Ang ganda nang takbo ng trabaho ko sa Seductress Club.
Walang problema dahil mabait ang may-ari at malaki pa ang sahod. Wala rin silang pakialam sa mga tips na natatanggap namin sa customers.
Matapos ang dalawang linggo kong pagsasayaw sa club ay balak ko na sanang huminto.
Gusto ko ng magbagong buhay. Hindi pa naman huli ang lahat dahil bata pa naman ako.
Nakakapagod din kasing magtrabaho ng straight duty at gabi-gabi pa.
Iba kasi talaga ang tulog sa gabi kaysa sa umaga. Kapag umaga kasi ay hindi tuloy-tuloy ang tulog ko dahil kahit inaantok pa ako, kailangan ko pa ring bumangon para kumain.
Hindi ko kayang labanan ang gutom sa buong araw dahil nasanay na akong hindi nalilipasan.
Magaling mag-asikaso si Tiyang Lala, lalo na pagdating sa kain ko.
"Dahlia, ano 'tong nabalitaan ko na gusto mo ng nag-resign?"
"Totoo po, Mamang. Gusto ko na pong tigilan. Balak ko pong magnegusyo."
"Tanga! Swerte-swerte rin ang linyahan sa pagnenegusyo. Saka mo na isipin 'yan kung wala ka ng natitirang asim. Sa ngayon ay sulitin mo na muna ang kagandahan mo nang sa gayon ay masaya kang tatanda dahil may sapat kang pera gaya ko. Malay mo at doon mo pala makita ang soulmate mo."
"Bakit po kayo, Mamang? Wala namang kayong natagpuang soulmate!''
"Nilipat mo talaga sa akin ang topic!"
May naiipon na rin kasi ako, hindi man masyadong kalakihan pero sapat na rin ang perang meron ako ngayon para sa panimula namin ni Tiyang Lala para panibagong buhay.
Masasabi ko na medyo magaan na ang buhay namin ni Tiyang Lala. Hindi na masyadong nangangapa.
Hindi man sobra-sobra pero sapat na para sa amin dahil bayad na ang lahat ng mga utang namin sa mga tindahan at sa mga loan na pinasukan niya.
Kahit papaano ay naghahanap rin naman si Tiyang Lala ng paraan para makatulong sa akin.
Noong wala akong client sa escort dati ay umuutang siya sa mga lending firm ng hindi niya sinasabi sa akin. Naaawa tuloy ako sa kaniya dahil naglalabada siya pero may pambayad siya.
Sa ngayon, gusto ko sanang subukan na mag-online selling dahil iyon ang nakikita at napapansin kong patok na negusyo.
Mas maayos iyon dahil nasa bahay lang ako magtatrabaho at wala akong magiging amo.
"Pagbubutihan ko ang paghawak sa negusyo na papasukin ko, Mamang. Nakakapagod din kasi kapag gabi-gabi ay puro manyak na lang ang kasama ko," tamad kong reklamo.
Alam ko naman kasi na hindi niya lang ito narinig sa kung sino lang dahil halata namang kinausap ito ni Mama Lj.
Ano'ng silbi ng pagkakaibigan nila king hindi nito malalaman lahat ang tungkol sa plano kong pag-alis.
"Sure ka na ba talaga?"
"Malalaman mo rin naman, Mamang kapag nag-resign na ako," 'yon lang ang tangi kong sagot.
Hindi rin ito nagtagal sa bahay at umalis na rin kaagad matapos nitong maubos ang meryenda na hinanda ni Tiyang Lala.
"Sige na at ako'y aalis na muna. Nakuha ko na rin ang komisyon ko kay Lj. Sayang kung titigil ka na kaagad. Pero hindi naman ako ikaw kaya bahala ka na sa desisyon mo."
Tumago lang ako kay Mamang at simula nang huli ko siyang makausap ay hindi na ulit kami nagkita.
Mga tatlong araw na rin ang nakakalipas, dalawang araw na rin akong nagpapahinga sa bahay.
Pero may mga pangyayari talaga na hindi natin inaasahan.
Dahil habang naglilinis si Tiyang Lalang ng bahay ay bigla na lang siyang nadulas at napilayan.
Medyo may edad na rin siya kaya madaling mabalian ng buto.
Kasalukuyan akong natutulog ng may bigla na lang malakas na tunog ang sumagalpak mula sa kusina.
Napatayo ako kaagad dahil sa gulat at mabilis siyang tinungo sa kusina. Narinig ko ang hinaing ni Tiyang Lala kaya binilisan ko ang aking kilos.
"Aray! Ang sakit... aray!" Malakas na sigaw ni Tiyang Lala habang umiinda dahil sa sakit ng kaniyang balakang.
Paminsan-minsan niya ring tinutulak ang puson niya nang malakas na para bang may nangyayari rin sa parte na 'yon.
"Tiyang! Ano po ang nangyari sa 'yo?" gulat na gulat kong tanong sa kaniya nang makita ko siyang nakahandusay na siya sa sahig.
"Nadulas lang ako," tugon niya sa akin at hindi maitago sa kaniyang mukha ang hindi na maipintang itsura.
Mabilis ko siyang nilapitan at hinawakan sa kaniyang braso.
Tinulungan ko siyang tumayo pero lalo lang itong dumaing l sa sakit at para bang wala na siyang natitirang lakas.
Nag-aalala na ako dahil mukhang napuruhan talaga siya.
Sa tingin ko ay hindi lang simpleng dulas ang nangyari sa kaniya.
Tiningnan ko siya at ramdam ko ang sakit na nararamdaman niya.
Para bang nasasaktan rin ako sa tuwing napapangiwi siya sa kirot na hindi nito kayang tiisin.
"Tiyang, hindi niyo po ba kayang tumayo?" nag-aalala kong tanong dito dahil hindi pa rin siya gumagalaw. Hindi rin kaya nang lakas ko ang buong bigat niya.
"Ayos lang ako. Sige na magpahinga ka na ulit sa kwarto mo. Kaya ko na 'to," mando niya sa akin pero hindi ako nakinig.
Paano naman ako makakapagpahinga kung ganito ang kalagayan niya?
"Tiyang, tutulungan ko po kayong bumangon. Ano po ba kasi ang nangyari? Bakit parang hindi normal ang nararamdaman mong sakit?" sunod-sunod na tanong ko at may tunog pagsisisi.
Sinabi ko naman kasi na hiwag na siyang masyadong gumalaw-galaw, pero sadyang matigas lang talaga ang ulo.
"Ang sakit lang ng balakang ko, nabalian yata ako, Dahlia," nasasaktan niyang amin sa akin habang kinukuskos niya ang kaniyang bewang at puson gamit ang kaniyang palad.
Alam kong ayaw niya akong mag-aalala pero sa pagkakataong ito ay hindi na niya nagawang magpanggap na ayos lang siya.
"Teka lang, Tiyang tatawag ako ng makakatulong sa atin," paalam ko sa kaniya at hindi na hinintay pa ang sagot niya.
Dumiretso na ako palabas ng pinto at iginala ko ang paningin sa aking paligid.
Sakto namang dumaan si Potcholo kaya tinawag ko ito kaagad.
Mukhang maganda ang mood nito dahil may pasipol-sipol pa itong nalalaman habang naglalakad sa maliit na daan.
"Potcholo!" Malakas kong tawag sa kaibigan na isa rin sa manliligaw ko ngunit hindi ko lang seneseryoso.
Kaibigan lang ang tingin ko sa kaniya at gusto kong manatili lang kaming magkaibigan.
Nang marinig niya akong tinatawag ang pangalan ay para siyang isang robot na bigla na lang huminto sa paggalaw at naging alerto ang tenga.
Gusto kong matawa dahil mula sa kinatatayuan ko, hindi nakatakas sa paningin ko ang paggalaw ng kaniyng tenga. Para itong may tengang biik.
Ang bilis nang takbo niya patungo sa akin.
"Ano'ng maipaglilingkod ko sa 'yo, magandang binibini?" makata niyang wika sabay yuko na para bang isa akong prinsesa.