Nawala na ang marka ng lubid sa aking leeg sa ikaanim na araw kaya maaari na akong magpakita sa event hall. Nagkaroon ng selebrasyon dahil sa pagbalik ng sigla ng aking katawan. Habang nakaupo sa trono ay pinagmasdan ko ang mga tao at inobserbahan ang mga ito.
Sinulyapan ko si Euphemia na ngayon ay tahimik na nakaupo sa aking gilid habang ang mga mata ay nasa sahig. Halatang na hindi ito kumportable sa kaganapan.
Napabuntong-hininga ako at ipinatong ang aking pisngi sa likod ng palad ko. Ngayon lang ako nakapagsuot ng ganitong klaseng kasuotan. Ngayon ang alam ko na ang pakiramdam ng mga tao noong medieval period.
Bigla kong na-miss ang itim na shirt at jeans ko. Mas kumportable iyong suotin lalo na kapag naghahabol ng mga daga na nagtatago.
“Kamahalan.”
Bumaba ang aking tingin sa binibini na tumigil sa harapan ng trono. Yumuko ito ng kaunti at pagkatapos ay ngumiti sa akin. Asul na mga mat ana katulad ni Euphemia ngunit ang buhok nito ay kulay brown.
Umangat ang isang sulok ng aking labi.
“Isabel Etruscilla Qifu.”
Mas tumamis ang ngiti nito nang banggitin ko ang buo niyang pangalan. Siya ang nag-iisang anak na babae ng Duke ng Fangs at ang kababata ni Ashmir.
“Nagagalak ako na malaman na nasa mabuting kalagayan na kayo, Kamahalan. Labis ang pag-aalala ng buong Fangs sa inyong kalusugan.”
Argh! Kahit na anim na araw na ako sa mundong ito ay hindi pa rin ako sanay sa malalim nilang pagsasalita. Gusto kong manigarilyo pero siguradong magkakaroon ng kutob ang mga Duke sa pagbabago ng aking kilos.
“Salamat, Binibining Isabel. Salamat din sa paglaan mo ng oras para makapunta sa selebrasyon na ito.”
Namula ang pisngi nito at ibinaling sa ibang gawi ang kanyang tingin.
“Kung… Kung papayag ang mahal na reyna, maaari ba kitang isayaw, Kamahalan?”
Babae, huwag kang gumawa ng gulo.
Lumakas ang bulong-bulungan sa paligid. Ang mga Fangs ang isa sa mga naging sandalan ni Ashmir noong siya ay nagpapatakbo ng kaharian sa murang-edad. Kaya nagkaroon ng isang kaguluhan nang pakasalan niya si Euphemia.
Si Euphemia Hyrcanus Orbinia ang tagapagmana ng pabagsak na kaharian— ang Optic. Dahil sa balita na nagpaplano ang mga ito na mag-alsa laban sa Carapace ay sinira ni Ashmir ang kaharian nito.
Upang mapababa ang sintensyang kamatayan sa kanila ay ibinigay nila kay Ashmir ang nag-iisa nilang anak bilang collateral na hinding-hindi sila magrerebelyon laban sa Carapace.
“Walang problema sa akin kung nais mo siyang isayaw, Binibining Isabel,” malamig na sambit ng aking reyna.
Lumipat ang tingin sa akin ni Isabel at ngumiti ito ng matamis. Napabuntong-hininga ako at itinaas ang aking kamay.
“Patawarin mo ako, binibini, sapagkat mabilis pa akong mapagod kaya’t hindi ko maaaring paunlakan ang iyong alok.”
Napansin ko ang biglang paglingon ni Euphemia sa akin.
Lumungkot ang mukha nito at tumango. “Patawarin mo ako sa aking kahangalan, Kamahalan, sapagkat masyado akong naging makasarili at hindi inisip na mabibigla ko ang inyong katawan.”
Sumasakit ang ulo ko sa malalim na salita!
Naiinip na ako! Wala bang pusa na lalabas sa mga oras na ito?!
Ilang segundo pagkatapos kong isigaw sa isipan ko iyon ay nagkamatay ang mga ilaw. Napahiyaw ang mga tao.
Sa wakas!
Tumayo ako upang hanapin ng aking mga mata ang dahilan ng kaguluhan. Magagamit ko ang skills ng pagiging assassin ko.
“Protektahan ang kamahalan!” Hiyaw ng mga kawal habang nakatayo sa harapan ng trono at ang iba naman ay lumabas.
Isang bagay ang dumaplis sa aking pisngi at lumawak ang aking ngiti. Sinundan ko ang trajectory ng bagay na iyon at nakita mula sa labas ng bintana ang mga tao na nakatago sa mayabong na puno.
Napatigil ako sa tangkang pagsugod nang may mainit na bagay na humawak sa aking kamay. Muling nagkabasag ang mga salamin at agad kong niyakap si Euphemia upang protektahan.
Binuhat ko ito at nagtago kami sa likod ng malapad na trono. Nakaupo siya sa ibabaw ng aking hita at nakatago ang mukha sa aking balikat.
Nanginig ang kanyang katawan. “C-Clovis.”
Napabuntong-hininga ako at sumandal sa bahagi ng trono habang patuloy ang pagkabasag ng salamin ng bintana at paghiyaw ng mga tao.
“Euphemia…” bulong ko at hinalikan ang ibabaw ng kanyang ulo.
Sa isang simpleng liwanag lang ay kumikinang ang pilak niyang buhok at ang dekorasyong bulaklak doon ay unti-unting dumudulas.
Niyakap ko siya ng mahigpit upang kahit papaano ay maibsan ang kanyang takot.
Bumalik ang liwanag sa event hall ngunit hindi pa rin tumutigil ang luha ni Euphemia kaya hindi pa kami umaalis sa pagtatago.
Napaangat ang aking tingin nang may sumilip sa aming kalagayan— Aelis Basar, ang personal na guard ni Ashmir.
“Kamahalan, nahuli na namin ang mga assassin. Ligtas na ang lugar.”
“Ang mga bisita.”
“Wala pong napahamak sa kanila at may ilang sugatan lang dahil sa bubog ng salamin.”
Napatingin ito sa aking reyna na hanggang ngayon ay mahigpit pa rin ang yakap sa akin. Napabuntong-hininga ako at tumayo habang buhat ang aking reyna.
Narinig ko ang kanyang pagsinghap.
“A-A-Ashmir, kaya kong maglakad. Ibaba mo ako,” bulong niya.
Hindi ko sinunod ang kagustuhan niya at nanatili siya sa aking bisig. Lumabas kami sa likod ng trono at malamig kong tiningnan ang mga tao na ngayon ay nagbibigayan ng mahahalagang tingin sa isa’t-isa.
Kahit mahinang hari si Ashmir ay marami pa rin itong kaaway. Kaaway? Gusto kong tumawa. Hindi kaaway kung hindi mga makasariling tao na nais makuha mula kay Ashmir ang kapangyarihan.
Kung ang normal na Ashmir siguro ang nasa posisyon ngayon ay baka hindi na ito umalis sa pinagtataguan. Ibahin ninyo ako. Kumakain ako ng bala sa umaga hanggang sa gabi!
“Masyadong ng makalat.”
Isang malaking simbulo ang lumitaw sa aking tinatapakan at kuminang iyon. Napakapit ng mahigpit si Euphemia sa aking balikat nang sinakop ng simbulo ang buong event hall at bumugso ang hangin galing sa aming tinatapakan.
Kapansin-pansin ang gulat sa mukha ng mga Duke. Hindi nila inaasahan na kaya ng kontrolin ni Ashmir ang abilidad na pinagkaloob sa kanila ng Diyos na si Rubitta.
Bumalik sa dati ang mga nasirang mga salamin. Nawala ang sugat ng mga bisita. Bumalik sa dati ang lahat na para bang walang nangyari na assassination.
Nang matapos ay napalingon sa akin ang mga maharlika at napaawang ang kanilang labi.
Sa ikaapat na araw ay nalaman ko na may kapangyarihan ang mga Orbinia. Bago magamit iyon ay dapat na nasa katinuan ang isipan ng may taglay niyon. Ngunit may limitasyon iyon at hindi ko pa alam kung hanggang saan ang kaya ng katawan na ito.
Ang nabasa ko sa libro, buhay ang magiging kapalit kapag naabot na ang limitasyon.
Isang ngiti ang sumilay sa aking labi.
“Patawad sa kaguluhan na naganap. Nais ko man na makasama kayo hanggang sa katapusan ng pagtitipon ngunit nais nang magpahinga ng aking reyna.”
Tumalikod ako at inalis ang ngiti sa aking labi. Ang personal guard na si Aelis Basar ay nagulat sa pagbabago ng ekspresyon ko.
“Ashmir, sandali!”
Tumigil ako at matalim na tiningnan ang humiyaw ng aking pangalan ng walang paggalang— Duke Sanjo Qifu.
Napalunok ito nang makita ang pagdilim ng aking mukha. Napakapit sa kanyang braso si Isabel.
“K-K-Kamahalan—”
“Sa susunod nalang tayo mag-usap, Duke Sanjo. Mag-ingat kayo sa pagbalik sa Fangs.”
Pagkatapos kong sabihin iyon ay lumabas na ako sa event hall. Sinara ng mga kawal ang malaking pinto at lumakad ako sa mahabang hallway.
Bumaba ang aking tingin kay Euphemia na ngayon ay walang-malay. Napabuntong-hininga ako. Hindi ko alam ang magiging bunga ng paglabas ko ng abilidad ni Ashmir at kung ano ang magiging epekto niyon sa mahinang katawan na ito.
Ang akala ko ay magiging maayos ang lahat pagkatapos kong gawin iyon. Ngunit isang malaking pagkakamali ang aking nagawa.
Dahil sa ipinakita kong abilidad ay sumiklab ang digmaan.