"Hate and mistrust are the children of blindness."
-William Watson
"...the authorities said that the organization's motive is to get the program and once again use it as threat to the people..."
"The US government has started to doubt the governance of the European Union and the Philippines. Fear again had reached itself to mankind once more..."
"...ang lahat...ang lahat ay nasa ayos. Walang dapat ipag-alala ang lahat. Maaayos ng gobyerno ang gulong ito."
"HINDI KAMI PAPAYAG SA NANGYAYARING ITO! PAANO NA ANG KALIGTASAN NG MGA PAMILYA NAMIN!"
"...two years--- that is a long long way for the Philippines to rise again, yet another devastating attack has shaken the whole world."
"...maging ang mga prototype na nagbabantay sa puntod ni Johan ay nawala. Ayon sa ilang mga gwardiya ng Malakanyang, bigla na lamang itong kumilos at kumaripas ng takbo papunta sa iisang direksyon. May kinalaman ba ang pangyayaring ito sa pagsabog na naganap sa EDSA?"
"Ilang raliyista pa ang nagdatingan sa harap ng Malakanyang upang ipaabot ang kanilang mensahe at mga hinaing sa gobyerno. Hanggang ngayon ay hindi pa lumalabas ang bise presidente. Nagpatawag naman ng press conference ang ilang mga senador upang kondenahin ang mga aksyong ginawa ng ating bise na si Madam Helena Cera."
"...magkakaroon ba ulit ng gulo? Hindi naglalabas ang gobyerno ng kahit anong balita tungkol sa secret organizations. Paano natin malalaman kung gaano tayo kahanda sa mga pag-atake? Vice President Helena, baka puwede namang lumabas ka diyan sa kwarto mo at sagutin ang mga tanong namin!"
Kabi-kabilang balita ang pinapanood ni Helena sa iba't ibang hologram screen ng techno hub sa Malakanyang nang hapong iyon. Lahat ay tila nakatulala at nanonood. Nakita ng maraming bansa ang nangyaring pagsabog sa EDSA. Marami na ang nagdududa sa pamamalakad ni Helena. Marami na rin ang umayaw sa ginawa niyang pagligtas sa mga taong nasa loob ng tren. Nailigtas niya nga ang isang pamilya at isang bata ngunit napuruhan naman nang matindi ang mga ito. Dahil dito ay nagsimulang magduda ang mga tao kung kaya nga ba talagang iligtas ng pamumuno ni Helena ang bawat mamamayan ng Pilipinas. Nakatulala lamang si Helena sa mga hologram screen na iyon. Mabigat ang kanyang pakiramdam at maluha-luha pa siya dahil sa labis na pagkadismaya.
Napatingin naman nang paunti-unti ang mga staff sa loob ng malaking kwartong iyon. Tila naaawa ang mga ito sa kalagayan ng dalaga. Nakabenda pa ang ilang parte ng katawan ni Helena. Ang mukha naman niya ay bahagyang nasunog din ngunit dahan-dahan naman itong naghihilom. Napayuko na lamang ang dalaga at tuluyan nang tumulo ang luha. Napayuko din ang ilang mga sundalo at bodyguard na kanyang kasama. Animo'y nakikisimpatya sa kanyang nararamdaman.
Pinilit ni Helena na tumayo sa wheelchair kung saan siya nakaupo. Sa pagkakataong iyon ay hindi pa nagre-regenerate ang kanyang nabaling buto sa kanyang paa.
"M-Madam hindi niyo pa po kaya..." awat naman ng isang sundalo sa kanyang tabi.
"Hindi ko kailangan nito! Ayokong maging simbolo ng gobyerno ang wheelchair na ito sa pagkakataong kailangan ng mga tao ng malinaw na sagot!" bulyaw naman ni Helena.
Kahit nasasaktan ay pinilit niyang tumayo. Inalalayan naman siya ng sundalo na kanyang katabi. Mula naman sa pinto ay pumasok si Maria. May bahid ng tensyon sa kanyang mukha. Alam niyang magulo na ang mga pangyayari sa labas dala ng dami ng mga taong nagtungo doon upang kwestyunin ang kanyang ginawa.
"Helena..." wika ng dalaga. May lungkot sa kanyang mukha nang makitang pinilit ni Helena na tumayo at maglakad. Agad siyang lumapit at inakay ang kaibigan.
"Ayos lang ako, Maria. Pisikal lang ang sakit na 'to. Kumpara sa nararamdaman ko. Maghihilom din ang lahat ng sugat ko," sagot naman ni Helena habang dahan-dahan siyang inaakay ni Maria palabas ng techno hub.
"Pero alam ko, malaking pagdududa sa sarili ang nararamdaman mo. Nakikita ko 'yon. Kahit na itinatago mo lang ang lahat. Pilit mong ipinapakita na matapang ka, kahit alam mong nahihirapan ka na," tugon ni Maria.
"Dahil kailangan kong maging matapang. Kailangan kong pasanin ang lahat para hindi nila isiping mahina ako."
"Hindi ka mahina, sadyang hindi lang nila alam kung gaano kahirap ang magpatakbo ng isang bansa na hindi marunong umintindi sa namumuno sa kanila. Akala nila madali ang lahat para sa 'yo, Helena. Mahirap mabigyan ng tungkulin na ikaw lang ang kayang gumawa," paliwanag naman ng kanyang kaibigan.
Nang makalabas sa hallway papunta sa press conference ay nakita niya agad ang napakaraming mga tao, mga staff, mga sundalo at ilang taga-media. Inaakay pa rin ni Maria ang kaibigan habang naglalakad.
"Madam, ang tungkol po sa pangyayari kaninang umaga, ano po ang kinalaman ng mga prototype na nabuhay na nasa pangalan pa rin ni Johan?" tanong naman agad ng isang reporter na babae na humarang sa kanilang daraanan. Hawak niya ang isang mikropono at posturang pormal. Kasama niya ang isang cameraman kung saan bitbit ang isang may kalakihang camera at makikita sa gilid nito ang holographic image ng kanyang kinukunan.
"Uhmm. Sasagutin ko ang lahat sa press conference. Salamat," mahinahong tugon naman ng dalaga.
"Eh Madam ang pamilya po ng mga nasugatan sa pagsabog, may aksyon po ba kayong gagawin para sa kanila? Muli po bang nagbanta ang secret organizations?" tanong naman ng isa pang babaeng reporter.
"Narinig niyo ang sinabi niya hindi ba? Sasagutin niya ang lahat ng inyong mga tanong sa press conference." Sa inis ay si Maria na lamang ang sumagot sa tanong na iyon.
"Pero wala po ba kayong gagawin sa mga sugatang pamilya na nabiktima ng pagsabog?" pabulyaw at tila painsultong tanong naman muli ng reporter.
"Teka lang! Biktima rin siya ditto. Nasugatan din siya at napahamak dahil sa pagligtas sa kanila. Ganyan na ba talaga kayong mga media? Nagiging one-sided na yata kayo ah!" bulyaw naman ni Maria. Sa inis ay inambahan niya na ang babaeng reporter na iyon.
"Hayaan mo na siya, Maria. Pumunta na tayo sa press conference. Marami ang naghihintay," mahinahon at malungkot na tugon ng dalaga. Agad namang umiwas ang mga reporter sa kanilang daraanan. Inakay nang muli ni Maria ang kaibigan at paika-ika namang naglakad si Helena patungo sa elevating platform.
Nang magsimulang bumaba ang elevating platform ay nakita ni Helena ang napakaraming tao sa labas mula sa balkonahe ng isang hallway. Lahat sila ay humihiyaw at tila nag-aalsa. Nang tuluyan nang bumukas ang salamin na pintuan ng platform ay nagsimula nang maglakad si Helena nang mag-isa kahit paika-ika.
Sa lugar na iyon ay mas marami pang media ang nagkumpulan at nagsimulang kunan siya ng litrato at video. Nasisilaw naman ang dalaga dahil sa pagflash ng kanilang mga camera at drone. Sa bawat flash nia iyon ay naaalala niya ang pangyayari kaninang umaga. Bawat flash ay katumbas ng eksena ng malaking pagsabog na naganap.
Panandaliang nahilo ang dalaga. Inutusan naman ni Maria ang mga sundalo sa paligid na itigil ang pagkuha ng mga litrato. Nagkaroon ng kaunting gulo at aberya. Pilit pa rin nilang kinunan ang dalaga kahit na pinagbawalan na sila ng mga sundalo sa paligid.
"Mawalang galang na po sa inyo. Hindi po kami makadaan dahil nakaharang kayo! Kung maaari lang ay tumabi-tabi naman ang mga media ‘pag may time!" wika ni Maria.
Kahit naiinis ay nagbiro na lamang siya upang humupa ang tensyong nangyayari. Agad namang nagbigay ng daan ang lahat patungo sa isang kwarto kung saan ang pintuan nito ay isang salamin na malabo. Pabilog ang disenyo ng kwartong iyon na parang isang coliseum. Dito ginaganap ang mga press conference ng Malakanyang. Nang makapasok ay nagtayuan ang ilang mga staff at sundalo upang yumuko at sumaludo. Hindi pa rin magkamayaw ang mga media sa loob. Panay ang kuha nila at tutok ng mic sa bise. Si Helena naman ay nakangiti na lang kahit nababakas ang labis na pagkadismaya.
"Masasagot po ang tanong ninyo kapag nasa entablado na ang bise presidente!" bulyaw muli ni Maria. Mula sa likod ay nagtungo si Helena sa unahan ng press hall. Puti ang dingding ng buong hall at ang carpet naman nito ay kulay pula. Asul naman ang nilalakaran ni Helena at ng iba pa sa gitna ng hati ng mga upuan.
Napakaraming tao nang mga oras na iyon. Lahat ay nakatutok sa bawat gagawin ni Helena. Nang makarating sa hagdang parte ng entablado ay agad na inalalayan ni Maria ang kaibigan. Hinawakan niya ang kanyang kamay at sabay silang umakyat. Ang dalawang bodyguard naman ay pumuwesto sa ibaba ng entablado. Inakay pa rin ni Maria ang kaibigan hanggang sa gitna kung saan nakatayo ang isang salamin na mesa at ang ‘di mabilang na mikropono ng mga taga-media.
Nang makarating sa gitna ay umalis na si Maria. Bumaba siya ng entablado ngunit nakaantabay pa rin sa galaw ng dalaga. Nakakita naman si Helena ng isang bote ng tubig sa ilalim ng salamin na mesang iyon. Binuksan niya ito at uminom nang kaunti. Marahil ay natutuyo na rin ang kanyang lalamunan. Nang makita ito ng mga tao ay agad silang tumahimik. Tunog na lamang ng flash ng camera ang maririnig sa loob ng press conference na iyon.
Matapos uminom ay tumingin-tingin ang dalaga sa paligid. Malamlam ang kanyang mga mata, animo'y nangungusap sa bawat isa at ipinaparamdam niya dito ang bigat ng kanyang nararamdaman. Sa unang row mula sa entablado ay makikita ang lahat ng mga senador na nakaupo at nakatingin sa kanya. Sa kanila namang mga likuran ay ang mga media. Ang iba ay mga staff ng Malakanyang at ang iba naman ay nagmula pa sa kongreso. Sa likurang bahagi kung saan makikita ang pinto ay hindi magkamayaw ang iba pang media personnel na nasa labas. Pilit nilang kinukunan ang bise presidente kahit na isinasara na ito ng isa sa mga sundalo.
"M-Magandang hapon sa lahat," malungkot na panimula ni Helena. "Malinaw ang lahat na hindi nga naging maganda ang araw na ito sa bawat Pilipino. Ngunit gusto kong sabihin sa inyo na naging maganda pa rin ang hapong ito dahil walang kahit isang buhay ang nasayang bunga ng banta ng isang organisasyong naghahanap ng Memory Control Maneuver Program."
"Ma'am, nailigtas niyo po ang mga sakay ng tren na iyon pero gaano po ba tayo kaligtas sa mga susunod pang pag-atake. Sino po ba ang may pakana ng mga pag-atakeng ito?" tanong naman ng isang reporter mula sa kanyang mikropono. Napatingin naman siya kay Maria matapos marinig ang tanong. Tumango na lamang si Maria at tila pinapalakas ang loob ng kaibigan.
"Hangga't maaari ay ayokong isakripisyo kahit na isang buhay. Lahat ng makakaya ko ay ginawa ko para lang iligtas sila. Hindi ko maiiwasang magkaroon pa ng mga susunod pang pag-atake lalo na at hindi pa namin matukoy kung sino ba talaga ang gumagawa ng mga gulong ito. Ang masasabi ko lang ay pipigilan ko sila sa abot ng aking makakaya, kasama na ang suporta ng pwersa ng militar at ng New Order," paliwanag naman ng dalaga.
"Marami ang kumuwestyon sa ginawa niyong pagligtas kanina sa mga pasahero ng tren. Masyado raw po itong brutal at muntik pang mapahamak ang mga ito dahil sa pagwasak na ginawa niyo sa tren. Ano po ang masasabi niyo rito?" tanong ng isa pa.
"Walang ibang paraan para iligtas ang mga natitirang sakay ng tren. Kung hindi ko ginawa iyon ay malamang abo na lang ang pamilyang iniligtas ko kanina. Maging ako siguro, hindi ako nakatayo sa inyong harapan ngayon. Hindi ako nagpadala ng pwersa ng militar dahil naka-program ang mga prototype na iyon na sumabog kapag nadetect nilang may mga prototype at sundalo sa paligid kaya't ako lang ang pwedeng pumunta doon bilang isang sibilyan. Iyon lang ang tanging paraan para iligtas sila. Ang hatiin ang tren at kunin ang atensyon ng mga prototype," sagot muli ng dalaga.
"Mapunta naman po tayo sa pangyayari sa National Museum. Ang mga prototype na ang may master key lamang at voice recognition ay si Johan Klein. Paano po sila nabuhay ulit? Ano ang kinalaman nila sa mga pag-atake?"
"W-walang..." Napatigil naman sa pagsasalita si Helena matapos maalala ang pangyayari kanina lang, ang pagligtas sa kanya ng isa sa mga prototype nang sumabog ang tren.
"Walang kinalaman ang mga prototype na nabuhay kanina sa banta sa ating bansa. Iniligtas pa nga ako ng isa sa mga iyon," sagot naman ng dalaga. Tila napangisi naman ang reporter na nagtanong.
"Ang sinasabi niyo po ba ay buhay pa rin si Johan Klein at pinoprotektahan pa rin kayo?" dagdag na tanong ng reporter.
"Wala akong sinabing ganyan. Hanggang ngayon ay kino-confirm pa rin namin kung sino ang panibagong kumo-control sa mga prototype na ginamit niya dalawang taon na ang nakakaraan. Maaaring ipinasa niya rin iyon kasabay ng MCM program," paliwanag ng dalaga.
"Ibig bang sabihin nito ay nasa Subject 1 din ang master key ng mga prototype na ginamit ni Johan?" tanong ng isa pa.
"Uhmm….hindi ko masasagot ang katanungang iyan hangga’t wala pang confirmation mula sa aming system," sagot ng dalaga. Halos hindi pa man nito natatapos ang pagsagot ay agad namang nagtanong ang isa pa.
"Alam na ba ng buong palasyo ang katauhan ng Subject 1 at hindi niyo lamang sinasabi sa publiko?" tanong nito na agad namang sinundan ng isa pa.
"Bali-balita na hindi lamang isang organisasyon ang naghahanap ngayon ng MCM program. Napangalanan na ba ang mga ito?"
"Nakukuwestyon ang seguridad ng bansa. Magiging ligtas pa ba ang Pilipinas dahil sa nawawalang program?"
Napahawak na lamang sa ulo ang dalaga at tila naguguluhan sa sunud-sunod na pagtatanong ng mga reporter sa kanya. Napakaraming tanong na gusto nilang masagot. Marami sa mga ito ang ayaw nang sagutin ni Helena ngunit marami ring tao sa labas ng Malakanyang ang naghahanap ng kasagutan. Bahagyang nagkagulo at halos lahat ay magbalyahan na at mag-agawan sa mikropono makapagtanong lamang kay Helena.
Napatitig na lamang ang dalaga sa kawalan. Tila nakukulob ang tunog sa loob ng hall at wala na siyang marinig sa halo-halong mga boses na umaalingawngaw sa paligid.
"Isa lang ang ibig sabihin nito!" Isang boses naman ang nangibabaw mula sa unang hanay ng mga upuan. Humarap dito si Helena at nakita ang isang senador na nakasuot ng grey na coat at tila pulidong-pulido ang pagkakaayos ng kanyang naka-pony tail na buhok.
"Senator Richard Clay..." bulong naman ni Helena.
"Isa lang ang ibig sabihin nito, Helena. Hindi mo kayang mamuno. Marami nang impormasyon ang nakatago lamang sa atin samantalang ang buong nasasakupan mo ay humihingi ng kasagutan," wika naman ng senador. Tumayo siya at hinawakan ang isang maliit na wireless microphone. Naglakad din siya sa unahan at humarap sa mga tao. Tumahimik naman ang lahat ng taga-media upang kuhanan ng pahayag ang naturang senador.
"Ang pamumuno ay hindi para kay Helena. Ilang beses na namin itong napansin. Kung ang pagiging isa sa pwersa ng Pilipinas ay puwede pa. Hindi niya kayang protektahan ang isang bansa nang mag-isa lang. Kung ngayon ay nabuhay ang mga tao na naging biktima ng mga pag-atakeng naganap, paano pa sa mga susunod? Baka hindi lang malubhang sugat ang matamo nila." Tumango-tango naman ang ulo ng ilang media at reporters. Si Helena naman ay tila naging tuliro sa kanyang kinatatayuan.
"Hindi totoo yan!" sigaw ng dalaga. Natahimik naman ang buong conference hall.
"Hindi ko isinapubliko ang lahat dahil ayokong magkagulo sa bansang minsan ko nang ipinaglaban ang kaayusan! Ayokong mapunta na lamang sa wala ang lahat! Ayokong magkagulo ulit! 'Yon ang dahilan kaya't hindi kami naglabas ng impormasyon sa publiko. Para protektahan ang bawat isa!" paliwanag niya.
"Hindi magiging ligtas ang bansang ito sa 'yo, Helena. Ang Memory Control Maneuver lang ang hinihiling nila at magiging ligtas na ang lahat," sagot naman ni Senator Richard Clay.
"At ano? Muling ilugmok sa takot ang mga mamamayan dahil sa banta ng pagkontrol? Hindi ako papayag!" sigaw naman ng dalaga. Agad namang bumukas ang isang malaking hologram image sa likuran ng dalaga.
"It seems that this discussion is getting crucial. Aye?"
Mula sa hologram screen ay makikita ang imahe ni General Linford. Nakauniporme siya ng pang-heneral na kulay puti. Nakasuot din ang kanyang cap at makikita ang mga medalya sa kanyang kaliwang dibdib.
"Senator Richard, I think you are forgetting something. Your country is still under the governance of the European Union. Therefore, you shall obey my command and Helena's. No one is above this protocol. Do you understand?" sagot naman ng babaeng heneral. Napatingin naman si Maria sa hologram screen at muling tumingin sa senador habang nakangiti. Matalim naman ang tingin ng senador na iyon sa hologram image ng heneral.
"True, but isn't this what you call colonization? Invasion or something like that? We are one country. In fact we don't need you. I remember that saying by your own elected leader, Helena," sagot naman ng senador.
"It's true. You were a country once. Our role is just to help you. Repay you rather of the destruction that rooted from us. I cannot let you monger beyond these issues. I cannot let you bring down Helena. I trust her. We all know that Helena can handle this situation. As much as we want to help, we let her do her job to regain your own identity," sagot naman ng heneral. Tumalikod naman ang senador at tiningnan ang iba pang mga kasamang nakaupo sa kanilang mga upuan. Umiling-iling naman ang mga ito. Senyales na hindi nila nagugustuhan ang usapan.
"All of us have come to a decision. We are leaving the senate. All of us," wika ng senador. Nagsimula naman ang bulong-bulungan. Ang iba ay nagulat pa sa sinabi ng senador.
"Helena can't handle this situation anymore. Thus, we have come to a decision. We are leaving the senate and let Helena do her work. If that is what she wants," sagot ng senador habang nakangiti nang matalim at nakangisi kay Helena.
Hindi naman makapaniwala ang dalaga sa kanyang natutunghayan. Kapag umalis ang mga senador na iyon ay sasaluhin niya lahat ang mga issue ukol sa seguridad. Wala na siyang magiging kaagapay pa sa pagpapatakbo sa bansa.
"You’re more than a coward soldier who runs in the middle of the battle field. That's what you are Senator Clay. Nothing more," sagot naman ng heneral.
"I may be a coward, General. At least in this situation. I will live. I will prove you that," tugon ng senador habang nakangiti. Tumalikod siya at nagsimulang maglakad sa gitna ng hall palayo sa entablado. Nagtayuan naman ang mga senador at nagsimula ring mag-walkout sa press conference na nagaganap. Naningkit na lamang ang mga mata ng heneral at napabuntonghininga. Si Helena naman ay napayuko na lamang habang nanlalaki ang mga mata. Mas bumigat ang kanyang pakiramdam. Alam niyang mas mahihirapan siya sa ganitong sitwasyon ngunit wala na siyang magagawa.
"Listen to me. All of you," wika naman ng heneral sa mga media na nasa loob pa rin ng press conference.
"If you have a leader, be thankful for that. For time will come that you, yourself will rule, you will bear the weight of the responsibility and you will doubt your own conviction," tila galit na sambit ng heneral. Tuluyan namang napanghinaan ng loob si Helena. Dahan-dahan niyang inangat ang kanyang kanang kamay at ikinapit sa kanyang bibig. Pumikit na lamang siya at lumuha. Dali-dali namang umakyat si Maria upang akayin muli ang kaibigan. Napatingin na lamang siya sa nagkukumpulang mga press habang kinukunan ng video ang bise presidente. Ramdam ni Maria ang hiya, takot at matinding hinagpis. Ganito ang pakirmdam ng nakatayo sa gitna ng maraming tao habang kinukwestyon ang kanyang katayuan. Mabigat, puno ng tensyon, huhusgahan ng mga tao ang iyong nagawa kahit pa ang kapalit nito ay halos ang buhay na ng kanilang namumuno.
"This conference is dismissed. For the safety of everyone. Every information about the organizations, the program, Subject 1, and the attack will be confidential. Unless Helena decides to inform everyone. That's all."
Nadismaya naman ang mga reporter dahil sa kanilang narinig. Napasimangot ang mga ito at animo'y napapailing pa. Namatay naman ang hologram screen sa press conference hall na iyon matapos magsalita ni General Linford. Patuloy namang umiyak si Helena. Hindi na niya kinakaya ang pambabatikos at ang gulong nangyayari sa kanyang paligid.
"Helena, huwag kang susuko. Nandito pa kami. Kaya natin 'to." sambit ni Maria habang yakap ang kaibigan at hinihimas ang kanyang likuran. Animo'y isang batang umiiyak si Helena sa balikat ng kanyang kaibigan. Nagsimula naman silang palibutan ng mga sundalo dahil ang ibang mga reporter ay lumalapit pa rin sa kanya at pilit na nagtatanong. Inilakad naman ni Maria nang dahan-dahan ang dalaga upang lumabas na sa conference hall na iyon.
Nakatulala lamang si Helena sa isang upuan sa gitna ng isang kwarto. Nababalot lamang ng kalungkutan ang kanyang mukha. Sa harapan niya ay ang isang hologram TV. Pinapalibutan naman siya ng mga nurse upang tanggalin ang kanyang mga benda at tingnan kung maayos na ba ang kanyang mga paa. Namamangha na lamang sila nang makitang halos wala nang galos ang kanyang mukha at braso. Nang tanggalin naman ang braces sa kanang paa ng dalaga ay halos wala na itong nararamdamang sakit. Inikut-ikot ito ng mga nurse upang tingnan kung bali pa ba ang buto. Nagtinginan lamang ang dalawa at napangiti. Maayos na ang mga paa niya.
"Hmm… Helena. Ito o, kumain ka muna. Hindi ka pa kumakain simula nang matapos ang press conference," wika naman ni Maria habang inaabot ang isang tasa ng sopas. Hindi pa rin umiimik ang dalaga at patuloy lamang na natulala sa kawalan.
"Helena, kahit isang subo lang," paanyaya muli ng dalaga. Umalis naman ang dalawang nurse na nag-asikaso sa kanya upang makapagpahinga si Helena.
"H-Hindi ko na kaya, Maria. Ang lahat ng ito...b-bakit ba ako nasa ganitong sitwasyon ngayon? Bakit kailangan kong pasanin ang lahat?" Tumulo namang muli ang kanyang mga luha ngunit blangko pa rin ang kanyang emosyon.
"Dahil may tiwala kami sa 'yo. Kapag bumabagsak ka, nandito kami para lagi kang ibangon. Dahil alam naming may kaya kang gawin," sagot ng kanyang kaibigan.
"Dahil ba ako lang ang ganito? Ako lang ang malakas? Ako lang ang kakaiba? Ganoon ba? Paano kung maging normal na lang ako, Maria? May magbabago ba?" sagot ni Helena.
"’Wag mong sabihin 'yan. Ibinigay 'yan sa 'yo ng iyong ama, hindi ba? Iniregalo niya 'yan sa 'yo. Ikaw ang simbolo ng lakas namin, Helena. Kung hindi ka tatayo at lalaban, siguro wala rin kami. Ayokong sumuko ka. Tatapusin natin ang problemang ito. ‘Di ba?" sagot naman ni Maria.
Pinahid na lamang ni Helena ang kanyang mga luha gamit ang isang panyo. Napatitig naman siya sa panyong kanyang hawak. Kulay puti ito at sa kanyang paningin ay nagkakaroon ito ng dugo. Unti-unti ay naalala niya ang ginawang pagligtas sa kanya ni Johan sa Antipolo. Marahil ay ito ang kanyang panyo. Isinara niya ito sa kanyang kaliwang kamay at muli niyang ipinatong ang kanyang braso sa kanyang mga hita. Nagsalok naman ng kaunting sopas si Maria sa isang kutsara at sinimulang subuan ang nakatulalang kaibigan. Agad naman niya itong kinain matapos mahimasmasan.
"Madam." Isang boses naman ang kanilang narinig mula sa pinto. Tumingin naman doon ang dalawa at nakita ang sekretarya ng bise presidente. Kakapasok lamang niya sa kanyang kwarto.
"Mayroon po kayong bisita. Nasa archive po siya ngayon," dagdag pa niya. Muli namang nagsalok si Maria at sinubuan ang kanyang kaibigan bago ito tumayo.
Isang matandang lalaki ang patingin-tingin sa archive ng Malakanyang. Tila isang maliit na museo ito kung saan makikita ang ilang mga kagamitan ng mga naging presidente ng Pilipinas. May kadiliman sa kwartong iyon at may kalumaan na rin ang ibang mga gamit. Tanging ilaw mula sa mga kristal na salamin ng bintana na lamang ang nagpapaliwanag sa buong kwarto. Palakad-lakad ang matandang lalaking may hawak pang isang kahoy na tungkod, nakasumbrero at naka-jacket na kulay kupas na tsokolate. Naka-slacks din ito. Matanda na siya ngunit makikita pa rin ang kanyang maaliwalas na mukha. Dahan-dahan siyang naglakad sa gitna at tumingala. Bahagya siyang pumikit, na tila ninanamnam ang lahat ng mga kagamitan sa loob ng archive.
"Propesor? Propesor Marco?"
Umalingawngaw naman sa buong kwarto ang boses ni Helena. Kakapasok lang niya halos sa entrance ng archive. Agad namang tumingin ang propesor sa malayo at inaninag ang anino ng dalaga.
"Naisipan kong dumalaw. Tingin ko ay kailangan mo ng tulong lalo na sa mga panahong ganito. Isa pa, nami-miss ko rin ang lugar na ito," nakangiting sagot naman ng matanda. Napangiti naman ang dalaga nang makita ang propesor na nakatayo sa liwanag sa gitnang bahagi ng archive.
"Propesor!" Napatakbo siya at niyakap nang mahigpit si Professor Marco Dela Paz. Ang dating propesor ng UST.
"A-Aray ko, iha! Nakalimutan mo na yatang tumatanda na ako at mahina na ang mga buto ko!" wika naman ng matanda.
"Pasensiya na po propesor. Pero na-miss ko lang talaga kayo," wika naman ng dalaga bago bumitiw sa pagkakayakap.
"Kailan pa po kayo nakauwi galing New York?" tanong ni Helena. Agad niyang inakay ang propesor at dahan-dahang naglakad palabas ng archive.
"Kanina lang. Sa totoo lang noong kumalat ang balita sa New York na pinasabog daw ang convoy niyo, nagmadali akong mag-book ng flight. Pero hindi ako pinayagan ng doktor ko. Kaya ngayon lang ako nakarating. Pasensiya na." Napayuko naman si Helena ngunit makikita pa rin sa kanyang mukha ang saya dahil sa pagbabalik ng propesor.
"Nabalitaan ko rin ang pagtiwalag ng mga senador kanina sa press conference. Hindi ko talaga lubos maisip na gagawin nila 'yon. Lalo na't kailangan pa natin ng mas malakas na pwersa para mapigilan ang mga sunud-sunod na pag-atake," dagdag ng propesor. Napalitan naman agad ng pag-aalala ang dalaga.
"Pero heto ako. Nandito ako ngayon para tumulong. Kaya ako nagdesisyong umuwi. Hala sige. Ipakita mo na sa akin ang techno hub. Oras na para magtrabaho!" wika ng propesor habang nakangiti at nagmamadali.
"Hindi na po ba kayo magpapahinga muna?" tanong naman ng dalaga.
"Niloloko mo ba ako? Sa ganitong panahon hindi ako nagpapahinga. Kahit noong dalawang taon na ang nakakaraan. Ganitong-ganito ang pakiramdam ko. Mas gising ang utak ko kapag alam kong may malaking gulo na darating." Nagpatuloy siya sa paglalakad nang mabilis nang makapunta sila sa hallway. Kahit paika-ika ay tila excited siyang naglakad patungo sa techno hub command center.
Nang makarating naman sa harapan ng pinto ng techno hub ay automatic na bumukas ito. Pagkapasok ay tila isang batang namamangha ang propesor sa nakita. Napakaraming mga computer, hologram screen at mga staff ng Malakanyang ang naroon.
"W-Wow," wika niya na lamang sabay buntonghininga.
"Noon ko pa gustong magkaroon ng ganitong klaseng opisina. Napakalaki at kumpleto sa mga kagamitan. Mukhang ngayon pa lang matutupad ang pangarap ko," wika ng propesor habang patuloy na tinititigan ang malaking kwartong iyon. Napangiti na lamang si Helena. Nakita niya sina Maria at Albert sa ibaba ng hagdan. Napansin naman ito ni Maria at tila naningkit pa ang kanyang mga mata, na tila kinikilala ang kasama ng kaibigan.
"P-Propesor Marco?!" bulyaw niya. Agad ding humangos ng takbo sa hagdan ang dalaga nang makita ang propesor.
"Oh oh!" awat naman ng propesor. Hinarang niya ang kanyang tungkod sa harapan upang hindi mayakap ni Maria ngunit niyakap pa rin siya nito.
"Propesor...ikinagagalak namin ang iyong pagdating," wika naman ni Albert habang nakatingin sa kanila. Itinaas na lamang ng propesor ang kanyang suot na sumbrero at tumango habang nakangiti. Sa pagkakataong iyon ay tila patalun-talon pa si Maria habang yakap ang propesor.
"Oh teka iha, baka malaglag tayo..." awat naman niya.
"Dali. Dalhin niyo na ako sa station ko para masimulan ko na ang trabaho," pabirong sagot naman ng propesor.
"Ma'am…" Isang lalaki naman ang lumapit sa kanila. May dala itong isang hologram stick at makikita muli sa kanyang mukha ang matinding pag-aalala. Tila napawi naman agad ang bakas ng saya sa mukha ng apat.
"Kani-kanina lang po ito dumating. Isang mensahe galing sa The Blood of One."
Mula naman sa ibaba ay inabot ni Helena ang kanyang kamay upang kunin ang hologram stick. Isang mensahe ang nakasaad dito at naka-address sa Malakanyang.
"Vicky, you're really a big disapointment to me. I have given you the choice, yet you chose to hide the program. Well, I'm not surprised. With that strength and speed, no one can defeat you. But you are just a little insect to me now. You are alone. We are many. So whatever happens, I can still get that program. That is what I want. I suggest you protect your loved ones especially your orphans. The next attack will define your true personality. I will release your monstrous mechanism for the world to see, that you are not a leader. You're just a weapon of destruction."
Nabahala si Helena sa kanyang nabasa. Dahan-dahan niyang ibinaba ang kanyang mga kamay at napatingin sa paligid. Nabahiran muli ng lungkot ang kanyang ekspresyon ngunit sa pagkakataong iyon ay tila nagsasalubong na ang kanyang mga kilay.
Doon ka nagkamali, Edward Vitore. Magsisisi ka kapag hinawakan mo kahit na isang hibla ng buhok ng mga kasama ko. Gusto mong palabasin ang tunay kong anyo. Ipapakita ko sa 'yo, wag kang mag-alala, wika niya sa sarili. Matapos niya iyon mabasa ay agad niya itong iniabot kay Maria at saka nagmadaling lumabas ng techno hub.
*****
"All things are running according to the plan, Sir. I obeyed your orders. Helena will fall. All the senators came up to a decision," wika ni Senator Richard Clay.
Nakatayo siya sa harapan ng isang mechanical chair na nakatalikod. Ang kwarto namang iyon ay tila malaki at pabilog ang anyo. Madilim ito at tanging mga hologram screen lamang ang halos bumubuo sa pader nito. Sa mechanical chair namang iyon ay makikita ang napakaraming kable na nakakabit sa kisame ng kwarto. May kaingayan nang kaunti sa buong kwartong iyon dahil generator ang nasa itaas kung saan nakakabit ang mga kable galing sa mechanical chair. Dahan-dahan namang umikot ang mechanical chair na iyon kasabay ng pag-ugong.
"Good, good. I never doubted your skills, Richard. Once I get that program, everyone who holds a memory gene will die. Everyone! I have suffered much on this, and I've been waiting for years. I will finish everyone who has that cursed device!" wika ng isang lalaki. May katandaan na ito ngunit makikita pa rin ang kanyang makinis na balat.
Nakaputi siyang long sleeve at ang buhok niya maging ang kanyang kakaunting bigote ay namumuti na rin. Naka-inject sa kanyang dalawang pulso ang dalawang tubong naglalabas ng asul na likido. Sa kanyang harapan naman ay makikita ang isang hologram keyboard. Marahil ay ito ang control upang patakbuhin ang lahat ng nasa loob ng kwartong iyon. Pumindot ang lalaking iyon at agad namang lumabas ang dalawang karayom na nakakabit sa mga tubo sa kanyang pulso. Bahagyang nagdugo ang sugat ngunit isang mechanical arm naman ang nagpunas ng cotton sa parteng pinagturukan.
"But I have a memory gene. A lot of your forces have them too. What about us?" tanong muli ng senador habang nakangiti sa kausap.
"You're all loyal to me, and for that, you will live. Just as I promised," tugon ng lalaki, Dahan-dahan siyang tumayo mula sa mechanical chair at animo'y nag-unat pa ng likod at leeg saka bumaba mula sa kanyang kinauupuan. Makikita naman sa apat na entrance ng kwartong iyon ang dalawang pares ng mga guwardiya. Lahat sila ay nakatingin at nakikinig sa pag-uusap ng dalawa.
"We will transform this world into a much better one, and all of you will accompany me to my throne," wika ng lalaki habang nakatingin sa kanyang mga sundalo. Agad namang sumaludo ang mga ito. Inilagay nila ang kanilang kamao sa kanilang kaliwang dibdib. Maging ang senador ay ginawa ito habang nakatayo sa harapan ng matandang lalaki.
"Have patience. Soon, your new king will rise again. I will lead you all to the path of righteousness. The path wherein people should live the way they should be," wika muli ng lalaki at pagkatapos ay sumaludo din ito. Ang kanang kamao ay inilagay niya sa kanyang kaliwang dibdib.