CHAPTER 2 – TINIIS

1204 Words
Dalawang araw na ako sa hindi pamilyar na lugar na ito ngunit marami akong natutunan habang naglalagi sa aking silid. Ashmir Victor Orbinia. Ang pulang mga mata niya ang tanda na siya ay may dugong maharlika. Namatay ang mga magulang niya dahil sa pagkahulog ng karwahe nito sa bangin. Nakuha niya ang trono noong siya ay labing-anim na taong gulang palang. Siya ang Hari ng buong Arachnida na binubuo ng limang siyudad. Optic, Fangs, Carapace, Domen, at Eight limbs. Madaling tandaan ang mga lugar sapagkat gagampa ang itsura ng kanilang mapa. At sa murang edad ay tinulungan siya ng mga Duke sa pagpapatakbo ng kaharian. Ang Optic, na kilala sa paggawa ng mga armas. Ang Fangs, na kilala sa magagandang kweba at pangunahing source ng tubig sa buong Arachnida. Pinamumuan ni Duke Sanjō Qifu. Ang Carapace, ang sentro ng kaharian kung saan naninirahan ang mga hari. Ang Domen, na may pinakamalawak na agrikultura sa buong kaharian at pinamumunuan ni Duke Clowen Sveinsdóttir. At Eight Limbs na ang pangunahing ikinabubuhay ay ang pagmimisa sa bundok. Pinamumunuan ito ng walong Count na sila Birger Galla, Bezhan Apsimar, Gobar Zohair, Antonio Octavia, Tapoa Pyinthe, Alector Umar, Konoe Omma, at Teja Arianiti. Isinara ko ang binabasang libro at hinawakan ang sugat sa aking leeg. Dahil sa kayang-kaya na siyang paikutin ng mga nasa baba niya ay madali na para sa kanila na patayin ang katawan na ito. Kaawa-awang Ashmir. Habang tumatagal ay unti-unting nagsi-sync-in sa akin ang mga memorya ni Ashmir. Kaya mas nagiging malinaw sa akin kung gaano siya kahina bilang hari. Napakadali lang niyang pasayawin sa palad ng mga Duke. Madali siyang paikutin kaya nagawa niyang isabak ang nag-iisa niyang anak sa digmaan hanggang sa mamatay ito. Umihip ang hangin mula sa malaking bintana at pumagaspas ang pakpak ng mga ibon. Malayong-malayo ang lugar na ito sa nakagisnan ko. Magulo at madugo ang mundong ginagalawan ko. Marami na ang librong nabasa ko ngunit wala pa rin akong makuha na sagot sa kung paano ako napunta rito? Ano ang mundo na ito?! Isa ako sa kilalang malakas na hitman. Wala akong alam kung hindi ang pumatay— ano ang alam ko sa pagpapatakbo ng kaharian?! How pathetic. Nakakatawa. Ako na notorious killer sa mundo ko ay napunta sa katawan ng isang daga na palaging hinahabol ni Kamatayan. Bumukas ang pinto at napatingin ako roon. Pumasok ang aking butler. Blangko ang kanyang ekspresyon. Yumuko ito ng kaunti. “Kamahalan, nakahanda na ang inyong pagkain.” “Zun.” Malamig kong saad. “Narinig mo ba na pinapasok kita?” Nanigas ito sa kanyang kinatatayuan. “K-Kamahalan—” Tumayo ako at naglakad palapit sa kanya. Bumaba sa kanya ang aking tingin. “Isa sa mga mahalagang patakaran na hindi ka maaaring pumasok sa maharlikang silid ng walang pahintulot.” Ang isang kamay ko ang sumakal sa leeg nito. Nagsimulang manginig ang katawan ng matanda. Ngumisi ako dahil sinisigaw ng aking isip na patayin ito. “Zun, isa kang hangal.” “K-K-Kamahalan…” Nakita ko mula sa memory ani Ashmir na ang tao na ito ang espiya ng mga Duke upang subaybayan ang kanyang kilos at kung paano ibenta nito ang mga ideya sa negosyo ni Ashmir upang ang iba ang makinabang. “Ashmir!” Nabitiwan ko ang matanda nang marinig ang mariin na boses na iyon. Lumingon ako at nasilayan ang pinakamagandang pilak na aking nakita. Umihip ang hangin mula at sumayaw ang ilang hibla niyon. Puno man ng galit ang kanyang asul na mga mata ay hindi ko maikakaila ang ganda niyon. Naglakad ito palapit sa amin at agad na lumuhod sa aking harapan upang alalayan ang matanda. Tumayo ito at matalim niya akong tiningnan. Magkagayunman ay hindi ako nakaramdam ng takot. Kung hindi ako nagkakamali ay siya si… “Reyna Euphemia, s-salamat.” “Makakaalis ka na, Zun. Ako na ang bahala,” saad nito habang hindi inaalis ang tingin sa akin. Tumango ang matanda at iniwan kami. Nagbuntong-hininga ako at pumasok sa aking silid— iniwan ko na bukas ang pinto. Naglakad papasok si Euphemia at siya na mismo ang nagsara niyon. “Ashmir, nagbago ka na. Dati ay hindi mo sinasaktan ang mga tagapaglingkod mo.” Sinulyapan ko ito mula sa gilid ng aking mata. Maaaring isa siya sa mga gustong magpapatay kay Ashmir dahil sinakripisyo niya ang nag-iisa nilang anak sa digmaan. “Ashmir, tingnan mo ako habang kinakausap kita.” Paano mo natitiis ang ganito kagandang babae?! Paano mo napipigilan ang sarili mo sa pagnanais na yakapin siya? Ah! Hindi! Hindi! Malaanghel man ang mukha ng babae na ito ay hindi ako maaaring magpabihag sa kanya hangga’t hindi ko alam kung sino ang may pakana ng assassination kay Ashmir. Napakislot ito nang malamig ko itong tingnan. “Lisanin mo ang silid ko.” Iniiwas nito ang tingin at kumuyom ang mga kamay. Nabatid ko ang sakit sa kanyang mga mata. “Ashmir, isang linggo ng patay ang nag-iisa nating anak,” mariin niyang sambit. “Ang sampung-taong gulang nating anak na walang-awa mong pinadala sa digmaan at nasawi.” Ah, damn it, Ashmir! Umagos ang luha sa mga mata ni Euphemia. Kumirot ang aking puso habang pinagmamasdan ang paghikbi niya. Pinanghawakan ni Ashmir ang pangako ng mga Duke na poprotektahan nila ang kanyang anak sa digmaan ngunit hindi iyon nangyari. Labis man ang kanyang pighati at galit ay hindi niya kaya na lumaban sa kanila— dahil isa siyang mahinang hari. Hinawakan ni Euphemia ang aking kamay at tumayo sa aking harapan habang punong-puno ng luha ang kanyang asul na mga mata. Umurong ang aking dila at napalunok. Kailanman ay walang babae na nagparamdam sa akin ng awa. Isa akong assassin at wala akong pakielam kung babae o lalaki ang aking papatayin. Ah, maaari na ang nararamdaman ko ngayon ay hindi sa akin— ito ay kalungkutan ni Ashmir. “Ashmir, matagal akong nanahimik at hindi ka ginambala. Ang gusto ko lang ay makasama ang anak ko ng matagal. Iyon lang ang nag-iisang kahilingan ko. Tiniis ko lahat! Tiniis ko ang malamig mong pakikitungo sa akin. Tiniis ko na manatili sa magulong mundo mo! Tiniis ko ang pambabastos sa akin ng mga babae mo! Tiniis ko ang pagiging malupit mo sa akin!” Humikbi ito at humigpit ang pagpisil niya sa aking kamay. “Tiniis ko lahat! Alam mo kung bakit?! Dahil iyon sa anak ko— dahil kay Clovis! Sinakripisyo ko ang lahat para sa kanya pero ano ang ginawa mo?!” Tinakpan nito ang mukha ng kanyang mga kamay at nanginig ang kanyang balikat. Kung gaano kahina si Ashmir sa harap ng mga Duke ay siya namang kabaliktaran kapag kaharap niya ang kanyang asawa. Tila ba ibinubunton niya ang kanyang galit at hinanakit kay Euphemia. Gusto ko man na ikulong siya sa aking bisig ay hindi maaari. Hindi ako si Ashmir. Mananatili lang ako bilang Ashmir hanggang sa magkaroon muli ng assassin na papatay sa akin. “Kung nasabi mo na lahat ng hinanakit mo ay maaari mo ng lisanin ang aking silid.” Napahinto ito at inalis ang mga kamay sa kanyang mukha. Mariin na nagdikit ang aking mga ngipin nang makita ang labis na sakit sa kanyang mga mata. Napapikit ako nang tumakbo ito palabas ng pinto.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD