kahit gaano pa kahabang siglo.
Ang binatang ito ang sinasabing susi para maging posible ang pagmanipula sa lahat ng taong gumagamit ng memory gene dahil tanging DNA niya lamang ang babasahin ng isang programang tinatawag na Memory Control Maneuver. Isang bagay na kinagalit ng maraming tao dahil sa pagsingil nito sa kanilang mga buhay. Naging sumpa ang aparatong kanilang ginagamit at halos lahat ng bansa ay nagalit sa kompanyang MEMO, dahilan para matigil ng operasyon nito matapos din ang kamatayan ng binatang diktador.
Matapos ang giyerang nangyari sa Pilipinas ay inako ng European Union ang pagbangon ng naturang bansa. Ang buong bansa ay pinamumunuan pansamantala ng European Government at itinalagang presidente ang General of Defense ng European Union na si General Vash Linford. Naging bise presidente naman at spokesperson si Helena Cera, isang babaeng eksperimento ng Linel Industries, ang kalaban ng MEMO Corp. na inalagaan at pinaniniwalaang sinubukang gawing special weapon laban sa mga kakalaban sa gobyerno at maging sa kompanyang iyon.
Hindi naging matagumpay ang binabalak ng MEMO sa babaeng iyon dahil kay Johan Klein. Pinangako nilang babaguhin ang mundo at tatanggalin ang sistema ng memory gene. Nangyari nga iyon ngunit hindi natunghayan ng binatang diktador ang pagbangon ng Pilipinas. Inalay niya ang kanyang buhay para sa mga bid, isang klasipikasyon na ginawa ng MEMO upang ihiwalay ang mga mahihirap sa mga mayayaman. Sa panahong iyon ay tinapos na ng United States of America ang caste system. Binasura ang iba't ibang klasipikasyong naghihiwalay sa mga taong gumagamit ng memory gene at sa mga taong hindi naman kayang bumili nito. Pinagbawal na ang paggamit ng memory gene. Marami pa ang mga taong mayroon nito dahil bawal itong alisin sa likod ng kanilang mga ulo dala ng self-destruct pattern nito. Ang sinumang magtatanggal ng naturang aparato ay siguradong mamamatay. Hinayaan na lamang nila itong nakakabit sa kanilang mga ulo ngunit bawal na itong ilipat sa kahit na ano pang katawan.
Ngunit isang katotohnanan naman ang gumimbal sa buong Pilipinas. Nalaman nilang nawawala ang programa ng MEMO, ang Memory Control Maneuver. Pinaniniwalaang ipinasa ito ni Johan Klein sa isang ‘di kilalang tao na tinatawag na Subject 1. Walang gaanong matibay na impormasyon na hawak ang gobyerno ukol dito. Sa kasalukuyan ay wala pa namang nangyayaring gulo sa Pilipinas. Nagiging maunlad ito dahil sa pagtulong ng iba't ibang bansa ngunit labis pa rin itong ikinabahala ni Helena at ng lahat ng sektor ng gobyerno ng Pilipinas.
Dahil sa kawalan ng sagot ay hindi mapigilan ng iilang miyembro ng gabinete na kwestyunin ang kakayahan ni Helena para mamuno sa isang bansa. Kung tutuusin ay itinalaga lamang siya ng European Union at hindi ng mga mamamayan ng buong Pilipinas. Marami rin ang humihiling na pabayaan na ng European Union ang Pilipinas na mamuno sa sariling bansa dahil ayon sa ibang kritiko ay parang naulit lang ang nangyaring pagsakop noon ng mga Amerikano sa ating bansa.
Ngunit marami pa rin ang nagsasabi na naging maayos ang Pilipinas simula nang maupo si Helena sa pwesto. Totoo ngang naging maunlad ang bansa, naging mataas ang palitan ng piso kontra dolyar, naging masagana ang buhay ng mga mahihirap at halos namatay na rin ang kahirapan sa bansa. Lahat ay naging progresibo ngunit tuloy pa rin ang pagkundena ng sariling gobyerno; iilang senador, congressman at maging ang iba't ibang sekretarya ng bawat departamento ng bansa kay Helena.
Hindi na lamang ito pinapansin ng dalaga at patuloy pa rin siya sa paggawa ng iba't ibang proyekto upang mapaunlad ang bansa. Patuloy din siyang naghahalungkat ng kasagutan upang alamin ang tunay na katauhan ng Subject 1 at ang tunay na dahilan kung bakit inilipat ni Johan ang MCM program gayong patay na rin naman siya at wala namang ibang tatanggapin ang programa kundi ang kanyang DNA.
Maging ang iba't ibang bansa ay patuloy na nangalap ng impormasyon upang makuha at sirain na nang tuluyan ang programang iyon. ‘Di nila alintana ang mas malaking gulong mangyayari pa dahil sa patuloy nilang paghahanap. May ilang organisasyon kasing naghahanap ng naturang programa upang baguhin ang sistema nito at i-hack para magamit sa sariling interes.
Nagbantay ang bawat bansa sa mga organisasyong iyon. Itinago rin ng gobyerno ng Pilipinas ang tungkol sa mga organisasyon at ang paghahanap sa Subject 1 upang maiwasan ang pagpapanic at gulong mangyayari. Patuloy na naghahanap ng kasagutan si Helena, marami pa ang mangyayari at alam niyang may dala pa ring malaking gulo ang programa na iyon na sisira sa sangkatauhan.