Chapter 03: Buo ang loob

3303 Words
Chapter 03 Ariana Xiamara HABANG nag-aayos ako ng mga hugasan sa kusina, may kumatok sa pinto. Mabilis kong pinunasan ang kamay ko sa tuwalya bago binuksan iyon. "Aria, hija! Kumusta ka na?" Nakangiting bati ni Perry, ang recruiter na tumulong sa akin sa pag–aapply sa abroad. Nakapula siyang polo at may bitbit pang malaking envelope. "Perry! Pasok ka." Agad ko siyang pinatuloy sa maliit naming sala. "Alam mo naman, gusto ko sanang makatiyempo sa'yo. Kanina pa kita kinukumusta, sabi ni Cynthia nasa ospital ka raw nitong mga nakaraang araw." Inilibot niya ang tingin sa paligid. "Kayo lang pala ni Alpha rito." Ngumiti ako nang tipid at tumango. "Oo, si Lola kasi nasa ospital pa rin. Pero okay na siya, makakalabas na rin siguro sa susunod na linggo." Tumikhim si Perry at inilapag ang hawak na envelope sa mesa. "Kaya pala...Anyway, dumaan ako para tanungin ka ulit. Tutuloy ka na ba sa pag–abroad? May bagong batch na paalis sa susunod na buwan. Puwede pa kitang isingit kung gusto mo." Napahinto ako. Ilang beses ko nang narinig ang tanong na ito pero ngayon, ibang pakiramdam. Ngayon, mas kailangan ko na ang oportunidad. I nodded. "Oo, Perry. Tutuloy na ako." Walang pag–aalinlangan sa sagot ko. Sumilay ang ngiti sa labi niya. "I knew it! Alam kong sayang ang ganda mo kung dito ka lang." Tumawa siya. "Hindi ka magsisisi, hija. Malaki ang kikitain mo. Maganda ang kumpanya, maayos ang tirahan, at syempre...dolyares ang sweldo." "Hindi naman ako mapili, Perry. Kahit anong trabaho, tatanggapin ko. Kailangan ko lang talaga ng stable na income para kay Lola at kay Alpha." "Iyon ang gusto ko sa'yo, Aria. Walang arte! Don't worry, ako na ang bahala sa'yo." Kinalkal niya ang envelope at naglabas ng mga papel. "Ito na 'yung requirements, konti na lang ang kulang. Pag nakuha ko lahat 'yan, fly ka na next month. Ako na ang bahala sa lahat." Habang tinitingnan ko ang mga dokumento, may kung anong gumuhit sa dibdib ko, hindi kaba o takot, kundi desisyon. "Salamat, Perry. Hindi ko na ito palalampasin." Tumango siya at ngumiti. "Aba, dapat lang! Sayang 'yung chance." Inabot niya ang mga papeles at tinapik ang balikat ko. "Basta pag ready na lahat, babalik ako rito. Good luck sa'tin, Aria. Hindi ka magsisisi." Pagkalabas niya, napatitig ako sa mga papel na nasa harapan ko. Malinaw ang landas na tinatahak ko ngayon. Para kay Lola at kay Alpha, wala akong hindi kayang gawin. Pagkaalis ni Perry, tahimik na bumalik ako sa loob ng bahay. Nakahiga pa rin si Alpha sa maliit naming kama, mahimbing ang tulog. Kusa akong napangiti habang pinagmamasdan siya, ang maamong mukha na parang laging may panaginip na maganda. Lumapit ako at inayos ang kumot niya bago hinalikan ang noo niya nang marahan. "Para sa'yo lahat ng ito, anak," bulong ko. Maya–maya, dumating na si Nana Cynthia, dala–dala ang mga paninda niyang mga gulay. Dahan–dahan siyang pumasok para hindi magising si Alpha. "Aria, tutuloy ka ba?" tanong niya habang inaayos ang dala niya sa lamesa. Tumango ako. "Oo, Nana. Inaayos na ni Perry ang mga papel ko. Basta makalabas si Lola, aalis na ako." Hinaplos niya ang braso ko. "Mabuti 'yan. Mahalaga na may plano ka para sa inyo ni Alpha." Ngumiti ako. "Babantayan mo muna si Alpha? Pupuntahan ko si Lola para makauwi na rin si Dina." "Sige, ako na ang bahala rito," sagot ni Nana Cynthia habang umupo sa tabi ni Alpha. Dahan–dahan akong lumabas ng bahay, sinara ko ang pinto, at nagpunta sa ospital. PAGDATING ko, nagmamadali akong tumawid sa kalsada. Malalim ang iniisip ko—iniisip ang kalagayan ni Lola, ang mga bayarin, at ang mga kailangan kong asikasuhin para sa pag–alis. Hindi ko na namalayan ang paparating na sports car na mabilis ang takbo. Muntik na akong masagasaan. Sa sobrang bilis, natilapon ako sa gilid ng daan at naitukod ko ang aking mga siko sa kalsada. Agad kong kinapa ang siko ko, mahapdi at may gasgas na. Hindi pa ako nakakabangon nang may narinig akong mabigat na yabag papalapit. Sa gilid ng paningin ko, may nakita akong pares ng mamahaling leather shoes na makintab sa sikat ng araw. "Next time, don't be stupid on the road." Dahan–dahan akong tumingala. Isang lalaking naka–shades ang nakatayo sa harapan ko. Suot niya ang white fitted na polo na halatang mamahalin, at ang mga braso niyang batak ay bahagyang naka-fold ang sleeves. Matangkad siya, mga 6’4 siguro—at kahit natatakpan ng shades ang mga mata niya, ramdam ko ang malamig na tingin niya. His features were sharp—perfectly chiseled jawline, high–bridged nose, and lips that looked like they rarely smiled. Para siyang modelo na bumaba mula sa isang luxury magazine, pero halatang hindi maganda ang ugali. Kinuha niya ang wallet sa bulsa ng pantalon niya sa likod, binunot ang ilang libo, at walang sabi–sabing iniaabot iyon sa akin. "I'm in a hurry. Magpagamot ka na lang sa loob, mukhang hindi naman malala ang nangyari sa'yo," sabi niya, kahit di ko masyadong kita ramdam kong nakatingin siya sa sugat ko. Hindi ko kinuha ang pera. Nakatitig lang ako sa kanya, iniisip kung anong klaseng tao ang pwedeng manggasgas ng tao at wala man lang paghingi ng tawad. Hindi ko kailangan ang pera niya, ang gusto kong marinig ay salitang 'sorry' pero mukhang walang balak na mag–sorry. Pagkatapos ng ilang segundo sukatan ng titig, tinalikuran niya ako at sumakay ulit sa sports car niya. Mabilis siyang umalis, at naiwan akong nakatulala sa kalsada at ang pera ay nakalatag sa kalsada. "Yabang mo naman," bulong ko habang pinahid ang sugat sa siko ko. Dinampot ko ang pera at nilagay sa loob ng bag ko. "Sayang!" Siguro mayaman ang aroganteng iyon, hindi nanghihinayang sa pera. Gwapo sana pero masama ang ugali. Tumayo ako at dumiretso sa loob ng ospital, pilit binabalewala ang sakit at hapdi sa siko ko. Pero kahit anong gawin ko, hindi mawala sa isip ko ang mukha ng lalaking 'yon. NAUPO ako sa tabi ni Lola, pinagmamasdan ang mahinang pagtaas–baba ng kanyang dibdib habang mahimbing siyang natutulog. Nasa kandungan ko ang lumang Bible na dala–dala ko. Kalmado ang buong kwarto, tanging ang mahina at pantay na tunog ng oxygen machine ang maririnig. Binuklat ko ang ilang pahina ng Bible, sinubukang basahin ang maliliit na letra, pero hindi ko matanggal sa isip ang pag–aalala kay Lola. Hinaplos ko ang kanyang kamay at marahang idinikit sa aking pisngi. Naputol ang katahimikan nang bumukas ang pinto. Bumungad ang isang babaeng doktor—matangkad, maganda, maayos ang tindig, at may taglay na awtoridad sa bawat hakbang. Nakangiti siya. Siya iyong doktor na babaeng nakita ko sa operating room at nakausap. Agad kong ibinaba ang Bible at tumayo mula sa kinauupuan. "Good aftefnoon, Doc," mahinang bati ko. Ngumiti siya at tumango. "Good afternoon, Aria. Kamusta ang Lola mo?" Nagulat ako nang marinig niyang banggitin ang pangalan ko. Kilala pala niya ako. Saglit akong natigilan bago sumagot. "Mas okay na po siya ngayon. Salamat po sa pag–aalaga." Lumapit siya at sumulyap sa tulog na si Lola. Sinuri niya ang IV line at inayos ang kumot ng bahagya. "Mukhang malakas ang loob ng Lola mo," sabi niya na may bahagyang ngiti. "Opo, Doc. Hindi po siya madaling sumuko." Sandali siyang natigilan, parang may inaalalang bagay. Pagkatapos ay humarap siya sa akin. "Natandaan mo pa ba ako?" tanong niya, ang ngiti ay nanatili sa kanyang mukha. Agad akong tumango. "Naroon ako noong inoperahan ang Lola mo," sagot niya, binasa ang iniisip ko. "Isa ako sa mga doktor na tumulong sa operasyon." Agad akong napaluhod sa tuwa at pasasalamat. "Salamat po, Doc. Hindi ko po talaga alam kung paano ako makakabawi sa inyo. Kung wala po kayo...baka hindi na namin kasama si Lola ngayon." Umiling siya at bahagyang tumawa. "Ginagawa ko lang ang trabaho ko, Aria. Wala kang kailangang bayaran sa akin." Pero hindi ako mapakali. "Doc...Pwede ko po bang pasalamatan din 'yung doktor na mismong nag–opera kay Lola? Gusto ko po sanang personal siyang makita at makausap." Naging seryoso ang ekspresyon niya. "Aria..." Bumuntong–hininga siya bago nagpatuloy. "Umalis na siya. Si Lola mo ang huling pasyente niya rito bago siya umalis. On call doktor lang siya dito sa hospital." Napako ang tingin ko sa sahig. "Ganun po ba..." Inilapag niya ang clipboard sa lamesa at marahang hinawakan ang braso ko. "Kung nasaan man siya ngayon, sigurado akong masaya siyang nakikitang gumagaling ang Lola mo. Minsan, ang pasasalamat ay hindi kailangang sabihin nang harapan. Tumango ako at pilit ngumiti. "Opo, Doc. Salamat po sa lahat." Bago siya lumabas, muli siyang lumingon. "Aria, alagaan mong mabuti ang Lola mo. Hindi lahat ng tao ay may pagkakataong magkaroon ng ganyang klaseng pagmamahal." Ngumiti ako at bumalik sa tabi ni Lola, mahigpit na hinawakan ang kanyang kamay. Sa isip ko, ipinagdarasal kong sana, kung nasaan man ang doktor na iyon, nararamdaman niya kung gaano ako nagpapasalamat. LIMANG araw na ang lumipas mula nang makalabas si Lola sa ospital. Tuluyan nang naghilom ang sugat ko sa siko, at ngayon ay halos wala nang bakas ng nangyaring aksidente. Kasama ko si Lola para sa follow–up check-up niya. Habang nasa waiting area, nakaupo ako sa gilid at tahimik na nagbabasa ng isang lumang magazine. Si Lola naman ay abala sa pagdarasal habang hawak ang rosaryo niya. Habang nagbabasa, narinig kong nag–uusap ang dalawang nurse sa malapit. "Narito ulit si Doc. Nasa office niya sa third floor," sabi ng isa habang nag–aayos ng mga chart. "Ang gwapo niya pero suplado, hindi man lang marunong ngumiti," naiiritang sabi ng isang nurse. Napatingin ako sa kanila. "Doc? ‘Yung nag–opera po sa Lola ko?" tanong ko, hindi na mapigilan ang pagka–curious. Baka siya nga, hindi ko rin kilala ang doktor na iyon. Tumango ang nurse at ngumiti. "Opo, Ma'am. Baka gusto niyo po siyang makita." Nagpasya akong samantalahin na ang pagkakataon. Matagal ko nang gustong personal na magpasalamat sa kanya. "La, sandali lang ha? Pupuntahan ko lang po si Doc," paalam ko kay Lola. "Sige, apo. Sabihin mo salamat ha," nakangiting sagot niya bago muling bumalik sa kanyang pagdarasal. Dali–dali akong pumunta sa elevator at nagmamadaling tinungo ang third floor. Sa office na itinuro ng nurse, may isang babae ang naroon, abala sa pag–aayos ng mga dokumento. “Yes, Ma’am?” tanong niya nang makita akong nakatayo sa pinto. "Andito po ba si Doc? ‘Yung nag–opera sa Lola ko noong isang linggo?" tanong ko, pilit ang ngiti. Tumingin siya sa relo at saka nagbalik sa ginagawa. "Kakaalis lang niya. May kinuha sa records section sa baba." Agad akong nagpasalamat at nagmamadaling bumaba ulit. Sa labas ng ospital, sinuyod ko ng tingin ang parking lot. Sa di–kalayuan, may isang lalaki na papasok sa isang ford explorer. Nagdalawang–isip ako, pero tinawag ko pa rin siya. "Doc! Sandali lang po! Gusto ko lang pong magpasalamat." Tumigil siya, hawak na ang pinto ng sasakyan. Hindi siya lumingon, pero narinig kong sumagot siya. "No need to say thank you. I'm just doing my job," malamig at walang emosyon na sagot niya. Saglit akong napatigil, gulat sa naging tugon niya. Patuloy siyang sumakay, at maya–maya lang ay bumukas ang makina ng kotse. Pinanood ko ang pag–andar ng sasakyan hanggang sa tuluyan itong mawala sa paningin ko. Napangiti ako kahit nalungkot ako. "Salamat pa rin, Doc," bulong ko, kahit alam kong hindi na niya maririnig. Wala man siyang interes sa pasasalamat ko, hindi mabubura sa akin ang ginawa niya. Sa kabila ng malamig niyang ugali, isa siyang dahilan kung bakit buhay at ligtas ang Lola ko. Habang naglalakad pabalik sa ospital, tinulungan ko si Lola na sumakay sa wheelchair. Tahimik lang siya, pero kita ko ang saya sa mga mata niya na sa wakas ay magaling na siya. "Salamat sa Diyos at maayos na ang lahat," bulong ni Lola habang hinahaplos ang rosaryo niya. Nginitian ko siya at itinulak ang wheelchair papunta sa labas ng ospital kung saan naghihintay si Nana Cynthia. Pero habang tinatahak namin ang hallway, biglang bumalik sa isipan ko ang eksena limang araw na ang nakalipas—ang halos pagkakabangga sa akin ng isang sports car, at ang lalaking lumapit na nagbigay ng pera imbes na tulungan ako. Napaigting ang kapit ko sa hawakan ng wheelchair. Halos kasing–tangkad niya si Doc. Napatingin ako kay Lola, na abala sa kanyang pagdarasal. Hindi ko mapigilang pagtagni-tagniin ang mga imahe sa isipan ko. 'Di kaya... isang tao lang sila? Umiling ako, pilit na iwinawaksi ang ideya. Imposible. Walang dahilan para itago ng isang doktor ang pagkakakilanlan niya, lalo na kung gumagawa lang siya ng trabaho niya. Pero kahit anong pilit kong tanggihan ang ideya, parang ayaw nitong umalis sa isip ko. Pagdating namin sa labas, nakita ko na si Nana Cynthia na naghihintay. Tumayo siya mula sa upuan at sinalubong kami ng yakap. "Magaling na ang Lola,” sabi ko. "Sige, Aria. Salamat sa pag–aalaga sa Lola mo. Magpahinga ka rin," sagot ni Nana Cynthia habang inalalayan si Lola papasok sa tricycle Bago ako sumakay, muling tumingin ako sa direksyon ng parking lot, kung saan nawala ang ford explorer kanina. Bakit parang may bumabagabag sa akin? DUMAAN pa ang isang linggo, at halos bumalik na rin sa normal ang takbo ng buhay namin. Tahimik lang ang paligid ng bahay habang abala ako sa paglalaba sa likod–bahay, ang mga damit ni Alpha ay maingat kong kinukusot, pati ang kay Lola at Nana Cynthia. Habang nagsasampay ako sa likod–bahay, narinig kong may tumatawag mula sa harap. "Aria!" Agad akong napalingon. Si Perry, nakatayo sa may trangkahan namin, may hawak na folder at nakangiti. Pinunasan ko ang kamay ko sa daster at lumapit. "Ano na naman 'yan, Perry?" Iniabot niya sa akin ang folder. "Ayos na lahat. Papirma na lang ng final papers. Ikaw na lang ang hinihintay." Binuksan ko ang folder at sinilip ang mga papeles. Wala akong naramdaman na pag–aalinlangan sa puso ko. Buo na ang loob ko na aalis ako. Napatingin ako kay Alpha na nasa harap–bahay, nakaupo sa lupa at naglalaro ng kahoy na kotse. Tumigil siya at tiningnan si Perry. "Mama, sino 'yan?" tanong niya, hawak pa rin ang laruan. Binuhat ko si Alpha at hinaplos ang likod niya. "Si Tito Perry, anak. May inaayos lang siya para kay Mama." Napatingin ako kay Lola. Nandoon siya sa bangko, tahimik na nakamasid sa amin. Kita ko sa mga mata niya ang lungkot, pero naroon rin ang pang–unawa. Lumapit ako kay Lola at umupo sa tabi niya, si Alpha ay mahigpit na nakayakap sa akin. "Lola..." Hinawakan ko ang kamay niya at pinisil. "Salamat po sa pagpayag. Alam kong ito ang tamang gawin." Pisil ni Lola ang kamay ko at tumingin sa malayo. "Aria, darating ang panahon na kailangang lumayo para sa mas magandang bukas. Hindi kita pipigilan. Nandito lang kami." Tumango ako. Ramdam ko ang pagmamahal at suporta niya. Hinalikan ko sa noo si Alpha at hinaplos ang buhok niya. Para kay Alpha. Para sa kinabukasan niya. MAAGA pa lang, nag–aayos na ako ng gamit ni Alpha. Linggo ngayon, at naisipan naming magsimba sa Baclayon Church. Alam kong malapit na akong umalis, at gusto kong ipagdasal ang lahat—ang pag–alis ko, si Alpha, at si Lola na maiiwan ko. Pagdating namin sa simbahan, tahimik na umupo kami ni Lola sa harap, si Alpha ay nasa gitna namin. Hawak niya ang kamay ko habang nagdarasal kami. Naramdaman kong sumisilip–silip siya sa paligid, tila walang mapakali. Hinaplos ko ang buhok niya at ngumiti para pakalmahin siya. Ngunit ilang sandali lang, naramdaman kong nawala ang kamay niya sa pagkakahawak. Agad akong napalingon, wala na siya sa tabi ko. "Lola, sandali po. Hahanapin ko lang si Alpha," sabi ko, habang tumayo ako at tumingin sa paligid. Tumango si Lola at ipinagpatuloy ang pagdarasal. Lumabas ako ng simbahan, nililibot ang tingin sa bawat sulok. Dumaan ako sa gilid ng simbahan, sa maliit na parke kung saan may mga bata na naglalaro. Doon, sa ilalim ng puno, nakita ko si Alpha. Nakaupo siya sa swing, mahina niyang tinutulak ang sarili niya sa tabi niya, may isang lalaki na nakaupo rin sa swing. Nakatalikod ito, nakayuko, at waring nag–iisip. Dahan-dahan akong lumapit, hindi nila napansin ang pagdating ko. "Where is your mama?" tanong ng lalaki, may lambing ang boses. Tumingala si Alpha, at sumagot ng walang pag–aalinlangan. "Nasa loob ng church, nagdadasal." Tumango ang lalaki, napansin kong tumingin siya sa isang pamilya sa di–kalayuan nila ni Alpha at ilang saglit ay nagtanong ulit. "Where is your Papa?" Napahinto ako sa hakbang ko. Nakita kong bumuntong–hininga nang malalim si Alpha. Tumaas ang kanyang balikat, tila iniisip kung paano sasagutin ang tanong. "I don't have a Papa," sagot niya, mahinang boses pero ramdam ko ang bigat ng salita. "Mama lang po ang meron ako. Pero okay lang po sa akin na wala akong Papa kasi super mahal ako ni Mama." Ngumiti si Alpha, pero ramdam kong may hinanakit sa likod ng mga salita niya. "Pero..." Nagbaba siya ng tingin at marahang hinawakan ang kadena ng swing. "Minsan po, gusto ko rin magkaroon ng Papa. Para po may magtuturo sa akin mag–bike at may magtatanggol kay Mama pag pagod siya. Pero kahit wala po, masaya pa rin po ako kasi kasama ko siya. Ang Mama ko, mahal po niya kasi ako at mahal na mahal ko rin po siya." Ginulo ng lalaki ang buhok ng anak ko. Pagkatapos, napatigil siya sandali at tahimik na nakatingin kay Alpha, parang may iniisip. "Your mama so lucky to have you dahil mahal ka niya. Sana lahat mahal ng mga bata ay mahal din ng kanilang Mama," sabi ng lalaki na tila may lungkot sa kanyang tinig. Ngumiti si Alpha. "You want to meet my Mama?" biglang tanong ni Alpha, na ikinagulat ko. "She's very beautiful—the most beautiful girl in the world." Dugtong niya na tila kinikilig na may kasamang pangingislap sa kanyang mga mata. Narinig kong tila humagikgik ang lalaki. "Soon. I'm gonna meet your Mama." Napakagat ako sa labi. Hindi ko alam na may ganitong nararamdaman si Alpha. Lagi siyang masayahin sa harap ko, at ngayon ko lang narinig ang ganitong klaseng pag–aasam mula sa kanya. Doon na ako lumapit at tinawag ang pangalan ni Alpha. Agad siyang bumaba sa swing at humarap sa lalaki. "Nice talking with you, Mister. Sana makausap pa kita ulit." Tumalikod si Alpha at tumakbo papunta sa akin, pero hindi pa rin humarap ang lalaki. "Mama! May kausap po ako." Ngumiti ako, hinalikan ko siya sa noo. "Naligaw ka na naman, anak. Diba, sabi ni Mama don't talk to strangers." "But he is nice, Mama." I smiled faintly. Hinaplos ko ang buhok niya at tumingin ulit sa direksyon ng lalaki. Nakatayo na siya at naglalakad papunta sa parking lot. Hindi ko nakita ang mukha niya, pero pamilyar ang tindig, parang nakita ko na siya noon. Bago pa ako makapag–isip, binuhat ko si Alpha at bumalik kami sa loob ng simbahan. Sa bawat hakbang, nararamdaman ko pa rin ang mga salitang binitiwan niya. Nanatili ang mga iyon sa puso ko, na para bang bumalik ako sa dati—sa mga panahong ako rin ay nagtanong kung bakit kulang ang pamilyang kinagisnan ko. Bakit kailangang maagang mawala ng mga magulang ko? Niyakap ko si Alpha nang mas mahigpit. Isa lang ang alam ko, hindi siya kailanman magiging kulang, dahil ibibigay ko sa kanya ang lahat ng kaya kong ibigay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD