CHAPTER 1
BLESSY
RAMDAM ko ang pagod sa aking katawan nang dumating ako sa bahay. Maghapon kasi akong nag-ani ng palay sa lupain ng mayamang kamag-anak ko. Bigas ang kapalit niyon at hindi pera. Pero malaking tulong na rin para sa amin ng kapatid kong si Heaven. Kaming dalawa na lang ang magkasama sa buhay at ako ang kumakayod para patuloy kaming mabuhay. At mapagtapos ko siya ng pag-aaral.
Bata pa lang ako nang mamatay ang aking ama. Eight years old naman nang mag-asawa uli si Mama Juana. Iniwan niya ako sa aking tiyahin dito sa Cebu at sumama siya sa bagong asawa niya sa Bulacan, kung saan ay mayor daw ito doon. Ayaw kasi sa akin ng bagong asawa ni Mama dahil hindi naman daw niya ako anak. Masakit man, pero ipinagpalit niya ako sa bagong asawa niya.
Simula noon ay naputol na ang komunikasyon naming mag-ina.
Bumalik lang siya nang mag-thirteen years old na ako. Kasama na niya ang half-sister ko na si Heaven. Pinagpalit daw si Mama ng bagong asawa niya sa mas bata at mas mayaman. Gayon man ay buong puso ko pa rin siyang tinanggap, pati na rin ang kapatid ko, sa kabila ng paghihinampo ko sa kaniya.
Pinutol ko na ang pagdaloy ng aking nakaraan sa isip ko bago pa man ako maluha. Masiyado akong emosyonal pagdating sa nakaraan ko.
“Ate, gusto mo po bang maghain na ako ng hapunan natin?” tanong sa akin ni Heaven nang sumalubong siya sa akin sa tarangkahan ng aming bahay-kubo.
Nagtataka na tiningnan ko siya. “H-ha? Pero wala pa tayong sinaing, beh. Sorry kung ginabi si Ate. Kailangan na daw kasi naming tapusin ang pag-aani ng palay at may parating na bagyo.”
“Nagsaing na po ako at nagprito ng tuyo, ate.”
Napangiti ako sa aking narinig. “Ang bait naman talaga ng bebe na ‘yan. Cute na, masipag pa. Kaya masuwerte sa’yo si Ate, eh,” wika ko sabay gusot ng kaniyang buhok.
Maaga man kaming naulila dahil halos kasunod lang ni Mama na namatay ang aking tiyahin na nag-alaga sa amin, masaya at maayos pa rin ang buhay namin ni Heaven. Kahit pa nga kinailangan kong ihinto ang pag-aaral sa college para mabuhay lang kami at mapag-aral ang kapatid ko. Inabandona na rin kasi siya ng kaniyang ama. Kabilin-bilinan din sa akin ni Mama na huwag kaming lumapit doon kahit na ano man ang mangyari. Pero may mga oras na nababanggit sa akin ni Heaven na nami-miss na raw niya ang Daddy niya.
Dati akong nagtrabaho bilang isang fast-food crew sa bayan. Pero nang matapos ang contract ko, kung ano-anong trabaho na lang ang pinasok ko basta malapit lang sa amin. Malayo din kasi sa bayan itong bahay namin. Madalas akong ginagabi. Natatakot ako na iwanang mag-isa si Heaven. Wala pa naman kaming katabing bahay.
“Ako po ang totoong masuwerte sa’yo, ate. Kasi hindi mo ako pinapabayaan.” Nagulat ako nang bigla na lang niya akong niyakap. “Kaya promise ko po sa’yo, hindi rin kita pababayaan kapag lumaki na ako at yumaman. Kahit matanda ka na, aalagaan pa rin kita. Isasama kita kahit saan man ako magpunta, ate.”
Naramdaman ko ang pag-iinit ng bawat sulok ng aking mga mata sa narinig ko mula kay Heaven. Ito ang dahilan kung bakit mahal na mahal ko siya kahit hindi kami iisa ng ama.
“Ang galing mo na palang magluto, beh. Pero huwag mo na itong ulitin, ha? Hintayin mo si Ate. Baka kasi mapaso ka o kaya ay masunog itong bahay-kubo natin,” paalala ko sa kaniya habang pinagsasaluhan na namin ang isang bandehadong kanin at ilang piraso ng tuyong isda.
BLESSY
NAGSALUBONG ang mga kilay ko nang matanaw ko ang nakaparada na kotse sa tapat ng aming bahay-kubo. At mula rito sa taniman ng mga gulay, nakita ko ang pagbaba ng isang matangkad na lalaki nang bumukas ang pinto niyon. Nakasuot siya ng itim na jacket at maong na pantalon. Nakatalikod siya sa akin kaya hindi ko siya namukhaan.
Nagmadali ako sa paglalakad nang makita ko siya na naglakad papunta sa bahay-kubo namin.
“Sir!” agad ko siyang tinawag para pigilan. “Magandang hapon po. Sino po sila at ano po ang kailangan?” magalang kong tanong nang makarating na ako sa likuran niya.
Huminto siya sa paghakbang at dahan-dahan na lumingon sa akin.
Umawang ang aking bibig nang makita ko ang hitsura niya. Sa tantiya ko, mas matanda lang siya sa akin ng mga apat o limang taon. Pero ang guwapo niya. He oozed with s*x appeal. Lalo na nang magtanggal siya ng sunglasses.
“Good afternoon din.” Napakurap-kurap ako nang marinig ko ang baritong boses niya. Hindi siya ngumingiti pero likas na mapungay ang mga mata niya. Makakapal at maaayos ang kilay. Bagay na bagay ang matangos niyang ilong sa mga labi niyang natural na namumula.
Bumuka ang mga labi ko pero walang lumabas na boses sa lalamunan ko.
“Dito ba nakatira si Heaven Reyes?”
Nang marinig ko ang pangalan ng aking kapatid ay saka lang ako tila natauhan. “B-bakit n’yo po hinahanap ang kapatid ko? Sino ka ba at ano ang kailangan mo sa kaniya?"
“I am Daxton Reyes. ‘Mayor Dux’ for short,” pagpapakilala niya, sabay lahad ng kaniyang kamay sa harapan ko.
Natigilan na naman ako at lalo pang kumunot ang noo ko. Hindi ako pamilyar sa buong pangalan niya maliban sa magkaapelyido sila ni Heaven. At ‘mayor’ daw siya. Hindi kaya siya ang daddy ng kapatid ko? Medyo hawig din kasi silang dalawa. Lalo na pagdating sa mga mata.
Ni minsan kasi hindi ko pa nakikita ang hitsura ng bagong asawa ni Mama. Pati ang pamilya nito. Pero hindi ko naman akalain na ganito pala kabata at kaguwapo ang sinamahan niya noon sa Bulacan. Halos kalahati lang yata ng edad niya ang edad ng lalaking ito.
Napatitig ako sa mukha ng nagpakilalang ‘Mayor Dux’. Sobrang bata pa talaga niya para maging asawa ni Mama at ama ni Heaven. Kung tama man ang hula ko na nasa twenty-two hanggang twenty-three years old lang siya, imposibleng maging mayor na siya. Kung susumahing mabuti, disiotso pa lang siya noong nagpakasal sila ni Mama.
“Miss.” Tumikhim ang lalaki. Napasinghap ako nang mahuli ko siyang nakatingin sa akin. “Tinatanong ko kung dito ba nakatira si Heaven Reyes.”
Baka naman mali lang ako sa pagtantiya sa edad niya. Baka mukhang bata lang siyang tingnan. Gayon man, kailangan niyang malaman na hindi na siya welcome sa buhay ng kapatid ko.
“Bakit? Ano ang kailangan mo sa anak mo?” malamig ang boses na tanong ko sa kaniya.
Bumuka-sara ang bibig niya, “W-what—"
Sa pagkakataong ito ay natawa ako sa reaksiyon niya. Bakit parang hindi niya matanggap ang sinabi ko? Nagkamali ba ako ng hula?