CHAPTER 7 – RUBITTA

1426 Words
Pagdilat ko ay nakatayo ako sa hindi pamilyar na lugar. Ang mga puno ay gawa sa pilak, ang mga prutas ay ginto, ang lupa nito ay gawa sa perlas. Tiningnan ko ang aking sarili sa malinaw na tubig. Bumalik ang tunay kong anyo. Mag-isa lamang ako at wala si Euphemia sa aking tabi. Tumingin ako sa paligid at napansin ang babae na nakatalungko habang nagbubunot ng d**o. Dahan-dahan akong humakbang patungo sa kinaroroonan niya. Ang mahaba at puting buhok nito ay nakakalat sa kanyang likuran at kumikinang iyon na parang niyebe. Habang papalapit ay naririnig ko rin ang mahinang pagkanta niya. “Sikapin mong huwag matapakan ang aking mga rosas,” saad niya habang nakatalikod sa akin. Napahinto ako sa paglalakad. “Ano’ng lugar ito?” Tumayo siya at pinagpagan ang kanyang saya. Humarap siya sa akin. Ang pilik-mata at kilay niya ay kulay niyebe rin, samantalang ang mga mata niya ay duguan na katulad ng kay Ashmir. “Hindi mo suot ang katauhan na pinagkaloob ko sa iyo.” “Sino ka? Huwag mong iwasan ang mga tanong ko.” Pinilit ko lang na maging barumbado upang hindi ako mawala sa katinuan dahil kakaibang pakiramdam ang lumulukob sa akin habang nakaharap ako sa kanya. Umiling siya at natawa. “Maligayang pagdating sa kaharian ko, William Godwinson.” “Alam mo ang—” “Ako si Rubitta.” Nanlaki ang aking mga mata. “Ako ang may likha ng Arachnida. Tagamasid. Tagapag-alaga.” Nilahad nito ang kamay sa akin. “Halika, samahan mo ako sa paglalakad.” Tinitigan ko lang ang kanyang kamay at napanguso ito. Nagbuntong-hininga ako at hinawakan ang kamay niya. “Gusto kong malaman kung paano ako makakaalis sa mundo ninyo?” “Bakit mo lilisanin ang mundo na para sa iyong tunay?” Tumigil ako at humarap sa kanya. “Ano ang ibig mong sabihin?” Inabot nito ang aking mukha at hinaplos ang pisngi ko. “Dahil sa isang pagkakamali, nagkapalit kayo ng mundo ni Ashmir. Ikaw ang nararapat sa mundo na ito, William. Ikaw ang tunay na Ashmir Victor Orbinia.” “Hindi ko maintindihan ang sinasabi mo. Paano ako naligaw?! Naririnig mo ba ang sarili mo?!” “Maiintindihan mo rin ang ibig kong sabihin, Ashmir. Makinig ka lang sa sinasabi ng puso mo. Bawiin mo ang mga pinagkait sa iyo ni Duke Sanjo.” “Wala akong pakielam sa kung ano ang mangyari sa pinakamamahal mong kaharian.” Ngumiti ito ng tipid. “Hanggang sa muli nating pag-uusap, Ashmir. Sa susunod, sana ay maintindihan mo na kung ano ang ibig kong sabihin.” “Sandali—” “Tipunin mo ang apat na diwata— tawagin mo sila. Makakatulong sila sa iyong paglalakbay.” “Hindi—” Nabalikwas ako ng bangon nang pakiramdam ko ay binagsak ang aking katawan mula sa kalawakan. Napahawak ako sa kaliwang dibdib nang maramdaman ang kirot doon. Tumingin ako sa paligid at napansin si Euphemia na nakahiga sa aking paanan at malalim ang kanyang paghinga. Bumangon ako at umupo sa gilid ng kama. Madilim pa rin sa labas at ang pagkakaalam ko lang ay nasa tahanan kami ni Duke Clowen ng Domen. Maingat kong binuhat si Euphemia upang hindi ito magising at binuksan ang bintana. “Ipapaalam ko sa iyo na hindi lupa ang tatapakan mo sa ibaba.” Napalingon ako at nakita si Duke Clowen na nakatayo sa bukas na pintuan. Bumaba ang tingin niya kay Euphemia na hanggang ngayon ay mahimbing pa rin. “Dalawang araw na hindi natulog ang reyna hangga’t hindi niya nasisigurado na nasa maayos kang kalagayan.” “Hindi kami maaaring magtagal sa kaharian mo.” “Ibaba mo ang mahal na reyna at mag-usap tayo, Kamahalan.” Mahigpit kong hinawakan si Euphemia at unti-unti ay nagmulat ito ng mata. Umikot sa akin ang kanyang braso at ibinaon sa balikat ko ang kanyang mukha. “Ashmir, hindi ka… pa… magaling.” “Aalis na tayo, Euphy.” “Hmm…” Napabuntong-hininga ako nang bumalik na sa pagkakahimbing ang tulog nito. Iniayos ko na siya ng higa sa ibabaw ng kama at ibinalot ang kumot sa kanyang katawan. Hinaplos ko ang mainit niyang pisngi bago lumapit kay Duke Clowen. Sinuot ko ang inabot nitong itim na robe bago lumabas ng silid. Napunta kami sa kanyang library at kahit nagpahinga ako sa kanyang tahanan ay hindi pa rin sapat iyon upang magtiwala ako sa kanya. “Kamahalan, sa tagal ng tulog mo ay malamang na nagugutom ka. Magpapahanda ako ng pagkain.” Tumango ako at agad niyang inutusan ang katulong bago muling umupo sa harapan ko. “Kinagagalak ko na makatanggap ng mensahe mula sa iyo kaya’t agad kaming umakyat ng bundok upang salubungin ka.” Umayos ito ng upo. “Ngunit hindi ko maintindihan kung bakit hindi ka interesado na bawiin ang posisyon mo.” “Walang maidudulot ang digmaan kung hindi kahirapan.” Nagtaka ako nang malakas itong tumawa. “Kung ganoon ay binabalewala mo na ang lahat ng sinakripisyo mo noon para sa posisyon na iyan?” Kumunot ang aking noo. “Ano ang ibig mong sabihin?” “Hindi ba’t nagawa mong ipadala sa giyera ang prinsipe upang hindi ka abandunahin ni Duke Sanjo? Hindi mo pa natatandaan ang araw na nagmakaawa ang reyna na magbago ang isip mo?” Nag-iwas ako ng tingin. Bakit kailangan na ako ang magdala ng konsensya na ito?! “Ngunit sa huli ay pinagtaksilan ka pa rin ni Duke Sanjo at inagaw ang kapangyarihan mula sa iyo, Kamahalan.” Hindi ako nakaimik. “Sa loob ng tatlong linggo na nasa posisyon si Duke Sanjo, ang kuweba ng Optic ay naging pag-aari ng Fangs. Ang mga sakahan sa Eight Limbs, ay diretsong binabagsak sa Carapace. Tumaas na ang bilihin at ang mga nasa laylayan ay labis na nalulunod.” Kumuyom ang aking mga kamay habang pinapakinggan ang mga sinasabi ni Duke Clowen. “Ito ay isang paalala lang, Kamahalan. Ngunit nagkakamali ka kung iniisip mo na ang Domen ay sasama sa kahit anong alyansa. Mananatili kaming tagasunod lamang at gagawin ko ang lahat para mapanatili ang kapayapaan sa aking nasasakupan.” Pinili ko na manatiling tahimik habang nag-iisip ng susunod na galaw. Sa ngayon ay magiging Bishop ko muna ang Domen. “Kamahalan,” tumingin ako sa kanya. “Ito ay binalita lamang mula sa espiya ko sa palasyo— ayon sa kanya, napaamo ni Duke Sanjo ang dragon sa ilalim ng bulkan.” “Ang itim na dragon.” Tumango ito. “Wala pa sa hustong-gulang ang dragon para lumipad sa himpapawid at hindi mo na iyon dapat hintayin kung nais mo na bawiin ang palasyo.” “Nakausap ko si Rubitta sa aking panaginip.” Nanlaki ang mga mat ani Duke Clowen at pinagdikit nito ang palad bago pumikit. Nagbanggit ito ng mga salita na hindi pamilyar sa akin. “Rubitta, Rubitta, bigyan mo ng kapayapaan ang Domen,” bulong nito at huminga ng malalim bago tumingin sa akin. “Nais niya na tawagin ko ang apat na diwata.” “Ang apat na diwata ng digmaan. Natawag mo na ang una, ang ibig sabihin ay tatlo pa ang dapat mong hanapin.” “Paano ko malalaman kung nasaan ang tatlo?” “Ang diwata ng niyebe ang magtuturo sa iyo. Ayon sa mga libro, iba-iba ang anyo ng mga diwata. Maaari silang maging hugis tao, puno, bato, at niyebe.” “Paano ko sila mapapasunod sa mga plano ko?” “Hindi sila maaaring tumanggi dahil pinagsisilbihan nila ay ang dugo ni Rubitta na siyang dumadaloy sa mga ugat mo, Kamahalan.” Kinaumagahan ay agad kaming nagbihis ni Euphemia upang ipagpatuloy ang paglalakbay para makalayo sa Carapace. Inayos ni Euphemia ang balabal sa aking mukha. “Maitim pa rin ang ilalim ng mga mata mo.” “Kasalanan mo iyon.” Napangiti ako. “Inaamin ko.” Idinikit nito ang noo sa aking dibdib at hinalikan ko ang ibabaw ng kanyang ulo. Kahit kailan ay hindi ko ito ginawa sa kahit na sinong babae, ngunit pagdating kay Euphemia ay gumagalaw ng kusa ang katawan ko. Lumabas na kami ng silid at sinunod ang direksyon na binigay ni Duke Clowen upang makalabas ng ligtas sa Domen. Dahil sa balita na pinahatid ko kay Duke Sanjo ay siguradong may hukbo na darating dito upang mag-imbestiga. Mabilis ang mga hakbang namin ni Euphemia habang magkahawak-kamay. Nang malapit na kami sa unang lagusan ay may tumawag sa aking pangalan. Sabay kaming napalingon ni Euphy. “Isabel Estruscilla Qifu…” Ano ang ginagawa ng anak ni Duke Sanjo sa Domen?!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD