"Everything we hear is an opinion, not a fact. Everything we see is a perspective, not the truth."
-Marcus Aurelius
Lubhang lumalalim na ang gabi ngunit si Helena ay nakaupo pa rin sa isang silya sa gilid ng kama ng mga bata. Tulog na tulog ang mga ito. Si Ruth ay nakayakap lamang sa kanyang dalawang kapatid na babae na sina Jek at Cherry. Si Bobby naman ay malikot matulog, paikut-ikot ito sa kama at kung minsan ay nakadapa pa. Nakabukas ang salamin na pintuan kung saan makikita sa labas ang balkonahe. Nililipad naman ng hangin ang kulay cream na kurtina na nakakabit sa itaas ng pinto.
Tiningnan ito ni Helena at pagkatapos ay muling sumulyap sa mga bata. Tila napapraning siya at iniisip na sa pagkakataong iyon ay mayroong mangyayaring masama. Inuulit-ulit niya ang kanyang ginagawa. Titingin sa pinto, sa kurtina at pagkatapos ay sa mga bata. Patuloy pa rin ang pag-ikot ni Bobby sa higaan. Malapit ang pwesto niya sa dalaga kaya't hinimas na lamang ni Helena ang kanyang ulo nang dahan-dahan. Hindi naman namalayan ng dalaga na napapapikit na siya. Sinusubukan niyang imulat ang kanyang mga mata ngunit tuluyan na itong sumara. Nakapatong pa rin ang kanyang kaliwang kamay kay Bobby. Sa pagkakataong iyon ay hindi na siya naging malikot.
Isang uwak naman ang dumapo sa harang ng balkonahe. Tila nakatingin ito sa natutulog na mga bata at kay Helena. Agad naman itong humuni at mula naman sa pagkakapikit ay napabalikwas ang dalaga. Agad nitong iniangat ang kanyang mga kamay at tumingin sa paligid.
Napatingin siya sa balkonahe at doon ay nakita niya ang uwak na nakadapo pa rin sa harang. Dahan-dahan siyang tumayo at naglakad papunta sa uwak na iyon. Lumipad naman ito palayo nang malapit na ang dalaga. Bumilis naman ang t***k ng kanyang puso. Inakala niyang may mangyayari nang masama sa mga bata ngunit isang masamang pangitain para sa kanya ang pagpapakita ng uwak na iyon.
Naglakad si Helena sa balkonahe, napakapit naman siya sa harang habang tinitingnan ang paligid ng Malakanyang. Napatingin din siya sa itaas, namumuo sa kalangitan ang makakapal na ulap. Dahan-dahan nitong tinatakpan ang bilog na buwan maging ang mga bituin sa kalangitan.
Sa ibaba naman ay makikita ang malawak na hardin. Puno ng bulaklak ang mga ito at sa kaliwang gilid ay makikita ang puting puntod ng binatang diktador na si Johan Klein. Wala na ang dalawang prototype na nakabantay dito. Muli siyang napaisip kung sino nga ba talaga ang bagong kumokontrol sa mga prototype na ginamit ni Johan. Nagbabalik na naman ang mga tanong sa press conference.
Kung ang Subject 1 ang kumokontrol sa mga prototype, bakit niya ako iniligtas? Siya ang nagsimula ng gulong ito. P-Pero bakit? Hindi ko maintindihan,tanong niya sa sarili. Muli na lamang siyang pumasok ng kwarto at isinara ang salaming pinto.
*****
Mula naman sa malayo ay may isang lalaking nagmamatiyag. Naka-full leather suit ito at naka-helmet habang nakasuot naman sa kanyang mga mata ang isang pares ng pulang goggles. Night vision ito at binabantayan din niya ang bawat galaw sa paligid ng Malakanyang.
"May kakaiba na bang nangyayari diyan?" tanong naman ng isang boses mula sa kanyang communicator. Agad naman siyang humawak sa kanyang tenga at nagwika, "Ang lahat ay maayos, Sir."
"Magaling, gusto kong matiyagan mo ang bawat pangyayari diyan. Kapag may pagkakataon ka na ay ilagay mo ang tracking device sa lahat ng hover limousine," utos naman kanyang kausap.
"Opo," sagot muli ng lalaki.
"Magaling...Layla, gusto kong i-track mo ang lahat ng hover limousine na iyon kapag sumikat na ang araw. Gusto kong malaman nila na hindi lang si Helena ang kalaban nila," wika ng binata habang nakangiti. Si Layla naman ay nakaupo pa rin sa isang office chair at nakaharap sa mahigit limang hologram computer. Tumingin siya sa binata at pagkatapos ay humigop ng kaunting kape.
"Sa tingin mo ba ay oras na para malaman niya ang lahat?" tanong naman ng dalaga. Naglakad naman palayo sa kanya si Edward. Muli siyang dumungaw sa isang lumang balkonahe. Maningning na naman ang mga mata niya at tumatama rin ang liwanag sa kanyang suot na salamin.
"Hindi pa. Hindi pa ito ang tamang panahon. Ang lahat ay nasa plano. Kailangan pa nating patagalin ang gulo para hindi masayang ang ating mga pinaghirapan," tugon ng binata. Dahan-dahan siyang lumingon kay Layla na sa pagkakataong iyon ay papalapit na sa kanya. Agad niyang ipinatong ang mga braso sa balikat ng binata at animo'y nagsayaw ang dalawa nang mabagal sa dilim.
*****
Mahigit sa dalawampung sundalo ang ipinatawag ni Helena sa labas ng Malakanyang nang umagang iyon. Aligaga ang dalaga habang inaasikaso ang mga gamit nina Ruth, Jek, Bobby at Cherry sa loob ng kanilang kwarto. Nakabantay naman ang apat na sundalo sa labas ng kwartong iyon at sa loob naman ay nakatayo ang propesor kasama si Maria. Hindi naman maintindihan ng mga bata kung bakit ganoon ang ikinikilos ng kanilang ate.
"Ruth, tandaan mo. Kapag may nangyaring kung ano buksan mo lang ang hologram stick mo. Pindutin mo lang ang Number 1 para tawagan ako," wika ni Helena. Abala pa rin siya sa pagsisiyasat ng mga gamit sa kanilang mga bag. Aalisin ng dalaga ang laman nito at pagkatapos ay muling ibabalik kapag nakita niyang walang kahina-hinalang bagay na nasa loob nito.
"Ate, ano po bang nangyayari? Bakit parang ang dami naming bantay?" tanong naman ni Ruth, ang panganay sa magkakapatid.
"Basta Ruth, makinig ka na lang kay Ate, okay? Sundin mo lang ang sinasabi ko."
Sinunod naman ni Helena na ipasok sa kanilang mga bag ang kanilang baong niluto pa ng mga kusinero ng Malakanyang. Matapos ayusin ang mga ito ay agad na tumayo si Helena para ayusin ang nakatagilid na damit ni Cherry.
"Helena, kailangan mo ba talagang gawin ito? Dalawampung sundalo para bantayan ang mga bata. Mas magiging lapitin sila ng atensyon ng mga tao kapag ginawa mo ito," sabat naman ni Maria na tila napapakunot-noo.
"Sa tingin mo mapapalagay ang loob ko kung walang kasamang bantay ang mga batang 'to?" sagot na lamang ng dalaga. Napatingin naman sa kanya ang mga bata. Hindi pa rin nawawala ang pagtataka sa ikinikilos ng kanilang ate. Hindi na lamang umimik si Maria upang hindi na matakot ang mga ito.
"O sige na, sumunod na kayo sa sundo niyo," utos naman dalaga. Agad namang hinawakan ni Maria ang kamay ni Cherry upang alalayan palabas ng kwartong iyon. Napaiwas na lamang ng tingin si Helena nang pumaling ng tingin ang mga bata sa kanya. Sumunod naman sa kanila ang mga sundalong nakabantay sa labas ng kwartong iyon.
"Helena, alam naming naguguluhan ka na. Pero..." wika ng propesor na tila naantala sa pagsasalita dahil sa paglakad ng dalaga papunta sa balkonahe. "...tingin mo ba ay ito dapat ang tamang gawin? Tama ang sinabi ni Maria kanina. Mas makakakuha ng higit na atensyon sa publiko ang mga batang 'yan. Baka 'yan pa ang ikapahamak nila."
"Propesor, ito na lang ang naiisip kong paraan. Hangga't maaari ay ayokong gawin ito para sa mga bata. Pero seguridad na ng bawat isa ang nakataya sa atin. Kahit ang buhay niyo ay delikado na rin. Kasalanan ko 'to lahat," marahang tugon ng dalaga. Yumuko siya nang kaunti at pinangsangga niya naman ang kanyang siko sa harang ng balkonahe. Sumunod namang lumabas si Professor Marco sa balkonaheng iyon.
"Alam kong wala akong karapatang pagsalitaan siya pero...mas pipiliin ko pang sisihin si Johan sa mga nangyayari kaysa sisihin ka pa." Napatingin naman sa kanya si Helena.
"Hindi ko maisip kung bakit kailangan niyang ibigay ang program na iyon sa kalaban niya. Hanggang kamatayan ay gusto niya pa ring sakupin ang mundo, gamit ang program na iyon. Pero wala namang malinaw na dahilan. Ano ang mapapala ng Subject 1 sa pagkuha ng program? At kung nasa kanya na iyon ay bakit pa niya kailangang manggulo?" tanong ni Professor Marco.
"May sagot sa lahat ng tanong na ito propesor. Naghihintay lang na mahanap. Alam kong may dahilan. Nararamdaman ko," wika naman ni Helena.
Ilang minuto pa ang nakakaraan ay nakita na nila ang mga bata sa ibaba na isinasakay sa kanilang hover limousine. Kasunod nila ang dalawampung sundalong magsisilbing bantay patungo sa kanilang eskwelahan. Sumakay ang ilan sa mga ito sa hover truck. Ang ilan naman sa mga sundalong nakasuot ng coat at tie na animo'y pormal na pormal ang ayos ay umupo naman sa tabi ng mga bata.
Nag-ring naman ang hologram stick ng propesor. Isang mensahe ang dumating mula sa staff ng techno hub.
"Kailangan na yata nila tayo sa techno hub. May nakuha na siguro silang impormasyon," wika ng propesor. Agad namang tumango si Helena at naglakad na papasok ng kwarto kasama ang propesor.
*****
"Ate, bakit sila nakadamit nang maganda? May party po ba?" tanong naman ng makulit na si Cherry sa loob ng kanilang sasakyan. Lumutang at umandar na noon ang kanilang hover limousine. Nakaupo paharap naman ang apat na sundalo sa loob ng kanilang sinasakyan.
"Uhmm...’wag mo na lang silang pansinin, Cherry," wika naman ni Bobby na halatang hindi sanay sa pagkakataong iyon. Normal kasi sa kanila ang walang bantay kapag papasok ng eskwelahan.
"Pwede ba tayong maglaro, Kuya? Gusto ko kunwari ako si Alice tapos...tapos ikaw si Mad Hatter," isang nakakatuwang tugon naman mula kay Cherry. Napangiti na lamang ang kanilang mga bantay at pagkatapos ay nagkatinginan.
*****
"Madam, may na-track na network relay. Hindi ko alam pero...akala lang namin noong una ay parte ng network relay natin," sagot ng isang lalaking staff ng techno hub. Bitbit niya ang isang tablet at ipinakita naman ito agad sa dalaga matapos bumaba sa hagdan. Matapos iyon mabasa ay agad niyang inabot ang tablet sa propesor.
"I-Ito ang..." wika ng propesor.
"Propesor?" tanong naman ni Helena.
"Dalhin niyo ako sa main system!" wika ng propesor.
Kahit na paika-ika at may tungkod na ay dali-dali siyang naglakad patungo sa main hologram computer habang inaalalayan ni Helena. Ito ang nagsisilbing server ng lahat ng computer sa loob ng techno hub na iyon. Agad itong kinalikot ng propesor nang makarating siya dito. Isinandal niya na lamang ang kanyang tungkod sa gilid ng pader at nagpipindot sa hologram keyboard sa gitna ng mesa.
Namangha naman ang propesor nang makita ang isang network relay. Nagpapalit-palit ito ng IP address para hindi ito madetect. Tila isang diagram na sapot ang kanyang nakikita. Sa gitna ng sapot na iyon ay ang main computer kung saan nakapwesto ang propesor. Ang iba pang parte ng sapot ay ang mga computer sa loob ng techno hub. Ang mga sapot na nasa labas naman na parte ay ang mga network relay na nasa buong bansa. Tanging isang system lamang ang tila gagamba sa loob ng sapot na iyon na palipat-lipat ng pwesto kada isang segundo. Kulay pula ang tuldok nito sa diagram, mabilis itong nag-iiba ng IP adress upang hindi ito ma-detect ng Malakanyang.
"Isang henyo lamang ang makakagawa nito!" wika ni Professor Marco na halatang namamangha pa rin sa nakikita.
"Anong ibig mong sabihin propesor?" tanong ni Helena na kasalukuyang nakapwesto sa likod ng propesor at pinapanood din ang web diagram na ipinapakita sa hologram screen.
"Ang pagpapalit ng mahigit sa limang IP address sa loob lang ng isang segundo ay napakaimposible pero ang isang ito. Ang nag-hack ng system ng palasyo ay nagawa ito nang ganoon kabilis. Kung tutuusin ay magagawa lamang ito sa loob ng pitong buwan . Kailan niyo napansin ang network relay na ito?" tanong ng propesor sa lalaki.
"Noong unang pag-atake po. Alas-singko ng hapon noong araw na iyon bago pa man atakihin ang convoy ng bise presidente kinagabihan," tugon naman ng lalaki.
"5'oclock...ang oras ng pagtingin ni Edward Vitore sa relo niya sa kuha ng CCTV sa Makati Central Hub. Bakit ngayon niyo lang ito ipinaalam?" bulyaw naman ng dalaga.
"M-Madam pasensya na po p-pero ngayon lang namin napansin ang kakaibang galaw ng network na 'yan," paliwanag ng lalaki. Si Helena naman ay unti-unting naliliwanagan sa mga nangyari noon.
"H-Hindi maaari ito. Kaya nila hinahanap ang program sa akin dahil...nandito ang program mismo sa Malakanyang!" wika ng dalaga. Napatigil naman sa paggalaw ang mga staff ng techno hub at napatingin sa kanya.
"Hindi pa po natin masisiguro, Madam. Dahil ang diagram na yan ay na-retrieve namin matapos ang mensahe ng The Blood of One kagabi. Replay na lang po ang diagram na 'yan ngayon," tugon ng lalaki. Agad namang nagpipindot ang propesor sa hologram keyboard at tila may hinahanap.
"Totoo nga. Wala na ang network relay na iyon ngayon. Kung sino man ang may gawa nito ay isa siyang tunay na henyo," sambit naman ng propesor.
"A-Ang program propesor?" tanong ni Helena.
"Wala na. Wala na ang program. Agad din itong binawi matapos ang gulong nangyari sa EDSA. Ang lahat ng ito ay para lang lituhin ang mga naghahanap ng MCM program. Ibig sabihin ay nasa Subject 1 pa rin ito. Alam kong network relay nila ang gumawa nito sa atin. Pero bakit?" tugon ng propesor na sa pagkakataong iyon ay napapatingin na lamang sa main screen ng techno hub kung saan ipinapakita dito ang diagram, ang mga oras at ang ilan pang impormasyon.
"Ibig sabihin hindi si Edward ang pinuno ng The Blood of One?" tanong ng dalaga.
"Hindi...binabantayan niya tayo. Kung anuman ang talagang binabalak niya ay siguradong may dahilan siya," paliwanag ng propesor habang nakangiti.
"Pero sino ang pinuno ng The Blood of One?" pagtataka ng dalaga. Napatingin naman ang propesor sa kanya.
"Marahil ay alam nila kung sino. Ginamit nilang pain ang Malakanyang para palabasin ang tunay na kalaban nila. Ayon dito sa system, lahat ng mensahe na nanggaling sa The Blood of One ay tinututukan nila. Magdamag silang nakabantay at maging ang mensahe kagabi ay kinopya rin nila."
Hindi naman maintindihan ni Helena kung ano ba talaga ang balak ng Subject 1. Bakit niya ito dinala sa Pilipinas at bakit nito hinayaan ang mga pag-atake kung siya nga ay isang kakampi?
*****
"All clear," wika ng isang sundalong naka-helmet na pula at nakauniporme na pangsundalo. May bitbit itong sniper at nakatingin sa lente nito. Nakapwesto ang sundalong iyon sa isang mataas na gusali. Tinututukan niya ang convoy kung saan nakasakay ang mga bata kasama ang mga sundalo.
"Unit 2. Oras na para bumalik. Ako na ang bahala sa lahat, hayaan mo muna akong lumabas at maglaro," wika ni Edward mula sa isang communicator.
"Copy."
Agad na tumayo ang lalaking iyon at pagkatapos ay tumalikod. Mula naman sa isang gusali ay lumabas si Edward Vitore. Nakasuot siya ng isang magarang coat at slacks na kulay itim. Ang panloob naman niya ay isang v-neck na puti. Nakasalamin pa rin siya ngunit may pinindot siya sa kanang bahagi ng salamin upang maging shades ang kanyang suot. Napinturahan ng kulay itim ang mga lente ng kanyang salamin. Isang babae naman ang nakakita ng kanyang ginawa. Tinanggal niya ang salamin at agad siyang kinindatan habang nakangiti at pagkatapos ay muling ibinalik ang kanyang salamin. Naglakad siya nang mabilis patungo sa tinatahak na daan ng convoy.
Isang bata naman ang humahangos ng takbo patungo sa kanya. Hindi siya nakatingin ngunit nabasa kaagad niya ang iniisip ng bata dahil sa memory gene kahit hindi pa man niya ito tinitingnan. Agad siyang umikot upang makaiwas sa tumatakbong bata at pagkatapos ay sinalo ito dahil sa kamuntikang pagkakadapa. Agad nyang itinayo at inayos ang kanyang coat. Namangha naman ang nanay ng batang iyon sa ginawa ni Edward. Napatigil na lamang siya at tinitigan habang nakangiti. Nginitian niya na lamang ang babae pabalik.
Sa pagkakataong iyon ay umandar na nang mabilis ang convoy at lumiko pakanan. Tumawid si Edward, at muntik pa mabangga ng isang hover car ang sinasakyan niya. Ngunit dahil nakakapagbasa siya ng utak ng taong may memory gene sa layong 500 meters ay agad niya itong naiwasan.
Napatigil naman siya pagkatawid ng kalye upang sundan ang sinasakyan ng mga bata. May hindi siya magandang nasasagap sa ‘di kalayuan.
"...ahaha..oo nga kumare..."
"Oh eh magkano naman 'to? Lugi yata ako..."
"Sige buhatin niyo lang..."
"And everything under the companies' name is for..."
Lahat ng ito ay nababasa niya. Lahat ng may memory gene ngunit isa lang ang nangibabaw sa lahat.
"Fire at will!"
Napatingin siya sa kanyang likuran at nakita ang isang heli ship na nagpakawala ng dalawang rocket patungo sa convoy ng mga bata. Agad na sumabog ang dalawang hover truck sa likuran ng convoy at nadamay naman ang hover limousine na sinasakyan ng mga bata.
Masyado pang maaga para dito, wika niya sa sarili na tila hindi makapaniwala sa ginawa ng heli ship. Agad na nagsitakbuhan palayo ang mga tao sa paligid. Madapa-dapa pa ang ilang mga batang namamasyal sa parke at sa labas ng mga nagtataasang gusali.
"Edward...pasensya na. Hindi ko na-track ang pagdating ng isang ‘yan!" wika ni Layla mula sa kabilang linya. Hinawakan naman ni Edward ang tenga niya kung saan naroon ang kanyang communicator. Nakatitig pa rin siya sa driver ng heli ship na iyon na animo'y binabasa ang iniisip nito.
"Hindi Layla, hindi mo kasalanan. Alam na nilang may sumusubaybay sa kanila."
Nakangiti ang binata habang binabasa ang iniisip ng piloto ng heli ship. Agad din siyang tumakbo patungo sa hover limousine ng mga bata. Nabasa niya rin kasi na magpapakawala pa ng dalawa pang missile sa convoy ang heli ship.
"Ha? Paano nila nalaman? Bakit ganito kaaga?" tanong ni Layla. Nagpipindot siya sa hologram computer. Hinack niya ang ilang mga CCTV na malapit sa pagsabog at doon ay nakita niya ang kalunos-lunos na sinapit ng mga sundalong nasabugan ng missile. Wasak na ang katawan ng ilan sa mga ito. Ang iba naman ay buhay pa kahit na may putol na parte sa kanilang katawan. Ang mga buhay na sundalong iyon ay walang magawa kundi ang sumigaw na lamang.
"Hindi ko alam. Pero kailangan ko nang itakas ang mga bata dito. Gusto ko sanang makakita ng mas higit pang pagsabog pero, hindi kasama ang mga batang 'to," wika ni Edward na sa pagkakataong iyon ay malapit na sa hover limousine nang biglang magpakawala pa ng dalawang rocket ang heli ship na dumating.
"NGAYON NA!" sigaw naman ng binata. Isang prototype na nakahelmet na itim ang agad na tumakbo at lumundag upang harangin ang dalawang missile na patungo sa mga biktima ng naunang set ng missile. Sumabog ito sa ere at nagkapira-piraso naman ang prototype na iyon sa kalsada. Walang nasaktan sa pangalawang pag-atakeng iyon.
"Ho-How did that happen?" pagtataka ng piloto ng heli ship.
Naglabasan naman ang mga sundalo ng militar maging ang mga bodyguard ng mga bata. Nagpanggap na lamang si Edward bilang isang sibilyan. Umarte siyang tumatakbo palayo sa heli ship. Agad namang nagpaputok ng matataas na kalibre ng baril ang mga sundalo sa heli ship na iyon. Hindi na napansin ng ilan sa mga ito ang hover limousine ng mga bata. Agad nagtungo si Edward sa driver's seat. Nakita niya na nanginginig sa takot ang driver at hindi na makagalaw.
"PAANDARIN MO NA! BILIS!" sigaw naman ng isang sundalong kalalabas lamang ng hover limousine at may dalang isang armalite.
"Excuse me," wika ni Edward nang katukin ang windshield ng sasakyan. Nakangiti pa siya sa driver, at nanginginig naman sa takot ang driver habang dahan-dahang pumapaling ang ulo sa kanya.
"Pwedeng pa-drive? Medyo late na kasi ako sa trabaho at kailangan kong umiwas sa gulong 'to," sambit ni Edward.
Nanginginig namang binuksan ng driver ang lock ng pinto. Mangatal-ngatal pa ang bibig niya at pinagpapawisan nang malamig nang tumayo mula sa pagkakaupo. Hindi niya alam ang kanyang ginagawa, marahil ay sa sobrang takot na nararamdaman kaya't hindi na niya kaya pang magreact sa paligid.
"Salamat," sagot naman ni Edward.
Agad siyang sumakay. Binuksan niya ang engine at agad namang umangat ang buong limousine. Tiningnan muna niya ang isang hologram image sa gitna ng dashboard ng sasakyan upang siguruhing ligtas ang mga bata. Ligtas ang mga ito na sa pagkakataong iyon ay nag-iiyakan na sa likod.
"Kapit mga bata. Matagal-tagal din akong hindi nakasakay ng roller coaster," paalala ng binata habang nakangiti. Narinig naman iyon ng mga bata mula sa likurang bahagi.
"S-Sino ‘yon?" tanong ni Ruth. Patuloy pa rin sa paghagulgol si Cherry. Nakayakap siya sa kanyang ate maging ang dalawa pa niyang kapatid. Pinatakbo naman ni Edward nang mabilis ang sasakyang iyon.
"Ayan tama ‘yan! Sige umalis na kayo dito!" bulyaw naman ng isang sundalong nakikipagpalitan ng putok mula sa mga bumababang sundalo ng The Blood of One mula sa heli ship.
Muli namang napatingin ang sundalong iyon at nakitang tulala at naglalakad palayo ang driver ng hover limousine.
"T-Teka...sino ang nagmamaneho no’n?!" bulyaw niya.
"They're getting away, Sir," wika naman ng piloto ng heli ship nang makitang tumakbo na ang hover limousine na sinasakyan ng mga bata.
"What?! Get them!!" bulyaw ng pinuno ng The Blood of One gamit ang kanyang communicator na nanonood lamang sa mga pangyayari mula sa mga hologram screen sa kanyang paligid.
"Roger that, Sir."
Umangat muli ang heli ship kasabay ang ilang mga sundalong buhay pa. Tinali nila sa kanilang bewang ang rappel mula sa heli ship at patuloy na pinaputukan ang mga sundalo sa ibaba. Natamaan naman ng bala ang isa at nawalan ng malay. Tila isang manika lamang itong nakasabit sa heli ship.
"Layla, kailangan ko ng mapa!" wika naman ni Edward.
"Sige. Limang segundo lang, sandali." Agad namang lumabas mula sa hologram screen ng hover limousine ang isang mapa.
"Galing mo talaga, Layla!" sagot naman ng binata.
"Nakita ko sa CCTV footage ang plate number ng limousine. Kaya alam ko na agad ang control number ng screen niyan," sagot naman ng dalaga. Napangiti lamang si Edward dahil sa kanyang sinabi.
"Nakikita kita, pangiti-ngiti ka pa diyan. Mamaya mo na ako purihin. Kailangan niyo nang umalis diyan. May limang unknown crafts pa ang papunta sa kinaroroonan niyo," puna ni Layla. Makikita sa hologram screen ng kanyang computer ang limang heli ship. Nagmula ito sa iba't ibang direksyon at sinusubukang i-trap ang sinasakyan nina Edward at ng mga bata.
"Walang problema, nababasa ko na ang iniisip nila," sagot naman ni Edward. Napangiti siya habang hinaharurot ang hover limousine. Bumulusok ang engine nito at tila nakikipagpatintero sa iba pang sasakyang nakaharang. Tumingin naman siya sa side mirror at nakitang nakasunod din sa kanya ang dalawa pang truck at dalawa pang hover bike ng mga militar.
"HAHAHA. Siguradong magiging masaya ito, mga bata!" bulyaw niya na parang nasisiraan ng bait.
Kinabig niya bigla ang manibela ng sasakyan pakaliwa. Humampas naman ang gilid nito sa isang poste. Tiningnan niya muli ang mga bata kung ligtas ang mga ito.
"Haay…bakit ba kasi wala kayong mga memory gene at kailangan ko pa kayong tingnan!"
*****
"Madam, kailangan niyo po itong makita."
Lumapit ang sekretarya ni Helena habang siya’y kumakain ng almusal sa dining area ng Malakanyang. Bitbit niya ang isang tablet at ipinakita ang live news telecast.
"...makikita sa ating video ang kanina lamang na naganap na pagsabog sa Recto. Hinihinalang ang pakay ng mga ito ay ang mga batang kinupkop ng bise presidente. Sumabog ang dalawang military hover truck na nakapuwesto bilang convoy. Patuloy naman ang pagtakbo ng hover limousine na sinasakyan ng mga bata at patuloy rin ang paghabol ng anim na hindi kilalang heli ship sa limousine." Lubhang kinabahan ang dalaga. Agad siyang tumayo sa kanyang kinauupuan.
"Helena?" wika naman ni Maria.
"A-Ang mga bata Maria...ito ang kinakatakot ko," sambit ni Helena habang napapaluha.
"Magdeploy ng pulis sa daraanan ng limousine. Paganahin na ang mga heli ship at prototype! Hindi na ako papayag sa nangyayaring ito!" bulyaw naman ni Maria.
"Opo Ma'am, ngayon din!"
Agad namang lumabas ng kwartong iyon ang sekretarya ni Helena. Lumapit naman ito sa kaibigan upang amuhin.
*****
Patuloy ang pagtakbo ng hover limousine palabas ng Maynila. Sa pagkakataong iyon ay mayroon nang tatlong heli ship na humahabol sa kanyang likuran. Alam naman ni Edward na parating sa unahan ng daan na iyon ang isa pa dahil nababasa niya ang iniisip ng piloto nito. Hindi siya nagkamali. Lumitaw nga ang isa mula sa isang tagong parte ng matataas na gusali.
Napangiti si Edward dahil alam niya ang gagawin. Agad niyang inapakan nang madiin ang gas at humarurot lalo patungo sa harapan. Nagpakawala naman ng dalawang rocket ang heli ship na iyon sa unahan ng kanyang daraanan, ngunit nagkamali siya. Alam na ito ni Edward kaya't agad siyang pumreno at ipinaling ang manibela sa kanan. Nawasak naman ang daan at may ilang sibilyang sasakyan ang nadamay.
Nagpakawala naman ng rocket ang isang heli ship sa likod ngunit agad niya itong naiwasan. Nag-iyakan naman ang mga bata sa likuran. Humahagulgol na noon sina Jek at Cherry. Wala namang nagawa ang kanilang ate kundi yakapin ang mga kapatid.
"Sino ba ang nagmamaneho ng limousine na yan?" tanong ng pinuno ng mga sundalo na bantay ng mga bata.
"Hindi po namin alam, Sir. Pero kung sino man siya, tama ang ginagawa niya!" wika ng isa.
"Paputukan niyo ang mga heli ship sa itaas!" utos ng kanilang pinuno. Agad nilang tinutukan ng baril ang heli ship na nagpakawala ng rocket. Sumabog naman ang engine nito sa left wing at tumama ang buong heli ship sa isang mataas na gusali.
"Ganyan nga! HAHA!" bulyaw naman ni Edward. Isang gusali naman ang kanyang napansin. May elevated parking ito sa itaas at ilang sandali lang ay nakaisip siya ulit ng paraan. Ipinasok niya ang hover limousine. Binangga niya ang dilaw na bakal na nakaharang dito.
"HUY!" sigaw naman ng guwardiya ng parking entrance. Napailag pa siya dahil kamuntikan pang mabangga.
"Anong ginagawa niya?" pagtataka naman ng isa sa mga sundalo.
May apat pang heli ship na humahabol sa minamanehong sasakyan ni Edward. Alam niya na ang isa ay nasa paligid lamang. Kailangan niya itong hanapin at pabagsakin. Pinaandar niya ang sasakyan nang mabilis at paikut-ikot hanggang sa makarating sa pinakatuktok na bahagi ng gusali. Tinigil niya ang pagtakbo at nag-antay ng tamang panahon. Nang mabasa niya ang isip ng piloto ng heli ship ay agad din niyang nalaman ang kinaroroonan nito. Umaangat nang unti-unti ang heli ship na iyon. Alam nilang pumasok ang limousine sa loob ng gusali. Sa likod naman ay lumitaw ang dalawa pang heli ship.
"KAPIT MGA BATA!"
Agad namang niyakap nang mahigpit ni Ruth ang kanyang mga kapatid. Nagpakawala naman ng rocket ang heli ship sa likod. Mabilis namang pinatakbo ni Edward ang hover limousine. Nang malapit na ito sa bangin ay agad niyang binunggo ang bakal na harang nito. Lumipad ang kanilang sasakyan, at sa pagkakataong iyon ay nasa ilalim ng hover limousine ang isa pang heli ship. Agad niyang tinaasan ang magnetic energy ng sasakyan.
"NOOO!!" sigaw ng piloto ng heli ship.
Dahil sa magnet ay nayupi ang itaas na bahagi nito. Muling lumipad palayo ang sasakyang minamaneho ni Edward. Umangat pa rin ang heli ship na iyon. Sakto namang dumating ang dalawang missile ngunit sinalo ito ng heli ship na tinalunan ng hover limousine. Nagliwanag ang bahagi ng gusaling iyon dahil sa pagsabog. Nabasag naman ang salamin na bintana ng gusali. Hindi makapaniwala ang pilotong nagpakawala ng rocket na ang tinamaan niya ay ang kanilang kakampi.
"What the..." ang tangi niyang nasambit. Nakita naman ng mga sundalo mula sa ibaba ang ginawa ni Edward. Napangiti ang mga ito ngunit nang makitang nahuhulog ang sasakyan ay agad din silang nag-alala.
"WOOOHOOOO!!!" bulyaw naman ni Edward sa loob ng hover limousine habang nahuhulog ang sasakyan.
"A-ATE, N-NAHUHULOG TAYO!" bulyaw naman ni Jek.
"Kumapit lang kayo!" sagot naman ni Ruth. Nilagay ni Edward ang magnetic force sa maximum. Ang buong enerhiya ng hover limousine ay halos maubos. Balak niyang paliparin ang sasakyan bago ito lumapat sa kalsada upang hindi nila maramdaman ang impact. Lahat ay mabagal. Lahat ay nakatitig sa sasakyan habang nahuhulog ito mula sa ere. Maging ang mga tao sa kalsada ay napanganga na lamang.
"Ito na!" wika ni Edward. Isang kotse sa ibaba ang nakaharang kaya't alam niyang maaaring bumaliktad ang hover limousine. Wala na siyang magagawa kundi ipaling pakaliwa ang sinasakyan. Kinabig niya ang manibela. Nang malapit na sa sasakyan ay agad itong nadurog dahil sa magnetic force. Umikot naman pakaliwa ang hover limousine at maging ang kalsada ay nasira din dahil sa lakas ng enerhiya. Nang sumakto ang pag-ikot nito na nakalapat ang ilalim sa kalsada ay agad niyang ibinalik sa normal na magnetic force ang sasakyan. Lumapat itong muli sa kalsada at saka pinaandar iyon nang mabilis.
"WOOOO!!"
Naghiyawan naman ang mga sundalong nakakita sa ginawa ng binata. Umandar palayo ang hover limousine. May tatlo pang heli ship ang nasa ere at humahabol sa kanila. Sa pagkakataong iyon ay hindi niya na pwedeng gawin ang kanyang ginawa dahil unti-unti nang nauubos ang gas ng sasakyan.
"Layla, hindi na magtatagal ang sasakyang ito. Kailangan na naming magtago."
"Wala nang ibang paraan. Exposed kayo sa lugar na 'yan. Puwera na lang kung dadaan kayo sa subway ng NMRT," sagot naman ng dalaga.
"Isang napakagandang suhestyon, Layla. Paano naman ang mga tren na dadaan do'n?" tanong ni Edward. Isang missile pa ang pinakawalan ng heli ship at muli itong naiwasan ni Edward.
"Pansamantala ko munang tatanggalin ang power ng subway para makadaan kayo," sagot naman ng dalaga.
Agad namang kinabig ni Edward ang manibela pakanan nang makarating sa Cubao. Maraming sasakyan ang nakatigil at kapansin-pansin ang barikadang ginawa ng mga pulis at militar sa kaliwa, sa unahan at sa kanan. Bago pa man makarating sa mga harang na iyon ay agad Inilusot ni Edward ang sinasakyan sa hagdan pababa ng subway kung saan dumadaan ang ilang mga tao. Napaiwas na lamang ang mga ito. Agad namang dumilim sa loob ng subway dahil sa pagkapatay ng power. Binuksan na lamang ni Edward ang headlight ng sasakyan.
"Ah..anong nangyari?"
"Bakit tumigil?" pagtataka ng mga sakay ng subway train ng Neo Metro Rail Transit. Nagulat ang mga ito nang biglang umandap-andap ang mga ilaw sa loob ng tren at dahan-dahang tumigil ang kanilang sinasakyan.
"Control department. Bakit nawala ang power? May problema ba?" tanong naman ng nagmamaneho ng tren ngunit walang sumagot sa kabilang linya. Isang liwanag naman ang kanilang nakita sa unahang bahagi ng tunnel.
"Control department may papasalubong na tren sa amin! I repeat may pasalubong na tren at papunta ngayon sa Train Number 5!" bulyaw naman ng nagmamaneho. Agad namang nagpanic ang mga tao sa loob ng tren nang makita ang liwanag na papalapit. Nagsiyukuan ang mga ito at umupo. Maging ang driver ay tinakpan ang kanyang ulo gamit ang mga bisig.
"WOOOHOOO! YEEEEAAAAAHH!"
Isang sigaw naman ang kanilang naririnig habang dumadaan ang hover limousine sa kanilang gilid upang hindi bumangga sa tren. Dumaan ito sa kanang bahagi ng tren. Animo'y nakatagilid ito habang pinapaharurot ni Edward nang mabilis ang sasakyan.
Unti-unting tumayo ang mga pasahero ng tren. Ang akala nila ay katapusan na nila. Muli namang bumalik ang power sa loob. Gumana na ang mga ilaw at dahan-dahang umandar ang tren.
"’YAN ANG SINASABI KONG THRILL! AHAHAHA!" sigaw muli ng binata habang patuloy na nagmamaneho ng hover limousine sa subway.
Patuloy ang kaguluhang nangyayari sa itaas. Nakikipagpalitan ng putok ang mga sundalo ng militar sa tatlo pang heli ship na natitira. Nagdatingan naman ang tropa ng New Order at dala nila ang mahigit sa limang prototype. Agad itong ikinabahala ng mga piloto ng heli ship ng The Blood of One.
"Fall back! We can't handle those. We don't have any prototypes on our side!" wika naman ng isa. Narinig naman ito ng pinuno ng The Blood of One.
"What are you doing?! Find them!" sigaw niya na sa pagkakataong iyon ay nakaupo pa rin sa kanyang mechanical chair kaharap ang hologram screen.
"B-But Sir. This mission is too dangerous. They're gonna kill us just to protect those kids!" bulyaw naman ng piloto.
"Then choose, die there or I will kill you myself."
Pinagpawisan naman ang piloto dahil sa sinabi ng matandang lalaki.
"Y-Yes Sir, we'll find them."
Lumipad palayo ang mga heli ship. Sinundan nila ang kahabaan ng subway kahit hindi nila alam kung nasaan na nga ba ang hover limousine na kanilang sinusundan.
Isang hover bike naman ang tumigil sa tabi ng mga militar. Agad tinanggal ni Helena ang kanyang helmet at tiningnan ang mga heli ship na papalayo. Suot niya ang isang itim na leather jacket, pulang polo at itim na jeans na bumabagay naman sa kanyang itim na boots.
"N-Nasaan na sila? Ang mga bata?!" pag-aalalang tanong niya sa pinuno ng squad.
"Sa subway po sila dumaan, Madam. Hindi na namin sila nahabol," sagot naman ng pinuno.
"Sino ang nagmamaneho ng hover limousine na iyon?" tanong naman ni Maria.
"Hindi rin po namin alam, Ma'am. Pero kung sino man siya...talagang magaling siyang magmaneho," sagot naman ng isa pang sundalo.