CHAPTER 6

2316 Words
BLESSY KAHIT naistorbo na ang tulog ko kagabi dahil sa panaginip kong iyon, ang aga ko pa ring nagising kinabukasan. Mabuti na lang din na maagap akong nagising. Nakakahiya naman sa mga Reyes kung magbubuhay-prinsesa ako rito. Kahit pa mabait sa amin sina Aurelio at Kuya Dux. At para hindi rin lalong uminit ang ulo ni Virgnia sa amin. Kaya dapat lang na tumulong ako sa mga gawain dito sa bahay. Sabagay, sanay naman na akong gumising nang maaga at magtrabaho. Kaya walang problema. Tulog pa si Heaven nang lumabas ako ng silid niya para pumunta naman sa kuwarto ko. Naligo ako at nagpalit ng damit. Agad akong lumabas at bumaba. Hindi ko alam kung ano ang unang gagawin sa second day ko rito sa mansion ng mga Reyes. Pero itatanong ko na lang sa mayordoma. Natigilan ako nang paglabas ko ng elevator ay nakita ko si Kuya Dux. Nasa sala siya at kausap ang mayordoma. Bigla akong kinabahan nang maalala ang panaginip ko kagabi. Napapikit ako. Ipinangako ko na nga pala sa aking sarili na kalimutan na iyon. Nang sa ganoon ay hindi ako magkaroon ng dahilan para mailang ako sa tuwing nagkikita kami. Tama nang mailang ka sa kaguwapuhan niya, Blessy. Huwag mo nang dagdagan pa. Huminga muna ako nang malalim bago ako lumapit sa kanila. “G-good morning po,” nakangiting bati ko sa kanila. Pansin ko naman ang pag-aliwalas ng mukha ni Kuya Dux nang makita niya ako. “Good morning, too. Ang aga mo yatang nagising. Wala ka bang jetlag?” Binati rin ako ng mayordoma na Tiya Cora ang pangalan. Mabait din siya sa akin at ‘senyorita’ pa ang tawag niya sa akin, gaya ng ibang katulong din. Sinabi ko na sa kanila kagabi pa na tawagin na lang nila ako sa pangalan ko pero hindi talaga sila pumayag. Magagalit daw si Aurelio dahil iyon ang utos sa kanila. Kundi ang ituring kami ni Heaven na mga amo rin nila. Ngumiti na lang ako kay Tiya Cora kahit medyo naiilang ako. Ang sosyal naman kasi ng ‘senyorita’. Parang sa mga teleserye lang na napapanood ko. Napatitig ako kay kuya. Hindi ko na naman napigilan ang aking sarili na humanga sa kaniya. Kahit simpleng T-shirt at jogging pants lang ang suot niya, ang guwapo niya pa rin. “Sanay po talaga akong gumising nang maaga, Kuya,” magalang na sagot ko. “At mas lalong hindi ako sanay na walang ginagawa pagkagising ko pa lang.” “Well, simula ngayon, kailangan mo na ring masanay na wala nang ibang iniintindi kundi ang sarili mo lang at si Heaven,” masuyong sabi ni Kuya Dux nang humarap siya sa akin. “Dahil marami tayong mga helper dito sa mansion na gagawa ng lahat para sa inyo.” Nakangiti na binalingan niya ang mayordoma. “Right, Tiya Cora?” Nakangiting tumango ang matanda. “Oo nga naman po, Senyorita Blessy. Sa sobrang dami namin dito, minsan nga nauubusan na kami ng gagawin. Mabuti na lang at dumating kayo ni Senyorita Heaven.” Pinagtulungan na nila akong dalawa. Mukhang hindi ako mananalo kung igigiit ko pa ang gusto ko. Kaya pumayag na ako nang yayain ako ni Kuya Dux na pumunta sa garden. Doon na raw namin hihintayin ang kape na ipinahanda niya kay Tiya Cora. “So, how’s your sleep? Nakatulog ka naman ba nang mahimbing?” tanong ni Kuya Dux nang makarating kami sa hardin. Ipinaghila pa niya ako ng outdoor chair bago siya umupo sa tabi ko. Pero naglaan naman siya ng pagitan, “Maganda naman ba ang panaginip mo?” Muntik na akong masamid ng aking sariling laway sa tanong niyang iyon. Maganda nga ba ang panaginip kong iyon? “O-opo, maayos naman ang tulog ko.” Hindi ko na lang sinagot ang huling tanong niya at baka madulas pa ako. “Magkatabi kasi kami ni Heaven dahil namamahay pa raw siya. Pupuntahan ko nga po sana kayo kagabi para sana sabihin na nag-good night sa’yo ang kapatid natin. Pero nagpapahinga na raw po kayo sabi ng katulong.” Ngumiti si Kuya. “Nakatulog nga ako nang maaga. Napagod siguro ako sa biyahe at medyo nalasing din ako sa dami ng nainom naming alak ni Daddy.” Tumaas ang dalawang kilay niya. “Hindi bale. Mamayang gabi, tayong dalawa na ang tatabi kay Heaven.” “H-ho?” Tama ba ang narinig ko? “Tatabihan natin si Heaven? As in, tayong dalawa?” “Why not?” He shrugged. “Kawawa naman ang kapatid nating iyon. Baka mahirapang matulog kung mag-isa lang siya. Ang sabi mo nga, namamahay siya. So, mas okay kung tayong dalawa ang tatabi sa kaniya para makatulog siya nang maayos.” “Pero hindi na po kailangan, Kuya. Kaya ko naman siyang patulugin nang mahimbing na ako lang. Sanay po kami sa bahay.” “Bakit ba ayaw mo?” nagtatakang tanong niya. “She’s my sister also. Gusto ko rin siyang tabihan sa pagtulog katulad noong maliit pa lang siya. For sure, na nami-miss na rin niya iyon.” “H-hindi naman po sa ayaw, Kuya. Naisip ko lang na siyempre, hindi kayo sanay matulog nang may katabi,” palusot ko. Nagbaba ako ng tingin bago pa niya mahalata na ang totoo, ngayon pa lang ay kabado bente na ako sa ideya niyang iyon. Tumikhim siya. “At sino naman ang nagsabi sa’yo na hindi ako sanay matulog nang may katabi?” Mabilis akong napatingin sa kaniya nang mahimigan ko ng panunudyo ang boses niya. At hayun na naman ang mga titig niya nagdudulot sa akin ng pagkailang na pakiramdam. “Gaya nga nang sinabi ko kanina, dati ko nang tinatabihan sa pagtulog si Heaven noong baby pa lang siya kapag umaalis sina Daddy at Tita Juana,” giit pa niya. Nang tila makabawi sa mga titig ni Kuya ay saka lang ako nakapagsalita uli. “Sige po. Kayo ang bahala,” sa huli ay pagsang-ayon ko rin. “Basta inunahan ko na po kayo. Walang kasing likot matulog ang kapatid nating iyon. Daig pa ang kabayo kung makasipa.” Napatawa naman si Kuya Dux. “It’s okay. Malikot din naman ako. Ikaw na lang ang mag-adjust.” Natawa na rin ako. “Kawawa pala ako mamayang gabi.” Siniko niya ako. “Don’t worry. Ako ang bahala sa’yo.” Napalunok ako nang lingunin ko siya at nahuli ko ang pagkindat niya. Ano ang ibig sabihin ng isang ito? Bago pa man ako makasagot ay dumating na ang isa sa mga katulong na inutusan daw ni Tiya Cora para maghatid ng kape namin ni Kuya Dux. Nagpasalamat naman ako kahit medyo nahihiya pa ako dahil hindi ako sanay na pinagsisilbihan. BLESSY “KAYA ayun po, hindi na ako natuloy sa pagka-college. Kailangan ko kasing magtrabaho para mabuhay kami ni Heaven at matustusan ko ang pag-aaral niya,” pagkukuwento ko kay Kuya Dux nang tanungin niya ako tungkol sa naging buhay naming magkapatid pagkatapos naming maulila kay Mama. “Wala bang naiwan na pera ang Mama mo?” nagtatakang tanong sa akin ni Kuya. Gayon man ay hindi pa rin nawawala ang nakapaskil na awa sa kaniyang mukha habang pinapakinggan niya ang kuwento ko. Malungkot na umiling ako. “Wala po. Hindi naman gano’n kalaki ang kinikita niya noon sa pag-extra-extra ng kung ano-anong trabaho.” “Hindi ko alam kung tama ba na itanong ko ito. Pero sa pagkakaalam ko kasi, pinapadalhan siya noon ng pera ni Dad para panggastos nila ni Heaven. At sa pagkakaalam ko rin, malaking halaga iyon at monthly pa. Saan niya pala dinala ang perang iyon kung nagtrabaho pa rin siya?” Nagtataka rin na nilingon ko si Kuya Dux. “Pinapadalhan ng Daddy mo si Mama noon? Wala naman po siyang nabanggit sa akin. Palagi nga po siyang walang pera noon, eh. Ang alam ko lang, galit na galit siya sa Daddy mo.” Napahugot siya ng malalim na hininga. “Sorry pero hindi ko masabi sa’yo kung bakit sila nagkagalit at naghiwalay ni Dad. Wala ako sa posisyon para magsabi. And besides, teenager pa lang ako that time at nasa malayo. Hindi ako sigurado sa mga nangyayari dito. Ang alam ko lang, kahit naghiwalay na sila noon, hindi pa rin tumigil si Dad sa pagsustento kay Heaven. Gusto ko nga sanang hanapin noon ang kapatid natin. But Dad stopped me. Baka lalo lang daw magalit ang Mama mo at itago si Heaven.” Nababalot ng lungkot ang mukha na nilingon niya ako. “I’m sorry, Bless. Kung alam ko lang na gano’n kahirap ang buhay n’yo noon, sana nag-insist ako kay Dad na hanapin si Heaven. Kung nalaman lang din sana namin agad na patay na pala si Tita Juana…” Hindi agad ako nakapagsalita. Pinakinggan ko lang si Kuya Dux. Ngunit hindi ko maitatanggi ang sinseridad niya sa lahat ng sinasabi niya, lalo na sa parteng paghingi niya ng tawad. Nakikita ko iyon sa magagandang pares ng mata niya. At nararadaman din ng puso ko na totoo siya sa mga sinasabi niya. “Hindi mo naman po kasalanan, Kuya Dux.” Kapagkuwan ay nginitian ko siya. “Ang sabi mo nga, mga bata pa lang tayo nang mangyari iyon sa mga magulang natin. Wala pa tayong masiyadong alam.” Pero sa likod ng isip ko ay patuloy ang katanungan na kung totoo man ang sinasabi ni Kuya na hindi tumigil sa pagsustento kay Heaven ang Daddy niya, saan pala dinala ni Mama Juana ang perang iyon? Tapos malaking halaga at monthly pa. Ang natatandaan ko lang noon, tuwing katapusan ng buwan, umaalis siya at pumupunta sa bayan. Pero wala naman siyang maraming dala na mga pagkain pagkauwi niya. Napansin ko rin noon na palaging wala sa mood si Mama pagkagaling niya sa bayan. Imposible rin na ipinangsugal niya iyon. Dahil kahit minsan, never nagkaroon ng interes sa sugal ang mama ko. “Bakit hindi mo ituloy ang pag-aaral sa college?” untag sa akin ni Kuya Dux. Nakatingin pala siya sa akin habang sumisimsim ng kape niya. “Sayang kasi at bata ka pa naman.” Mapait akong napangiti. “At saan naman po ako kukuha ng pampaaral sa sarili ko, Kuya?” mahinang tanong ko rin. “Gustong-gusto ko talagang makapagtapos at maging isang teacher balang araw. Pero mas importante na lang sa’kin ngayon ang mabigyan ng magandang kinabukasan si Heaven.” Pinagmasdan niya ako sandali. “Ako ang magpapaaral sa’yo, Bless.” “H-ho?” Napakurap-kurap ako sa harapan niya. Seryoso ba siya? “B-bakit n’yo naman po ako pag-aaralin, Kuya? Eh, hindi mo naman ako obligasyon.” He shrugged. “Nanghihinayang lang kasi ako sa’yo. Ang bata mo pa. Marami pang magagandang opportunity ang puwedeng dumating sa’yo.” Parang sumaya bigla ang puso ko sa kaalaman na concern siya sa future ko. Gayon man ay hindi pa rin ako papayag. “Salamat na lang po, Kuya. Pero sobrang nakakahiya na. Pinayagan n’yo na nga ako na makitira dito kasama ang kapatid ko. Abusado na po ako masiyado kung pati ang pag-aaral ko ay gagastusan n’yo pa. Eh, hindi n’yo naman ako kaano-ano.” “Why not?” Amused na binalingan niya ako. “Marami nga akong mga scholar na hindi ko rin kaano-ano, eh. Bakit hindi ko pag-aralin ang kapatid ng little sister ko? Ang sabi nga ni Dad, anak na ang turing niya sa’yo. For sure na gano’n din ang iaalok niya sa’yo sa mga susunod na araw. Inunahan ko lang siya.” Napatitig ako kay kuya pero hindi ako nakasagot. Nahihiya talaga ako. “Ganito na lang, para hindi mo isipin na ako ang gumagastos sa pag-aaral mo, isipin mo na lang na isa ka sa mga scholar ko as mayor sa bayang ito. At ang pamahalaan ang talagang nagpapaaral sa’yo,” giit niya. Siguro nakikita niya na alangan pa rin ako. “Gusto lang talaga kitang tulungan na maabot ang mga pangarap mo, Bless.” Bakit ba ang bait ng taong ito? Lalo tuloy siyang naging guwapo sa paningin ko. Pero naisip ko na tama naman siya. Puwede akong maging scholar niya. Sayang naman kung palalagpasin ko ang magandang opportunity na ito. Alam ng Diyos kung gaano ko kagustong maging teacher. At saka, hindi ko na rin naman na poproblemahin ang pag-aaral ni Heaven dahil siguradong ang Daddy na niya ang bahala roon. Tumango ako pagkalipas ng ilang sandali. “S-sige po, Kuya Dux. Payag na po ako na maging scholar mo.” Gumuhit ang matamis na ngiti sa mga labi niya. “Good.” DUX “HINDI ka ba pupunta sa munisipyo, hijo?” nagtatakang tanong ni Daddy nang magkasabay kami sa elevator at hindi pa ako bihis. Mag-aalas otso na kasi. Sanay siya na maaga akong pumapasok sa opisina. “Papasok po, Dad. In fact, aalis din agad ako pagkaligo ko.” “Himala yata na tinanghali ka,” biro niya sa akin. I laughed softly. “Napasarap lang po ang paghigop ko ng kape,” ganting biro ko. Hindi ko lang masabi sa kaniya na kaya ako tinanghali ng pag-asikaso dahil nalibang ako sa pakikipagkuwentuhan sa bagong kapatid ko. Si Blessy. “By the way, hijo,” untag sa akin ni Daddy bago bumukas ang elevator. “Gusto ko na paghandaan mo ang pagpapakilala ko kina Heaven at Blessy sa mga tao. Kailangang malaman ng lahat na mga kapatid mo sila. Nang sa gano’n, walang magtatangka na guluhin sila. Ayaw ko rin na pagtakhan nila kung sino ba ang mga kapatid mong iyon kapag isinama natin sila sa mga darating na event." Although natuwa ako sa magandang pagtrato ni Daddy kahit kay Blessy, may parte ng puso ko ang tumatanggi sa gusto niyang mangyari. Hindi ko maintindihan kung bakit tumututol ako sa ideya niya na ituring ko si Blessy na parang tunay kong kapatid. Siguro dahil unang kita ko pa lang sa kaniya ay humanga na ako. Paghanga na alam kong hindi bilang isang kapatid lang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD