Diana
Umaga na nang magising ako at nasa ibabaw na rin ako ng kama.
Napabalikwas ako at napaikot ang mga mata ko sa buong paligid. Hindi ko na namalayan kung paano ako napunta sa kamang ito kagabi. Nakatulog na ako sa sahig dahil na rin sa labis-labis na paghihinagpis ko.
Napansin kong iba na naman ang suot kong damit. Isang manipis at puting nighty. Napaka-igsi at litaw na litaw ang mga hita ko. May panty naman ako pero wala ang suot kong bra kagabi.
Tsk. Sino naman kaya ang nagpapalit sa akin ng mga ganitong klase ng damit? Hindi kaya 'yong mga katulong?
Dahan-dahan akong bumaba ng kama. Napansin ko naman ang nighty robe sa paanang bahagi nito at kaagad ko itong dinampot.
Isinuot ko ito upang matabunan ang kaluluwa kong litaw na litaw na.
Lumabas ako sa balcony at muling tumanaw sa ibaba. Magbabaka-sakali akong makakahanap ako ng daan na p'wede kong labasan o lusutan mula sa lugar na ito. Hindi ako p'wedeng magtagal dito.
Mababaliw ako kasama ang baliw na Dexter na 'yon.
Nasaan na ba kasi si Francis? Hinahanap kaya niya ako?
Masyadong matataas ang mga bakod na pader sa buong palibot ng bakuran. Bukod doon ay may mga alambre pang matataas sa palibot ng ituktok ng mga ito na napansin kong napupuluputan din ng mga mahahabang wire.
"Hindi kaya live wire 'yang mga 'yan? Sira-ulo talagang Dexter 'yon. Baliw na talaga siya!" hindi ko na naman mapigilan ang mapasigaw sa pinaghalo-halong poot at galit na nararamdaman ko para sa kanya.
Natanaw ko rin ang mga nagkalat niyang tao sa ibaba at mga armado silang lahat ng mga baril. Wala akong kilala isa man sa kanila. B'wisit!
Ngunit bigla akong napahinto nang bigla kong maalala ang isa niyang assistant na lalaki. 'Yon ang kadalasan kong nakikita na kasama niya, si kuya Bruno.
Kailangan ko siyang mahanap! Baka sakaling matulungan niya ako!
Bumalik ako sa loob ng silid. Sakto namang nakarinig ako ng mga sunod-sunod na katok sa pinto. Pero lalapit pa lang sana ako doon nang kaagad na rin itong bumukas at bumungad na naman sa akin ang dalawang kasambahay na nag-asikaso din sa akin kagabi.
"M-Magandang umaga po, Señorita."
"Gising na po pala kayo."
Kaagad silang yumuko sa aking harapan.
Napahugot naman ako ng malalim na buntong-hininga habang nakatitig sa kanila ng matalim.
"Hindi ba p'wedeng hintayin niyo na lang muna na pagbuksan ko kayo ng pinto bago kayo pumasok?"
"P-Patawad po, Señorita. 'Yon po kasi ang utos sa amin ni Sir."
Napaikot ang aking mga mata sa sagot nilang 'yon.
Ano pa nga ba ang magagawa ko? Mukhang alipin talaga sila ng hayop na lalaking 'yon, hindi lang sila kundi pati ako! Peste siya!
May araw ka rin sa akin, Dexter! Makakahanap din ako ng pagkakataong makaalis sa demonyong lugar niyang ito. At isinusumpa kong hinding-hindi na niya ako makikita pa kahit kailan!
"Pinasusundo na po kayo ni Sir Dexter, Señorita, para sa agahan," sabi ng isa sa kanila.
"Nasa baba na ba siya?"
"Opo. Hinihintay na po niya kayo sa hapagkainan," sagot naman ng isa.
"Magpapalit lang ako ng damit."
"Tutulungan na po namin--"
"Kaya ko na ang sarili ko! Hintayin niyo na lang ako d'yan!" inis ko nang sagot sa kanila bago ko sila mabilis na tinalikuran at pumasok sa loob ng walk-in closet.
Muli akong napabuntong-hininga bago naghanap ng maisusuot sa napakaraming damit na naririto sa silid na ito.
Isang fitted pants ang napili ko. Kumuha rin ako ng isang plain na black t-shirt at pinatungan ko ng trucker jacket. Isang leather boots naman ang para sa mga paa ko.
Napapailing na lang ako dahil siguro nga ay para sa akin ang lahat ng mga gamit na naririto dahil lahat sila ay sukat sa buong katawan ko.
Kumportable na ako ngayon sa suot ko. Makakagalaw ako ng maayos at kung sakaling makalusot ako, tatakas ako sa lugar na ito. Kailangan kong mahanap si kuya Bruno.
Napakarami ding alahas. Kung tutuusin ay mamumuhay ako bilang reyna sa lugar na ito, puno ng kayamanan na hinding-hindi mapapantayan ng mga Angeles. Pero hindi ito ang kailangan ko.
Hindi makatao ang ginawang ito sa akin ni Dexter.
Tumalikod na ako para sana ay lumabas na ng closet room ngunit muli akong napahinto at napalingon sa mga alahas.
Nakaisip akong bigla ng isang ideya.
Muli ko silang binalikan at kumuha ng maraming piraso. Isinilid ko ang mga ito sa mga bulsa sa loob ng jacket ko. Bigla tuloy bumigat ang suot ko. Magagamit ko rin ang mga ito.
Nagdesisyon na akong lumabas. Naghihintay naman sa akin ang dalawang kasambahay sa labas ng pinto.
Nagpatiuna na ako sa paglalakad patungo sa pinto ng silid. Naramdaman ko rin naman kaagad ang pagsunod nila sa akin.
"Anong pangalan niyo?" tanong ko sa kanila matapos naming makalabas at nagsimula nang maglakad sa hallway.
"Ako po si Emily, Señorita." Nilingon ko ang kasambahay na nagsalita sa likuran ko na nasa kanang bahagi ko.
"Ako naman po si Helen, Señorita," sagot din naman ng isa pa na nasa kaliwang bahagi ng likuran ko at siya naman ang bahagya kong nilingon at tinanguan.
Mga bata pa naman ang mga hitsura nila. Sa tingin ko ay hindi nalalayo ang mga edad nila sa akin.
"Gaano katagal na kayong nagtatrabaho dito?" muli kong tanong sa kanila.
Bigla silang nanahimik na siyang ikinalingon kong muli sa kanila. Yumuko sila at iniwasan ang mga tingin ko.
"P-Pasensiya na po, Señorita. Hindi po kami p'wedeng magbigay ng kahit anong impormasyon tungkol sa amin, ayon kay Sir."
"Ano?"
Napanganga akong bigla sa sinabi ni Helen.
"P-Patawad po, Señorita. Sumusunod lamang po kami," sagot naman ni Emily.
Napakuyom ang mga kamao ko at nagtagis ang bagang ko. Paano ko makukuha ang mga loob nila kung hawak sila sa leeg ng tarantado nilang amo?!
Kailangan kong makagawa ng paraan.
Nagpatuloy na lamang kami sa paglalakad hanggang sa makarating kami sa tapat ng elevator. Awtomatiko naman itong bumukas sa hindi ko malamang dahilan.
Hindi ko na lang pinansin at pumasok na lang ako sa loob. Sumunod din naman sila sa akin at pumwesto sa harapan ng pinto.
Nagsimula itong bumaba at nanatili na lamang akong tahimik. Kailangan ko na lang munang pagplanuhan kung paano ko makukuha ang mga loob nila.
Bumukas ang pinto ng elevator at nauna naman silang lumabas.
Huminto sila sa labas ng pinto at ako naman ang hinintay nilang makalabas.
Napalinga akong muli sa buong paligid. Hindi ko pa kabisado ang bawat sulok ng mansion na ito. Kailangan ko muna silang masuyod lahat.
Napatingala ako sa dalawang hagdan na kabilaan sa malawak na espasyo sa gitna.
Kulay black ang mga railings nito na hinaluan ng mga ginintuang kulay. Napakarangya kung titingnan, nakadagdag pa ang napakalaking chandelier sa gitna nito, nagkikintabang mga sahig at mga kagamitan.
Abala ang ilan sa mga kasambahay sa paglilinis sa 'di kalayuan na bahagi. Hindi ko naman sila nakita kagabi dito.
"Dito po, Señorita." Lumingon ako sa dalawang kasama ko na ngayon ay patungo na sa kanang bahagi.
Sumunod ako sa kanila.
Mahabang lakarin pa ang binagtas namin bago kami pumasok sa isang malawak na pinto at bumungad sa amin ang napakaganda at napakarangya ring dining room.
May isang pahabang mesa sa gitna na napupuno na ng iba't ibang klaseng pagkain habang si Dexter ay prenteng nakaupo sa dulong bahagi nito at abala sa pagbabasa ng isang magazine.
May apat pang mga babaeng taga-silbi dito ang abala sa pagpasok ng dessert at inilagay sa gitna ng mesa.
"Nandito na po si Señorita Diana, Sir," ani Emily kasabay nang bahagya nilang pagyuko ni Helen sa sentrong harapan ni Dexter.
Bumaba naman ang magazine na hawak ni Dexter hanggang sa magtama ang aming mga mata. Napansin ko ang paglibot ng paningin niya sa katawan ko mula ulo hanggang paa.
Bihira kong gawin ang mga ganitong getup outfit. Mostly ay naka-dress ako or skirt and blouse kaya alam kong maninibago siya sa postura ko.
"Nice. Perfect for the place we'll be going to later. Come, join me for breakfast," walang emosyon niyang sabi bago niya iniabot sa kasambahay ang magazine na hawak niya.
Nangunot naman ang noo ko sa sinabi niya. Saan naman kaya kami pupunta?
"Dito po, Señorita," ani Emily kasabay nang paghugot niya sa isang silya na malapit sa kinaroroonan ni Dexter at inialok sa akin.
Imbes na sumunod ay sa kabilang dulong bahagi ng mesa ako nagtungo at humugot ng isa pang silya bago mabilis na naupo doon. Ngayon ko naramdaman ang isang mataas na pader na bigla na lamang namagitan sa aming dalawa.
Hindi ko na magawa pang lumapit sa kanya. Nandidiri ako at lumayo na ng husto ang loob ko sa kanya.
Naging mariin naman ang pagkakatitig niya sa akin at bahagyang dumilim ang kanyang anyo. Ngunit hindi ako nagpatinag sa kanya. Nilabanan ko rin ang mga titig niya.
Napabuntong-hininga siya ng malakas bago nagbawi ng tingin.
"Serve her food," walang emosyon niyang utos kila Emily at Helen na kaagad din namang sumunod.
"Kaya ko ang sarili ko," matigas ko namang sagot sa kanya na siyang ikinatitig niyang muli sa akin.
"Lumabas na kayo," utos niyang muli sa mga ito na kaagad din naman nilang sinunod.
Dahil sa kumukulo na rin naman ang tiyan ko ay hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa sa pagkain. Malapit nang mangatal ang katawan ko sa sobrang gutom.
Sa pagkakatanda ko, ang huli kong kain ay kahapon pa ng umaga bago kami nagtungo sa simbahan. Hindi na rin naman ako nakakain pa kagabi.
Hindi ko na lamang pinansin pa si Dexter na ramdam kong hanggang ngayon ay nakatitig pa rin sa akin.
Sinimulan ko na ang mabilis kong pagkain. Hindi ako p'wedeng magpagutom sa lugar na ito. Kailangan kong maging malakas lalo na para sa gagawin kong pagtakas.
Nagsimula na rin naman siya sa tahimik niyang pagkain ngunit ramdam ko pa rin ang panaka-naka niyang pagsulyap sa akin.
Binalot kami ng nakabibinging katahimikan at tanging mga kubyertos at plato lamang ang maririnig mula sa buong palingid.
ILANG minuto lang ang lumipas ay natapos na rin ako sa pagkain at nabusog naman ako ng sobra. Masarap ang mga putaheng niluto nila, lalong-lalo na ang mga minatamis na dessert.
Special ang lahat at para akong kumain sa mga mamahalin na restaurant. Ito rin ang mga kadalasan naming kinakain sa tuwing nasa labas kaming dalawa at alam na alam niya ang mga gusto ko.
Uminom na ako ng tubig. Pinunasan ko ang mga labi ko gamit ang table napkin bago ako umayos nang pagkakaupo at muling tumunghay sa kanya.
Patuloy pa rin naman siya sa mabagal niyang pagkain.
"So, sabihin mo sa akin. Ano bang plano mo? Bakit mo ako dinala dito?" Nagsisimula na namang pumutok ang butsi ko pero pilit ko pa ring pinakakalma ang sarili ko.
Tumunghay din naman siya sa akin habang patuloy siya sa pagnguya. Inubos niya muna ang kinakain niya bago siya uminom ng tubig at pinunasan din ang mga labi niya gamit ang table napkin.
"Didn't I already tell you that? Do you want me to repeat it over and over again? Masarap sigurong marinig?"
Napansin ko ang munting ngiti na sumilay sa mga labi niya habang taimtim na nakatitig sa akin.
"f**k you," mahinang sagot ko sa kanya na siyang mas lalo niyang ikinangiti.
"f**k me, baby, whenever you want it. You're free to do that. You're only for me, Diana and I'm just for you."
Ako naman ngayon ang sarkastikong natawa sa mga sinabi niya.
"Mangarap ka lang, Dexter. Dahil sa ginawa mong ito sa akin, hindi na kita magawa pang ituring na matalik na kaibigan. Kinasusuklaman kita ng sobra-sobra."
"I never considered you a best friend, Diana. And I'm sure you won't marry Francis because you love him."
"Anong pinagsasasabi mo? Nababaliw ka na nga talaga!"
"I know, baby. The truth is, only your dreams are significant to you that you want to come true."
Napanganga akong bigla at napailing sa sinabi niyang 'yon.
"You want to be part of their happy and complete family, which I don't have. We can build our own family. We will have our own children--"
Napatayo na akong bigla sa sinabi niyang 'yon.
"Mag-isa ka! Nababaliw ka na, Dexter! Kailanman, hindi mo 'ko makukuha!"
Mabilis ko siyang tinalikuran at nagmartsa palabas ng dining room.
Hindi ko mapigilang masuka sa mga pinagsasasabi niya!
Kaming dalawa, magkakaroon ng mga anak? Magsi-s*x kaming dalawa?
No way! Mas mabuting patayin niya na lang ako!