BLESSY
GISING na si Heaven nang balikan ko siya sa kaniyang silid pagkatapos naming magkape ni Kuya Dux. Sinamahan ko siyang mag-almusal pagkatapos kaming ipaghain ng mga katulong.
Habang kumakain ay napatingin ako sa bumukas na elevator. Napasinghap ako nang makita ko si kuya na lumabas mula roon. Nakasuot siya ng dress pants at blue dress shirt sa pang-itaas. Nakasampay naman sa kaniyang balikat ang isang sport coat. Feeling ko, nalunok ko sandali ang aking dila. Bagay na bagay talaga sa kaniya kahit ano man ang suot niya.
May ganito pala kaguwapong nilalang, ‘no?
“Good morning po, Kuya Dux!”
Napakurap-kurap ako nang marinig ko ang matinis na boses ni Heaven. Nang tingnan ko siya, nakita ko na nakatayo na pala siya at sinalubong niya ang kapatid niya. Yumakap siya rito na agad namang ginantihan ni Kuya Dux.
“Good morning too, little sis. Gising ka na pala.” Nakangiti na ginulo ni Kuya ang buhok ng kapatid namin. “Kumusta naman ang tulog mo? Okay naman ba? Balita ko, nagpasama ka raw kay Ate Blessy mo dahil namamahay ka pa.” Bahagya niya akong sinulyapan.
“Opo, Kuya. Sanay po kasi talaga ako na katabi sa pagtulog si Ate.”
“It’s okay. Normal naman talaga iyon. Lalo pa at ang tagal mong nawala dito. Tapos baby ka pa that time,” Hindi pa rin nawawala ang ngiti na sinapo ni Kuya ang pisngi ni Heaven. “Gusto mo, samahan din kita mamayang gabi, eh.”
“Wow! Talaga po, Kuya?” nanlalaki ang mga mata na bulalas ng aming kapatid habang nakatingala kay kuya. “Sa kuwarto ko rin po ikaw matutulog?”
“Oo. In fact, may usapan na kami ng Ate Blessy mo.”
Bahagyang napaangat sa upuan ang aking puwet nang sulyapan na naman ako ni Kuya Dux. Sa pagkakataong ito ay ramdam ko ang matiim niyang titig sa akin na pilit ko na lang binabalewala. Inisip ko na lang na baka hinihingi lang niya ang pagsang-ayon ko sa kaniyang sinabi. “O-oo nga, beh. Kaming dalawa ni Kuya Dux ang sasama sa’yo mamayang gabi,” medyo nabubulol na sabi ko kay Heaven nang ilipat ko ang aking tingin sa kaniya.
Kinakabahan pa rin talaga ako sa tuwing naiisip ko na mamayang gabi ay makakasama ko sa iisang silid ang kuya namin. At posibleng pati sa iisang kama.
My gaaaad! Ano na lang kapag natuklasan ni Kuya na tulo laway ako kapag napahimbing ng tulog?
“Yehey! Excited na po tuloy akong matulog mamayang gabi,” tuwang-tuwa na sabi pa ni Heaven na ikinatawa lang namin ni Kuya Dux.
“Sige na. Tapusin mo na ang breakfast mo.” Malambing na hinaplos ni Kuya ang buhok ng aming nakababatang kapatid. “Kumain nang marami, ha? Huwag magpakagutom. At huwag mahiyang magsabi ng kahit anong gusto n’yong kainin. Feel at home,” dagdag pa ni Kuya at sa akin na pala siya nakatitig.
“Opo, Kuya!” masiglang-masigla pa rin na bumalik na sa hapagkainan si Heaven.
Sumunod naman sa kaniya si Kuya. Lalo akong hindi mapakali sa aking inuupuan nang makalapit siya. “K-kain po muna kayo…” alok ko sa kaniya para bawasan ang pagkailang ko.
“Sa office na ako kakain. Kailangan ko kasing pumasok nang maaga,” sagot niya. “Pero thanks…” at saka niya ako nginitian.
Natigilan ako sa pagsubo ng kanin nang makita ko na tinuruan niya si Heaven kung paano ang tamang paghiwa ng karne gamit ang table knife. Napansin niya marahil na hinawakan at kinagat na lang ng kapatid namin ang karne para maputol dahil medyo may kalakihan.
“Just hold it with your dominant hand. I mean, kung anong kamay ang mas sanay kang gamitin,” mahinahong turo niya kay Heaven. Nakatingin lang din sa ako kanila at lihim na sinusundan ang itinuturo niya... “Then put your forefinger sa ibabaw ng blade para sa stability. Pagkatapos ay saka mo hiwain nang ganito…”
Hindi ko namalayan na ginagaya ko na pala ang itinuturo ni Kuya Dux kay Heaven. Aminado ako na hindi rin ako masiyadong marunong sa paggamit ng table knife. Pinagtitiyagaan kong hiwain ng tinidor ang karne. Minsan din ay kinakagat ko na lang o nilulunok agad kahit hindi pa gaanong nadurog kapag matigas talaga. Sabay inom na lang ng tubig kapag nabulunan.
Hindi ko naman ikinakahiya na wala kaming masiyadong alam sa table etiquette. Hindi naman kasi iyon importante sa mga mahihirap na gaya namin. Basta marunong gumamit ng kutsara at tinidor ay okay na. At higit sa lahat, mas importane na may makain. Minsan nga nakakamay na lang para mas mabilis.
“That’s it…” naaaliw na wika ni Kuya Dux nang makita niya na nakuha ko agad ang itinuro niya kay Heaven. Lalo siyang natuwa nang makitang agad din itong natutunan ng aming kapatid. “I’m sure na mabilis n’yo lang matututunan ang lahat ng ito.”
Napangiti ako. Kung magsalita kasi siya, para bang tiwalang-tiwala talaga siya sa amin ni Heaven. Natutuwa rin ako dahil kahit busy siyang tao, naglaan talaga siya ng oras para ituro sa amin ang ganitong simpleng bagay.
Tinuruan din ni Kuya Dux ang kapatid namin ng tamang pag-inom ng tubig at kung saan dapat nakalagay ang baso. Tahimik ko lang silang sinusundan. Mayamaya ay kinuha ko ang table napkin at pinunasan ang aking bibig nang maramdaman ko ang pagmamantika nito. Pagkatapos ay saka ko ipinatong sa lamesa ang table napkin.
Nagulat ako nang bigla na lang may kumuha ng table napkin na ipinatong ko sa lamesa. Para na naman akong sira na napatanga nang sa pag-angat ko ng tingin ay nakita ko ang makinis na mukha ni Kuya Dux. Hindi ko naman napigilan ang biglang pagbilis ng tib*k ng puso ko. Kung bakit kasi nagkamali pa ako ng tingin sa namumula-mula niyang mga labi.
“Hindi mo dapat ipinapatong ang table napkin sa lamesa habang kumakain pa. Ang ibig sabihin kasi niyon, tapos na ang meal,” turo sa akin ni Kuya. Hindi naman siya mukhang nagmamayabang kaya hindi ako nakaramdam ng panliliit sa sarili. “Sa lap mo dapat inilalagay ito hangga’t hindi ka pa tapos,” dagdag pa niya. Nagulat ako lalo nang basta na lang niyang ipinatong at inayos sa aking kandungan ang table napkin.
Hindi ko naman maramdaman na nananantsing lang siya dahil puno ng pag-iingat ang bawat kilos niya. Na para bang iniiwasang masagi ang hindi dapat na masagi ng kaniyang kamay sa aking katawan. Ganito ka-gentleman ang kuya ko.
Napaangat ako ng tingin sa kaniya. “Thank you po, Kuya. At pasensiya na rin po kung naaabala ka pa namin dahil dito. Hindi bale po, sisikapin nami na matutunan agad ang dapat naming matutuunan.” Nakangiti na sinulyapan ko si Heaven. “’Di ba, beh?”
“Oo nga po, Kuya Dux. Promise po ‘yon! Para naman hindi po kayo mapahiya sa amin.”
“At bakit ko naman kayo ikakahiya?” takang tanong ni Kuya habang palipat-lipat ang tingin niya sa amin ni Heaven. “Tinuturuan ko kayo hindi dahil ikinakahiya ko kayo kundi para hindi n’yo maramdaman na na-a-out-of-place kayo sa mga darating na okasyon kung saan ay dumadalo ang pamilya natin. Basta palagi ninyong tatandaan na hindi ikinakahiya ang pagiging mahirap. Okay?”
Natural na napahanga na naman ako sa kaniya. Super bait niya talaga! Kaya hindi na nakapagtataka kung bakit nanalo siyang mayor kahit batang-bata pa.
Kapagkuwan ay napatingin siya sa suot na relo. “Paano ba ‘yan, maiwan ko muna kayo, ha?” paalam niya at sa akin tumingin. “Kailangan ko na kasing pumasok sa munisipyo.”
“Okay lang po, Kuya. Ingat po kayo,” ako ang sumagot.
Si Heaven naman ay tumayo at lumapit sa kaniya para mag-good bye kiss.
“Until now, ang sweet pa rin talaga ng little sister ko,” naaaliw niyang sabi bago hinagkan sa noo ang kapatid namin. Hindi ko alam kung bakit bigla akong kinabahan nang lingunin niya ako. “Ikaw, Blessy… hindi ka ba mag-go-good bye kiss kay Kuya?”
Ramdam ko naman ang pagbibiro sa boses ni Kuya Dux. Pero nag-blush pa rin ako. Lalo at ginatungan pa ito Heaven.
“Oo nga naman po, Ate Blessy. ‘Di ba ang sabi mo sa akin, dapat nagki-kiss muna ang magkapatid bago umalis ng bahay?” Totoo naman talaga na itinuro ko iyon sa kaniya. Kaya nga sanay siya nagki-kiss muna sa akin kapag umaalis ng bahay. At ganoon din ako sa kaniya.
Siguro ganoon din ang akala niya kay Kuya Dux porke’t nagku-kuya ako rito. Paano ko ba ipapaliwanag sa murang isip ng kapatid ko na magkaiba ang sitwasyon namin?
Mabuti na lang at agad namang binawi ni Kuya Dux ang biro niyang iyon.
“Joke lang,” sabi niya sa akin. Pero hindi ko alam kung para saan ang pagngisi niya bago siya tuluyang nagpaalam sa amin ni Heaven.
Daig ko pa ang animo’y nauubusan ng lakas nang mapasandal ako sa upuan. Saka lang ako nakahinga nang maayos. Napahawak pa ako sa aking dibdib na kay lakas ng t***k habang inihahatid ko ng tanaw si Kuya Dux na papalabas ng bahay.
Hindi ko inaasahan naa kakabahan ako nang ganito kahit simpleng biro lang naman niya iyon. Sigurado ako na wala iyong ibang ibig sabihin kay Kuya.