YELENA P.O.V
Habang naglalakad kami ni Mayor Vladimir, tahimik na pinagmamasdan ko ang paligid. Hindi ko maalis ang kaba sa dibdib ko, lalo na't hindi ko alam kung paano ko dapat siya ituring. Mayor siya, pero bakit parang masyado siyang mabait sa akin? Parang ang lapit-lapit niya sa amin, lalo na ngayon. Ipinapakita ko sa kanya ang iba’t ibang bahagi ng Eldraesia, ngunit ang totoo, halos wala akong maintindihan sa mga sinasabi ko. Parang nararamdaman ko ang bawat tingin niya sa akin, at hindi ko mapigilang kabahan.
“Yelena,” tawag niya, at napatingin ako sa kanya.
“Po, Mayor?” sagot ko, mabilis at medyo naguguluhan.
Ngumiti siya, at naramdaman ko na naman ang kakaibang pakiramdam na parang kinikiliti ang dibdib ko. “Kanina pa kita pinagmamasdan, parang hindi ka komportable.”
“Naku, hindi po, Mayor. Okay lang po ako,” pilit kong sabi. Sinubukan kong ngumiti pero alam kong halata ang kaba ko.
“Hindi mo kailangang mag-alala,” sabi niya, malumanay ang tono ng boses. “And you don’t need to call me ‘Mayor’ all the time. Just call me Vlad.”
Nagulat ako. “Ha? Vlad po?” tanong ko, hindi sigurado kung tama ba ang narinig ko. Si Mayor, gusto akong tawagin siya sa pangalan lang?
“Yes, Vlad,” sagot niya na may kasamang ngiti na tila nakakakumbinsi. “Masyadong pormal ang ‘Mayor’ para sa isang simpleng pag-uusap. Gusto ko na mas maging casual lang.”
Napatingin ako sa kanya, hindi sigurado kung tama bang sundin ang hiling niya. Hindi ko maipaliwanag pero parang nakakapanibago. Sanay ako na ang mga taong nasa posisyon ay mahigpit at malayo sa amin, pero si Mayor Vladimir—este, Vlad—ay iba. Hindi siya mukhang taong mahilig sa pormalidad. At habang iniisip ko ‘to, napansin kong bigla siyang humakbang palapit sa akin.
Nagulat ako nang maramdaman ko ang presensya niya sa likuran ko. Hindi ako makagalaw. Parang nabigla ako sa paglapit niya. At sa isang iglap, naramdaman ko na lang na may panyo siyang dinampi sa batok ko.
"Mayor—" Napahinto ako. Mali pala. "Vlad... ano pong ginagawa niyo?" Napatigil ang mga salita sa bibig ko nang maramdaman kong pinupunasan niya ang pawis ko. Napatitig ako sa malayo, hindi makapaniwala sa ginagawa niya. Alam kong namumula na ang mukha ko, pero wala akong magawa kundi hayaan siyang punasan ako.
“Sobrang init ngayon, hindi mo ba napapansin?” tanong niya, habang tuloy lang siya sa ginagawa niya. “Huwag kang magpapabaya sa kalusugan mo. Hindi maganda na nagpapawis ka nang sobra.”
Nagulat ako sa pag-aalala niya. Hindi ko maintindihan kung bakit parang biglang nagiging personal ang kilos niya, pero hindi ko rin magawang magsalita para pigilan siya.
“Ah, hindi naman po... Este, Vlad. Sanay po ako sa ganito. Trabaho po talaga ‘to, kaya hindi maiwasan ang magpawis,” sagot ko nang medyo alanganin. Nagtangka akong umalis sa pwesto ko, pero natigilan ako nang muling magsalita siya.
“Yelena, hindi mo kailangang maghirap nang ganito,” sabi niya habang tinutupi ang panyo at itinabi sa bulsa niya. “Siguro, mas maganda kung mag-iingat ka sa sarili mo.”
Napatingin ako sa kanya, at hindi ko maikakaila na may kung anong kakaibang init ang naramdaman ko sa paraan ng pagtitig niya sa akin. Parang may mga salita siyang hindi sinasabi, pero ramdam ko sa boses niya. Nagtama ulit ang mga mata namin, at sa sandaling iyon, parang may kung anong bumigat sa dibdib ko.
Hindi ko mapigilan ang t***k ng puso ko. Parang sobrang bilis. Tila naririnig ko pa ang bawat pintig ng puso ko sa mga tainga ko, at hindi ko maintindihan kung bakit. Hindi naman ito ang unang beses na may lalaking lumapit sa akin, pero bakit parang iba ngayon?
“Vlad,” hindi ko maiwasang banggitin ang pangalan niya ng buo. Ang daming tanong sa isip ko, pero wala akong magawang itanong. Hindi ko alam kung paano simulan. “Bakit po... bakit po kayo ganito?”
Napansin ko ang ngiti niya, mas malalim ngayon, at para bang may kasamang tuwa sa mata niya. “Ganito ako dahil importante sa akin ang mga tao dito, lalo na ang mga kagaya mo, Yelena. You deserve better.”
Hindi ko alam kung paano ko iyon tatanggapin. Nakangiti siya, pero sa loob ko, parang may mga bagay akong dapat itanong. Pero sa kabila ng lahat, hindi ko na muling binalik ang tanong. Tumango na lang ako at iniwas ang tingin.
Habang tinutuloy namin ang pag-uusap, unti-unti kong nararamdaman na parang mas nagiging komportable na ako kay Mayor Vladimir... kay Vlad. Parang hindi na siya masyadong intimidating tulad ng kanina. Lalo na nung sinabi niyang tumawag lang ako ng "Vlad"—parang isang paalala na tao rin siya, hindi lang lider. Hindi ko maiwasan ang mag-isip, may iba bang nakakakita sa ganitong panig ng Mayor na ito, o ako lang?
Ngunit sa kabila ng pag-aalangan ko kanina, ngayon parang mas malapit siya kaysa dati. At habang pinag-uusapan namin ang mga bagay-bagay sa paligid, parang mas lumalalim pa ang pagkakaunawa ko sa kanya. Maliit lang ang Eldraesia, simpleng probinsya na puno ng mga magsasaka, pero he made it seem like napakahalaga ng bawat tao dito.
"Yelena," bigla niyang sambit habang kami ay naglalakad papunta sa ilog na pinagmamalaki ng lugar namin. "Alam mo, masaya ako na ikaw ang nag-tour sa akin ngayon. Iba ang pakiramdam kapag may personal na nagkukwento tungkol sa lugar."
Ngumiti ako, medyo nahihiya pa rin. "Salamat po, Vlad. Pero hindi po ako sanay na kasama ang Mayor." Tumawa ako ng konti, pilit na tinatago ang kaba.
Tumawa siya, at tila nawala na ang bigat ng sitwasyon. "Sabi ko nga, tawagin mo lang akong Vlad. Hindi ako iba sa mga taong nandito. Hindi naman kailangan ng pormalidad kapag ganitong simpleng usapan lang."
Habang naririnig ko ang mga salita niya, hindi ko maiwasang isipin kung totoo ba ang lahat ng ito. Pero habang tumatagal, parang mas lalo kong nararamdaman na hindi ito laro para kay Mayor Vladimir. Na talagang sinsero siya sa ginagawa niya, at hindi lang ito para sa posisyon.
At doon ko napagtanto—siguro kaya ako nakakaramdam ng ganito. Siguro kaya ang bilis ng t***k ng puso ko kapag malapit siya. Hindi lang dahil sa itsura niya, hindi lang dahil mayor siya, kundi dahil nararamdaman ko ang sincerity niya. Napatingin ako sa kanya, at sa mata niyang puno ng kasiyahan, alam ko—may kakaiba siyang dala para sa lugar namin, at para sa akin.
Rinig ko pa rin ang malakas na pintig ng puso ko, pero ngayong kasama ko siya, parang mas malapit ang posibilidad na magbago ang buhay namin dito sa Eldraesia.
Tila wala akong mahanap na tamang salita, pero alam kong kailangan kong sabihin ang nararamdaman ko. Mahalaga sa akin ang trabahong ito. Dito ako lumaki, at dito rin ako natutong magsikap para makatulong sa pamilya ko. Wala akong ibang alam gawin kundi ang magtrabaho sa bukid, kaya kahit pa mangitim ako sa ilalim ng araw, wala akong pakialam.
“Alam mo, Vlad,” nagsimula ako habang nilalaro ang mga tangkay ng palay na dumadaanan namin, “hindi biro ang buhay dito sa Eldraesia. Araw-araw, ganito ang ginagawa namin—mag-ani, magtanim, magtulong-tulong para lang kumita ng sapat. Wala kaming ibang kayamanan kundi ang lakas ng katawan namin.”
Napatingin siya sa akin, tila interesado sa kwento ko. “At hindi ka ba nahihirapan, Yelena? Araw-araw na ganito?”
“Sanay na po ako,” sagot ko, sabay ngiti. “Matagal ko nang tinanggap na ganito ang buhay namin. Basta nakakatulong ako sa pamilya ko, kahit magmukha pa akong uling, ayos lang sa akin.”
Tumawa siya nang bahagya, pero ramdam ko ang concern niya sa boses niya. “Pero hindi ba’t mahirap? Wala ka bang ibang pangarap para sa sarili mo? Alam ko na importante ang pagtulong sa pamilya, pero dapat ikaw rin, Yelena. May mga bagay na dapat para sa iyo lang.”
Natawa ako sa sinabi niya. “Hindi ko na po iniisip ang sarili ko, Vlad. Basta may maihahain ako sa hapag kainan namin, masaya na ako. Siguro kung magagawa ko pa rin ‘to hanggang tumanda ako, okay na sa akin ‘yon.”
Bigla siyang huminto at tumitig sa akin. "Pero bakit hindi mo subukan ang ibang trabaho? Something different, something na makakapagbigay sa’yo ng mas magandang pagkakataon. Katulad nito," sabi niya, tila may naisip na ideya.
"Katulad ng ano?" tanong ko, medyo nalilito.
Ngumiti siya at humakbang palapit sa akin. "Paano kung bigyan kita ng trabaho bilang assistant ko sa municipal hall?" Walang paligoy-ligoy ang offer niya, at hindi ko alam kung anong sasabihin ko sa unang pagkakataon.
Napakunot ang noo ko at napatingin ako sa kanya, parang inaasar niya lang ako. “Ano po? Assistant niyo? Mayor, naku, hindi ko kaya ‘yon. Hindi ako sanay sa ganun. Tsaka hindi po ako graduate, wala akong alam sa trabaho sa opisina.”
Nagtaas siya ng kilay at tumingin sa akin na parang gusto niyang sabihin na walang imposible. “Hindi mo kailangang maging graduate, Yelena. Ang kailangan ko ay isang taong mapagkakatiwalaan ko, at naniniwala akong ikaw ‘yon. Hindi ko hinahanap ang perfect na credentials. Gusto ko lang ng assistant na tapat at masipag, tulad mo.”
Napatitig ako sa kanya. Parang hindi ko kayang paniwalaan ang naririnig ko. “Pero Mayor—este, Vlad, seryoso po ba kayo? Assistant niyo?”
Tumango siya, seryoso ang mukha. “Oo, seryoso ako. Alam ko na mahalaga sa’yo ang pagtatrabaho dito sa bukid, pero iniisip ko lang—paano kung mas may maiaalok pa ako sa’yo? Hindi mo na kailangan magtrabaho sa ilalim ng araw araw-araw. May iba kang pwedeng gawin na magbibigay pa rin ng malaking tulong sa pamilya mo.”
Parang bigla akong natulala. Assistant ng Mayor? Paano ko gagawin ‘yun? Sanay ako sa bukid, hindi sa mga dokumento o sa pagharap sa ibang tao. “Hindi ko po alam, Vlad… Hindi ko kaya ang ganung klaseng trabaho. Baka masayang lang ang tiwala niyo.”
Muli siyang ngumiti at tila nakuha niya na ang loob ko. "Kaya mo 'yan. Madali lang ang trabaho. Ako ang bahala sa’yo. Tuturuan kita, at sigurado akong mabilis kang matuto. And besides," sabay tingin niya sa akin na may kakaibang liwanag sa mata, "ang sweldo... ay mas mataas kaysa sa kinikita mo ngayon."
Napatigil ako. Sweldo? Bigla kong naisip ang pamilya ko. Kung mas malaki nga ang kikitain ko, baka mas matulungan ko pa sila. Hindi ko na kailangang pagurin ang sarili ko sa bukid araw-araw. Pero kahit ganun, parang ang hirap isipin na aalis ako sa trabahong kinagisnan ko.
“Magkano po ang sweldo?” tanong ko, halos hindi ko mapigilang itanong.
Ngumiti siya, at sinabi ang halaga. Nang marinig ko iyon, parang hindi ako makahinga. Sobrang laki! Hindi ko na kailangang magtrabaho nang halos walang pahinga para kumita ng ganun kalaki. Isang buwan na trabaho bilang assistant niya ay mas malaki pa kaysa sa kinikita ko sa tatlong buwan ng pag-aani.
Halos manghina ako sa narinig. "Ang laki po! Pero... pero paano naman ang mga magulang ko? Sino ang tutulong sa kanila sa bukid?"
“Pwede kang tumulong pa rin sa kanila, Yelena,” sagot niya. “Pero hindi mo na kailangang gawin iyon araw-araw. At kapag mas malaki na ang kinikita mo, mas madali mong matutulungan ang pamilya mo. Hindi ba’t mas maganda iyon?”
Parang may naglaro sa isip ko. Tama siya. Kung tatanggapin ko ang offer niya, hindi ko na kailangang masyadong pagurin ang sarili ko. Mas maaalagaan ko pa ang kalusugan ko, at mas matutulungan ko ang pamilya ko sa mas malaking paraan. Pero sa kabila ng lahat, parang may parte sa akin na nag-aalangan.
“Vlad… hindi ko po alam. Parang ang bigat ng desisyon. Hindi ko alam kung kaya ko bang maging assistant niyo. Baka magkamali ako.”
Lumapit siya sa akin, at sa malumanay na boses ay sinabi, “Yelena, minsan kailangan mong subukan ang mga bagay na hindi ka sigurado. Hindi mo malalaman ang kakayahan mo hangga’t hindi mo sinusubukan. And I believe in you. Alam kong magagawa mo ito. Hindi kita iaalok ng ganitong trabaho kung hindi ako sigurado sa kakayahan mo.”
Napatingin ako sa kanya, at ramdam ko ang sincerity sa boses niya. Hindi siya nagbibiro. Siguro nga, may kakayahan akong hindi ko pa nakikita. Siguro nga, kaya ko ang trabaho bilang assistant niya.
At sa isip ko, hindi ko maiwasang isipin ang kinabukasan ng pamilya ko. Kung tatanggapin ko ito, mas maginhawa ang buhay namin. Mas mabilis akong makakatulong sa kanila.
“Okay po, Vlad,” sabi ko, medyo nanginginig pa ang boses. “Tatanggapin ko po ang offer niyo.”
Ngumiti siya nang malapad, tila masaya sa naging desisyon ko. “Tama ang desisyon mo, Yelena. Simula bukas, magsisimula ka na bilang assistant ko.”
Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o matatakot sa bagong kabanatang papasukin ko, pero isang bagay ang sigurado—hindi ko hahayaang masayang ang pagkakataon na ito.