Nakangiti ako habang tinitingnan pa nila ako at hindi inaalis ang ngiti hangga't hindi ko pa sila tuluyang tinalikuran.
Kinakailangan ko na ring magmadali dahil hindi pa ako nakakaligo.
Kahit pagod ako, kailangan ko pa ring umuwi sa bahay para maglinis ng aking katawan at makapagbihis ng damit na naaayon sa aking pupuntahan.
Nang makarating ako sa lugar namin, lalo pa akong natagalan dahil sa dami ng mga human CCTV sa lugar namin.
Nakita kasi nila kami na sinugod si Tiyang Lala sa hospital.
Pero ni isa ay wala man lang tumulong kay Potcholo para buhatin si Tiyang Lala.
Kaya naiinis ako dahil kumwaring meron itong malasakit sa amin kahit wala naman talaga.
Alam ko naman na gusto lang nilang malaman ang kalagayni Tiyang para may pulutan sila sa tsismis nila.
"Dahlia, kumusta ang Tiyang mo? Ayos lang ba siya."
"Ayos lang naman at humihinga pa," walang gana kong sagot at iyon lang ang paulit-ulit kong sagot sa tuwing may sumasalubong sa akin ng tanong.
Sa sobrang tsismosa nila, pakiramdam ko para na akong artista. Ang daming reporter na gustong makalagap ng balita.
Hiningal tuloy ako nang makapasok ako sa bahay.
Limang minuto akong nagpahinga sa bahay at kinalma muna ang aking sarili.
Gusto kong ibalik sa tamang pag-iisip ang utak ko dahil para akong nabubo sa nalaman ko kanina.
Nag-aalala ako sa sakit ng Tiyang Lala ko. Kailangan ko ng magaling na Doctor para ma-operahan siya at kahit malaki ang babayaran, gagawan ko ng paraan.
Nilinis ko ang mga kalat na naiwan namin kanina bago nagpunta ng hospital at nagluto rin ako ng hapunan ko.
Kahit walang gana ay kumain ako ng hapunan. Parang hindi ko nga nalalasahan ang pagkain. Pero tuloy pa rin sa pagsubo at buong gabi akong kakayod. Kailangan ko nang sapat na lakas.
Matapos kong gumayak ay dumiretso na ako sa Seductress club.
Akala ko pwede na akong tumigil sa trabaho ko ngayon pero hindi pa pala.
Pero hindi na bale dahil para naman ito sa pamilya ko.
Ngayon, habang kinakausap ko ang isang customer na panay request sa boss ko na i-table ako ay may nakita akong isang grupo ng mga kalalakihan na parang mga modelo.
Ang gagwapo-gwapo nilang lahat. Sandali kong nakalimutan ang aking problema.
Ang lakas talaga ng dating nila. Sila iyong mga tipo ng mga lalaki na hindi mo kayang labanan ang karisma.
Mapapalingon ka talaga at hindi mo magagawang balewalain.
Sa totoo lang ay mga gwapo naman talaga ang lahat ng nagpupunta rito.
Kahit iyong may mga edad na customer ay halatang may itsura noong kabataan nila.
Kaya lang ay hindi ko pa rin sila type.
Pakiramdam ko kasi ay hindi ko na kayang humanga pa sa mga gwapong lalaki gaya ng paghangang nararamdaman ko noon kay Jomar.
"Shena?" Tawag sa akin ng customer ko. Ngaying gabi ay ako muna si Shena.
"Ha? Ah... sorry may sinasabi ka?" nahihiya kong tanong dahil nahuli niya akong wala ang atensyon ko sa kaniya.
"Kanina ka pa kasi wala sa sarili mo. May problema ba?"
"Problema? Nako ang dami kong problema pero huwag mo na lang tanungin at baka abutin tayo ng isang linggo," tugon ko na dinaan ko lang sa biro.
"Baka may maitulong ako?" seryoso niyang tanong sa akin.
Tiningnan ko siya habang nakataas ang kaliwa kong kilay. Pinag-aaralan ang ekspresyon sa kaniyang mukha.
Alam ko naman ang ganitong mga linyahan. Kunwari gusto nilang tumulong pero may iba naman pala talagang motibo.
"Nako, Sir 'wag na po. Kaya ko na po 'yon," diretsaha kong sagot at tumanggi nang mabilis pa sa ipo-ipo.
Alam ko naman na alam ng lalaking 'to na pera ang pinoproblema ko ngayon. Ano pa nga bang iba?
Mangungulit pa sana ito sa akin pero tumanggi ako sa abot ng aking makakaya.
Pagtatrabahuan ko na lang kaysa magkaroon pa ako ng utang na loob sa iba.
Patay pa ako kung sakaling may asawa ito at wala akong balak na gawin niya akong kabit.
Kapag nagkataon ay baka makulong pa ako ng wala sa oras. E 'di tapos ako!
"Pera ba?" Pangungulit nito sa akin.
"Wala," tipid kong sagot habang nawawalan na ng ganang nakikipag-usap pa sa lalaki.
Nakikinig lang ako sa alok ng lalaki at nalaman ko na biyudo pala ito. Pero hindi niya ako maloloko, byudo pero buhay na buhay ang makintab nitong singsing na suot pa rin sa palasingsingan na daliri. Mukhang bagong-bago pa nga.
Ang bata rin nito para mabiyudo kaagad.
Hindi ko na lang ito kinontra at hinayaan ko na lang ang lalaki na biyudo kuno na magpatuloy sa kaniyang kasinungalian.
Nakinig lang ako nang bigla na lang mapako ang paningin ko sa lalaking nakakatakam, nakakatulo laway habang hawak nito ang cellphone.
May tinatawagan ito at hindi ko alam kung bakit hindi ko maalis ang tingin ko sa kaniya.
First time kong nakaramdam ng instant connection sa isang tao.
Para bang may nakita akong mga fireworks habang pinagmamasdan ko siya.
Bigla na lang tumahimik ang mainggay na club at nagso-slow motion ang lahat na para bang hindi na mahalaga ang nakikita ko sa aking paligid.
Tumaas ang aking enerhiya pero bigla ring bumagsak nang makita kong kumikinang ang mga mata niya para sa isang babae.
Hindi ko alam kung bakit ako nadidismaya?
Sinundan ko nang tingin ang tinititigan niya at kumikinang ito sa babaeng nasa gitna mismo ng stage.
Napabuntong hininga na lang ako dahil nangarap na naman ako ng langit.
Ang isang lupa ay hindi kailanman makakalipad ng langit.
Kahit gwapo siya alam kong hindi siya mapapasaakin.
Ngumiti ako ng alanganin at mukhang may gusto na siyang babae at ang mismong star of the night pa ngayon na, si Nena.
Base sa nakikita kong kislap sa kaniyang mga mata ay para siyang nalulunod sa ganda ng babae.
Tinitigan ko ito at masasabing kong para siyang anghel. Napakainosente rin nitong tingnan.
Kanina lang nang ipakilala siya sa akin ni Mama Lj at ako rin mismo ang nagturo sa kaniya kung ano ang dapat niyang gawin.
Mukhang magkakaroon ng tadhana si Nena dahil sa Club.
Sana lang ay mahanap nga niya ang swerte niya rito dahil halata namang napipilitan lang siya sa trabaho niya.
Hangang-hanga ang binatang gwapo sa kasama ko at halos luhuran na niya ito sa papuri.
Sayang para pa naman siyang artista sa aking paningin.
Kaya ngayon pa lang ay puputulin ko na ang paghanga ko sa kaniya dahil alam kong hindi ko siya maaangkin. Imposibleng-imposible.
Nakakatawa, ngayon na lang ulit ako humanga sa isang lalaki at ang mga katulad niya talaga ang type ko sa lalaki.
Gusto ko sanang ilarawan ang itsura niya pero winaglit ko sa aking isipan bago pa ako magayuma sa kahibangan ko.
"Ang gwapo niya," wala sa sarili kong usal.
"Ako ba ang gwapo?" nakangiting tanong sa akin ng lalaking kaharap ko ngayon.
Kanina ay nagpakilala ito sa akin pero dahil wala akong pakialam ay hindi ko rin matandaan ang pangalan niya.
Wala rin ako sa huwisyo para sabayan ito nang maayos at lukuhin ng gising.
At nang tanungin niya ako sa aking pangalan ay siniguro kong hindi niya ako makikilala sa labas.
Gabi-gabi ay iba't ibang pangalan meron ako sa bar na ito at nirerespito naman iyon ng boss namin sa club.
"Ha? Wala naman akong sinabi." Tanggi ko rito habang umiiling at ang mga kamay ay winawagayway sa pagtanggi. "Nako, Sir dalawang oras na po pala. Tapos na po ang time niyo sa akin," patuloy kong wika at tumayo na kaagad bago pa siya makapagprotesta.
Lumapit ako kay Mama Lj at kinuha ang bayad ko sa pag-e-entertain ko sa kaniya.
Hindi na bale kong wala akong makuhang tip dahil wala na talaga akong gana na makipag-usap ngayon.