HINDI MAPAKALI si Aliyah kahit alam niyang nasa kwarto lamang si Celestine. Ramdam niyang may mali sa kinikilos ng kaibigan at hindi siya natutuwa sa ginagawa nito. Sinundan niya ito kanina sa kusina pero nang maramdaman na wala ito sa mood, nagprisinta na lamang siyang tulungan ito.
Napansin ni Aliyah na nalilibang sa kuwentuhan ang mama ni Celestine at si Thomas. Pero siya, kahit anong gawin niyang pakikinig sa mga ito, tila pilit lang ang kaniyang mga sagot sa tuwing siya ang tatanungin. Wala ang atensyon niya sa mga ito kung hindi nasa taong nasa ikalawang palapag.
Lumipas ang ilang mga minuto, nagpaalam siya sa dalawa na susundan lang si Celestine sa silid nito. "Excuse me po, puntahan ko lang po si Celestine sa taas," nag-aalangan niyang paalam.
"Okay, hija."
"Hintayin na lang kita, Aliyah."
Tumango na lang si Aliyah sa mga ito sa nagsimulang magtungo sa paanan ng hagdan. Hindi niya maintindihan ang t***k ng kaniyang puso ngayon. Tila abnormal at parang hinahabol ng daga. Ang bawat hakbang ng mga paa papunta sa kwarto ni Celestine ay kay bigat.
Pati ang dibdib niya ay mabigat din. Akala niya ay magiging masaya ito sa kaniyang muling pagpunta rito sa bahay nito.
Ngunit, hindi yata nito nagustuhan iyon.
Huminga muna siya nang malalim bago kumatok sa pinto. Wala siyang narinig na sagot mula sa kaibigan kaya naman inulit niya ang pagkatok.
"Ma, mamaya na lang, p'wede? Masama ang pakiramdam ko," wika ni Celestine buhat sa loob ng silid.
Kumunot ang noo ni Aliyah. Bumangon ang pag-aalala niya para dito kaya naman mabilis niyang binuksan ang pinto at saka pumasok. Naabutan niya itong nakahiga at nakapatong ang isang braso sa ibabaw ng mga mata nito.
"Ma, sinabi nang—Aliyah!? Anong ginagawa mo rito?" Bigla itong napabangon nang makita siya.
Nakaramdam naman siya ng hiya nang mapagtanto na naging over acting yata siya. Iniwas niya ang paningin dito. "A-ayos ka lang b-ba?"
"H-huh? Oo naman. Bakit?" Tumaas ang isang kilay nito.
Parang gusto niyang umalis na lang at iwanan ito rito.
"Sure ka?" Kabadong tanong ni Aliyah.
"Oo nga." Tila iritable nitong wika. "Bakit ba? Bakit 'di ka pa umuuwi?" tanong nito sa mataray na pamamaraan. Tiningnan pa siya ni Celestine mula ulo hanggang paa at muling bumalik sa mukha niya.
Bigla siyang natigilan. Tiningnan niya ito sa mga mata at wala siyang emosyon na mabasa rito. Yumuko na lang siya upang itago ang sakit na dulot ng tono ng pananalita nito.
"N-nag-alala kasi ako. Akala ko masama ang pakiramdam mo."
"Well, oo. Totoo iyan. Kaya p'wede ba? Iwan mo na ako at gusto ko na magpahinga. Inaantok na ako, e." Sandali siyang tiningnan pa nito saka iniiwas ang tingin sa kaniya.
Tumango siya at pinaghawak ang sariling mga kamay. "Sige, magpahinga ka na. sorry sa abala."
Wala na siyang ginawa kung hindi bilisan ang mga hakbang pababa. Kaagad siyang nagpaalam siya mama ni Celestine at inaya si Thomas na umalis. Kahit hirap ay pinilit niya pa ring ngumiti sa mga ito upang maipakitang wala siyang iniinda.
'Bakit ka ba nagkakaganiyan, Tine? Hindi na kita maintindihan.'
NAPASABUNOT NA lang sa labis na frustrasyon si Celestine. Bumabangon ang konsensya sa kaniyang dibdib. It is not her intension to be rude. Hindi lang niya kasi napigilan ang sarili na magselos kanina. Sumasakit ang puso niya sa kaalamang magkasama sina Thomas at Aliyah.
Nagtatanong na rin siya sa sarili kung hindi pa siya sa sapat sa buhay nito at bakit kailangang may isang Thomas pang dumikit dito?
"Hindi na maganda 'to. Baka layuan ako ni Aliyah kapag nagpatuloy pa ang ganitong nararamdaman ko."
Bumangon siya at naupo sa kama. Dinampot niya ang cellphone sa nightstand saka tumitig sa wallpaper nito. Silang dalawa na magkaibigan ang nandoon na masayang naka-peace sign habang nasa Color Fade Feast sila. Kapwa sila marungis gamit ang mga color powder na iba-iba ang kulay.
Ilang swipe pa ang kaniyang ginawa hanggang sa mapunta siya sa gallery. Napangiti si Celestine nang makita ang masayang mukha nila ni Aliyah. May mga larawan sila na magkasama sa bahay nito at ganoon din sa bahay nila.
"Should I say sorry to her? Kaso ano naman ang sasabihin ko na dahilan sa kaniya?" Aaminin nyiang mukha siyang tanga ngayon na kinakausap ang sarili.
Muli siyang humiga at tiningnan ang cellphone. Maya-maya pa, nakita na lang niya ang sarili na tinatawagan ang matalik na kaibigan. Ilang ring ang lumipas ngunit hindi nito iyon sinasagot. Sinubukan nya ulit at nakadalawang ring lang ay sinagot na nito ang tawag. May narinig pa siyang boses ng lalaki sa kabilang linya bago ang tinig ni Aliyah.
"Hello?"
"H-hello, Aliyah?" aniya. Hindi niya alam kung paano ito kakausapin dahil sa nangyari sa kanina.
"C-Celestine, bakit?" Halata sa boses nito ang pagiging malamig nito.
Napakagat-labi na lang siya. "W-wala naman. Nasaan ka?"
"Nasa bahay lang. Wait lang," anito saka muling nagsalita, "Thomas saglit lang, ha? Si Tine kasi tumawag."
"Okay, bilisan mo," sagot naman ng binata.
Wala sa sariling naibaba niya ang gadget at napayuko na lang siya. Unti-unting nag-init ang sulok ng mga mata niya at ang lalamunan ay tila nagbara. Hindi siya makahinga at napasinghap na lang.
Nilingon niya ang phone at nanlaki ang mga mata nang makitang tumatakbo ang oras ng tawag. Muli niyang tinapat sa kaniyang tainga ang awtobido at pinakinggan ang nasa kabilang linya.
"Wala na, e," ani Thomas na panay na yata ang 'hello' bago niya makita ang screen.
"E, bakit siya tumawag? Ano, lokohan? Tatawag tapos 'di naman magsasalita?" Tumawa ito na animo nagbibiro ngunit nagdulot ng kakaibang sakit iyon sa kaniyang puso.
"Huwag mo na lang pansinin. End na lang natin ang tawag kasi sayang load niya." Boses ulit iyon ni Thomas saka natapos ang tawag.
Mukhang sumangayon si Aliyah dahil naputol na nga ang linya. Inis na binitiwan ni Celestine ang phone saka nahigang muli. Mariin na ipinikit niya ang mga mata at inis na pinunasan ang mga luha na panay ang bagsak. Hindi nya alam kung paano pipigilan ang mga iyon.
"Kailangan ko na talagang lubayan ang kahibangan kong 'to. Mas okay na mag-move on na lang ako at tuluyan kalimutan ang nararamdaman ko para kay Aliyah."
Inis na sibunutan niya ang sarili. Ngayon, pinal na ang desisyon niyang iyon.
"SIGURADO KA ba na ayos ka lang dito? Wala pa ang lola mo," tanong ni Thomas kay Aliyah. Tiningnan siya nito na puno ng pag-aalala ang mukha. Lalo tuloy itong naging gwapo dahil sa pagiging seryoso ng binata.
Tumango siya saka tinapik ang bakal na gate. "Matibay kahit makalawang, subok na ng panahon," biro pa niya. "Oo nga. Huwag kang makulit diyan."
Natawa si Thomas. TIningnan siya nito gamit ang mapupungay na mga mata. "Lock the gate, okay?"
Sumaludo pa siya bilang tugon dito saka nagsalita, "Aye aye, captain!"
"Baliw! Sige na, pumasok ka na sa loob. Huwag ka magbubukas ng gate at pinto kapag hindi lola mo ang kumakatok, okay?"
"Opo, tatay." Tumango-tango pa siya. Maya-maya pa ay nasa loob na siya ng gate at nilo-lock iyon. Mula roon ay kitang-kita niya si Thomas na kumakaway paalis.
Pumasok na siya sa loob ng bahay at dumiretso sa silid. Nagpalit siya ng damit pambahay bago nagligpit ng mga kalat na hindi niya naayos kaninang umaga dahil pumasok siya sa eskuwela. Umupo siya sa gilid ng kama nang matapos siya sa ginagawa at kinutinting ang cellphone.
May kung anong sumundot sa puso niya nang maalala si Celestine. Wala sa sariling napakunot-noo siya dahil ayan na naman ang maiinit niyang luha sa kaniyang mga mata. Nagbabadya na namang tumulo pero mabilis niyang pinunasan ang luha gamit ang palad.
Kaninang tumawag ito ay hindi niya naiwasang mainis dahil hindi naman nagsalita at tila nawala ito sa linya. Pakiramdam niya tuloy ay pinagtitripan siya nito.
Wala siyang matandaan na may problema o pinag-awayan silang dalawa. Hindi niya ito maintindihan. Masama rin ang loob niya rito dahil masyadong malamig ang pakikitungo nito sa kaniya. Pumikit siya nang mariin at napagpasyahang mahiga na lamang. Kahit ayaw ng diwa niya, pinipilit niyang matulog ngunit bigo siya. Kahit anong ikot at hanap niya sa pwesto upang makatulog ay hindi niya makita.
Dawalang oras ang mabilis na dumaan, wala pa ring nangyayari. Gising na gising pa rin ang kaniyang diwa at mulat ang mga mata.
"Nakakainis!" sigaw niya sabay bangon at sabunot sa sariling buhok.
Hindi siya makatulog dahil panay ang isip niya kung ano ang posibleng dahilan ni Celestine upang magkaganoon ito.
"Wala naman akong matandaan na naging kasalanan sa kaniya. Ano bang problema kasi?" Para siyang baliw na kinakausap ang sarili sa kawalan. "Tawagan ko kaya?" aniya saka hinawakan ang cellphone at tiningnan ang gadget.
Maya-maya pa rinig na ni Aliyah ang ring sa kabilang linya. Abut-abot ang kaba niya habang hinihintay nitong sagutin iyon.
"Hello?" sagot ni Celestine.
"I miss you, Tine. G-galit ka pa ba?" Malambing nyang tanong dito. Halos ramdam at dinig niya ang lakas ng t***k ng kanyang puso habang walang sagot ni Celestine.
Bumuntonghininga ang kaibigan niya at rinig na rinig niya iyon. She can imagine her friend, walang emosyon ang mukha nito panigurado. At aaminin niyang natatakot siya sa reaksyon nito o sa kung ano man ang sasabihin nito.
"I miss you, too," sagot nito. Hindi siya sigurado ngunit tila sa malambing na paraan ito sumagot.
Sa naging pagtugon nito ay nakahinga siya nang maluwag ngunit hindi pa rin nito nasasagot ang tanong. "Galit ka pa ba?"
Isang malalim na paghinga ang pinakawalan nito bago nagsalita, "Hindi naman ako galit."
"Talaga? E, bakit iba ang pinapakita mo kung hindi ka g-galit? Bakit ang cold mo? May nagawa ba ako?" tanong niya na hindi na nakapagpigil.
"Wala—"
"P-please, sabihin mo kung may nagawa ba akong kinakagalit mo kasi nasasaktan ako, e!" aniyang pumiyok pa ang boses.
"I have a question," tanong nito bigla.
May mali talaga siyang nararamdaman at gusto niya iyong alamin.
Bumangon ang kaba sa dibdib nya. "A-ano iyon?"
"Bakit mo kasama si Thomas kanina?"
"Huh?"
"Narinig mo ang tanong ko, Liyah. Ayoko na ulitin pa." Heto na naman ito sa ganitong tono. Seryoso na siyang kinatatakutan niya.
Lalo siya kinabahan. "Sinamahan lang niya ako kanina na isoli iyong panyo mo. Iyon lang."
"Sinagot mo na ba? Kayo na?"
"What? Of course not!" Nanlalaki ang mga niya saka natawa. Kinagat niya ang ibabang labi. "I mean, not yet," dugtong niya pa.
"Not yet so meaning, may balak ka? M-may gusto ka ba sa kaniya?"
"Ano bang tanong iyan, Tine? Ang intriguing mo, ah! Nakakainis ka naman. Ano bang nangyayari sa'yo?"
'May gusto ka ba kay Thomas?'
Gusto niyang itanong iyan pero wala siyang lakas ng loob at tila hindi niya kakayanin ang sagot nito. May kung anong parte ng isip niya ang nagsasabing huwag iyon isatinig dahil hindi naman niya magugustuhan ang sagot ng kaibigan.
"Aliyah?" untag nito sa kaniya.
"B-bakit? Single naman kami pareho. 'di ba? Wala namang m-masama kung maging kami man." Gusto niyang batukan ang sarili dahil sa sinabi. Masyado na naman siyang naging taklesa at walang preno ang bibig.
"Hmm... wala nga naman. O, sige na. Magpapahinga na ako, ha? Bukas na lang, kita tayo sa school," ani Celestine sa kaniya. Gusto sana niyang tumutol. Gusto pa niya itong kausap.
"M-matutulog ka na ba?"
"Yes."
"Ah okay, sige. Good nght! I love you," bulong niya. Napipilitan siyang ngumiti at ang mga mata ay naipikit niya nang mariin nang bigkasin niya ang huling tatlong salita.
"I love you, too, Aliyah. I always will."
Napangiti siya nang malapad pagkatapos ng tawag. Tila may mga paruparong nagliliparan sa kaniyang tiyan dahilan upang magtatalon siya sa kama. Niyakap pa niya ang cellphone bago nahiga sa kama.
"I know that you love me, Tine. I know."
KUMAWAY SI Aliyah kay Celestine nang matanaw siya nitong nasa garden. Ngumiti siya rito bago sinara ang notebook na kanin pa niya sinusulatan. Maaga siyang pumasok. Siguro ay mga trenta minuto na siyang nandoon.
Lumapit si Aliyah at umupo sa kaniyang tabi. "Good morning!" Masiglang bati nito.
"Morning," aniya na humarap dito. Napansin niyang maganda siguro ang gising nito ngayon.
"Kumain ka na?"
Umiling siya. "Nag-coffee lang ako sa bahay bago ako umalis. Si Mama nga, pinipilit akong kumain kaso sabi ko dito na lang. Ikaw?"
"Hindi pa rin. Hindi mo ba nahalata na medyo late ako ngayon."
Kaagad siyang sumulyap sa relo. Natawa siya dahil tama ito. Late nga ito ng sampung minuto ngayon. "Anong nangyari?"
"Napuyat kasi ako," ani Aliyah saka pinusod ang buhok.
"Ano namang pinagpuyatan mo?"
Sandali itong nag-isip at nagsalita, "wala! Tara na. Kumain na muna tayo." Ang kamay nito ay pinatong nito sa kaniyang kamay.
Napalingon siya rito na animo hindi alintana ang nagawa. Nakatingin lang ito sa open field kung saan may mga ilang estudyanteng palakad-lakad. Siya naman ay natuon ang mga mata sa mga kamay nilang magkapatong.
Napangiti si Celestine nang mapagtanto na bagay na bagay na nasa ganoong pwesto ang mga kamay nila.
Ngunit kaagad na napawi ang ngiti niyang iyon nang gumalaw si Aliyah. Muli na lang na tinuon ni Celestine ang atensyon sa notebook na binuksan na niya.
"Thomas!" Tumayo pa si Aliyah nang tawagin ang kaibigan nitong lalaki.
Lihim siyang napaismid. Wala sa sariling nagsulat na lang siya sa notebook ng mga kung ano-ano. Tinaas na lang niya ang cover upang hindi mapansin ni Aliyah.
"Hi!" Bati ni Thomas nang makalapit sa kanila. Lumingon ito sa kaniya. "Hi, Celestine!"
Ngumiti siya rito ngunit sandali lang. Iyon lang ang tinugon niya saka muling nagsulat.
"Akala ko ay mamaya pa ang klase mo?" tanong ni Aliyah rito.
Lihim siyang napataas nag kilay.
'Alam na alam ang schedule, ah? Girlfriend?' tanong niya sa isip. Napailing na lang siya nang bahagya. Pilit niya inalis sa isip kung ano man ang mga nasasabi niyang palihim sa dalawa.
"E, may usapan kami ng mga kaibigan ko. Magsisimula na kasi ang try out. Gusto ko maging varsity player, di ba?"
Magiliw na tumango si Aliyah. "Ah oo. Nabanggit mo nga iyan sa akin nung nakaraan."
Natigilan siya sa pagsusulat. Ang buong atensyon niya ay napunta sa pakikinig sa usapan ng dalawa.
"Kumain na ba kayo? Hindi pa kasi ako kumakain. Tara, kain muna tayo para makapagpahinga ako bago sumalang sa try out," aya nito.
Napalingon siya kay Aliyah nang sikuhin siya nito. Nagtatanong ang tingin niya rito.
"Gusto mo ba sumama?" Tanong nito.
"Ah... Libre ba?" Gusto niyang batukan ang sarili dahil hindi naman talaga iyon ang sasabihin niya. Tatanggi dapat siya at sasabihin na huwag na pero biglang iyon ang lumabas sa bibig niya.
Natawa si Aliyah dahil doon. Maya-maya ay humarap ito kay Thomas. "Libre mo ba?" Nakataas ang isang kilay na tanong ng kaibigan niya sa binata.
"Oo naman. Aayain ko ba kayo kung hindi ko libre?"
"Nice!" ani Aliyah saka tumayo at humarap sa kaniya. "Let's go?"
"H-ha?" tanong niya. Hindi kasi siya makapaniwala na dahil sa maling salitang nabitiwan niya, para tuloy naging smooth ang imbitasyon ni Thomas sa kanilang dalawa.
"Libre niya. Let's go!" Hinawakan ni Aliyah ang kamay niya kaya naman hindi na rin siya nakakibo. Mas gusto niyang sulitin ang mga sandaling oras na magkahawak ang mga kamay nilang dalawa.