Diana
Binitawan niya rin ako at nagtungo siya sa kanang bahagi ng silid na ito. Naaninag ko mula sa dilim ang pagsalang niya ng isang bala sa isang stereo system.
Hindi nagtagal ay pumailanlang ang malamyos na musika sa buong paligid.
I Wanna Grow Old with You by Westlife, na alam kong paborito niya simula pa noong mga bata pa lamang kami.
Humarap siya sa akin at muling lumapit habang ang mga mata niyang nananatiling malamlam ay nakatitig sa akin. Matapang ko namang sinalubong ang mga mata niya.
Hindi ko maintindihan kung bakit niya ginagawa ito? Hindi ako madadala sa mga paawa-effect niya at sa romantikong silid na ito na parang ang lagay, matapos niya akong ipadukot ay nakaisip pa siya ng letseng date na ito!
Ginawa niya lang kumplikado ang lahat!
"I want you to know that you're the only woman I want to be with until we grow old," aniya kasabay nang pagkuha niya sa mga kamay ko at inilagay sa dibdib niya.
Hindi ako sumagot at hinayaan lang siya.
"If we could just go back in time, 'yong wala pa ang lahat ng bagay na 'to. 'Yong wala pang ibang taong involve sa buhay natin... And our happiness is the only thing that matters to us while we're together."
Hinapit niya ang baywang ko palapit sa kanya at sinimulan niyang isabay ang mga katawan namin sa saliw ng musika.
Ngunit hindi ko magawang igalaw ng kusa ang sarili ko. Sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko. Nangangatog ang mga tuhod ko at halo-halo ang emosyong nararamdaman ko sa dibdib ko.
Gusto ko siyang kalmutin sa mukha. Gusto ko siyang pagsusuntukin sa tindi ng galit na nararamdaman ko para sa kanya sa mga sandaling 'to.
Hindi ko pa rin maisip kung bakit niya ginawa 'to!
Sinira niya ang lahat-lahat sa akin! Sinira niya ang kasal ko. Winasak niya ang puso ko, ang relasyon ko kay Francis, ang pagkakaibigan naming dalawa at higit sa lahat, ang buong tiwala ko sa kanya!
"Tigilan mo na ang kahibangan mong ito, Dexter," matigas kong sagot sa kanya kasabay nang pagdulas paibaba ng mga kamay ko mula sa dibdib niya. "Makasarili ka, alam mo ba 'yon? Kung talagang mahal mo 'ko, hahayaan mo akong sumaya sa taong mahal ko!"
Hindi ko na napigilan pa ang sumigaw sa harapan niya. Mahigpit kong pinigilan ang sarili kong saktan siya.
Huminto siya sa pagsayaw niya at inalis ang mga kamay niya sa baywang ko. Muling naging blangko ang kanyang mga mata at muling dumilim ang kanyang anyo habang nakatitig sa akin.
"At hindi sa akin?"
"Patayin mo na lang ako kaysa parusahan mo 'ko ng ganito!" Kaagad ko siyang tinalikuran at lumabas ng silid na iyon.
Nahirapan ako sa paglalakad dahil sa taas ng takong ng sapatos ko kaya't mabilis ko na lamang ang mga itong hinubad at itinapon na lamang basta sa sahig.
Tumakbo ako patungo sa sala at hinanap ang pinto palabas.
Kailangan kong makaalis sa lintik na lugar na ito. Marami akong nakikitang pinto at mga hallway sa buong paligid. Isa-isa ko ang mga itong tinungo ngunit lahat sila ay nakakandado.
"Dexter, palabasin mo 'ko dito!" sigaw ko na sa sobrang frustration.
Muli akong nanakbo palabas ng hallway. Natanaw ko naman siya sa kaliwang bahagi habang nakasandal sa isang pader at nakapamulsa na animo'y modelo sa kinatatayuan niya.
Bumalik na naman sa pagiging blangko ang hitsura niya at hindi ko malaman ang tumatakbo sa isipan niya.
"Palabasin mo na ako dito! Wala kang mapapala sa ginagawa mong 'to sa 'kin!" Halos lumabas na ang litid ko sa kasisigaw ngunit hindi ko man lang siya nakitaan ng kahit anong reaksiyon.
"You won't get anything even if you scream all night. You'll never be able to leave this place unless you'll be kind to me and do everything I want."
"SIRA-ULO! BALIW KA NA! Dapat ay ikaw ang makulong sa mental! Hindi gagawin ng isang matinong tao ang ikulong ang isang tulad ko na walang kalaban-laban sa 'yo!"
"Really? No one else should be blamed for this but you. Take her back to her room," utos niya habang nakatutok na ang paningin niya sa likuran ko.
Napalingon naman ako doon at sakto namang sumalubong sa akin ang dalawang lalaking naglalakihan ang mga katawan at sabay nilang hinawakan ang mga braso ko.
"Dexter, ano ba?! Bitawan niyo 'ko!" Nanlaban ako sa kanila at pilit na hinila ang mga braso ko mula sa pagkakahawak nila.
Ngunit mas lalo lamang humigpit ang pagkakahawak nila sa akin.
"Nasasaktan ako, Dexter! Bitawan niyo 'ko! Hayaan mo na akong umalis!" Hindi ko inihakbang ang mga paa ko at hinayaan na lamang na makaladkad nila ako. Ngunit umakyat sa kili-kili ko ang mga kamay nila at tuluyan na akong binuhat.
"Bitawan niyo 'ko, ano ba?! Dexter, parang awa mo na! Pakawalan niyo na ako! Maawa ka naman sa akin!" Ipinasok nila ako sa loob ng elevator at hindi ko man lang narinig ang sagot niya.
Pagharap namin sa pinto ay nakita kong nakasandal pa rin siya sa pader at walang emosyong nakatitig sa akin. Hanggang sa tuluyan nang magsara ang pinto ng elevator.
"Bitawan niyo 'ko! Mga hayop kayo!" Muli akong nagpipiglas sa dalawang lalaki.
Pinakawalan din naman nila ako habang umaandar na paitaas ang sinasakyan naming elevator.
Napasuksok na lamang ako sa sulok at napahagulgol sa sakit dahil sa ginagawa nilang ito sa akin. Ni hindi ko na makitaan ng awa sa mukha si Dexter na gaya ng dati.
Hindi ko akalaing sasaktan niya ako ng ganito! Sinira niya ang maganda ko na sanang buhay na pinapangarap ko! Alam naman niya kung gaano ko kamahal si Francis. Ang buong akala ko ay okay lang sa kanya, pero ano 'to?!
Masahol pa sa demonyo ang ginawang 'to sa akin! Hinding-hindi ko siya mapapatawad!
PAGBUKAS ng elevator ay mabilis na akong tumakbo palabas nang tinangka na naman akong hawakan ng mga lalaking ito na sunod-sunuran sa baliw nilang amo!
Mabilis akong pumasok sa hallway. Nadaanan ko ang ilang pinto ng silid pero sa pagkakatanda ko ay pangatlo sa kaliwa ang nilabasan kong silid kanina.
Mabilis kong binuksan ang pinto at pumasok sa loob. Kaagad ko rin itong isinara at ikinandado nang makita kong mabilis pa ring sumusunod sa akin ang dalawang lalaki.
Napahagulgol na lamang ako at napasandal sa pinto lalo na nang salubungin ako ng malamig at madilim na silid na ito. Nanghina ako ng sobra at napadausdos hanggang sa mapasalampak ako sa sahig.
Hindi ko matanggap ang ginawa niya sa aking ito. Kailanman ay hindi ko naisip na darating kami sa ganitong punto. Buong buhay ko ay ipinagkatiwala ko sa kanya pero tatraydurin niya lang pala ako!
Napasapo ako sa dibdib ko habang patuloy na namamalisbis ang mga luha ko sa pisngi.
"Francis, nasaan ka na? Hanapin mo 'ko. Kunin mo 'ko dito! Ayoko dito!"
Naghalo-halo na ang nararamdaman ko. Sakit at poot.
Para akong binagsakan bigla ng langit at lupa at hindi ko alam kung may pag-asa pa ba akong makaalis sa lugar na ito. Kung magbabago pa ba ang isip ni Dexter dahil sa tingin ko ay nawala na ang dati kong kaibigan na walang inisip sa akin noon kundi puro kabutihan ko lang at kasiyahan ko.
Nanikip ng sobra ang dibdib ko at hindi ako mahinto sa paghagulgol. Hinayaan ko na lamang ang sarili kong humiga sa malamig na sahig at yakapin ang sarili ko.
Ngayon ko lang ulit naramdaman ang mag-isa sa buhay ko. Ang dati kong kaibigan na palagi kong karamay sa lahat ng bagay, ngayon ay nagbagong bigla.
Hindi na siya si Dexter. Hindi na siya ang mabuti kong kaibigan at kababata.
"Francis, kailanga kita. Hanapin mo 'ko, pakiusap. Kunin mo 'ko dito... Francisss!!"
THIRD PERSON
Malakas na humagis ang isang baso ng alak sa pader mula sa kamay ni Dexter na lumikha ng malakas na ingay pagsabog ng mga bubog nito sa sahig.
Napasabunot siya sa buhok niya habang pinagmamasdan niya ang kalagayan ni Diana sa isa sa mga LED monitors na naririto sa loob ng silid niya.
Bawat sulok ng kanyang mansion ay pinalagyan niya ng CCTV kahit na ang loob ng banyo ng dalaga kaya naman malaya niyang napagmamasdan ang bawat galaw nito.
At hindi niya akalaing gano'n pala kasakit ang makitang sa madilim na buhay ng kababata niya at pinakamamahal niyang babae ay ibang lalaki ang tinatawag nito at hinihingan ng tulong.
Tulong upang umalis sa poder niya at lumayo sa kanya.