“I must give you a piece of intelligence that you perhaps already know...”
-Wolfgang Amadeus Mozart
Madilim at may kalamigan ang madaling araw na iyon nang matapos ang pagdiriwang para sa kaarawan ni Maria. Unti-unti ay nagbabalik muli sa ayos ang lahat dahil sa mga trabahador ng palasyo kasama na ang ilang mga prototype na tumutulong din sa gawain.
Nagsiuwian na rin ang ilang mga bisita at ang iba naman ay patuloy na nagpapaalam sa isa't isa. Si Albert naman at ang lahat ng miyembro ng New Order ay bumalik na sa kanilang kampo sa Camp Aguinaldo. Parte na rin kasi ang kanilang grupo sa pwersa ng Pilipinas ngunit may sarili pa rin silang pamumuno at grupo. Eksklusibo lamang ang kanilang grupo na humihingi ng order nang diretso at galing mismo kay Helena.
Wala namang mapagsidlan ang tuwang nararamdaman ni Maria nang gabing iyon. Mas pinili niyang samahan muna ang kaibigan sa Malakanyang kasama na ang magkakapatid na sina Ruth, Jek, Bobby at Cherry. Ulila na rin kasi ang mga ito matapos mamatay ng kanilang nag-iisang magulang na si Aling Tess bago pa man magkaroon ng gulo sa Maynila, dalawang taon na ang nakakaraan. Kinupkop na lamang sila ni Maria at Albert ngunit nakatira sila ngayon sa palasyo sa pangangalaga ni Helena.
Marami na ang nagbago matapos ang dalawang taon. Naging maunlad ang Pilipinas dahil sa pagtulong ng iba't ibang bansa. Umangat ang estado ng pamumuhay ng karamihan, nagkaroon ng mga bagong establisyimentong nagbibigay ng trabaho sa mga Pilipino. Wala na ang nagtataasang mga pader na makikita noon sa tinatawag na mga bidder district. Pantay-pantay na ang lahat at pinagsisikapan pa rin ni Helena na ayusin pa ang buong bansa.
Mula sa balkonahe ng Malakanyang ay nakikita ni Helena ang lahat ng ito, ang pagbabagong idinulot ng gulong nangyari dati dahil kay Johan. Kitang-kita mula sa ika-tatlumpu't pitong palapag ang lahat ng ilaw ng ka-Maynilaan--- ang nagtataasang mga gusali ng buong lungsod at ang mga ilaw na dulot nito dahil sa magagandang disenyo ng mga gusali. Kung dati ay may kalumaan at tila babagsak na ang mga gusaling iyon, ngayon ay makikita ang ilang matatayog at magaganda nang mga gusali. Sa gilid ng mga ito ay makikita ang iba't ibang patalastas gamit ang hologram technology. Kung dati ay mas malimit ang patalastas ng MEMO sa mga hologram billboard na iyon, ngayon ay napalitan na ito ng iba't ibang patalastas ukol sa pagbangon at pagbabago. Maging ng iba't ibang produkto na gawa sa Pilipinas.
Napapangiti na lamang si Helena sa nakikita habang nakadungaw sa kanyang balkonahe. Nakasuot lamang ang dalaga ng isang manipis na puting bestida bilang pantulog. May kaluwagan ito sa kanyang katawan at makikita dito ang kanyang hubog dahil sa ilaw ng siyudad na tumatama sa kanya.
Nakangiti siya ngunit nalulungkot din. Lahat ng ito ay simbolo ni Johan. Ito ang gusto niyang makamit ngunit hindi man lang niya ito natunghayan--- ang pagbabagong kanyang inaasam. Hanggang sa ngayon ay nangungulila pa rin si Helena sa binatang iyon. Kapag naaalala niya ay natutuwa siya ngunit kasabay nito ang kalungkutang unti-unti ay gumuguhit sa kanyang lalamunan at patungo sa kanyang mga mata. Muli na namang nangingilid ang luha ng dalaga. Pinahid niya na lamang ito at muling ngumiti.
"Helena, malamig diyan. Baka sipunin ka," wika naman ni Maria. Nakasuot pa rin siya ng isang itim na dress na bumabagay naman sa kanyang itim na tattoo na disenyong pakpak sa kanyang kanang mukha. Kitang-kita rin ang ganda ng pagkakulot ng kanyang itim na buhok. Kadarating pa lamang niya sa kwarto ng dalaga dala-dala ang isang jacket. Ipinatong niya iyon sa balikat ng kaibigan at tumabi sa kanya.
"Nami-miss mo pa rin ba siya?" tanong niya.
"Oo Maria. Kapag nakikita ko ang lahat ng ito, lagi ko siyang naaalala. Siguro talagang hindi na siya mawawala sa alaala ko. Ayoko ring mangyari iyon. Marami siyang iniwang magagandang alaala para sa akin," sagot naman ni Helena.
Saglit namang natahimik ang dalawa habang nakatitig sa malayong parte ng siyudad. Mayamaya pa’y napatingala naman si Maria at tinitigan ang maliwanag na buwan sa langit. Minsan lang ito sumulpot sa mga panahong ito kung tutuusin. Madalas kasi ang maulap ang kalangitan ngunit sa pagkakataong iyon ay tila malinaw ang lahat at makikita rin ang iilang bituing nagniningning.
"Helena, kung nasaan man siya ngayon siguradong masaya siya. Sigurado akong malulungkot siya kung makita ka niyang ganyan. Kaya tahan na," wika ng dalaga.
"P-pasensiya na Maria. Hindi ko lang talaga mapigilan eh," wika ni Helena habang muling sinusubukang ngumiti.
"Tara na. Pumasok na tayo. May turnover ceremony ka pang pupuntahan mamayang tanghali sa Makati. Mapapagod ka na naman."
"Ahh. Sige tara pumasok na tayo," sagot naman ng dalaga.
Hinaplos muna ni Maria ang likod ng dalaga bago pumasok. Si Helena naman ay maglalakad na sana papasok ng salamin na pintuan ng kanyang kwarto ngunit tila may nakita siyang kakaiba sa isa sa mataas na gusaling mayroon ding kalayuan na kanina lang ay kanyang tinititigan. Sa tuktok nito ay makikita ang isang anino ng lalaking nakatayo sa roofdeck at nakaharap sa kanya. Nakahood ito na gaya ng kay Johan. Hindi naman maaninag ng dalaga ang kanyang mukha. Naningkit na lamang ang mga mata ng dalaga upang makita pa ito nang mas malinaw.
"Helena bakit?" tanong ni Maria.
"Ah. Wala. Para kasing may nakatayong tao sa banda do’n," wika ng dalaga nang humarap kay Maria.
"Saan?" tanong naman niya. Agad namang nakitingin si Maria ngunit wala naman itong nakita sa taas ng gusaling iyon.
Nang tumingin din si Helena ay wala na ang lalaki. Animo’y naglaho ito sa dilim na parang bula.
"K-kanina nandoon siya eh," sagot naman ni Helena. Tumingin naman si Maria sa kanyang mga mata at hinilot ang ulo ng dalaga.
"Alam ko pagod ka na eh. Magpahinga na tayo, Helena. Stressed ka na. Kung anu-ano na ang nakikita mo eh," sagot naman ng dalaga.
Agad namang pumasok si Maria sa kwartong iyon at sumunod naman ang dalaga. Ngunit bago pa tuluyang pumasok sa kanyang kwarto ay muli siyang sumulyap sa malayo at tumingin muli sa itaas ng gusali. Ngunit wala ang tao na kanina lang ay kanyang nakita.
Hmm...pagod lang siguro ito, wika niya sa sarili.
Pagpasok ng kwartong iyon ay agad namang sinara ng dalaga ang pinto ng kanyang balkonahe. Nilapat din nito ang kurtina at naglakad na palapit kay Maria.
"Oh paano, nasa kabila lang ako Helena ah. ‘Wag kang mahihiyang tawagin ako kung kailangan," wika ni Maria habang nakangiti.
"Oo kaya ko naman ang sarili ko ‘no. Sino ba ang mananalo sa akin?" biro ng dalaga.
"Ahaha...oo nga pala ano? Takot lang nila mabalian. Uhmm…salamat talaga ah, Helena. The best ka talaga," sagot ni Maria.
"Ay naku wala ‘yon."
"Basta ah, kung may kailangan ka. Sige na. Kailangan mo nang magpahinga. Busy day bukas."
"Oo na."
Nilapit naman ni Maria ang kanyang pisngi sa dalaga upang halikan ang kaibigan. Pagkatapos ay lumabas na rin naman agad ng kwarto si Maria. Humiga naman si Helena sa kanyang malambot na kama habang nakaharap sa kinaroroonan ng kanyang balkonahe. Tila nag-aabang siya ng mangyayari. Iniisip pa rin niya marahil ang nakita niya sa itaas ng isang malayong gusali.
*****
"Ma'am, ito na po ang schedule niyo for today."
Inabot ng isang babaeng nakasuot ng pangpormal ang isang hologram stick kung saan ipinapakita dito ang schedule ng bise presidente para sa araw na iyon. Sa pagkakataong iyon ay nag-aalmusal pa lamang si Helena ng alas-nuwebe ng umaga. Nakaputi siyang polo at nakaitim na skirt, nakaayos din ang kanyang buhok nang napakalinis at maayos ngunit bakas sa mukha niya ang pagod at puyat. Agad naman siyang napansin ni Maria nang pumasok ito sa hapag-kainan ng Malakanyang. Isa itong pahabang mesa na pinapagitnaan ng isang mahabang table cloth na kulay pula. May pagkain din dito ngunit sapat lamang para sa almusal na iyon. Sa gitna ng dulo ng mesa ay nakaupo ang dalaga at sa gilid naman niya ay ang apat na bata na nag-aalmusal din.
"Bakit parang hindi ka nakatulog nang maayos?" puna ni Maria.
"Ah good morning," wika naman ni Helena, hindi niya gaanong napansin ang tanong ng dalaga dahil abala siyang nagbasa ng kanyang schedule para sa araw na iyon. Umupo naman si Maria sa kabilang gilid kung saan katabi niya si Bobby. Hinimas muna niya ang ulo ng bata, na animo’y kinukulit at muling tumingin kay Helena. Napapansin naman ni Helena ang pagtingin at pagngiti ng kanyang kaibigan. Animo’y nang-iinis siya at humihingi ng atensyon.
"Bakit?" tanong ni Helena.
"Tinatanong kasi kita kanina kung bakit parang hindi ka nakatulog nang maayos," wika niya. Humigop naman ng kaunting kape si Maria at ngumiti.
"Nagbantay lang, pasensiya na," sagot naman ng dalaga.
"Iniisip mo pa rin ‘yong nakita mo kaninang madaling araw?"
"Uhmm…hayaan mo na ‘yon. Kumain ka na, Maria. Pupunta tayo sa Makati para sa turnover ceremony. Pakihanda na rin ang New Order," wika naman ni Helena.
"Ate, sama kami!" sagot naman ni Jek, ang batang katabi ni Helena sa kanyang kanan.
"Hindi pwede, Jek. May pasok pa kayo, ‘di ba? Male-late na nga kayo eh. Sige na ubusin niyo na ang kinakain niyo," tugon naman ni Helena.
"Pero Ate..."
"Jek, makinig ka kay Ate Helena. Hindi nga pwede," sagot naman ni Ruth. Tila nagmaktol naman ang bata at muling nginuya ang kanyang kinakain habang nakasimangot.
"Ma'am, handa na po ang service ng mga bata," wika naman ng babaeng nakatayo sa likuran ni Helena matapos marinig ang ilang mensahe mula sa communicator nito na nakakabit sa kanyang tenga.
"Oh narinig niyo ah. Sige asikaso na," wika naman ni Helena. Agad namang tumayo ang mga bata. Hinila naman ni Ruth ang kanyang kapatid na si Cherry dahil inaabot pa niya ang tinapay na may palamang bacon sa hapag-kainan.
Kiniliti naman ni Bobby si Maria bago ito tuluyang tumayo at pagkatapos ay tumawa.
"Ikaw talaga! Lagot ka sa akin mamaya!" wika naman ni Maria habang nakangiti at tila hinahabol pa ang batang lalaki.
"Ang kukulit ng mga bata, ano?" nakangiting sambit naman ni Helena habang nakatingin sa mga bata. Lumapit naman si Cherry sa kanya bago ito tuluyang lumabas. Animo’y humahabol pa ito ng halik sa dalaga. Matapos humalik ay naglakad na siya palayo at kumaway.
"Pero kung wala ang mga ‘yan, siguro napakalungkot dito," tugon ng dalaga.
"Oo...malungkot nga," wika naman ni Helena. Pasaglit-saglit ay naaalala niya ang katayuan ng mga batang iyon noong sila ay nasa Antipolo pa. Madudungis ang mga ito at napapabayaan na dahil sa kahirapang idinulot ng memory gene. Payat ang pangangatawan ng mga batang iyon noon ngunit kitang-kita ang malaking pagbabago sa kanila pagkatapos ng gulong naganap.
Alas onse ng umaga nang paligiran ang Malakanyang ng mahigit limang hover limousine at ilang mga hover bike at hover truck. Sakay nito ang ilang opisyal ng pamahalaan at ang mga sundalo ng New Order at ng militar. Ang ilang mga opisyal ay tila nagpulong sa isang gilid ng limousine habang ang mga sundalo naman ay hinihintay ang paglabas ng bise presidente.
Una namang lumabas sina Maria at Albert. Pawang nakauniporme ito ng itim na leather suit. May mga baril sa kanilang mga tagiliran at animo’y alerto sa kanilang paligid. Sumunod naman si Helena, na nakasuot pa rin ng puting polo at itim na skirt. Naka-heels na kulay itim at nakaayos pa rin nang pormal ang kanyang buhok. Inalalayan naman siya ng driver ng limousine na kanyang sasakyan. Hinawakan niya ang kanyang kamay at inalalayan habang bumababa ng hagdan.
"Handa na ba ang lahat?" tanong niya kay Albert.
"Handa na ang lahat, pati ang venue. Cleared na rin ang dadaanan, Helena," sagot naman ni Albert.
Napakunot-noo ang dalaga at tinitigan siya."Anong ibig mong sabihing cleared? Sinara niyo ang main road para sa atin? Kailangan ba?" tanong naman ni Helena.
"Eh ayun ang gusto nilang mangyari eh. Ikaw nga ang magsabi sa kanila," sagot naman ni Albert.
"Pasensiya na po, Ma'am. Matagal na nating protocol ito," wika naman ng isang sundalo malapit sa limousine na sasakyan na sana ng dalaga.
"Ayoko, gusto kong makasabay ang mga sibilyan. Sa lahat ng ayoko kapag umaalis tayo ay ang ginagawa niyong ito. Wala namang panganib na mangyayari, at hindi niyo pa rin ba ako kilala?!" bulyaw naman ni Helena na tila naiinis.
"Hindi niyo pa rin pala talaga ako kilala. Akin na nga ‘yang baril mo Albert!" utos niya naman sa pinuno ng New Order. Napalunok naman ng kaunting laway ang pinuno at kinuha ang dalang armalite ng isang sundalo. Inabot niya iyon kay Helena. Kinuha naman ito ng dalaga at hinawakan ang dulo ng baril.
Ikinagulat naman ng ibang mga sundalo ang sunod na ginawa ng dalaga. Binali niya ang dulo nito gamit ang sariling mga kamay. Ang mga sundalo naman ng New Order ay natawa na lamang sa ginawa ni Helena. Hindi na ito bago sa kanila dahil nakita na nila kung gaano kalakas si Helena dalawang taon na ang nakararaan.
"Ngayon sabihin niyo nga sa akin kung kailangan ko ng sobrang proteksyon?!" bulyaw muli ng dalaga.
"Uh-uh pasensiya na po, Ma'am. Pabubuksan na lang po namin ulit ang mga daan," sagot naman ng sundalo.
"Okay lang, pero ayoko na sanang mangyari ito ulit. Pinatawag ko ang mga militar at ang New Order hindi para protektahan ako kundi para protektahan ang ibang opisyal na kasama natin," sagot muli ng dalaga. Agad namang napangiti ang ilang mga opisyal ngunit ang karamihan sa kanila ay tila iba ang tingin sa ginawa ng dalaga. Tumalikod na lamang ang mga ito at sumakay sa mga limousine na nakaparada.
Napakunot-noo lalo ang dalaga nang makita ang inasal ng mga ito. Naglakad na lamang siyang muli patungo sa limousine na kanyang sasakyan.
"Tara na," mahinahon niyang utos.
Binuksan naman ng kanyang driver ang likurang pinto ng hover limousine. Dahan-dahan sumakay si Helena at pagkatapos ay sinarang muli ng driver ang pinto nito. Patuloy naman sa pakikipag-usap sa communicator ang mga sundalong nag-utos na ipasara ang dadaanan ng kanilang convoy. Marahil ay pinabubuksan na nito ang kanilang mga dadaanan para sa publiko.
Sina Maria at Albert naman ay sumakay sa isang hover truck kasama ng iba pang mga sundalo ng New Order. Nang handa na ang lahat ay agad nagsilutangan ang mga sasakyang iyon mula sa semento. Naunang tumakbo ang ilang mga hover bike. Sumunod naman ang mga limousine at ang mga hover truck. Mula sa harapan ng Malakanyang ay umikot ang mga ito sa isang napakagandang fountain. Gawa sa marmol ang fountain na iyon at makikita ang isang sculpture ng Libra. Sa magkabilang timbangan nito ay lumalabas ang tubig at dumidiretso sa kabuuan ng fountain. Sa paligid naman ng kalsadang kanilang dinadaanan ay makikita ang mga halaman ng rosas.
Makikita naman sa malawak na damuhan sa ‘di kalayuan ang sculpture ng ilang mga prototype at ng mga sundalong nakasakay sa ilang Russian warframe. Nakataas ang mga kamay ng mga prototype na iyon na animo’y sasanggain ang kanilang mga bala. Replika ito ng pangyayari bago mamatay si Johan Klein. Nangyari ito habang winawasak ni Helena ang bakal na pader ng events hall kung saan nakaharang ang mga sculpture na iyon.
Sa gilid naman nito ay kapansin-pansin ang isang puting puntod. May krus ito na kulay puti at dito nakalagak ang katawan ni Johan. Sa magkabilang gilid nito ay makikita ang dalawang prototype na ginamit niya nang magkagulo sa palasyo. Totoong prototype ang mga ito ngunit hindi na ito gumagalaw dahil tanging si Johan lamang ang may master key ng mga prototype na iyon. Voice recognition lamang niya ang nakakapagpasunod sa mga ito.
Dinala naman ang daan-daang natirang mga prototype sa National Museum. Ginawan ng espesyal na lugar ang mga ito upang makita ng mga papasyal ang mga prototype. Pinili ng gobyerno na ipreserba ang mga ito kaysa itapon na lamang o sunugin. Hindi rin pwedeng baklasin ang mga ito at gamitin ang iba pang parte upang gumawa ng prototype. Gobyerno na ang may hawak sa mga naturang prototype at ginagamit na lamang ito sa pagbabalik-tanaw sa mga nangyari.
Nalungkot na lamang si Helena nang makita ang puntod ng binata. Umiwas na lamang siya ng tingin at muling humarap sa kanilang dadaanan. Palabas na ng gate ang kanilang sasakyan sa pagkakataong iyon.
"One Data File Received."
Isang boses naman ang kanyang narinig mula sa kanyang hologram stick. Agad niyang pinindot ang isang button sa itaas na bahagi nito at lumabas naman sa gilid ng stick na iyon ang hologram screen. Nakita niya ang isang data na ipinasa sa kanya ni General Linford.
Ito na siguro ang impormasyong hinihintay ko, wika niya sa sarili. Agad niya itong binuksan at nabasa ang mga salitang:
The Telepath Project
Dated September 16, 2222
This project's aim is to survey every file (thoughts) of every user of the memory gene in order to protect their own lives, to unbind the hidden agenda against the government and to monitor every detail of their files, to lessen criminal acts and disobedience to the government of every state.
This program shall be implanted on Subject 1, Victor Torres as a reward for being part of the company for 20 years and as gratitude for being in the loyal servitude of the president of the company, Dr. Welder Freuch.
Signed the president himself,
Dr. Welder Freuch.
Tila nanlaki ang mga mata ng dalaga dahil sa kanyang binabasa.
I-Isang program na kayang basahin ang lahat ng iniisip ng may memory gene? Pero bakit? Hindi ako naniniwalang para lang mabawasan ang krimen at terorismo sa buong mundo ang dahilan ng pagkakagawa ng programang ito, bulong ni Helena. Binasa pa niya ang ilang data na naisend sa kanya ng heneral. Nakita niya dito ang ilan pang mga detalye ukol sa program na iyon.
Dated September 27, 2222
The experiment occured in MEMO Corporation at Denmark. 5:38 PM
We have seen positive signs that Subject 1 can handle the program very well. He has enough will power and has been loyal to Dr. Freuch ever since the memory gene was tested on him. Thus, we picked Victor Torres to be the first of the experimental weapon and intelligence unit of MEMO.
Tila lalo iyon ikinabahala ni Helena. Sunod naman niyang binasa ang isa pang dokumento.
Special Weapon and Intelligence of MEMO or S.W.I.M.
This Department holds the special experiments of MEMO to be used as protection for the company and the European Union.
The following have taken the tests and have been proven to pass. Their aim is to subdue any threat to the company:
Subject 1 - Victor Torres - The Telepath Project
Subject 2 - Layla Voskonovic - Logical Upgrade Project
Subject 3 - Christopher Stein - Metabolic and Physical Project
Subject 4 - Mark Dimitri - Metabolic and Physical Project
Subject 5 - Jonas Wellington (Klein) Metabolic and Physical Project
Subject 6 - (Confidential) - Memory Control Maneuver Program
Subject 7 - Vicky Konning - Physical and Speed Project (Subject for Memory Deletion)
Nothing follows
Tila nanghina si Helena sa mga nabasa. Ngayon lang niya nalaman na hindi lang pala siya, si Johan, si Jonas at ang Subject 1 ang naging eksperimento ng MEMO. Marami pa pala bukod sa kanya at tanging memorya lamang niya ang napiling burahin ng MEMO. Marahil ito ay dala ng nangyari noon sa Linel Industries.
V-Vicky? Vicky Konning. Iyon ang dati kong pangalan, bulong naman ng dalaga.
Agad naman niyang isinara ang kanyang hologram stick at pumikit. Sinusubukan niyang alalahanin ang mukha ng kanyang ama na si Dr. Matthews Konning, ang gumawa at nagpalakas sa kanya.
Kailangan ko siyang hanapin. Tama. Hindi ko alam kung patay na siya. Walang nabanggit si Johan o kahit na ang propesor tungkol doon, sambit niyang muli sa sarili.
Gulong-gulo ang isip ni Helena nang makarating sila sa isang mataas na gusali sa Makati. Tinatawag itong Makati Central Hub. Ito ang lugar kung saan siya dinala ni Johan para ipakita ang kabuuan ng siyudad ng Makati at para rin ipakita ang malaking harang noon na humahati sa nag-iisang bidder district city. Alam na ng dalaga ang venue ng turnover ceremony na iyon ngunit hindi pa rin niya mapigilang hindi isipin ang binata. Sa isip-isip niya’y may nakikita siyang taong naka-hood at umaaligid lamang sa paligid. Nakatingin ito nang masama sa kanya ngunit sa isang banda ay makikita pa rin ang inosenteng ngiti ng binata.
"Helena, ayos ka lang ba?" tanong ni Maria. Sa pagkakataong iyon ay nahuli niya ang dalaga na nakatulala sa isang banda kung saan nagkukumpulan ang hindi mabilang na mga tao. Kabababa lamang niya sa sinasakyang limousine at inaabangan naman siya ng mga sundalo upang maglakad sa isang red carpet.
"A-Ah oo, Maria. Ayos lang ako," sagot niya.
"Kagabi ka pa hindi maayos," wika naman ni Maria.
"Pagod lang siguro ito. Tayo na. Pumasok na tayo," sagot namang muli ng dalaga. Nagsimula namang maglakad si Helena patungo sa entrance ng magarbong gusaling iyon. Marami ang ilaw sa paligid at maluwag ang lugar kung saan nakaparada ang mga limousine na ginamit ng mga opisyal ng pamahalaan. Sa kaliwa’t kanan naman ay makikita ang mga taong nagkukumpulan. Ito ang kanina pang tinititigan ng dalaga at iniisip na naroon lamang si Johan. May kurdon na pula ang humahati sa mga taong iyon at sa mga panauhing papasok sa loob. May mga dala ring camera ang iba at nagkalat ang mga miyembro ng media upang i-cover ang mga magaganap.
Makukulay na ilaw naman ang sumalubong kay Helena nang siya’y pumasok sa loob. Sa ground floor lamang gaganapin ang turnover ceremony na iyon. Para ito sa pagturnover ng isa sa mga hotel ng Makati upang gawing residential area para sa iba pang walang tahanan. Proyekto rin ito ni Helena ngunit noong una ay hindi niya inasahang sa Makati Central Hub pala gagawin ang seremonya.
Maraming tao ang nakaupo sa bawat silya ng isang malaking events hall na iyon sa bandang gitna. Sila marahil ang tatanggap ng certificate upang makakuha ng unit sa isang hotel. Agad ngumiti ang mga ito matapos makita ang dalaga. Kumaway naman si Helena at pagkatapos ay hinanap ang kanyang pwesto sa bandang unahan.
"Madam...Madam..." Isang boses naman ang nakatawag pansin sa dalaga. Agad namang lumingon si Helena sa kanyang kinaroroonan sa bandang unahan ng entablado. Nang mapansin ay agad siyang lumapit sa dalaga. Hinarang naman ito ni Maria at ng dalawa pang bodyguard ng bise presidente.
"Ah sandali, ako ito, Helena. Si Mark Lyndon? Hindi mo na ba ako naaalala?" tanong niya kay Helena. Nakasalamin ang lalaking iyon at naka-long sleeve ito na sinamahan pa ng isang berdeng necktie. Tila hindi naman siya nakilala ng dalaga.
"Ako ito, ang kaibigan ni Johan. Hindi mo ba naaalala? ‘Yong gumawa ng ID pass mo?" wika muli ng lalaki.
"A-Ah Mark? P-pasensiya na pero hindi ko maalala ang pangalan mo, pero naaalala ko ‘yong ID pass," sagot naman ng dalaga. Nang marinig ito ni Maria at ng dalawa pang bodyguard ay binitawan nila ang braso ng lalaki. Agad naman niyang kinapitan ang kanyang braso upang hilutin dahil sa mahigpit na pagkakakapit ng mga bantay ni Helena.
"Ah okay lang ‘yon. ‘Di ba nga sabi ni Johan noon, wala kang maalala? Ah ganoon ba kalala ‘yon? Ahmm.. amnesia ba ang tawag diyan?" wika naman ng lalaki. Napakunot-noo ang dalaga at naningkit ang kanyang mga mata.
"Ah short term memory loss? Gano’n ba?" sambit muli ni Mark. Tila nairita naman ang dalaga at tumalikod sa kausap.
"Ah sandali pasensiya na. Hehe. Pasensiya na talaga. Nagbibiro lang naman ako. Ehe-he-he," dagdag pa niya na tila naaasiwa sa kanyang mga sinabi.
"Nasa harapan ka ng bise presidente ng sarili mong bansa. Matuto ka namang gumalang," wika naman ni Maria. Matalim ang tingin niya sa lalaki at tila nahiya naman si Mark sa sarili.
"Ah pasensiya na talaga, Helena," sagot nito.
"Okay lang. Pasensiya na pero magiging abala ako ngayon. Baka hindi na kita maasikaso. Salamat," wika naman ni Helena na tuluyan nang nainis sa lalaking lumapit. Napakamot na lamang ng ulo ang lalaking iyon at lumayo na lamang sa kanila.
Isang upuan naman ang naghihintay kay Helena sa unahang bahagi lamang ng entablado. Mula dito ay kitang-kita ang liwanag ng buong entablado. Nakipagkamay naman sa dalaga ang ilang mga businessman at ilang mga may katungkulan din sa pulitiko. Napangiti na lamang si Helena habang ginagawa iyon. Sinusubukan niya pa ring ituon ang pansin sa iba kahit na hindi maganda ang kanyang nararamdaman bunsod ng sunud-sunod na issue, impormasyon at alaala na nagbabalik sa kanya.
Saglit siyang napahawak sa kanyang ulo na animo’y iniinda ang sakit na kanyang nararamdaman.
"Helena?"
Napansin naman ni Maria ang pagkaputla ng dalaga. Agad niyang kinapitan ang likod ng kanyang kaibigan upang alalayan.
"Ok ka lang ba talaga?" tanong ni Maria. Dinala niya ang dalaga sa kanyang upuan upang makaupo at makapagpahinga.
"Oo Maria. Salamat," sagot ng dalaga.
"May hindi ba kami alam, Helena? Siguradong may gumugulo sa isip mo at ayaw mo lang sabihin sa amin. Kung tungkol yan sa MCM program o kung ano pa man, dapat ‘yang malaman ng lahat," wika naman ni Maria.
"Hindi wala ito, Maria. Pagod lang talaga siguro ako. Marami lang talagang iniisip pero ayos lang ako," sagot ni Helena. Napayuko na lamang siya matapos iyon banggitin. Pumikit siya saglit at muling dumilat.
"Sigurado ka ah? Nandito lang kami sa likuran mo. Kung hindi mo na kaya sabihin mo lang," sagot naman ni Maria. Tumango na lamang ang dalaga at ngumiti.
Nagsimula namang pumalakpak ang lahat ng panauhin at mga bisita nang umakyat na sa entablado ang mayor ng Makati.
"Salamat, maraming salamat. Uhmm….gusto ko sanang ibigay ang oportunidad na ito para sa mga mabibiyayaan ng unit sa The Heritage Mansion. Maaari po sana ay pumalakpak ang lahat!" bulyaw ng mayor na sa pagkakataong iyon ay nakatayo na sa harap ng isang desk na gawa sa salamin. Naroon din ang isang maliit na mikropono kung saan siya nagsasalita. Nagpalakpakan naman ang lahat ng nasa likurang bahagi ng hall at ang iba ay nagawa pang humiyaw.
"Muli, maraming salamat. Sa mga hindi pa nakakakakilala sa akin, sa ating mga bisita. Hayaan niyo po akong magpakilala. Ako po si Mayor David Echavez, sa loob ng anim na taon ay nagsilbi po ako para sa ating butihing lungsod. Opo, natunghayan ko rin po ang kahirapang naganap nang mga panahong nailuklok na ako bilang inyong mayor. Nakita ko ang pagbagsak ng diktadurya sa pamamalakad ni Johan Klein. Sa kabila ng lahat ay nakita ko rin ang kabutihan at ang positibong resulta ng lahat ng kanyang ginawa. Nasaksihan din ng buong mundo ang isang bayaning nakapagpabago ng lahat. Nakita ko ang pagbabagong naganap at masasabi kong ito’y maganda para sa lahat. Mga kaibigan, mga panauhin at mahal kong taga-Makati. Pinakikilala ko sa inyo ang nagbigay ng liwanag sa ating bansa at maging sa buong mundo. Ang ating butihin at mahal na bise presidente. Vice President of the Republic of the Philippines, Ms. Helena Cera."
Isang mahabang paliguy-ligoy muna ang pinakawalan ng mayor ng lungsod bago pa ipakilala si Helena ngunit bakas naman sa mukha ng dalaga ang tuwa sa pagpapakilalang iyon. Marahan siyang tumayo ngunit sa pagkakataong iyon ay ramdam na niya ang hilo dulot ng masamang nararamdaman.
Inalalayan naman ni Maria ng tingin ang kaibigan habang umaakyat ito ng entablado. Bakas sa mukha ni Helena ang panghihina at pamumutla.
"Uhm. Maraming salamat sa napakaganda at nakakatuwang panimula, Mayor Echavez. Muli sa lahat ng sumuporta sa turnover ceremony na ito, sa lahat ng kasama ko, sa aking mga kawani. Sa lahat ng bisita at sa lahat ng mabibigyan ng certificate sa araw na ito. Maraming salamat sa pagpunta at pagsuporta. Isang magandang araw po sa ating lahat..." panimula naman ng dalaga.
Nagpalakpakan naman ang lahat sa panimulang iyon ng bise presidente. Pormal at walang maririnig na hiyaw ang pagpalakpak na iyon. Tumayo pa ang ilang mga bisita at maging ang mga tao sa likurang bahagi ng hall. Tumayo rin si Maria at maging ang ibang kawani hanggang sa ang lahat ay nakatayo na, nakatingin sa kanya, nakangiti at pumapalakpak. Sa sobrang galak ay napaluha si Helena. Tumulo ang luha niya sa kanyang kanang pisngi na kaagad naman niyang ipinahid gamit ang isang puting panyo.
Matapos ang halos sampung segundong palakpakan ay dahan-dahan namang naupo ang mga ito sa kanilang mga kinauupuan.
"Unang-una, gusto kong malaman ninyo lahat na ang nangyari noon...dalawang taon na ang nakakaraan, uhmm… hindi lang ako ang dahilan ng malaking pagbabagong naganap; kung hindi dahil kay Johan. Siguro kung hindi niya ginawa ang bagay na iyon, ang kunin ang atensyon ng buong mundo para kamuhian ang memory gene. Siguro hindi tayo magigising sa maling sistema. Ito ang gusto niyang iparating sa akin noon pa. Kaya kahit wala na si Johan, ang mas kilala bilang fallen hero, sigurado akong walang pagbabago. Hindi lang ako ang bayani ninyong lahat. Ang bawat isa sa ating naghangad ng pagkakapantay-pantay, kayo rin mismo ay mga bayani sa sarili ninyong paraan..." pagpapatuloy naman ng dalaga. Tila naging seryoso naman ang lahat sa pakikinig. Napayuko na lamang ang iba at ang iba naman ay alanganing nakangiti.
"Alam kong may kinakaharap tayong krisis. Hindi pa tapos ang ating laban. Alam kong marami pa rin sa atin ang natatakot pero gusto kong malaman niyo na ginagawa namin ang lahat ng aming makakaya upang maging maayos ang lahat."
Agad nalungkot ang karamihan sa mga bisitang mayroong memory gene dahil sa sinabing iyon ng dalaga. Alam nila ang lahat. Hindi naman itinago ng gobyerno ang pagkawala ng MCM program. Hindi lamang nila pinalala ang issue ngunit karamihan sa kanila ay natatakot pa rin.
"Hindi ito ang oras para malungkot. Gusto ko sanang mapalitan ang nararamdaman ninyo ng lakas ng loob. Nandito tayo sa pagtitipong ito upang maging masaya at sabihin sa ating mga sarili na kaya natin at babangon tayong muli sa pagkakalugmok," wika muli ng dalaga. Unti-unti namang umangat ang ulo ng ilang mga bisitang nakayuko. Napangiti na rin ang ilan sa mga ito. Ang ilan naman ay napaluha.
"Kaya natin ang lahat ng pagsubok, tama ba?" wika ng dalaga. Tila kinukuha niya ang atensyon ng lahat.
"Tama po ba?" tanong niyang muli.
"Opo." Mangilan-ngilang boses naman ang nagsalita.
"Hindi ko po kayo marinig!"
"OPO!" mas malakas at magiliw na sagot naman ang kanyang narinig sa pagkakataong iyon.
"Ayan! Muli maraming salamat po sa suporta ng lahat. Dadako na po tayo ngayon sa ating turnover ceremony na pangungunahan ng butihing mayor na si Mayor David Echavez. Tinatawagang pansin din ang lahat ng kawani upang ibigay ang mga certificates ng bawat candidate," wika ng dalaga.
Nagpalakpakan naman ang mga bisita at ilang kawani. Nag-akyatan na rin ang mga ito sa entablado. Inisa-isa namang tawagin ng mayor ang pangalan ng bawat kandidatong makakakuha ng certificate. Inabot naman ng ilang mga kawani kay Helena ang tig-iisang flashdrive na animo’y pendant na isinasabit naman ng dalaga sa leeg ng bawat kandidato. Matapos itong isabit ay nakipagkamay ang dalaga at pagkatapos ay kinunan sila ng litrato at ilang mga taga-media na nagcocover ng pagtitipong iyon.
Sa loob ng flashdrive na iyon nakalagay ang certificate at titulo bilang patunay na isa sila sa mga unit owners ng naturang hotel na ginawang condominium unit. Ang The Heritage Mansion ay halos mayroong tatlong daang palapag at dalawang ektarya ang sakop nito. Katabi lamang ito ng Makati Central Hub. Ito ang hotel na ginawang condominium o pabahay ni Helena para sa iba pang walang tahanan. Bawat kandidato namang sinasabitan ni Helena ng flashdrive ay sobra-sobra ang pasasalamat. Ang iba ay halos yakapin pa siya at mapaiyak.
Nagtagal ang pag-a-award ng naturang mga unit ng halos dalawang oras. Napapansin na ni Maria ang lalo pang pagkahilo ng dalaga. Nakikipagkamay siya sa mga kandidatong umaakyat at animo’y napapapikit at humahawak sa kanyang ulo. Tila nakikita naman ni Helena ang mukha ni Johan sa ilang sulok ng hall na iyon. Nakikita niya pa rin ang isang lalaking nakahood at nakangiti sa kanya. Hindi malaman ng dalaga kung totoo pa ba ang kanyang nakikita o gawa na lamang ng kanyang isipan.
"Bravo team, pakibantayan ang Vice. Hindi ko alam pero kanina pa masama ang pakiramdam niya. Pakialalayan lang kung sakaling may mangyari." Nagsalita si Maria mula sa kanyang communicator na nakakabit sa kanyang tenga. Agad naman iyon narinig ng iba pang sundalo ng New Order. Binantayan nga ng mga ito ang dalaga. Mayamaya pa’y kusa nang nagpaalam sa mayor si Helena at bumulong. Tumango naman ang mayor at muling nag-anunsyo ng mga pangalan. Dahan-dahan namang bumaba si Helena ng hagdan at lumapit sa kanyang kinauupuan. Inalalayan naman ni Maria ang kaibigan at iniupo itong muli sa kanyang pwesto.
"Hindi na maganda ang nararamdaman mo. Gusto mo bang umalis na tayo?" tanong ni Maria.
"H-hindi, dito lang tayo Maria," sagot naman ng dalaga.
"Pero namumutla ka na..."
"G-gusto ko lang pumunta sa banyo," wika ni Helena.
"Sasamahan kita," tugon ni Maria.
"Hindi. Ako na lang, Maria. Kaya ko ang sarili ko. Bantayan niyo na lang ang iba pa."
Tumayo na lamang si Helena matapos iyon sabihin. Naglakad siya patungo sa gilid ng hall kung saan naroon ang CR. Nakahawak pa rin siya sa kanyang ulo at sa pagkakataong iyon ay sa kanyang memory gene niya na ito nakahawak.
"Unit 3. Pakibantayan ang Vice. I repeat. ‘Wag mong hahayaang mawala sa paningin mo ang Vice President," utos naman ni Maria sa isang sundalo.
"Opo," sagot naman ng isang babaeng sundalo sa ‘di kalayuan. Sinundan nito si Helena na sa pagkakataong iyon ay papasok na sa CR ng hall.
Nang makapasok naman sa CR ang dalaga ay agad siyang nagtungo sa lababo at nagsimulang maghilamos. Nahihilo na nga siya at tila umiikot na ang kanyang mundo.
"Helena."
Isang boses ng lalaki ang kanyang narinig mula sa pinto ng CR na iyon. Napapikit ang dalaga at muling dumilat. Kumuha siya ng tissue mula sa tissue bin at pinunas sa kanyang mukha. Naglakad naman siya nang dahan-dahan patungo sa pinto. Binuksan niya ang pintong iyon at nakita pa rin ang mga taong nagpapalakpakan. Tumingin siya sa entablado at tila nasilaw sa ilaw na nagmumula rito. Wala siyang ibang naririnig kundi ang ilang tawa at pagbanggit ng mga pangalan ng bawat kandidato.
Tila nababali naman sa kanyang utak ang musikang ginagamit sa programang iyon. Ang ilang mga tao namang nakakakita sa kanya ay ngumingiti at nagpapasalamat. Kinakamayan siya ng mga ito at bumebeso pa ang iba. Sa ‘di kalayuan naman ay nakita niyang muli ang isang lalaking naka-hood. Sa pagkakataong iyon ay nakita niya ang mukha ni Johan. Nagulat ang dalaga. Sinubukan niyang ipikit muli ang kanyang mata ngunit nang dumilat ay naroroon pa rin ang binata. Naglakad naman siya palayo sa dalaga at patungo sa elevating platform ng gusali.
"Johan? Johan sandali!" bulyaw niya. Hinawi na lamang niya ang mga taong lumalapit sa kanya.
"Alpha leader, lumalayo ang bise presidente. Papunta siya ngayon sa elevating platform," wika naman ng babaeng sundalo na inutusan ni Maria upang magbantay.
"A-Ano? Sundan mo siya. Magtatawag ako ng backup," wika naman ni Maria.
Patuloy naman sa paglalakad si Helena patungo sa elevating platform. Naunang umakyat dito ang kanyang nakikita na si Johan. Ginamit na lamang niya ang katabing elevating platform. Hindi niya alam kung paano o bakit ngunit inutos niya sa voice recognition ng platform na iyon ang pagpunta sa roofdeck ng gusali. Agad namang umangat ang kanyang inaapakan.
Sinubukan namang humabol ng sundalo ngunit huli na ang lahat. Sumara na kasi ang salamin na pinto ng platform bago pa man ito makarating.
"Pumasok ang bise presidente sa elevating platform! Hindi na ako nakahabol!" wika naman ng sundalong iyon sa kanyang communicator. Tila naalerto naman ang ilang mga sundalo at militar. Agad nagtungo ang mga ito sa kinaroroonan ng sundalo. Sinubukan nilang pindutin ang button nito ngunit hindi naman bumaba ang platform na iyon.
"M-Malas. Alam mo ba kung saang floor siya pupunta?!" tanong naman ni Maria.
"Hindi po. Nakapasok na siya bago pa man ako makahabol," sagot naman ng sundalo.
"Ang iba sa inyo pumunta sa control room! Alamin ninyo kung saan papunta ang platform number 3!" utos naman ng dalaga gamit ang kanyang communicator. Napansin naman ng ilang mga bisita ang kaguluhang nagaganap. Napapalingon sila sa mga sundalo at animo’y nagtataka sa mga nangyayari.
Bumukas ang salamin na pintuan ng elevating platform na sinasakyan ni Helena. Sa pagkakataong iyon ay tila naguguluhan na siya. Dahan-dahan siyang naglakad palabas ng platform at dumiretso sa malawak na parte ng roofdeck. Sinalubong naman siya ng may kalamigang hangin at sinag ng pahapon na araw.
"Johan?" muli niyang sambit. May kalungkutan na sa kanyang mukha. Hindi niya alam kung sasagot nga ba ang Johan na kanyang tinutukoy. Lumingon naman siya sa kanyang kaliwa. Nagulat siya nang makita ang isang binatang nakatalikod. Naka-hood ito na kulay brown at animo’y nakatingin sa malayo.
"J-Johan?!" bulyaw ng dalaga.
"I-Ikaw ba ‘yan?!" Dahan-dahan siyang lumapit sa binata. Kahit nahihilo ay pinilit niyang maglakad.
Bahagya namang lumingon ang binatang naka-hood. Hindi makita ni Helena ang kabuuan ng kanyang mukha. Ang nakikita lamang niya ay ang kanyang bibig na tila nakangiti sa kanya.