Naiiyak na ako habang papunta pa lang kami sa hospital ni Tiyang Lala at Potcholo.
Nawalan kasi ng malay si Tiyang Lala at para akong masisiraan ng bait dahil sa takot.
Ang akala ko ay mamamatay na siya kaya para akong nawawala sa aking sarili.
Nagsisigaw ako nang malakas sa loob ng taxi at umiyak na para bang wala ng bukas.
Kinukulit ko rin ang driver na bilisan ang pagpapatakbo at humanap ng ibang madadaanan na hindi mabigat ang trapiko.
Pagdating namin sa hospital ay hindi pa rin ako tumigil sa pag-iyak.
Diniretso siya sa loob ng emergency room at saka lang ako nakalma nang sabihin sa akin ng gwapong Doctor na nahimatay lang siya sa sakit na nararamdaman niya.
"Tiyang, gising ka na. Salamat sa Diyos," nagagalak kong saad at hinawakan ko kaagad ang mga kamay niya.
Ang lamig ng kamay ni Tiyang Lala. Magsasalita pa sana ako nang bigla niya akong inunahan.
"Dahlia, bakit mo naman ako dinala rito? Alam mo namang pribadong hospital ito 'di ba?" nag-aalalang tant ni Tiyang Lala sa akin dahil alam kasi niyang malaki at hindi biro ang babayaran namin sa bill ng hospital.
Kahit nga check up lang ay malaki pa rin ang halagang mailalabas sa bulsa. Ano na lang kaya kapag na-confine ng ilang araw.
Kilala rin ang hospital na afford lang ng mayayamang tao.
"Tiyang, hayaan niyo na at alam ko naman po. Isa pa hindi mahalaga ang pera kompara sa kalusugan mo. At isa pa ay may naipon rin naman po ako." Pagmamayabang ko sa kaniya.
Totoo naman kasing may naitabi akong pera ngunit hindi nga lang ito para sa pampahospolital.
Pero kahit ubusin ko ang naipon ko ay gagawin ko ng walang pag-aalinlangan para kay Tiyang Lala.
Mahal na mahal ko siya at bukod kay Nanay na nasa mental hospital, siya na lang ang natitira kong pamilya.
Nangako ako sa sarili ko na kahit anomang mangyari ay hindi ko siya pababayaan.
Lalo na kung alam ko naman na may magagawa ako para sa kaniya.
"Hindi ako bagay rito! Mayayaman lang ang—"
"Tiyang naman! Wala ba tayong karapatang magpagamot?" Putol ko sa kaniyang litanya. "Mayayaman lang ba ang may karapatang mabuhay?" Patuloy kong tanong habang nakasimangot ang mukha. "May karapan din naman tayo, ha! At saka ito lang ang pinakamalapit na hospital sa atin, kaya relax ka lang Tiyang kong maganda. Mahahanapan ko ng paraan ang pera pero iyong tiisin kitang namamatay sa sakit 'yon ang hindi ko kaya," pagpapaintindi ko sa kaniya at ayaw kong sisihin niya ang sarili niya na pabigat lang siya sa akin.
Kung nabibigatan man ako na kasama siya, ayaw kong piliin ang magaan. Dahil gusto ko lang manatili kaming magkasama. Hindi man abundant sa mga pangangailangan, ang mahalaga ay magkasama kaming masaya.
Kahit naman mabunganga si Tiyang Lala, nakakatawa pa rin naman siya. Nakasanayan ko na ang ugali niya.
At para sa akin, si Tiyang lang ang taong nagpapalakas ng loob ko at nagpapatapang sa akin sa mga pagsubok.
Lahat ng iyon ay nalagpasan ko kasama siya.
Sa totoo lang ay siya talaga ang swerte ko sa buhay.
Nang dahil sa kaniya ay may gana pa akong mabuhay at nakakaya ko ang lahat dahil sa panghihimok niyang kaya ko ang lahat.
Parang ang laki ng bilib niya sa akin. Kahit nga siguro sabihin ko sa kaniyang tumawid ako sa kalsada habang nakapikit ang aking mga mata ay buo pa rin ang kumpiyansa niya.
"Pero—" Muli sana niyang reklamo.
"Tiyang, naman! Sobrang tigas po ng ulo mo. Huwag nga po kayong mag-alala, okay? Marami po akong pera. Alangan naman na hayaan lang kita? Sa ngayon po ay magpahinga muna kayo at uminom ng mga gamot na nireseta ng Doctor. Magpapa-schedule po ako sa operayon mo. At saka Tiyang sa susunod po ay huwag na po kayong magsisinungaling sa akin. Bakit ba kasi hindi mo sinabi sa akin na may nararamdaman ka pa lang sakit? Kung hindi pa tayo pumunta rito ay hindi ko pa malalaman na may tumor ka sa matres," nagtatampo kong reklamo sa kaniya.
Matagal na pala itong may iniinda pero nilihim niya lang ang lahat sa akin.
Ayaw niya raw akong mag-aalala kaya ngayon ay lumaki na ng husto ang tumor niya.
Ang sakit na nararamdaman niya sa bandang puson niya kanina ay walang kinalaman sa pagkakatumba niya.
Nahimatay ito hindi dahil sa pagkakatumba kundi dahil sa kondisyon ng sakit niya.
Nahihilo pala ito kaya nagkaganoon. Nagkasugat pa tuloy ang mga palad niya.
Inabot niya ang kamay ko at mahinang pinisil. Naramdaman ko ang pagpapasalamat at masayang emosyon. "Talaga bang may budget ka para sa operasyon ko? Hindi ba nag-iipon ka ngayon?" sunod-sunod na naman nitong tanong.
"Tiyang, ako na po ang bahala," pinal kong sabi bago nagpaalam sa kaniya na papasok muna ako sa trabaho para lalo akong yumaman.
Mabuti na lamang dahil hindi umuwi si Potcholo sa kanila kaya hiniling ko rito na sana ay bantayan muna niya si Tiyang Lala.
Wala naman akong marinig na reklamo kaya ilang beses akong paulit-ulit na nagpasalamat sa kaniya.
May naitulong rin pala ang pagtingin niya para sa akin dahil kung hindi siya dumaan sa bahay.
At kung wala man siyang nararamdaman para sa akin ay baka hinayaan niya lang doon si Tiyang sa sahig.
Kaya lang ay hindi ko talaga siya magustuhan. Kahit na lagi niya akong hinaharanahan at kinukulit sa panliligaw ay wala pa rin akong maramdamang kilig.
"Sige na Tiyang, aalis na ako," paalam ko rito at niyakap ko siya bago ko binalingan nang tingin si Potcholo. "Salamat, Potch. Kung hindi dahil sa 'yo ay hindi ko talaga alam ang gagawin ko," sinsero kong sabi.
"Walang anoman, Dahlia. Basta ikaw nanginginig na ako!" pagbibiro niya sa aking tugon.
Puro din kasi siya kalokohan. Nagkakasakit na nga lahat pero nagpapatawa pa rin.
"Basta po, huwag niyo pong bigyan ng sakit ng ulo si Potcholo. Baka iwanan kayo bigla rito ng mag-isa," mahina kong sabi at halos bulong na.
Ayaw ko kasing marinig ni Potcholo at baka isipin niyang wala akong tiwala sa kaniya.
Ang totoo ay gusto ko lang talaga siyang takutin at balaan sa kung ano ang kayang gawin ni Pitcholo.
"Wala ako, Tiyang kaya naman kayang-kaya kang iwan ni Potcholo rito," dadag kong wika kahit alam ko naman na hindi magagawa ni Potcholo ang mga sinasabi ko.
"Potch, pasensiya ka na, ha! Wala na kasi akong ibang malapitan," nahihiya kong turan.
"Ano ka ba, simpleng bagay lang 'to, kumpara sa nararamdaman ko sa 'yo " Hugot niya sabay hawak sa kaniyang dibdib.
"Ayan ka na naman! Sinisingit mo na naman 'yang mga kalokohan mo!" Saway ko sa binata. May inabot din akong pera para panggastos nila sa hospital.
Alam ko naman na nagpapakatotoo lang siya sa nararamdaman niya para sa akin. Pero ayaw kong bigyan siya ng pag-asa dahil wala talaga. Kaibigan lang talaga siya para sa akin.
Tumawa lang din naman ito ng alanganin at hindi na kumontra pa sa akin.