Chapter 8: A Joke That Hid It All (Isang Biro na Nagtago sa Lahat)

5038 Words
"The price of a memory, is the memory of the sorrow it brings."   -Pittacus Lore, I Am Number Four   "Sundan niyo ang limousine. Bilis!" wika ni Helena. Sa pagkakataong iyon ay masama ang tingin niya sa tatlo pang natitirang heli ship mula sa The Blood of One. Mabilis ang takbo nito at palayo na animo'y binabagtas ang dinadaanan ng tren ng NMRT. "Helena, huminahon ka. Baka hindi magustuhan ng publiko ang gagawin mo," pigil naman ni Maria nang mapansing susugurin niya ang mga heli ship. Kinapitan niya agad ang kanyang braso upang pigilan ang kaibigan sa pagtakbo. "Hindi ko pwedeng patakasin ang mga 'yan! Marami rin ang nadamay sa ginawa nila, 'di ba? Maraming nasira. Anong gusto mo manood na lang ako dito?" tanong ni Helena. "Pero Helena! Isipin mo naman ang publiko! Ang media! Ano ang gusto mo? Batikusin na naman nila ang mga kilos mo?" Hindi na napigil sa paglabas ng emosyon si Maria. Sa pagkakataong iyon ay naiinis na siya sa kaibigan dahil sa ura-urada nitong pagdedesisyon. Natahimik naman si Helena at sinubukang maging mahinahon. "Ang gagawin mo lang ay mag-utos, Helena. Kami ang bahala sa lahat. Sa pagkakataong ito ay hindi ka isang sundalo o armas. Ikaw ang pinuno namin, ng buong bansang ito. Iyon ang gustong makita ng lahat ng nasasakupan mo," paliwanag naman ni Albert. Napangiti naman ang dalaga at napabuntonghininga. "Sige. Maria, ang sniper. Gusto kong paputukan mo ang mga iyan. Ayokong may makalayo ni isa sa kanila. Albert, ang lahat ng sundalo ay dapat harangan ang mga dadaanan ng subway papuntang North. Maliwanag?" utos ng dalaga. "'Yan ang gusto ko!" sambit naman ni Maria. Agad naman siyang sumampa sa isang hover truck at kinuha ang isang sniper mula sa isa pang sundalo. Sinimulan niyang tutukan ng mahabang baril ang engine ng mga heli ship. "Masusunod po," sagot naman ni Albert. "Ihanda ang lahat ng sundalo! Harangan ang bawat estasyon ng subway.Bilis!" bulyaw ni Helena. "OPO!" sagot naman ng mga sundalo ng New Order. Napansin naman ni Albert ang pagsakay ng dalaga sa itim na hover bike na dala nilang dalawa ni Maria. Akma nitong susuotin ang helmet nang tanungin niya ang dalaga. "Anong gagawin mo?" pagtataka ni Albert. "Dadaan ako sa subway. Pasensiya na pero hindi kaya ng konsensiya kong pabayaan ang mga batang iyon." Naisuot na ng dalaga ang helmet habang kausap niya ang pinuno ng New Order. Naluha pa siya nang kaunti ngunit isinara niya ang carbon fiber na glass ng helmet at pinaandar na ang hover bike. "HELENA!" sigaw ni Albert ngunit hindi naman tumigil ang dalaga sa pagpapatakbo nang mabilis dito. "Mag-iingat ka." ***** Sa isang madilim na tunnel ng subway itinigil ni Edward Vitore ang hover limousine. Sinusubukan niya pa rin itong paandarin ngunit said na said na ang liquified petroleum gas na nagpapatakbo dito. Pumupugak-pugak na lamang ang engine ng naturang sasakyan at tila naiinis naman ang binata dahil sa nabiting kasiyahan. "KAINIS BAKIT NGAYON PA!" sigaw niya. Nakita naman niya sa mamatay-matay na hologram screen sa gitna ng dashboard ang mga batang magkakayakap at tila takot na takot. Ang dalawa sa mga ito ay parang nahihilo naman dahil sa pagmamaneho na kanyang ginawa. "Anong nangyari?" tanong naman ng boses mula sa kanyang communicator. "Namatay na ang engine. Wala nang gas. Bwisit. Bakit dito pa?" wika naman ni Edward habang dahan-dahang lumalabas ng hover limousine. Sumabit pa ang paa niya sa nakausling bakal ng sasakyan. Tinadyakan naman niya ito dahil sa sobrang inis. "Relax, love. Ginagawan ko na ng paraan," sagot naman ni Layla. Patuloy pa rin siyang nagpipipindot mula sa ilang mga hologram computer. Pinapakita dito ang ilang mga kuha ng security camera mula sa paligid ng subway. Pinapakita naman sa kabila ang isang mapa kung saan nade-detect nito ang kinaroroonan ng hover limousine. Namatay naman nang tuluyan ang hologram screen na sinisilip ni Edward sa dashboard. Isang tren ang dumaan, at sa gilid ng sasakyan dumaan ang tren. Dinig na dinig sa buong tunnel ang ingay na ginagawa nito. Tila sumakit naman ang parte ng ulo ni Edward kung saan nakakabit ang kanyang memory gene. "URGHH!" Napaungol na lamang siya sa sakit. Napadapa siya sa kanyang kinatatayuan at animo'y napapakagat nang mariin. "Edward? Nagsisimula na naman ba?" tanong ni Layla ngunit hindi siya nito pinansin. Namilipit lang sa sakit si Edward habang hawak ang kanyang ulo. "Edward? Edward! Makinig ka sa 'kin! Edward! Makinig ka lang sa boses ko!" sigaw naman ni Layla mula sa kabilang linya. Iba't ibang boses ang naririnig ni Edward sa kanyang ulo. Mga tawanan, iyakan, matinding takot at kung anu-ano pa. Lahat ito ay nasasagap ng kanyang memory gene. Halos hindi na niya marinig ang boses ni Layla dahil sa sobrang ingay ng mga boses sa kanyang ulo. "Edward, please! Pakinggan mo ang boses ko! EDWARD!" sigaw muli ng dalaga. Sa pagkakataong iyon ay nabalot na ng matinding takot si Layla. "Ma'am, unstable po ang vital signs ng subject 1," wika naman ng isang sundalo mula sa likurang bahagi ni Layla. Nakatutok din ito sa isang hologram screen at doon ay ipinapakita ang isang heart rate monitor. Nakakabit ito sa dibdib ni Edward upang malaman nila kung napahamak ito. Sa pagkakataong iyon ay malikot ang linya ng kanyang heart rate. Bumababa rin ang temperatura ng binata. "Hindi...E-Edward!" wika ng dalaga habang nanlalaki ang mga mata. Muli siyang humarap sa hologram computer at nilakasan ang volume ng audio ng communicator ni Edward. "EDWARD! MAKINIG KA SA 'KIN! AKO LANG ANG PAKINGGAN MO! KAPAG IPINAGPATULOY MO 'YAN...MAPAPAHAMAK KA!" Maluha-luha ang dalaga habang sumisigaw sa kanyang communicator. "AAAAAAHHHHH!" Napasigaw lalo sa sakit ng ulo ang binata. Kumapit siya sa pintuan ng hover limousine at inumpog nang paulit-ulit ang kanyang ulo hanggang sa mabasag ang salamin nito. Umagos naman sa noo ng binata ang kanyang dugo. Narinig naman ni Ruth ang kalabog at dahan-dahan niya itong binuksan. Si Bobby naman ay napatakbo palabas ng sasakyan upang sumuka. Ganoon din si Jek. Si Cherry naman ay patuloy na nakakapit sa kanyang ate. Animo'y binubuhat pa ni Ruth ang bunsong kapatid habang dahan-dahang lumalapit sa binatang duguan ang noo. Sa pagkakataong iyon ay kapit-kapit na lamang ni Edward ang kanyang ulo. Mulat na mulat ang kanyang mga mata na parang nakatingin sa kawalan. "EDWARD! EDWARD...PLEASE PAKINGGAN MO AKO!" Umiiyak na sa pagkakataong iyon si Layla habang sumisigaw sa kanyang communicator. Naging aligaga naman ang mga sundalo sa paligid ni Layla dahil hindi nila alam ang gagawin. Ang tangi lamang nilang magagawa ay i-monitor ang kalagayan ni Edward. Sa sobrang ingay na naririnig ay hinagis ni Edward ang kanyang communicator. Tumalbog naman ito mula sa sasakyan at pagkatapos ay sa harapan ni Ruth. Ibinaba ni Ruth ang buhat na bunsong kapatid at pinulot ang communicator, bahagya kasing naririnig ang boses ni Layla. "H-Hello?" manginig-nginig na sambit ni Ruth. "S-Sino ito? Ikaw ba ang isa sa mga batang kinukupkop ng Subject 7? Si Helena?" tanong ni Layla. Nabuhayan siya ng loob nang iba ang sumagot sa communicator. "O-opo..." sagot na lamang ni Ruth. Tuliro siya habang nakatingin sa nakadapang binata na idinidikit ang kanyang noo sa pinto ng sasakyan at hawak ang kanyang memory gene. "M-Makinig ka, may memory gene ka ba?!" tanong ni Layla. Hindi naman nakaimik si Ruth. "Sagutin mo ako!" "W-Wala po..." "Magaling...makinig ka sa akin! Kailangan niyang magising. Kailangang matanggal ang ingay na naririnig niya," bulyaw naman ng dalaga. "A-anong ingay po ang tinutukoy niyo?" tanong ni Ruth. Hindi niya maintindihan ang sinasabi ng kausap. "Ilayo niyo siya diyan! Kung may mahahanap kayong aluminum foil, takpan niyo ang memory gene nya!" utos naman ni Layla. Nanginginig naman ang kamay ni Ruth sa pagkakataong iyon. Lumapit siya nang dahan-dahan sa binata at inakay ang kanyang kamay. Sinubukan niyang itayo si Edward. Pinilit din niyang tumayo at sumandal sa sasakyan. “A-aluminum foil? Aluminum foil...” Natataranta si Ruth habang isinasandal ang binata sa sasakyan. Si Cherry naman ay nasa malayong tabi lamang habang pinapanood ang ginagawa ng kanyang ate. Ang dalawa pa niyang kapatid ay nagpapahinga na lamang sa isang gilid. Namumutla ang mga ito. Napaupo na lamang si Bobby at sumandal sa madilim na parte ng subway. Nakatingin siya sa ginagawa ng kanyang ate. Binuksan ni Ruth ang pinto sa bandang likod. Hindi niya alam kung may aluminum foil nga sa loob noon ngunit sinubukan niya pa rin. "Ms. Layla, bumabagal nang sobra ang t***k ng puso niya," wika naman ng isang sundalo sa likuran ni Layla. Napakapit na lamang ng ulo ang dalaga at muling kinausap ang bata. "Ano nakahanap ka ba?" "N-naghahanap na po." Kinapa-kapa ni Ruth ang ilalim ng mga upuan. May naramdaman siya. Isang aluminum foil ngunit nakapaloob ito sa upuan ng sasakyan bilang cover sa loob. Hinigit nya ito ngunit minalas dahil ito’y napunit. Ginamit niya ang kanyang dalawang kamay. Hinila niya ang foil at sa pagkakataong iyon ay napunit ito ng mayroong malaking parte sa kanyang kamay. "M-Mayroon na po. Saan ko po ito ilalagay?" tanong ni Ruth. "Sa memory gene niya! Please, gawin mo na," mangiyak-ngiyak na tugon ng dalaga. Lumapit naman si Ruth sa binata. Nakatingin na ito sa kawalan na tila may ibang nakikita. Halata na rin sa mukha niya ang pamumutla at labis na panghihina. Hindi pa rin mabilang na mga boses ang kanyang naririnig sa kanyang ulo. Agad lumiyad si Ruth upang takpan at balutan ng aluminum foil ang memory gene ni Edward. Unti-unti namang napapapikit ang nakasandal na binata. Nauubos din ang mga boses na kanyang naririnig sa kanyang ulo. Dahan-dahan itong umupo sa gilid ng sasakyan at tila nagpahinga. "Nagiging normal na ang vital signs niya, Ma'am," wika naman ng sundalo sa likuran ni Layla. Nakahinga naman nang maluwag si Layla sa narinig. Napapikit siya, na animo'y kinakalma ang kanyang sarili habang pinapahid ng kanyang kanang kamay ang kanyang sariling luha. Agad namang lumapit si Ruth sa kanyang mga kapatid. Kinapitan niya si Cherry na sa pagkakataong iyon ay nagpapabuhat pa rin sa kanyang ate. Sina Jek at Bobby naman ang sunod niyang nilapitan. Nakasandal na ang dalawa sa kongkretong pader ng subway. Nakisandal naman doon sina Ruth at Cherry. Nadumihan na ang kanilang mga puting uniporme dahil sa dumi ng kanilang sinasandalan. Makikita rin ang madungis na mukha ng mga bata dahil sa mga alikabok sa paligid. Nakatitig lamang sila sa binatang nagligtas sa kanila. Hindi nila ito kilala at hindi pa rin nagtitiwala si Ruth sa taong kanyang tinulungan. Ayaw lamang niyang makitang nahihirapan siya. Marahil ay dala na rin ng pagkataranta kaya't tinulungan niya ang binata. "Maayos na ba siya?" tanong muli ni Layla mula sa communicator. "O-Opo...n-nagpapahinga na po siya," sagot naman ng bata. "Ate, sino ang kausap mo?" tanong naman ni Jek. Sumenyas naman si Ruth na huwag maingay. "Pwede ko bang itanong ang pangalan mo?" tanong muli ni Layla. "Uhmm…Ruth po. Iyon na lang ang itawag niyo sa akin. Nasaan na po kami? Gusto na naming makauwi. Hinahabol po kami ng mga masasamang sundalo," tugon niya. "Makinig ka Ruth. Ako si Layla. Kasintahan ko ang taong tinulungan mo. Itinakas namin kayo para makaiwas sa mga kalaban ng ate niyo," paliwanag naman ng dalaga. "P-Pero sabi po ni Ate, kayo raw po ang kalaban. Ang kasama niyo po. Siya ang Subject 1, 'di ba? Nababasa niya ang iniisip ng lahat ng may memory gene. Iyon po ba ang tinutukoy niyong ingay?" tanong niya. "Oo 'yon nga pero mali ang ate mo. Hindi kami mga kaaway. Binabantayan lang namin kayo at ang mga kalaban na naghahangad ng MCM Program. Hindi iyon pwedeng makuha ng kahit na sino. Mapapahamak ang lahat kapag napunta iyon sa kanila," paliwanag muli ni Layla. Hindi naman nakapagsalita si Ruth matapos iyong marinig. Alam niya na nagsasabi ng totoo ang dalaga at dahil doon ay napalagay na ang kanyang loob. "Pwede bang ilagay mo ang communicator sa tenga ni Edward. Kakausapin ko siya. Kailangan niyo na kasing umalis diyan. Malapit na ang mga masasamang sundalo sa lugar ninyo." Napatayo agad si Ruth upang lumapit sa binatang nakaupo pa rin sa maruming semento. Nilagay niya ang communicator sa kanang tenga ng binata. Unti-unti namang napadilat si Edward mula sa pagkakapikit. Kinapa niya ang communicator at inayos. "S-sige..." wika ng binata habang kausap si Layla. Tumatango-tango pa siya habang nakasandal sa hover limousine. Dahan-dahan naman siyang tumayo. Halata pa rin sa kanya ang labis na panghihina. Kumapit si Edward sa sasakyan upang alalayan ang kanyang pagtayo. Tiningnan niya ang mga bata at pagkatapos ay ngumiti. Sinubukan niyang maglakad, at muntikan pa siyang madapa dahil hindi niya maramdaman ang kanyang mga binti. Marahil ay sa pagkakaupo kaya't walang dumaloy na dugo dito. Inakay naman ni Ruth ang binata. Kinuha niya ang kanyang kamay at isinabit sa kanyang balikat. Napatingin naman si Edward sa kanya at pagkatapos ay ngumiti rin. Napapapikit pa ang binata dahil sa hilo. Hindi pa niya kayang kumilos ngunit kailangan na nilang tumakas upang hindi sila abutan ng mga humahabol sa kanila. "Mga bata. Kilos na. Aalis na tayo dito." May halo pang panghihina ang boses ni Edward nang sabihin iyon. Dahan-dahan namang tumayo si Bobby. Sa pagkakataong iyon ay humupa na nang kaunti ang kanyang hilo ngunit si Jek naman ay lubha nang namumutla. "K-Kaya ko na. Alalayan mo ang kapatid mo. Lalabas tayo dito," utos naman ni Edward. Bumitaw naman si Ruth sa binata at inakay ang nanghihinang kapatid. Humawak naman si Cherry sa kamay ni Edward. Tumingala siya sa binata at pagkatapos ay ngumiti habang nakapikit. Nagmistulang pusa naman ang bibig ni Edward nang makita ang bata. Napangiti siya at tila nabuhayan ng loob. "ANG CUTE MO NAMAN!" bulyaw ng binata. Napangiwi naman si Ruth sa reaksyon na ipinakita ni Edward. Tila nawiwirdohan siya sa personalidad ng binata. Agad namang yumuko si Edward at lumuhod sa harap ng batang si Cherry. "Uhmm kuya buhat!" wika ni Cherry. "WAAAAH! Sige, sige. Ahahaha," tugon naman ni Edward. Agad niya itong inakay sa kanyang bisig. Sa isang saglit lang ay nawala na ang hilo niya at tila nagbalik sa normal ang kanyang kilos. "Ate, ano bang problema ng lalaking 'yan? Para siyang baliw," puna naman ni Bobby na napapangiwi rin. "Hindi ko alam...si-siguro ganyan lang talaga siya ehe-ehe," sagot naman ni Ruth na tila nawiwirdohan din sa ikinikilos ng binata. Nakangiwi siya habang sinusubukang tumawa. Nagsimula namang maglakad palayo ang binata habang buhat-buhat ang batang si Cherry. ***** "Go! Move, move!" sigaw ng piloto ng isang heli ship mula sa The Blood of One. Nagrappel naman ang mahigit sa anim na sundalo pababa sa siwang sa gitna ng isang highway upang makapunta sa tunnel ng subway sa ibaba. May dalang malalakas na uri ng baril ang mga ito at nakaitim na uniporme. Tila naka-gas mask din ang mga ito na kulay itim at mayroong tatak ng emblem na pa-letrang 'L' ang kanilang mga likod. Nang makababa ang mga ito ay agad na lumipad palayo ang heli ship. Naglabasan na kasi ang mga heli ship mula sa mga militar upang supilin ang kanilang pwersa. Binuksan naman ng mga sundalo ang kanilang night vision goggles upang makita nang malinaw ang kanilang dinadaanan. Isang tren naman ang paparating kaya agad gumilid ang mga ito. Nasilaw naman sila sa ilaw mula sa unahang bahagi ng tren dahil sa night vision goggles. Agad silang pumikit at nang makadaan na ang tren ay muli silang naglakad sa tunnel. "There!" May nakita ang isa sa mga sundalo. Agad siyang tumakbo patungo sa hover limousine na nakaparada sa gilid ng riles. Ang mga kasama naman niyang iba pa ay tinutukan ng baril ang kinaroroonan ng kotse. Ang iba ay palinga-linga sa paligid. Nang makarating sa umuusok na hover limousine ay agad na tinutukan ng isang sundalo ang bawat bintana nito. Pinaligiran pa ito ng iba at tila ginagalugad ang paligid ng sasakyan. "We found the car, but there's no one here," sambit naman ng sundalo sa kanyang communicator. Kausap niya ang matandang lalaking pinuno ng kanilang organisasyon. Napakunot-noo naman ang lalaking iyon habang tinitingnan ang hologram screen sa kanyang harapan. Makikita dito ang live feed ng mga video mula sa mga sundalo. Napakapit naman ang lalaki sa kanyang kinauupuan.Tumayo siya at umiling-iling. "NOOOOO!" sigaw niya. Agad naman niyang pinagbalingan ang hologram screen. Mabilis itong tumakbo patungo sa pader kung saan makikita ang hologram screen at pagkatapos ay sinuntok ito. Bumaon ang kanyang kamao. Namatay naman ang hologram screen at dumagundong ang buong kwartong iyon. Kakaiba ang bilis at lakas ng matandang lalaking iyon. Hindi siya katulad ng isang normal na tao. Kung susumahin ay magkasing-lakas sila ni Helena at ng mga prototype na ginagamit sa giyera. "So, this is what you really want. I know you are here and this time I will finish you... ALL OF YOU!" bulyaw niya.     Madilim na nang makita nina Helena at ng mga sundalo ang hover limousine sa subway sa kalagitnaan ng Quezon Avenue at North EDSA terminal. Ipinasara nila ito upang makapag-imbestiga. Sunog na sunog ang limousine nang maabutan nila. Ang usok mula dito ang nakapagdala ng senyales kung nasaan ang sasakyan. Nakatutok naman ang napakaraming ilaw upang paliwanagin ang lugar. May mga media din sa paligid at kinukunan ang mga ginagawa ng ilang mga imbestigador. Sa himpapawid naman ay patuloy ang pagronda ng mga militar at maging ang mga taga-media. "Ma'am, hindi po nasunog ang sasakyang ito. Sinadya po itong sunugin," wika ng isang imbestigador. Nakatakip ang bibig niya ng isang puting medical mask at nakasuot din ng puting guwantes. "Anong ibig mong sabihin? Sinunog ng nagmamaneho ang sasakyan bago sila umalis?" tanong ni Maria. Tulala sa pagkakataong iyon si Helena habang pinagmamasdan lamang niya ang umuusok pang sasakyan. Kung anu-ano ang tumatakbo sa isip ng dalaga. Nakalagay lamang ang kanyang mga kamay sa braso at pinipigilang maging emosyonal. "Helena?" tawag-pansin naman ni Maria sa kaibigan. Umiling na lamang siya at lumayo. "Maaaring sinunog ang sasakyan ng mga sundalo ng The Blood of One. Hindi din malinaw kung nakatakas nga ba ang mga sakay nito o kung nahuli sila at saka ito sinunog," paliwanag ng imbestigador. Pumatak naman ang mga luha ni Helena nang marinig iyon. Napansin agad ito ni Albert saka lumapit sa dalaga. "Helena, ‘wag tayong mawalan ng pag-asa. Makikita din natin sila," sambit ni Albert habang hinihimas ang likod ng dalaga. Agad namang tumunog ang isang hologram stick. Nagmadali siyang hugutin ang aparato mula sa bulsa at saka binuksan ang screen nito. Nakita niya ang pangalan ni Ruth at ang kanyang mukha sa hologram screen. "R-Ruth?! Nasaan ka?! Ligtas ba kayo?!" mangiyak-ngiyak na tanong ni Helena. "Maayos naman po kami. Medyo nahihilo lang po si Jek pero maayos na siya at nagpapahinga," sagot ni Ruth. Hindi gumagalaw ang kanyang imahe sa hologram screen dahil voice call lamang ito at tanging ang boses at litrato lamang niya sa hologram stick ni Helena ang nagsisilbing senyales na siya ay buhay pa. "Nasaan kayo?! Pupuntahan ko kayo. Ngayon na!" tanong naman ng dalaga. Narinig naman ito ni Maria at agad lumapit. Maging ang mga sundalo ng New Order at ng militar ay lumapit din sa dalaga. "Uhmm… may kasama po ba kayo, Ate? Sasabihin ko po kung nasaan kami pero hindi nila dapat malaman 'to. Kayo lang po dapat ang pumunta." tugon ng bata. Dineactivate naman ni Helena ang speaker ng kanyang hologram stick. Idinikit na lamang niya ang earpiece sa kanyang tenga. "Ako lang ang nakakarinig, sige. Sabihin mo sa akin kung nasaan kayo. Ako lang ang pupunta," wika ng dalaga. Napakunot-noo naman si Albert sa narinig. "Sige, pupunta ako ngayon na. Hintayin niyo ako diyan!"   Matapos ang pag-uusap na iyon ay agad na pinatay ni Helena ang hologram stick at naglakad patungo sa hover bike na kanyang sinakyan. "Helena, anong ibig sabihin nito? Ikaw lang ang pupunta?" tanong naman ni Albert. "Paano kung patibong lang ang tawag na ‘yan. Hindi siya gumamit ng video call. Baka mapahamak ka!" sambit naman ni Maria. Kinukuha na ni Helena ang helmet ng motor at tila inaayos ito. "Naniniwala akong si Ruth ang tumawag. Boses niya iyon at ginamit niya ang hologram stick na ibinigay ko sa kanya," sagot naman ng dalaga. "Pero hindi pa natin alam kung ang hologram stick na iyon ay nasa kamay ng nagmaneho ng sasakyan kanina. Hindi tayo sigurado kung sino siya at kung mapagkakatiwalaan ba ang taong iyon." "Albert, kaya ko ang sarili ko. Ako lang ang pinapunta ni Ruth kaya walang susunod sa inyo," sagot muli ng dalaga. "Pero Helena..." "Maria, please. Hayaan mo ako. Ayokong sundan ako ng kahit sino. Mapagkakatiwalaan ba kita, Maria? Susundin mo ba ang utos ko bilang iyong pinuno?" tanong naman niya. Hindi naman nakapagsalita ang kanyang kaibigan. Napatingin na lamang siya sa mga mata ng dalaga. Desidido siyang puntahan ang mga bata nang mag-isa. Walang pag-aalangan sa kanyang mukha at alam niyang walang makakapigil sa kanya. Tumangu-tango na lamang siya nang marahan. Napangiti naman ang dalaga at sa pagkakataong iyon ay isinuot na niya ang kanyang helmet. "Huwag niyo akong alalahanin. Alam kong may dahilan kung bakit ako pinapunta ni Ruth nang mag-isa," wika ng dalaga. Pinindot niya ang power engine at dahan-dahan namang lumutang ang hover bike. Pinatabi naman ng mga militar ang nagkakagulong mga taga-media at ilang mga nakikiusyoso. Pinaharurot ng dalaga ang motor palabas ng subway. Idinaan niya ito sa isa pang tunnel kung saan ang dulo nito ay ang labasan papuntang North EDSA.   ***** "Sinunod mo ba ang sinabi ko?" tanong ni Edward kay Ruth na sa pagkakataong iyon ay nakaupo sa isang luma at gula-gulanit na sofa habang nakahiga sa kanyang mga hita ang kapatid na si Jek. Si Edward naman ay patuloy sa pagbabanlaw ng isang lumang tuwalya sa isang banyerang tubig. Nang mapigaan ito ay agad niyang pinahiran ang mukha ni Jek. Sa isang sulok naman ay nakasalampak lamang sina Bobby at Cherry. Animo'y naglalaro sila ng anino gamit ang mga kamay dahil sa sigang ginawa ni Edward upang painitin ang lugar. Sa isang abandonadong gusali naabutan ng dilim ang magkakapatid. Napagpasyahan din ni Edward na doon mamalagi upang makapagtago mula sa mga militar at sa kalabang organisasyon na naghahanap sa mga bata. "Opo, papunta na daw po si Ate," sagot ni Ruth. "Magaling. Masusundo na kayo ni Helena. Ligtas na kayo," sagot naman ni Edward. Napatingin siya sa labas ng gusali at tumayo. Sa labas ay napansin niya ang pagpatak ng mga maliliit na tila kristal na nyebe. Naglakad siya patungo sa dulo ng gusali upang tunghayan ang nangyayari. "Haay, nagsimula na naman. Madaya ka talaga alam mo ba 'yon? Desperado ka na para lang makuha ang program mo. Pati panahon ginamit mo na," wika niya na tila kinakausap ang sarili. Napatingin naman si Ruth sa binata. "M-Masama po ba kayo?" tanong ni Ruth. "Ano ang depinisyon ng masama para sa 'yo...bata?" tanong naman ni Edward. Humarap siya nang bahagya sa kausap. Tumalbog naman ang liwanag ng siyudad mula sa kanyang salamin. "Matagal ko na pong hindi alam ang kaibahan ng masama sa mabuti. Matagal na, simula nang mamatay si Kuya Johan," sagot niya at muling humarap sa natutulog na kapatid. "May mga bagay na sadyang masamang gawin. Pero hindi mo masasabing masama ang bagay na iyon kung nagdulot naman ito ng mabuti. Hindi ba?" tugon ng ng binata. Muli siyang naglakad pabalik upang tingnan ang kalagayan ni Jek. Kinapa niya ang noo ng bata at naramdamang nilalagnat na ito nang tuluyan. Muli siyang lumapit sa banyera na puno ng tubig. kinusot niya ang tuwalyang nasa loob nito at pinigaan. Matapos pigaan ay ipinatong niya ito sa ulo ng bata. "Pero bakit po ito nangyayari? Ang kaguluhan? Simula po nang dumating kayo nagkagulo na ang lahat," tanong muli ni Ruth. "May dahilan ang lahat ng ito, Ruth. Malalaman mo rin sa tamang panahon," sagot na lamang ni Edward habang nakangiti.   ***** Halos kalahating oras nagmaneho si Helena ng hover bike matunton lamang ang lugar na sinabi ni Ruth sa kanya. Napadpad siya sa isang liblib na lugar sa Caloocan. May isang mataas ngunit lumang gusali ang kanyang nakita sa ‘di kalayuan. Walang ilaw sa paligid, at nakadagdag pa sa dilim ang makapal na kaulapang namuo sa kalangitan. Bumabagsak ang mga maliliit na piraso ng niyebe sa kanyang helmet. Natutunaw rin ito agad kapag dumadampi sa salaming bahagi nito.   Isang lumang gate ang kanyang hinintuan sa loob ng compound na iyon. Nakatayo ang lumang gusaling binanggit ni Ruth. Pinatay niya ang ilaw ng motor, bumaba siya at saka marahang binuksan ang nangangalawang na gate. Nang bahagya itong mabuksan ay muli siyang sumakay ng hover bike. Ipinasok niya ito sa isang gilid kung saan hindi ito mapapatakan ng niyebe. Isang hover car naman ang kanyang nakita sa ‘di kalayuan. Bumaba ang dalaga at hindi na lamang pinansin ang kotseng iyon. Umakyat siya sa gusali. “4th floor.” Ito ang sinabi ni Ruth nang tawagan niya ang kanyang ate kaya't doon pumunta si Helena. Isang maliit na apoy naman ang kanyang nakikita sa malayong parte ng gusali. Matitinis na hagikgikan din ang umaalingawngaw sa palapag na iyon. Alam niyang naroon nga ang mga bata. "Ruth? Kayo ba ‘yan?" bulyaw ng dalaga. "Ate Helena?" sagot naman ni Ruth. Agad naman siyang tumayo mula sa sofa at tumakbo patungo sa dalaga. Sumunod din sina Bobby at Cherry. Si Jek naman ay nakaupo na lamang sa sofa. Nahihilo pa rin siya. Sinundan na lamang niya ng tingin ang kanyang mga kapatid. "Ruth, Bobby, Cherry...ayos lang ba kayo?" wika ni Helena. Napaluhod siya upang yakapin ang mga batang papalapit. Napabitiw naman siya agad nang mapansing kulang ang magkakapatid. "N-Nasaan si Jek?" tanong niya. Napatingin naman sa maliit na apoy si Helena. Doon ay nakita niya ang isang binatang nakasalamin. Nakangiti ito nang matalim sa dalaga. Tinanggal naman ni Edward ang aluminum foil na nakabalot sa kanyang memory gene. Nagulat naman ang binata dahil kaya niya rin palang basahin ang iniisip ni Helena at sa pagkakataong iyon ay alam niya na hindi maganda ang iniisip nito. "Ikaw!" bulyaw ng dalaga. Humakbang siya gamit ang kanyang kanang paa. Akmang tatakbo patungo sa binata. "Ate, sandali lang! Hindi siya masamang tao! Iniligtas niya kami!" wika naman ni Ruth. Hinarang niya ang sariling katawan upang pigilan ang kanyang ate. "Vicky Konning, o mas kilala bilang Helena Cera. Ang Subject 7 ng MEMO at ang special weapon ng Linel Industries. Maligayang pagdating," paunang bati ni Edward. Napakagat naman nang mariin ang dalaga. Nakakunot ang noo niya at gusto niyang sugurin ang binata. "Ramdam kong gusto mo akong patayin, Helena. Alam ko 'yon dahil nababasa ko ang iniisip mo," wika naman ni Edward. Napawi naman ang pagkakunot ng noo ni Helena. Hindi siya makapaniwalang totoo nga ang program na ginawa ng MEMO para sa Subject 1. "Marahil ay kilala mo na ako. Ako ang Subject 1. Victor Torres ng MEMO, at Edward Vitore ng sarili kong katauhan," dagdag pa ng binata. "Iisa lang kayo. Victor Torres at Edward Vitore. Ang Subject 1," wika naman ni Helena. "Mali...mali ka doon. Patay na si Victor Torres. Patay na siya simula nang ilipat ang memory gene niya sa akin. Hindi mo ba naiintindihan?" tanong ng binata. Namutla naman si Helena sa kanyang sinabi. Tila nanlaki ang kanyang mga mata at nagtataka sa ikinikilos ng binata. "Masyado mo namang sineseryoso. Pero iyon naman ang katotohanan sa bawat memory gene na nailipat na," sabay ngiti ng binata. Naglakad naman siya sa paligid ng apoy upang makita ang mukha ng dalaga. "Ang paglilipat ng memory gene sa isang katawan para mabuhay ng walang hanggan. Kahanga-hanga hindi ba? Pero paano mo masasabing kahanga-hanga ito kung malalaman mong may kapalit ang lahat?" tanong ng binata. "Kaya ba tumakas ka? Kaya ka umalis sa serbisyo ng S.W.I.M. dahil nalaman mo ang lahat? May memory gene si Dr. Freuch nang ilagay niya sa 'yo ang program kaya't nalaman mo ang mga plano niya," sambit ni Helena. Napatingin naman sa kanyang kaliwa si Edward kung saan makikita ang labas ng gusali. "Nasanay ako sa dugo, sa hirap at sa kalunus-lunos na peklat ng buhay dulot ng memory gene. Ibinenta ko ang sarili ko sa kanila kapalit ang malaking halaga para buhayin ang mga magulang ko. Ano ang saysay na mabuhay nang matagal kung ang mga mahal mo sa buhay ay makikita mong unti-unting namamatay?" tanong ng binata. Napakunot-noo siya at tila malalim ang iniisip. "Ang lahat ng iyon ay isang nakakatawang biro na lang para sa 'kin." Unti-unti ay huminahon ang dalaga. Naglakad siya nang dahan-dahan patungo kay Edward. "Ano ang alam mo sa kamatayan? Pumayag kang ibigay ang katawan mo para lang mabigyan ka ng memory gene. Para mabuhay sa katawan ng iba na papatayin din naman nila para sa 'yo." "Bawal bang magkamali? Kung ikaw nga binabatikos ng nasasakupan mo dahil sa 'yong pamumuno. Hindi ka ba nagkamali do'n? Ang pagkitil sa halos dalawandaang buhay sa Linel Industries. Hindi ba iyon isang pagkakamali?" tanong naman ni Edward. Napangiti siyang muli nang tingnan ang mga mata ni Helena. Nababasa niya ang isip niya at alam niyang bumalik din ang sinabi ng dalaga sa kanya. Hindi nakapagsalita si Helena kinuha na lamang niya ang kamay ni Jek at pinatayo. Inilayo niya ito sa binate dahil sa paningin niya ay hindi pa rin siya mapagkakatiwalaan. "Bakit mo ipinasa ang program nang mga sandaling iyon sa Malakanyang? Para pagbantaan kami ng lahat ng naghahanap nito? Para makuha ang atensyon ng lahat at sugurin ang Pilipinas?" tanong ng dalaga.   "Gusto ko lang maglaro," sagot naman ng binata. Nakatalikod na siya sa dalaga. Nainis naman si Helena sa narinig at siya'y sinugod. "Anong sabi mo?" bulyaw niya. Kinapitan ni Helena ang kuwelyo nito at akmang susuntukin ang binata. "Gusto kong palabasin ang isang taong malapit sa 'yo," wika ng binata. Napatigil naman si Helena sa pag-atake. "A-Anong ibig mong sabihin?" "Siya lang ang makakagawa ng bagay na kailangan ko. Ang pinuno ng The Blood of One. 'Yon ang pakay ko kaya't nagawa kong dalhin ang program at hayaang idetect ito ng bawat bansa," paliwanag ng binata. Nagtaka naman si Helena sa kanyang narinig. "Taong malapit sa akin? S-Sino?" "Tingin ko mas mabuting ikaw na mismo ang makaalam ng lahat, Helena." Tiningnan ni Edward sa mata ang dalaga. Malakas ang kabog ng kanyang dibdib at alam niyang nagkakaroon na siya ng ideya sa kung sino ang taong kanyang tinutukoy.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD