Chapter 02: Pagbalik tanaw

1940 Words
Chapter 02 Ariana Xiamara Flashback Memory Five Years ago PAGKATAPOS kong patulugin si Alpha, dumiretso ako sa lumang kabinet sa kwarto. Binuksan ko ang isang kahon na matagal nang nakatago sa ilalim ng mga lumang damit. Doon nakatago ang ilang larawan at lumang diary na hindi ko na nabubuksan mula pa noong lumipat kami rito sa probinsya. Ang laman ng aking diary ay tungkol sa naging journey ko, mula bata hanggang sa paano ako nabuntis, narito lahat araw, oras at petsa. Habang binubuklat ko ang mga pahina, bumalik sa alaala ko ang limang taon na ang nakalipas, isang panahon na akala ko ay maganda na ang takbo ng buhay ko. Noon, sa Maynila kami nakatira. Malaki ang bahay namin, may gate na gawa sa bakal at harding laging inaalagaan ni Mama. Negosyante ang mga magulang ko, may sariling kompanya na nagbebenta ng mga produktong lokal. Hindi man kami sobrang yaman, hindi rin kami nagkukulang. Nakatira kami sa isang exclusive subdivision kung saan magkakakilala ang lahat ng kapitbahay. Masaya ako noon, walang iniisip na problema, walang pangamba. Hanggang isang araw, bigla na lang silang nawala. Isang aksidente sa highway ang kumitil sa buhay nina Mama at Papa. Isang tawag ang gumising sa amin ni Lola Guada ng madaling araw. Nalaman namin na wala na sila. Pagkatapos ng aksidente, hindi lang mga magulang ko ang nawala. Unti–unti ring bumagsak ang negosyong pinaghirapan nila. May mga utang na hindi namin alam, mga kasong isinampa laban sa kompanya, at mga taong bigla na lang nawala dala ang pera ng kumpanya. May naiwan man halos kakarampot na lang. Naiwan akong mag–isa, at ang tanging kasama ko na lang ay si Lola Guadalupe. Si Lola ang sumalo sa lahat ng responsibilidad. Kahit matanda na siya, hindi niya ako pinabayaan. Mahal na mahal niya ako, at ginawa niya ang lahat para makapag–aral ako. Isa siyang titser, at mula pagkabata, gusto ko ring maging katulad niya. Kaya nung tumuntong ako ng kolehiyo, kumuha ako ng kursong Education. Pero nung seventeen ako, nagsimula ang pagbabago. Nasa unang taon pa lang ako sa kolehiyo nang mangyari iyon. Seventeen ako noon, kasagsagan ng finals week, at halos tatlong araw na akong may matinding sakit ng puson. Akala ko normal lang na dysmenorrhea. Pero hindi. Ibang klase ang sakit, parang may kutsilyong paulit–ulit na tumatarak sa loob ng tiyan ko. Si Lola Guada na ang nagdesisyong dalhin ako sa ospital. Hindi na raw niya kayang makita akong namimilipit sa sakit. "Pasensya na po kayo, Lola. Tinitiis ko naman," sabi ko habang hinihila niya ako papunta sa ER. "Hindi puwedeng tiisin 'yan, Aria. Mahalaga ang kalusugan mo," sagot niya. Pagkatapos ng ilang oras na pagsusuri, bumalik ang doktor na may hawak na folder. Binasa niya ang resulta at tumingin sa amin ni Lola. "Ma'am, Johansen, may kondisyon po ang apo niyo. Tinatawag itong endometrial dysfunction. Isa itong abnormality sa uterus niya. Puwede siyang magkaanak pero may posibilidad na mahirapan siya sa pagbubuntis o hindi mabuo ang bata." Napatingin ako kay Lola. Kita ko ang lungkot sa mga mata niya. "Kailangan po niyang sumailalim sa uterine treatment para gumaling ang kondisyon niya," dagdag pa ng doktor. "Anong gagawin, Dok?" tanong ni Lola, nag–aalalang hinawakan ang kamay ko. "May irereseta po kaming mga gamot, pero para mapabilis ang proseso, may isang procedure kaming gagawin ngayon. Ituturok namin ang gamot na makakatulong sa pagkapal ng uterine lining niya. Safe naman ito. Karaniwan itong ginagawa para sa mga babaeng may fertility issues." Tumango si Lola. "Basta makakabuti sa apo ko, Dok." Ako man, walang pag–aalinlangang sumunod. Wala namang mawawala, 'di ba? Tahimik akong nahiga sa maliit na kama habang inihahanda ng nurse ang injection. Sinabi niyang ituturok ito sa may tiyan, malapit sa pusod. Naramdaman ko ang lamig ng alcohol swab sa balat ko, at kasunod noon ang tusok ng karayom. Napapikit ako habang pumapasok ang gamot sa sistema ko. Pagkatapos ng procedure, pinauwi na kami. Wala ni isa sa amin ni Lola ang may alam na hindi iyon basta uterine treatment. Hindi rin kami sinabihan na ang tinurok sa akin ay isang Embryo Implantation. ISANG buwan ang lumipas bago ko nalaman ang totoo. Nagsimula akong makaramdam ng matinding pagod, madalas na pagkahilo, at pagsusuka tuwing umaga. Napansin ni Lola ang mga pagbabagong ito at agad akong dinala ulit sa ospital. Habang nag–aantay ako sa labas, kinakausap ni Lola ang doktor. Pagbalik niya, nag–iba ang mukha niya, halata ang lungkot at gulat sa mukha ni Lola. "Aria..."Naupo siya sa tabi ko, hawak ang mga kamay ko. "Buntis ka." Napatitig ako sa kanya. "P-po? Paano po nangyari 'yun, La?" Natawa ako ng pagak. "Wala po akong boyfriend. Ni hindi nga po ako—” Napahinto ako, hindi ko masabi. Bumuntong-hininga si Lola. "Nagkamali raw, apo. Ang naiturok sa'yo ay embryo. Hindi gamot para sa kondisyon mo." Nanlaki ang mga mata ko. Hindi ako makapaniwala. "Embryo? Lola, ibig sabihin..." Napatakip ako ng kamay sa bibig. Tumango si Lola. "Oo, Aria. Sa loob ng tiyan mo, may batang nabubuo. Hindi natin alam kung kanino galing ang embryo na itinanim nila." Parang huminto sa pag–ikot ang mundo ko. Hindi ko alam kung matatakot ako, magagalit, o maiiyak. Pero ang isang bagay na sigurado ako? May buhay na sa loob ko, at hindi ko ito ipapalaglag. Pag–uwi namin mula sa ospital, hindi mapakali si Lola. Halos hindi siya makatulog kinagabihan, habang ako naman ay tulala sa kama, hinihimas ang tiyan kong manipis pa naman. Kinabukasan, bumalik si Lola sa Ospital para humingi ng paliwanag at managot sa nangyari. Pero hindi iyon ang naging sagot na nakuha niya. "Kung mahal mo ang buhay mo at ng apo mo, manahimik na lang kayo. Hindi niyo alam kung sino ang binabangga niyo," malamig na sabi ng doktor habang seryosong nakatingin kay Lola. "Bakit naman kami matatakot, Dok? Hindi niyo ba alam na maaaring kasuhan kayo ng malpractice?" matapang na sagot ni Lola, pero ramdam ko ang panginginig ng kamay niya habang nakaupo ako sa tabi niya. Huminga nang malalim si Dr. Rivera at sumandal sa kanyang upuan. "Huwag niyo na akong pilitin, Manang. Ang embryo na naiturok sa apo niyo ay pagmamay–ari ng isang bilyonaryong tao. Huwag niyo na silang banggain at kalkalin pa ang problema. Ang payo ko sa inyo, lumayo na lang kayo habang maaga pa. Dahil baka pareho tayong makulong." "Anong klase kayong doktor? Akala niyo ba basta—basta na lang kami aalis at kalilimutan ang nangyari?" galit na tugon ni Lola, pero halata sa kanya ang pangamba. "Kung ayaw niyong may masamang mangyari sa inyo, pakinggan niyo ako. Magpakalayo–layo na kayo." Wala kaming nagawa. Sa takot na mapahamak, sinunod ni Lola ang payo ni Dr. Rivera. Tatlong linggo ang lumipas, uamlis kami at iniwan ang bahay sa Maynila. Lumipat kami sa Bohol, sa maliit na barangay kung saan lumaki si Lola. Doon, nagpatuloy sa pagtuturo si Lola sa maliit na eskwelahan, pero hindi na siya kasing sigla noon. Alam kong malalim ang sugat na iniwan ng nangyari sa akin. Ramdam ko rin ang lungkot niya tuwing tinitingnan ang lumalaking tiyan ko, pero kahit kailan, hindi niya ako sinisi. Katuwang namin sa bahay si Nana Cynthia, bunsong kapatid ni Lola. Isa siyang tomboy at palaging matapang, pero sa likod ng brusko niyang kilos, ramdam ko ang pagmamahal niya sa amin. Siya ang naging sandalan namin ni Lola habang ako'y nagdadalang–tao. Naging mahigpit si Lola pagdating sa pagbubuntis ko. "Dapat manatili kang malinis, Aria. Ayokong masira ang kinabukasan mo," paulit–ulit niyang paalala. Dahil sa paniniwalang iyon, pinabantayan niya ako sa isang OB–GYN na personal niyang kakilala. Ang bawat buwan ng pagbubuntis ko ay mahigpit na mino–monitor. Hanggang sa dumating ang araw ng panganganak ko. Via cesarean section ako nanganak para raw mapanatili ang virginity ko. Paglabas ni Alpha, kahit wala akong ideya kung kanino siya galing, hindi ko nagawang kamuhian ang batang iyon. Sa halip, unti–unti akong nabighani sa kanya. Para siyang anghel na isinugo sa buhay ko sa kabila ng lahat ng pinagdaanan ko. Pero habang lumalaki si Alpha, lumalala naman ang kondisyon ni Lola. Unti–unting humina ang katawan niya hanggang isang araw, inatake siya ng altapresyon. Nang maospital siya, sinabi ng doktor na pumutok ang ugat sa ulo niya, dahilan ng kanyang pagkaparalisa. Nakaligtas siya, pero hindi na nakabalik sa pagtuturo. Si Nana Cynthia na ang bumuhay sa amin. Sa paglipas ng panahon, natutunan kong tanggapin ang lahat. Hindi ko man naipagpatuloy ang pangarap kong maging guro, naging masaya ako sa pagiging ina ni Alpha. Hindi sumagi sa isip ko na sisihin siya. Bagkus, mas minahal ko pa siya. Sa kabila ng lahat ng pagsubok, siya ang naging dahilan kung bakit patuloy akong lumalaban. Siya ang simula ng buhay ko. TUMAYO ako sa kinauupuan, binalik ko sa cabinet ang larawan ng mga magulang ko, mga picture ko 'nung bata pa , kami ni Lola. Bumalik ako sa kusina at agad kong inayos ang mga pinamili kong grocery. Kahit papaano, gumaan ang loob ko nang makita ang mga bagong stock ng gatas at paboritong biskwit ni Alpha, mga canned goods at kung anu–ano pang needs dito sa bahay. Habang nililigpit ko ang natitirang biskwit, hindi ko maiwasang mapatitig sa bag ko na nasa ibabaw ng mesa. Inabot ko at inilabas ang sobre. Php 200,000. Ang presyong katumbas ng ginawa kong gulo kanina sa simbahan. Huminga ako nang malalim at napaupo sa silya. "Patawad..." bulong ko sa hangin, kahit hindi ko alam kung kanino ko iyon sinasabi—sa groom na niloko ko, sa bride na nasaktan, o sa sarili ko na bumaba sa ganitong antas. Nilingon ko ang kwarto kung saan mahimbing na natutulog si Alpha. Anghel pa rin ang itsura niya kahit mahimbing ang tulog, ang maliliit niyang kamay ay nakapatong sa unan. Para sa kanya lahat ng ito. Kung sino man ang ikinasal kanina, humihingi ako ng tawad. Napapikit ako at naalala ang ilang buwan na nakalipas—halos wala na kaming makain, umabot pa sa puntong inutang ko ang gatas ni Alpha sa tindahan. Lahat ng naipon ko para sa pag-aabroad ay unti–unting nauubos dahil sa pagpapagamot kay Lola Guada. Plano ko na sanang lumipad papuntang Dubai sa susunod na buwan. Kumpleto na ang requirements, tapos na ang training, pero... "I'm sorry, Miss Johansen. Kailangan natin siyang i–confine ulit." Bumalik sa alaala ko ang boses ng doktor noong dinala namin si Lola sa ospital isang linggo ang nakakalipas. May problema na naman daw sa puso niya. Ibenta ko man ang lahat ng ari–arian namin, kulang pa rin. Kaya nang lumapit sa akin ang kaibigan ni Sir Japeth, ang baklang kaibigan ng boss ko sa salon, hindi ko na natanggihan ang alok niya. "Gagawin mo lang, guluhin mo 'yung kasal. Ganda mo kaya, hindi ka mahihirapan. Tigil na agad 'yun." Sa lahat ng offers, ito ang pinaka–walang kwenta pero pinakamabilis na pera. At heto na nga ako. Kahit gaano ko gustong ikalma ang puso ko, hindi ko mapigilan ang bigat ng konsensya. Pero wala akong pagpipilian. Mamayang gabi, pupunta ako sa ospital para palitan ang pinsan ni Lola na nagbabantay sa kanya. Hintayin kong gumaling si Lola. Kapag okay na siya, itutuloy ko ang pag-abroad. Kailangang mapabuti ang buhay namin ni Alpha. Twenty–two years old na ako. Hindi na ako puwedeng maghintay lang ng swerte. Inayos ko ang sobre at inilagay sa ilalim ng drawer. Sa ngayon, ang mahalaga ay matustusan ang pangangailangan ni Lola. Kahit pa galing sa kasalanang pera.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD