Chapter 3: The Enemy of the World (Ang Kaaway ng Buong Mundo)

5211 Words
"We can easily forgive a child who is afraid of the dark; the real tragedy of life is when men are afraid of the light." -Plato   Ilang segundo ring napatitig si Helena sa nakatalikod na lalaking iyon. Kung titingnang mabuti ay posturang-postura ang tindig niya gaya ng kay Johan. Nakapamulsa rin siya sa kanyang brown na jacket at animo'y nakangiti itong nakatagilid. Hindi naman makita ng dalaga ang kabuuan ng kanyang mukha. Lumapit nang dahan-dahan si Helena habang dilat na dilat na nakatitig sa lalaking iyon. "J-Johan, ikaw ba yan?" tanong ng dalaga. Halos mapaluha naman siya matapos iyon sabihin. Isang heli ship naman ang agad na umangat mula sa dulo ng gusaling iyon sa kinatatayuan ng misteryosong binata. Nang dahil sa hangin ay napaiwas si Helena. Tinakpan niya ang mukha gamit ang kanyang bisig. Humarap naman ang binatang iyon ngunit ang tangi niya lamang nakita ay ang kanyang binti. "Helena...iyon ang pangalan mo, hindi ba?" tanong ng binata. Tila nagtataka naman si Helena sa narinig. Ang alam niya ay si Johan ang lalaking iyon na nakatayo sa kanyang harapan ngunit naniniguro pa siya sa kanyang pangalan. "A-Ako nga. S-Sino ka?" tanong ng dalaga. Dahan-dahan niyang iniwas ang kanyang braso mula sa kanyang mukha upang makita ang mukha ng binata ngunit muli naman siyang tumalikod at lumundag sa kongkretong parte ng gusali na naghihiwalay dito mula sa bangin. "Malalaman mo rin, Helena. Sa ngayon gusto kitang bigyan ng babala. Nandito na ang isa sa mga pinakamatinding makakaharap ng iyong pamumuno. Maghanda ka," pagbabanta ng binata. Agad siyang kumapit sa hawakang bakal ng heli ship na lumilipad lamang sa kanyang harapan. Umangat namang lalo ang heli ship na iyon at saka umalis. Ilang heli ship naman ang nagsimula ring umangat mula sa banging iyon. Sinundan nito ang naunang sinakyan ng binata. "S-Sandali! Sino ka ba?!" bulyaw naman ng dalaga. Mula naman sa malayo ay humarap ang lalaking iyon. Naaninag ni Helena ang mukha ng binatang iyon. Hindi siya si Johan Klein. May kaputian nga ang lalaking iyon ngunit nakasuot siya ng salamin. Nakangiti siya nang matalim sa dalaga at sa pagkakataong iyon ay tinanggal na niya ang hood na kanyang suot. Napapikit naman si Helena. Ramdam pa rin niya ang hilo. Sumabay pa ang malakas na hangin na tumatama sa kanyang mukha mula sa mga heli ship na dumaan. "Helena!" Nakaakyat naman sa pagkakataong iyon si Maria kasama ang ilan pang mga sundalo. Tila nanlaki naman ang mga mata ng mga sundalong iyon maging si Maria nang makita ang mga heli ship na lumilipad palayo. Halos nasa dalawampu ang bilang ng mga iyon. "S-saan galing ang mga ‘yan?!" pagtataka ng dalaga. Agad niyang nilapitan si Helena. Humarap naman sa kanya ang dalaga ngunit hindi pa man ito nakakapitan ni Maria ay agad na siyang hinimatay. "Helena! Helena, gumising ka. Anong ginawa nila sa ‘yo?!" Napatakbo naman si Maria patungo sa dalaga. Agad niyang kinapitan ang kanyang ulo at maging ang kanyang kamay. Malamig ito at kitang-kita pa rin sa kanyang mukha ang pamumutla. Agad naman niyang tiningnan nang masama ang heli ship na nauuna. Nakita niya ang mukha ng binata. Nakangiti ito sa kanya na animo'y nakangisi pa. Masama naman ang naging kutob ng dalaga. Nagsimula ring mabalot ng takot ang kanyang isipan, kung anuman ang narinig ni Helena sa binatang iyon ay siguradong hindi iyon magiging maganda.       Paunti-unti ay dinidilat ni Helena ang kanyang mga mata. Wala siyang ibang nakita kundi ang puting kisame ng isang kwarto. Nakahiga siya at nababalutan ng puting kumot ang kanyang katawan. Pumaling ang kanyang ulo sa kanan at doon ay nakita ang isang balkonahe, kung saan nakatayo ang kanyang kaibigang si Maria. Gabi na nang mga oras na iyon at nakatitig lamang ang dalaga sa maningning na siyudad sa labas. Dahan-dahan namang lumingon si Maria sa loob at nakitang gising na ang kaibigan. "Helena?" Naglakad siya patungo sa loob ng kwarto at nilapitan si Helena. "Maayos na ba ang pakiramdam mo?" tanong niya. "Anong nangyari kanina?" tanong naman ng dalaga. Nakatinign ito sa kanyang kumot na animo'y nakatitig sa kawalan. "Nawalan ka ng malay. Uhmm…. may ginawa ba ang lalaking iyon sa 'yo kaya ka nawalan ng malay?" tanong naman ni Maria. "W-wala, hindi ko alam. Hindi siya si Johan...tama ba?" "Helena, gumising ka na sa katotohanan. Wala na si Johan. Alam mo ‘yan sa sarili mo dahil..." Hindi na lamang niya itinuloy ang sasabihin. Alam niyang maaalala lamang ng dalaga ang kanyang ginawa sa binata. Inangat naman ni Helena ang kanyang kanang kamay at tinitigan niya ito. Sa kanyang paningin ay may bahid pa ito ng dugo. Napapikit na lamang siya at napaluha. "Alam ko, Maria. Siguro nag-iilusyon lang ako na buhay pa siya," wika naman ng dalaga. Napabuntong-hininga naman si Maria. Pinahid niya ang tumulong luha sa kanyang pisngi at tila nalungkot sa sinabi ng dalaga. "Nasaan ba tayo?" tanong naman ni Helena. "Nandito pa rin tayo sa Makati Central Hub. Sa sarili nilang ospital. Ilang oras ka ring nakatulog. Sino ba ang lalaking iyon?" tanong muli ng dalaga. "Hindi ko siya kilala. Hindi ko rin maalala ang sinabi niya. Ang natatandaan ko lang ay binigyan niya ako ng babala. ‘Yon lang," paliwanag naman ni Helena. "Babala? Tungkol saan?" tanong muli niya. "Hindi ko alam. Pero tingin ko may kinalaman iyon sa MCM program. O kung hindi man, baka tungkol sa akin," wika naman ng dalaga. Bahagya namang napakunot-noo ni Maria. Ilang mga tao at sasakyan naman ang naririnig ni Helena mula sa kwartong iyon. Sa pagkakarinig niya ay marami ang mga ito at tila nag-aabang lang sa ibaba ng gusali. "Marami bang press sa labas?" tanong niya. "Oo, lahat sila naghihintay sa 'yo. Nag-aalala na ang lahat sa kalagayan mo," tugon ni Maria. "Uhmm...ayoko munang humarap sa kahit kanino, Maria. Gusto ko nang bumalik sa Malakanyang. Umuwi na tayo. May dapat akong alamin. Hindi ko alam pero masama ang kutob ko sa mensahe ng lalaking 'yon." "Sige, kung iyon ang gusto mo. Ihahanda ko na ang lahat para sa pag-alis," wika ni Maria. Agad siyang tumayo at nagsimulang mag-utos mula sa kanyang communicator. Napatingin naman si Helena sa labas ng balkonahe na iyon. Unti-unti siyang nakakaramdam ng matinding takot dahil sa sinabi ng misteryosong binata. Isang babala. Isang hindi magandang pangitain. Animo'y nagbabadya ng malaking gulo at malaking banta sa seguridad ng kanyang nasasakupan.     Patuloy sa paghawi ng tao ang mga sundalo ng New Order habang papalabas ng gusali ang bise presidente ng bansa. Sa pagkakatong iyon ay kapit-kapit lamang ni Maria ang kaibigan. Si Albert naman ang nauuna sa kanila upang pigilan ang ilan pang media na lumalapit at sinusubukang mainterview si Helena.   "Madam, ano po ba ang nangyari kanina? Nawalan daw po kayo ng malay?" tanong ng isang press. Nakatayo ito sa gilid ng mga sundalo habang pinipigilan sa paglapit. Nakatutok naman ang camera sa dalaga. Kitang-kita naman sa hologram screen ng ‘di kalakihang camera na iyon ang pamumutla ng dalaga. Ngumiti na lamang si Helena sa kanila at saka naglakad muli. "May kinalaman ba ang secret organizations sa mga lumitaw na mga heli ship kaninang hapon, Madam? Ano ba ang mensahe nila sa atin?" tanong naman ng isa pa ngunit ganoon din ang ginawa ni Helena. Ngumiti lamang siya at muling nagpatuloy sa paglalakad. "Madam! Madam! May plano na po ba ang Malakanyang sa nangyaring ito? Magkakaroon po ba ng imbestigasyon?" Sa pagkakataong iyon ay tila nairita na si Helena. Nagmadali na lamang siyang naglakad patungo sa hover limousine kasabay si Maria. Nang makarating dito ay agad binuksan ng driver ang pintuan ng sasakyan. Sumakay si Helena at maging si Maria. Si Albert naman ay sa isang hover truck na sumakay. Napakaraming tao sa paligid at ngayon lamang napagtanto ni Helena ang dami ng mga ito nang umandar na ang hover limousine na kanyang sinasakyan. Hanggang sa gate ng Makati Central hub ay 'di magkamayaw ang mga tao at ang media. Nauuna naman sa kanila ang mga hover bike ng Malakanyang. Nagsimula silang gamitin ang kanilang mga blinker nang makalabas na nang tuluyan ang kanilang convoy upang hawiin ang mga tao. Kumaway naman ang ilang mga tao sa sinasakyan ng bise presidente. Kitang-kita sa mukha nila ang pag-aalala. Ang iba ay halos lumapit na sa kanyang sinasakyan ngunit nagpatuloy pa rin sa pag-andar ang kanilang convoy. Sa bawat madaanan naman ng kanilang sinasakyan ay tila namamangha namang muli si Helena sa nakikitang mga ilaw ng siyudad at ilang mga hologram billboards. Tila inaaliw niya ang kanyang sarili upang hindi maalala ang ‘di magandang nararamdaman. Hinawakan naman ni Maria ang kanyang kamay at saka ngumiti. Marahil ay ipinaparating sa dalaga na magiging maayos din ang lahat. Nagtuluy-tuloy naman ang kanilang byahe hanggang sa makarating sa bahagi ng EDSA. Tumunog naman ang hologram stick ni Helena. Nakita niya ang pangalang nakalagay sa hologram screen. General Linford. "Yes, General?" tanong naman ni Helena matapos pindutin ang receive video call button. Lumabas naman sa hologram screen ang mukha ng heneral. Nakasuot siya ng kulay puting uniporme ng isang heneral. Bakas din sa mukha niya ang labis na pag-aalala. Tila may ikinakatakot itong mangyari. "Where are you?!" pabulyaw naman na tanong ng heneral. "I-I'm in the car. We're going back to the palace," sagot naman ni Helena. "Is there something wrong?" "Wherever you are, get out of there. NOW!" bulyaw ng heneral. "B-But why?!" pagtataka naman ng dalaga.   "Just do it! I'll explain everything later!" wika naman ng heneral na sa pagkakataong iyon ay tila nababahala na nang sobra. Napahinto naman ang hover limousine na kanilang sinasakyan at halos napakapit pa si Maria sa upuan sa kanyang harapan. Tumigil ang buong convoy maging ang mga naka-hover bike na mga sundalo ng militar. "Anong nangyayari?!" tanong naman ni Helena. Isang hologram screen naman ang lumitaw sa kanilang harapan. Makikita dito ang mukha ng driver ng limousine na kanilang sinasakyan. "Pasensiya na po, Madam. Pero may nakaharang na pulang kotse eh," paliwanag naman ng driver. Pinakita naman sa hologram screen ang view ng harapan ng kanilang sinasakyan. Makikita dito ang isang pulang hover car. Nakabukas ang engine nito ngunit kapansin-pansin ang pagkakatagilid ng porma nito na tila ayaw magpadaan. Mayamaya pa’y bumaba naman ang windshield ng kotseng iyon. Nagulat na lamang si Maria nang biglang maglabas ang sakay nito sa hulihang bahagi ng isang rocket launcher. Pinindot nito ang launch button at nagpakawala naman iyon ng rocket papunta sa kanilang hover limousine. "Ilag bilis!" bulyaw naman ng isang sundalong nasa harapan ng convoy ngunit huli na ang lahat. Nakatakbo na ang mga sakay ng mga hover bike. Tumabi sila sa gilid at ang rocket naman ay dumiretso sa limousine ng bise presidente. "Maria! Kumapit ka!" bulyaw naman ni Helena. Agad nitong sinipa ang kaliwang parte ng pintuan kung saan nakapwesto si Maria. Agad namang tumilapon ang pintuan ng hover limousine. Hinablot nito ang kaibigan at lumundag palabas ng sasakyan bago pa man tumama ang rocket. Sumabog ang kanilang sinasakyan maging ang mga motor sa harapan. Gumulong naman sa kalsada ang dalawa. Tumilapon din ang hologram stick na hawak ni Helena kung saan naroroon pa rin ang video call ng heneral. "What happened? What is that..." Naputol ang video call at namatay ang power ng hologram stick. Marahil ay dulot ito ng pagbagsak nito sa kalsada. Nagsilabasan ang mga sundalo ng New Order at pinuntahan ang kinaroroonan nina Helena at Maria. Ang iba naman ay pinaputukan ang hover car na iyon. Agad namang nagsara ang windshield ng kotse at saka nagboost ng jet engine upang makatakbo nang mabilis. "Helena?! Ayos lang ba kayo?" tanong ni Albert nang makarating sa kanilang kinaroroonan. Nakahiga pa rin ang dalawa. Hindi gaanong nasaktan si Maria dahil nakayakap si Helena sa katawan niya. Nagkaroon naman ng galos si Helena ngunit unti-unti ay naghihilom din ito. Agad siyang tumayo at inalalayan si Maria. Tiningnan niya ang nasusunog na hover limousine. Wasak na wasak ito at lumilipad na lamang sa himpapawid ang makapal na usok.  Isang lalaki naman ang kanyang napansin sa unahang bahagi ng sasakyan na gumagapang palabas dito. Duguan ang kanyang braso at halos hindi na siya makilala dahil sa matinding lapnos sa kanyang ulo. "Ang driver!" Agad namang tumakbo si Helena patungo sa kanya. Lumuhod ang dalaga at sinubukan siyang akayin ngunit kinapitan lamang siya nito. Napatingin siya sa mga mata ng lalaki. Umiling na lamang siya at dahan-dahang pumikit. Nalukot naman ang mukha ng dalaga. "Tumawag kayo ng medic bilis!" bulyaw niya sa mga kasama. Agad namang naglabas ng stretcher ang isang sundalo mula sa hover truck. "Manong, kaya niyo 'yan," wika naman ni Helena. Agad dumating ang dalawang sundalo na may dalang stretcher. Nilagyan nila ito ng paunang lunas at isang heart rate monitor sa kanyang kanang pulso. Nanlaki na lamang ang mga mata ni Helena nang tumunog lamang ito nang matinis. Wala nang pulso ang driver ng hover limousine. Napayuko naman ang dalawang sundalong iyon at tumingin kay Helena. Muling tumingin ang dalaga sa paligid, sa nasusunog na kotse sa kanilang tabi at maging sa iba pang mga kasama nito. Tiningnan din niya si Maria habang nanlalaki ang mga mata. Lungkot naman ang nakita sa ekspresyon nina Albert. Naririnig din nila ang tunog ng heart rate monitor at alam nilang patay na ang driver ng sasakyan. Ilang segundo lang ay nag-iba bigla ang ekspresyon ng mukha ni Helena. Napakagat siya at tila galit na galit na tumingin sa malayo kung saan makikita ang ilaw ng pulang hover car na nagpakawala ng rocket sa kanilang convoy. Wala na rin siyang magagawa kung tutuusin. Malayo na ang kotseng iyon at huli na ang lahat para sa buhay ng isang taong kanilang kinuha.   ***** "Is that it?! You're telling me that another secret organization is threatening to get that program?! How many of my people will die? How many lives will be sacrificed again for this search?!" bulyaw naman ni Helena na sa pagkakataong iyon ay tila nagngingitngit na sa galit. Nakatayo siya sa isang kwarto sa loob ng Malakanyang kung saan nakapalibot sa kanya ang mangilan-ngilang hologram screen at kausap ang lahat ng presidente ng iba't ibang bansa kasama na si General Vash Linford. Sa likuran naman ng dalaga ay makikita ang ilang sundalo ng New Order na nakikinig sa kanilang usapan. Maging ang ilang kongresista at staff ng pamahalaan na nakaranas ng pangyayari ay naroroon. "Calm down, Helena..." wika naman ni General Vash Linford. "How can I calm down? Another life has been lost, and we are talking about the security of the people behind this program. The security of the whole country," sagot naman ni Helena. "You should know that there is only one organization that is responsible for that attack. The other organizations didn't claim it. They are harmless unless they have that program," wika naman ni President Nixon, ang tumatayong presidente ng United States of America. "Then who is the one behind the attack? Why us? Why me?" tanong naman ng dalaga habang nakatingin sa US President. "The organization that is responsible for the attack, they are called The Blood of One. We believe that they only have one ruler who is responsible for their every action. They also want the program but their location is still unknown, until we figured out that every organization who wants the MCM is monitoring you, your country, and the Palace." Tila nanghina naman si Helena sa sinabing iyon ni President Nixon. Napatitig siyang muli sa kawalan at tila napaatras nang kaunti. Naisip nito ang sinabi ng misteryosong binata sa roofdeck ng Makati Central Hub. Ito na marahil ang panganib na sinasabi niya. "W-Why? Why the Philippines?" tanong naman ng dalaga habang gumuguhit ang lungkot at takot sa kanyang mukha sa pagkakataong iyon. Maging ang ibang nakikinig sa kanilang usapan ay tila nabahala rin. Napakapit na lamang si Maria kay Albert dahil sa labis na pag-aalala. "W-Why are they searching the program here? TELL ME!" sigaw ng dalaga. "I'm sorry, Helena. But the MCM's location was identified, just this day at exactly 5'oclock in the afternoon. We found out that the program is in the Philippines. Th-that's why every organization, and every state in every continent is monitoring you now." Mabagal ang pagkakasambit ng US president. Tila nalulungkot siya at natatakot para sa bansa. Natukoy na ang lokasyon ng program at dinadala nito ang bawat organisasyong naghahanap sa Pilipinas, ang bansang pinamumunuan ni Helena at ng European Union. Nanginig naman ang dalaga habang inaangat ang kanyang kaliwang kamay. Kumapit siya sa kanyang bibig na tila hindi makapaniwala. "Hindi, hindi ito pwedeng mangyari. Kung dito nila hahanapin ang program na iyon, malaking gulo," wika naman ni Albert. Nagsasalubong ang mga kilay niya ngunit kitang-kita rin sa guhit ng kanyang mukha ang matinding takot. Napaluha na lamang ang iba pang nasa loob ng kwartong iyon. Makikita naman sa mukha ng bawat pinunong nasa hologram screen ang lungkot. Naaawa ang mga ito sa Pilipinas dahil malaking panganib na naman ang kanilang haharapin. "Helena, I know that this is hard for you. But let the United Nations handle this," sambit ng US President. "The USSR will also help you. Remember what we fought for Helena? We can do it again, together," wika naman ng dating Russian dictator na ngayon ay presidente na ng bansang Russia na si Reuben Stalin. "Since our government is responsible for the creation of that program, we will handle every detail of the search. We will also provide military reinforcement," tugon naman ng European Prime minister na nagngangalang James Wellington. "No...no, you don't understand. I will handle this," sagot naman ni Helena na sa pagkakataong iyon ay tila naguguluhan at nababahiran pa rin ng takot. "What? Are you listening to what you are saying? The security of your country is at risk and you will handle it alone? There are four organizations that would kill for that program and they are looking at you right now. They are ready to attack again and who knows what they can do!" sagot ni General Linford. "Yes, we are talking about the security of my country..." sagot naman ni Helena. Unti-unti nang lumiliwanag ang ekspresyon niya at tila tumatapang ang kanyang tingin. "...but I can't let terror reign over the hearts of my people. If they knew about this attack, they will be afraid. If you deploy your force here, they will think that something is wrong. This information will create panic and I don't want that to happen." "Anong ibig niyang sabihin? Na lalabanan natin ng walang tulong ang mga organisasyong 'yon?" "Nababaliw na siya. Marami ang mamamatay kapag hindi siya nagpatulong sa kanila!" "Ano bang iniisip niya?" Mangilan-ngilang boses naman ang naririnig ni Maria sa kanyang likuran. Tila pinag-uusapan nila ang desisyon ni Helena na huwag magpatulong sa mga karatig-bansa ng Pilipinas. Kung tutuusin ay isa nga itong delikadong desisyon pero kung iisiping mabuti ay tama nga ang naging desisyon ng dalaga. Ayaw lamang niyang magkaroon pa ng mas malaking gulo sa bansa dahil sa pagtutok ng iba't ibang organisasyong naghahanap ng MCM Program. Napailing naman ang ilang mga pinunong makikita sa hologram screen. "Helena, this is nonesense! This is suicide! I can't let you do this alone," sagot naman ni General Linford. "General, my decision is final. Even if I am afraid to face our enemies, I will do it, together with my own force." Naningkit naman ang mga mata ng heneral at saglit na napabuntonghininga. "If this is what you want, I will let you handle this situation. But I have only one request," sagot naman ng heneral. "Please, let us monitor your situation. That is the only thing we can do."  Napayuko naman nang bahagya ang dalaga at muling tumingin kay General Linford. Tumango na lamang siya at sa pagkakataong iyon ay matapang na ang kanyang ekspresyon. Hindi man maitago ang pangamba ay nagawa naman niyang maging matatag. "Goodluck, Helena," wika ng European Prime Minister. "May God protect you in this situation. We will support you in your actions, just do us a favor. Be careful in handling this situation," wika naman ng US President. Matapos nilang palakasin ang loob ng dalaga ay agad din silang nag-log out mula sa video call. Namatay ang mga hologram screens na iyon at dahan-dahang bumukas ang puting ilaw sa buong kwarto. "Helena, sigurado ka ba dito?" tanong naman ni Maria. Bakas pa rin ang matinding pag-aalala sa mukha ng dalaga. Dahan-dahan namang humarap si Helena sa mga taong nasa loob ng kwartong iyon. Lahat ay nag-aalala at natatakot. Hindi na napigilan ng iba ang mapaluha. Ang iba naman ay tila galit at hindi payag sa naging desisyon ng dalaga. "Delikado ang gagawin natin Madam, baka gusto niyong bawiin ang desisyon niyo. Hindi kakayanin ng pwersa natin ang mga organisasyong naghahanap ng program na iyon," wika naman ng Chief of Staff ng Malakanyang. "Ma'am, hindi po sa pinangungunahan namin kayo. Pero delikado na po ang sitwasyon. Wala pa kayong pahinga. Paano natin mamo-monitor ang mga mangyayari?" tanong ng isa pang staff. "Mali naman talaga ang desisyon niya, hindi ba?" wika naman ng isang senador. Nakasuot siya ng isang magarang coat na kulay itim. May kahabaan ang kanyang buhok at naka-pony tail pa sa likuran ng kanyang ulo upang takpan ang kanyang memory gene. Sa pagkakataong iyon ay napatingin na si Helena at medyo nainis. "Bakit ka nagmamatapang? Hindi mo siguro kilala ang kalaban mo, Helena," dagdag pa niya. "Bakit? Senator Richard? May alam ka na ba sa kaya kong gawin para pagsalitaan ako ng ganyan?" sagot naman ng dalaga. Bahagya namang napangiti ang senador na sa pagkakataong iyon ay nagsimula nang maglakad patungo sa gitna ng mga tao. Umiwas naman ang ilang mga sundalo at staff ng Malakanyang sa nilalakaran niya. "Alam ko malakas at mabilis ka Helena, pero sa pagkakataong ito hindi mo yata magagamit ang lakas na 'yan para pigilan ang mga kalaban natin," sagot ng senador. "Alam ko hindi ako kasing-talino ni Johan para magdesisyon, pero sa pagkakataong ito ako ang namumuno sa inyo. Gusto kong sundin niyo ako dahil hindi naman ako magdedesisyon para sa ikapapahamak ng lahat!" sagot naman ng dalaga. "Sinusubukan mo na rin bang mamuno bilang diktador, Helena? Gusto mo na rin bang sundan ang yapak ni Johan Klein?" mapaghamong tanong ng senador. Napakunot-noo naman ang dalaga.   "Hindi ko kailangang maging diktador para magpasunod. Hindi lang talaga umuunlad ang bansang ito dahil sa iilang taong hindi marunong makinig sa sinasabi ng kanilang pinuno," wika ni Helena. Itinaas na lamang ng senador ang kamay niya habang nakangiti at pagkatapos ay ibinaba niya rin iyon matapos tumalikod sa kausap at magsimulang maglakad palabas ng kwarto. Napabuntonghininga naman si Helena at tila nalungkot. Sa isip-isip niya’y masakit maramdamang mayroong iilan na hindi nagugustuhan ang kanyang mga desisyon. Madalas na itong magduda sa sarili at sa kaya niyang gawin dahil sa iilang pasaring na kanyang naririnig at kung minsan ay ipinapakita pa mismo ng kanyang nasasakupan. Napayuko nang bahagya ang dalaga, na tila napanghihinaan na naman ng loob. "Helena, kung anuman ang desisyon mo. Nandito kami para sumuporta. Alam mo naman na ang New Order ay tapat sa pamumuno mo. Matagal na natin itong nasimulan. Alam kong kaya natin itong tapusin." Ilang salita naman ang nagpalakas ng loob ni Helena. Galing ito mismo sa pinuno ng New Order na si Albert. Napatingin naman si Helena sa mga kasama. Nakita niya sa kanilang mga mukha ang natitirang pag-asang iniwan ni Johan. Marahil ay buhay pa nga si Johan sa katauhan ng New Order. Nakangiti ang mga ito sa kanya at animo'y pinipigilan ang matinding takot na nararamdaman. "Albert, Maria at sa lahat ng bumubuo ng New Order. Maraming salamat sa inyo. Lalaban ulit tayo at alam kong magagawa natin ang imposible," sambit ng dalaga habang napapaluha. Agad namang lumapit sa kanya si Maria at niyakap ang kaibigan. "Kaya natin 'to. Kahit anong mangyari 'wag kang magdududa sa kaya mong gawin, Helena. Susuportahan ka namin," sambit ng dalaga. "Kung nandito lang sana si Johan, siguro hindi ako nahihirapan ng ganito," sagot naman ng dalaga na sa pagkakataong iyon ay napaiyak na lamang sa balikat ni Maria. "Pero wala na dito si Johan. Binigyan ka niya ng pagkakataon para baguhin ang lahat. Ginawa niya iyon para sabihin sa buong mundo na ikaw ang nagdala ng pagbabago. Siya ang kaaway sa pananaw nila at ikaw ang bayaning tumapos sa kanya. Gusto niyang ipagpatuloy mo ang nasimulan na. Alam kong may tiwala siya sa 'yo kaya niya ginawa 'yon. Kaya ‘wag kang magduda sa kaya mong gawin," sagot ni Maria. Tumango-tango na lamang si Helena habang nakayakap sa kanya. Isang malaking panganib ang muling dumating, at hindi rin malaman ni Maria kung kakayanin nila ang darating pang unos ngunit wala siyang magagawa kundi palakasin ang loob ng kanilang pinuno.     "Gawin niyo ang lahat para malaman kung sino ang umatake sa convoy kanina. Kung nakuhanan ng plate number ang sasakyan at ang model at brand. Ilagay niyo lahat sa main screen!" utos ni Helena habang naglalakad sa isang malaking kwarto. Ito ang Techno Hub command center ng Malakanyang. Ito rin ang control at monitoring room para sa system ng buong bansa. Makikita rito ang control para sa CCTV at maging ang network system ng telecommunications at ng satellite. Lahat ay may kanya-kanyang stations at bawat cubicle ay naglalaman ng hologram computer. Sa itaas na bahagi naman ng pader ay makikita ang iba't ibang laki ng hologram screen. Dito makikita ang ilang impormasyon sa kung ano ang nangyayari sa bansa. Maging ang stocks exchange ay makikita dito. Sa harapang bahagi naman ng malaking kwartong iyon kung saan naglalakad si Helena ay makikita ang isang malaking hologram screen. Ito ang main screen ng buong system. Pinapakita dito ang mas mahahalaga pang impormasyong nakukuha ng system ng Malakanyang. "Yes, Madam," sagot naman ng isang lalaking naka-puting long sleeves. Alas-onse na noon ng gabi ngunit mas pinili pa rin ng mga ito na magtrabaho upang protektahan ang seguridad ng bansa lalo na sa pagkakataong ito na mas kailangan ng buong bansa ang pagbabantay gawa ng pag-atake mismo sa bise presidente at sa kanyang mga kasamahan. "Gusto ko ring malaman kung sino ang lalaking nasa roofdeck kanina. Kung may mga kuha ang CCTV cameras ng Makati Central Hub, pakisabi na ipadala sa system. Kailangan kong malaman kung sino siya at kung ano ang kinalaman niya sa apat na organisasyong naghahanap ng MCM program." Matapang ang mukha ng dalaga habang nag-uutos sa buong staff ng Techno Hub. Tila ayaw niyang magsayang ng oras kahit na halata na sa kanyang mukha ang matinding pagod at kawalan ng sapat na tulog. "Gusto ko ring malaman kung may kumuha ba ng flight permission sa mahigit na dalawampung heli ship papunta dito sa Pilipinas. Alamin niyo kung saang bansa galing ang mga iyon at kung ano ang pakay nila dito!" utos muli ng dalaga. "Ma'am, confirmed. May mga kuha po tayo sa CCTV ng Makati Central Hub!" bulyaw naman ng isang babae sa ‘di kalayuan. Napalingon naman sa kanya si Helena at tila nagkaroon ng pag-asa. "Sige dalhin sa main screen," wika ng dalaga. Ginawa nga iyon ng staff niya. Mangilan-ngilang video ang nag-play sa main screen. Lahat ito ay sabay-sabay na tumatakbo habang nahahati sa magkakaibang panel. Hindi naman gaanong makita ang mukha ng binatang naglalakad mula sa iba't ibang parte ng gusali dahil sa hood na suot niya. Nakita na lamang ni Helena ang sarili sa hologram screen na tila nahihilo at sinusundan ng tingin ang binata. "S-Si Johan ba ito? Pero imposbile," puna naman ng isang lalaking staff na nanonood din sa tumatakbong video. "Hindi si Johan 'yan. Nakita ko ang mukha niya. Ibang tao 'yan. Ginamit niya lang ang hood para sundan ko siya sa roofdeck at akalaing siya si Johan," paliwanag naman ng dalaga. "Pero kung naaalala niyo po siya Madam, ibig sabihin puwede nating gamitin ang memory gene mo para i-playback ang nangyari," wika naman ng lalaking iyon. Tila hindi naman nagustuhan ng dalaga ang ideyang iyon at tumingin nang masama sa kanya.   "P-pasensiya na po, Madam," sagot na lamang ng lalaki. "Alam mong bawal na ang paggamit ng memory gene at kahit na anong function nito. Hindi naman ako masyadong desperado para malaman ang katauhan ng lalaking 'yan sa pamamagitan ng memory gene. Hanapin niyo ang sagot!" bulyaw na lamang ng dalaga. Napayuko naman ang lalaking iyon at muling bumalik sa kanyang istasyon. Ang lahat ay naging aligaga dahil sa sinabi ng kanilang bise presidente. Hindi magkamayaw ang lahat sa paghahanap ng sagot hanggang sa isang lalaki ang nagtaas ng kamay. "Madam, nahanap ko na po siya." Agad niyang nilagay sa main screen ang isang malapitang kuha ng lalaki. Nagplay naman sa screen ang isang kuha ng lalaki kung saan nakasakay ito sa elevating platform. Animo'y tumingin pa ito sa kanyang relo sa kanang braso at muling nagpamulsa. Mayamaya pa‘y tumingala siya sa camera at ngumiti bago pa man siya bumaba ng roofdeck. S-sinadya niyang gawin iyon at ang oras sa relo niya. Ang oras ng pagdating ng mga heli ship? bulong ni Helena sa sarili. "Ang pangalan niya po ay Edward Vitore. Ang dating admin at may hawak ng server at network relay ng MEMO. Nagtrabaho sa kompanya sa loob ng sampung taon at hinirang na keeper ng mga confidential files at program ng kompanya," dagdag pa ng lalaki. Tinitigan naman siyang mabuti ni Helena. Muling nagrewind ang video at nag-pause nang tumingin sa camera ang binata habang nakangiti. "...sa ngayon gusto kitang bigyan ng babala. Nandito na ang isa sa mga pinakamatinding makakaharap ng iyong pamumuno. Maghanda ka." Naalala niya ang sinabi ng binatang iyon sa kanya sa roof deck ng mataas na gusali ng Makati Central Hub. Bahagyang nalukot ang mukha ng dalaga habang naaalala ito. Sinungaling!, wika niya sa sarili. "Ikalat sa system ang image. Gusto kong madetect ng bawat face detector ang mukha ng lalaking 'yan. Sa bawat estasyon ng pampublikong sasakyan, mga gusali at kung saan-saan pa. Ikalat niyo ang imaheng ‘yan," utos naman ng dalaga. "S-sigurado ka ba diyan, Helena?" tanong naman ni Maria na sa pagkakataong iyon ay nakatingin din sa main screen ng techno hub.   "Sigurado ako, Maria. Kung hindi man siya ang nag-utos na atakihin tayo kanina sigurado akong may kinalaman siya." "Pero ang sabi mo nagbigay siya ng babala sa 'yo. Bakit naman siya ang mag-uutos sa pag-atake?" tanong naman ng dalaga. "Hindi ko alam, pero kung sinuman siya sigurado akong kilala niya si Johan dahil alam niya ang lugar na iyon at kung paano siya manamit. Hindi din ako sigurado pero, tingin ko ay siya ang Subject 1," sagot ni Helena. "Pero kung siya ang sinasabing pinuno ng The Blood of One, bakit naman siya nag-utos ng pag-atake sa atin kung nasa kanya mismo ang program?" tanong muli ng dalaga. Sa pagkakataong iyon ay tila naguluhan na rin si Helena sa sariling haka-haka. Napayuko na lamang siya at muling tumingin sa paligid. "The Blood of One? Subject 1? Pero bakit? Bakit siya mag-uutos ng pag-atake kung nasa kanya mismo ang program? N-Naguguluhan ako. P-pwera na lang kung hindi niya na ito hawak. Nasaan ang program? Bakit nandito sa Pilipinas?" pagtataka naman ng dalaga. Napatingin na lamang siya kay Maria at muling tumingin sa main screen. Pinapakita pa rin dito ang imahe ng binata habang nakangiti nang matalim sa camera.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD