Chapter 05
Ariana Xiamara
"DALHIN na ’yan sa loob. Separate room, mamaya pa siya magsisimula,” malamig na utos ng babaeng mukhang lalaki, sabay tingin sa akin mula ulo hanggang paa.
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. Mamaya pa magsisimula? Tumalon ang dibdib ko sa kaba. Alam ko na ang ibig niyang sabihin.
"No—" halos hindi lumabas ang boses ko, pero bago pa ako makagalaw, naramdaman ko ang mahigpit na kamay na muling pumigil sa braso ko.
"Bitawan mo ako!" Pumiglas ako, pilit na nilalabanan ang pagkakahawak ng lalaki. Tinulak ko siya ng buong lakas at mabilis na sinubukang tumakbo palayo.
Pero bago pa ako makalayo, isang matalim na sakit ang gumuhit sa anit ko. Napasigaw ako nang mahila niya ang buhok ko.
"Hayop ka, Perry!" Napalingon ako habang pilit na dinadala pabalik ng lalaki. "Kapag nakatakas ako, babalikan kita! Hayop kang bakla ka!"
Ngunit imbes na matakot o mag–alala, ngumisi lang si Perry. Lumapit siya, halos idikit ang mukha sa akin habang pinipigilan ng lalaki ang pagpupumiglas ko.
"Aria, mas mahalaga ang pera. Sana ganyan ka rin mag–isip. Mas mabilis ang pera dito. Hindi ka magsisisi. Ang yayaman ng mga customer," aniya, sabay dampi ng daliri niya sa baba ko na agad kong iniwas.
"Hayop ka..." singhal ko, nanginginig ang buong katawan sa galit at takot.
Tumawa lang si Perry, walang bahid ng awa. Tinalikuran niya ako at sumama sa transgender na kaharap namin kanina. "Ingat kayo diyan, ha? Wag n’yong gasgasan 'yan," bilin pa ng babae bago bumaling kay Perry.
Pinilit kong muling pumiglas, pero binitbit na ako ng lalaki papasok sa malaking bahay. Malalaki ang chandelier, pero hindi ito nagbigay ng liwanag sa pakiramdam ko.
I felt trapped, like I was being dragged deeper into the shadows.
Binuksan ng lalaki ang isang kwarto at halos ihagis ako sa loob. Tumilapon ang mga gamit ko sa sahig, at narinig kong nagsara ang pinto sa likod ko, isang malakas na tunog na parang pumirmis sa kapalaran ko.
Napatitig ako sa pinto, hinihintay na bumukas ulit ito. Pero walang nangyari.
I was alone.
MAKALIPAS ang ilang sandali, bumukas ang pinto. Napabalikwas ako sa pagkakaupo sa gilid ng kama. Isang babae ang pumasok, may bitbit na tray ng pagkain. Kasunod niya ang dalawang lalaki na tahimik pero matalim ang mga mata. Hindi ko na kinailangan ng paliwanag kung bakit sila naroon, mukha silang bantay.
Inilapag ng babae ang tray sa lamesa malapit sa kama. "Kumain ka na," aniya, walang emosyon sa boses. "Magpahinga ka na rin. Mamayang gabi, may trabaho ka na."
Parang nanikip ang lalamunan ko. Lumapit ako sa kanya, halos mapaluhod sa harapan niya. "Ate, maawa ka. Pakawalan mo na ako. Ayoko rito."
Sandaling tumigil ang babae, pero agad ring umiling. "Walang nakakatakas dito," sagot niya, malamig pero may bahid ng lungkot ang mga mata. "Maliban na lang kung may bibili sa’yo."
Napatitig ako sa kanya, umaasang may awa pa siyang natitira. Pero nang magsalita ulit siya, ramdam kong wala siyang magagawa.
"Tanggapin mo na lang ang kapalaran mo. Hindi ka magugutom dito. Sa bawat customer mo, may parte kang matatanggap. Pwede mong ipadala sa pamilya mo."
Umiling ako, halos mapahiyaw. "Hindi ako pokpok! Hindi ko kayang ibenta ang kaluluwa ko rito!"
Napakurap ang babae pero hindi siya natinag. "Hindi ko rin kayang gawin ito noon." Saka siya ngumiti, isang mapait na ngiti na tila ba may kwento sa likod. "Pero wala tayong magagawa. Maging matalino ka. Magdasal kang may makakuha agad sa'yo na regular na customer. Mas madali ang buhay kung may humahawak sayo, hindi ka pwedeng galawin kahit kanino basta kaya niyang bayaran ang presyo ni Madam," hinagod niya ako ng tingin mula ulo hanggang paa, "maganda ka at perpekto ang hubog ng katawan tiyak kong head turner ka."
Napaatras ako. Hindi ko alam kung matatakot ako sa sinabi niya o maaawa sa kanya, kung paano siya napunta rito. "Hindi. Ayoko," mariing sabi ko.
"Mamaya," patuloy niya, parang hindi narinig ang hinaing ko, "may pupunta para ayusan ka. Sabado ngayon. Maraming mayayaman na darating. Gawin mo ang best mo..."
Dahan–dahan siyang tumalikod at lumabas, iniwan akong nakatayo sa gitna ng kwarto.
Pagkasara ng pinto, nanatili akong nakatulala. Tumingin ako sa tray ng pagkain, kumukulo na ang sikmura ko sa gutom, pero tila nawala ang gana ko.
Isang bagay lang ang sigurado ako. Kailangan kong makaalis dito pero paano?
Lumapit ako sa bintana, ang tanging daan kung saan kahit papaano ay makakalanghap ako ng hangin. Inilapat ko ang noo ko sa malamig na salamin at dahan–dahang sumilip sa labas. Ang nakita ko ay mas lalong nagpalubog sa pakiramdam ko, mataas na pader na tinik na bakal ang nakabalot sa itaas. Lampas doon, kakahuyan na tila walang hanggan ang tanaw. Para akong ibon sa hawla, walang ibang pupuntahan.
Napapikit ako, at hindi ko namalayang bumagsak na pala ang mga luha ko. "Paano na sila, Alpha...Lola..." Mahina kong bulong habang pilit na pinapahiran ang mga pisngi ko.
Sana...Ilang beses nang gumulong ang salitang 'sana' sa utak ko, pero anong silbi ng pagsisisi kung nandito na ako? Sana hindi na ako umalis...Sana hindi ako naniwala kay Perry... Sana... Sana...
Bumuntong–hininga ako nang malalim, pinilit ang sarili kong kalmahin. Wala nang atrasan.
Muli kong sinilip ang labas. Tahimik, pero alam kong sa likod ng katahimikan ay may bantay. Walang makakatakas dito, 'yan ang sabi ng babae kanina. Tama siya. Pero kung may paraan para makalabas, yun ay kung may makakapansin sa akin. Kailangan kong magpanggap, kailangan kong maglaro ayon sa patakaran nila.
"If I can't escape now, I'll find someone who can take me out of here," mahina kong sabi sa sarili.
Malamang, hindi lang ako ang dumaan sa ganitong sitwasyon. Hindi ako pwedeng huminto rito. Para kay Alpha. Para kay Lola Guada. Kailangan kong magpakatatag.
Sasabay ako sa agos—for now. Pero oras na dumating ang tamang pagkakataon, hindi ako magdadalawang–isip na kumawala.
Walang gana akong tumingin sa tray ng pagkain sa harapan ko. Halos hindi na ito mainit at hindi rin mukhang masarap, pero ramdam ko na ang pagkalam ng sikmura ko. Kailangan kong kumain. Kahit paano, kailangan kong palakasin ang katawan ko.
Dahan–dahan kong isinubo ang kanin at ulam, halos wala akong malasahan. Parang lumulunok ako ng bato sa bawat subo, pero tiniis ko. Nang maubos ko ang laman ng tray, itinulak ko ito sa gilid ng kama at agad na kinuha ang larawan nina Alpha at Lola Guada mula sa bag ko.
Napahiga ako, mahigpit na yakap ang larawan sa dibdib ko habang nakatagilid. Para akong batang pilit humahanap ng kahit anong ginhawa mula sa mga alaala nila. Nakatingin ako sa mukha ni Alpha sa litrato, iniisip ang ngiti niya. Siya ang dahilan kung bakit ako lalaban. Sila ni Lola ang magiging sandalan ko.
"Kakayanin ko ito...para sa inyo." Mahinang bulong ko bago ko pumikit.
Ni hindi ko namalayang unti–unti na akong dinalaw ng antok.
Malakas na kalabog ang gumising sa akin. Napabalikwas ako ng bangon, habol ang hininga habang sinusubukang unawain kung nasaan ako.
"Get up!"
Isang malakas at matinis na boses ang sumigaw mula sa pintuan. Napalingon ako at nakita kong isang bakla ang nakatayo sa harapan ng pinto, may kasamang isa pang babae. Naka–krus ang braso nito at masungit ang tingin.
"Ano'ng oras na ba?" Napatingin ako sa bintana. Madilim na pala sa labas.
Nagsimulang bumilis ang t***k ng puso ko.
"Move. Now." Mataray na turo ng bakla sa damit na hawak ng kasama nito.
Tumayo ako, nanginginig ang mga kamay ko. Pakiramdam ko, isang maling galaw lang ay tuluyan na akong bibigay. Ngunit pilit kong kinontrol ang sarili.
Hindi ako pwedeng magpakita ng kahinaan.
Habang nakatitig ako sa kanilang dalawa, napagtanto kong nagsisimula na ang laban.
Napatingin ako sa damit na hawak ng babaeng kasama ng bakla. Napaigtad ang kamay ko nang iabot niya ito sa akin.
It was barely a dress—kung tatawagin mo man itong gano'n. Manipis na tela, halos kasing nipis ng mga kurtina, na itim at pulang lace ang bumalot sa kabuoan. Ang ibaba nito ay sobrang ikli, parang hindi aabot hanggang hita. Ang pang–itaas ay mas malala—may mga hati sa magkabilang gilid, halos walang tinatakpan. Isang strap lang ang nag–uugnay sa likod at harap.
"Suotin mo na. Don't waste our time." Matigas na sabi ng bakla, sinamaan pa ako ng tingin.
Napalunok ako, ramdam ang tuyong lalamunan. Hindi ako makagalaw.
"I can't wear this..." tanggi ko, halos manginig ang boses. Napatingin ako sa kanila, umaasang magbabago ang isip nila.
Pero umiling lang ang bakla at napairap. "Girl, walang ayaw–ayaw dito. You either wear that, or—" Napatingin siya sa pinto. "...hihilahin ka nila palabas ng ganyan lang ang suot mo."
"Bilis na, may oras ang pag-prepare. Sabado ngayon, main event. Baka matipuhan ka." Dagdag ng babaeng kasama niya, halatang inip na.
Main event.
Parang humigpit pa ang paghinga ko. Kapag nakita ko si Perry talagang papatayin ko ang baklang iyon. Napaka–hayop!
Tiningnan ko ulit ang tela sa kamay ko. Nanginig ang daliri ko habang iniipit ang damit sa pagitan ng mga palad ko. Ang bigat ng bawat segundo, parang ako lang ang gumagalaw at bumagal ang buong paligid.
"Ayoko..." Muli kong sabi, halos pabulong.
"Walang ayawan dito, ganda. Perry already signed you up. This is your life now." Mas lumapit ang bakla, itinulak ako pabalik sa kama. "Kaya make the most of it."
Napatitig lang ako sa kanila, walang nagawa kundi tanggapin ang kapalaran ko sa sandaling ito. Inipit ko ang damit sa dibdib ko, parang kayang takpan ng yakap ang kahit anong pagkapahiya na mararamdaman ko mamaya.
Habang dahan—dahan akong tumayo, napalunok ulit ako. I have to survive this.
Kahit para kay Alpha at kay Lola Guada.
Wala na akong nagawa kundi isuot ang damit na pilit nilang ipinapataw sa akin. Pakiramdam ko'y para akong sinasakal ng bawat tela, kahit halos wala nang bumabalot sa katawan ko.
Habang inaayos ng bakla ang aking buhok, nagsimula siyang magsalita. "Mamaya, ikaw ang isa sa mga dadalhin sa VIP room."
Napatingin ako sa kanya sa salamin. "VIP room?"
Tumango siya, abala sa paglagay ng lip gloss sa labi ko. "Mga bigating customer ang nando'n, ganda. Puro mayayaman—hindi lang basta mayaman, ha? Anak ng milyonaryo, bilyonaryo, at 'yung iba, bilyonaryo mismo. Pampalipas–oras nila ito."
Naramdaman ko ang paglamig ng sikmura ko. Hindi ko mapigilang itanong. "Ano'ng ibig mong sabihin?"
Napangisi siya at binaba ang lip gloss, saka hinarap ako. "Sayawan mo lang sila. Simple lang, di ba? Pero kung may magustuhan ka at hihiling ng extra service mo, e di ibigay mo. Lalo na kung gusto mong matibay–tibay ang kita mo."
"Extra?" Napaatras ako nang bahagya. Alam ko na kung ano ang ibig niyang sabihin.
"Alam mo na 'yun, ganda." Napatango ang kasama niyang babae habang nag–aayos ng sapatos na isusuot ko. "May mga naghahanap ng exclusive service, 'yung ikaw lang ang gusto. Mas mabilis ang pera ro'n. Kung magaling ka, may bibili sa'yo. Mas maganda iyon, iisang lalaki lang ang gagamit sa katawan mo," nakangising dugtong niya.
Parang may sumikip sa dibdib ko. "Hindi." Mahina pero matigas ang boses ko. "Hindi ako pumayag para sa ganito. Ayoko! Uuwi na ako. Hindi ako pokpok!"
Napatinginan ang dalawa sa isa't isa bago sila sabay na tumawa.
"Girl, wala kang magagawa." Umiling ang bakla, may halong tuya at pangmamaliit sa tingin niya. "Walang nakakawala rito hangga’t walang bumibili sa'yo. Pera ang nagpapatakbo ng lugar na ito. Kung gusto mong kumita nang mabilis, gawin mo na."
"Mas mahalaga ang puri kaysa pera." Matigas kong sagot, nanginginig ang mga kamay ko pero pilit kong pinanindigan ang sinasabi ko.
Tumigil sila sa pagtawa. Saglit akong inisip na baka may naantig sa kanila.
Pero nagkamali ako.
"Mas mahalaga ang pera kaysa sa puri, ganda." Muling sumingit ang babae, bumuntong–hininga na para bang nagsasayang ako ng oras nila. "Puri? Hindi 'yan nakakain. Pero ang pera? Makakapagpadala ka sa pamilya mo. Mabibili mo ang gusto mo."
Bumagsak ang tingin ko sa sahig. Pakiramdam ko, nalulunod ako sa mga salita nila.
"Isipin mo na lang ang pamilya mo, di ba? Para sa kanila naman ito." Ngiti ng bakla, marahang itinulak ako palapit sa salamin. "Kaya galingan mo. Baka may bilyonaryong magkagusto sa'yo, malay mo ikaw pa ang maging paborito. May customer kaming mga doktor, abugado at kung anu–ano pang bigatin. Malay mo isa sa kanila, rendahan ka," nakangising sabi nito na tila tuwang–tuwa sa kalagayan ko.
Ano ang akala nila sa akin, kabayo?
Napapikit ako. Tumulo ang luha ko bago ko pa mapigilan.
Alpha...Lola Guada...
"Hindi ako babagsak nang ganito," bulong ko sa sarili ko, mahina pero sapat na para ipaalala sa sarili kong lalaban ako.
Sa ngayon, kailangan kong magpanggap.
Pagkatapos nila akong ayusan, marahang hinila ako ng bakla paharap sa malaking salamin. Napatitig siya sa akin, hindi halos makapaniwala sa repleksyong nasa harapan niya, nangingislap ang mga mata ng bakla.
Nakatitig ako sa sarili ko sa harap ng salamin, parang hindi ako ito. Hindi ko kilala ang babaeng nakasuot ng manipis na tela na halos hindi na matatawag na damit, tanging dalawang dibdib ko lang ang natatakpan at ang pinaka–pribadong parte ng katawan ko sa baba. Parang hindi ko na rin maramdaman ang katawan ko,namamanhid ito. Para akong nakakulong sa sariling balat—isang estrangherong katawan na hindi ko matakasan.
Lumapit ang bakla sa likod ko, hawak ang pulang lipstick at ini–slide ito sa labi ko. "Look at yourself, girl," bulong niya, habang hinahagod ng tingin ang kabuoan ko. "Para kang Latina beauty. Parang modelo ng Victoria's Secret. 'Yang katawan mo? Perfect. Tiyak pag–aagawan ka mamaya. Magkakandarapa silang maikama ka lalo na ang mga manyak na customer. Naka–jackpot si Madam sa'yo. Galing talaga ni Perry. Young and innocent," aniya na may sarcasm sa kanyang tinig.
Napalunok ako, pilit pinipigilan ang pagbilis ng t***k ng puso ko. "Ano bang pinagsasabi mo?" halos pabulong kong tanong, pero hindi ko na kayang itago ang takot sa boses ko.
"Good luck sa'yo, ha? Baka mamaya isa, dalawa...o baka tatlo pa." Ngumisi siya, waring natutuwa sa ideya. "New face ka kasi. Alam mo naman ‘yung mga VIP, mahilig sa bago. Kaya mag–ready ka at tanggapin mong ito ang kapalaran mo."
Parang may lumulutang sa dibdib ko sa takot. "Ano'ng ibig mong sabihin na 'mas higit pa’?" tanong ko, kahit parang ayoko nang marinig ang sagot.
Tumikhim lang ang bakla, ngumisi, at nagpatuloy sa pag-aayos ng buhok ko. Pero hindi ko na napigilan ang sarili ko.
Bigla ko siyang tinulak palayo, nagmamadaling tumakbo ako papunta sa pinto. "Hindi ako papayag!" sigaw ko.
Buong lakas kong hinablot ang seradura at hinila ang pinto—pero pagharap ko, dalawang lalaki ang sumalubong sa akin. Malalaki ang katawan, nakasuot ng itim, at hindi man lang natinag nang makita nila ako. Mas matangkad sila kaysa sa akin, at kahit pilit kong itago ang kaba, nanginginig na ang mga tuhod ko.
Napaatras ako, tinatakpan ko ang aking sarili gamit ang mga braso ko. Pero bago pa ako makalayo, lumapit ang bakla at mahigpit na hinawakan ang baba ko, pinilit akong tumingin sa kanya.
"Saan ka pupunta, ha? Wala kang takas dito, girl," asik niya. "Mamaya, sasayaw ka sa harapan nila. Gumiling ka. Galingan mo, ha? Tandaan mo, bawat galaw mo...pera 'yan."
Nanlilisik ang mga mata ko sa galit at takot. "Hindi ko ito gagawin."
Binitawan niya ang pagkahawak sa baba ko, pero hindi na nawala ang hapdi. Tumalikod siya at humarap sa dalawang lalaki. "Dalhin n'yo na 'yan. Mag–umpisa na ang palabas. Susunod ako."
"Bitawan n'yo ako!" Pilit kong inaalis ang pagkakahawak nila sa braso ko, pero para lang akong sumisigaw sa hangin. Wala silang naririnig. Wala silang pakialam.
Habang hinihila nila ako palabas ng silid, napatitig ako sa repleksyon ko sa salamin. Ang babaeng nakatingin pabalik...hindi ako 'yun. Parang multo lang ng sarili ko.