MAINGAT NA inilapag ni Celestine ang kaniyamg gitara sa gilid ng nightstand. Humiga siya sa kama saka tumingin sa kisame niyang puno ng mga paru-paro na glow in the dark. Nakaramdam siya ng kalungkutan sa kaniyang puso. Mabigat iyon at alam niya ang dahilan nito.
Na-mimiss na niya si Aliyah.
At alam din niyang baka nagtataka ito sa inasal niya kanisa sa eskwelahan.
Bumuntonghininga siya. Napaupo sa kama at ginulo ang buhok na mahaba. Doon binubuhos ang pagkadismaya sa sarili. Hindi na niya alam kung paano pa makakawala sa nararamdaman niya patungkol sa matalik na kaibigan o kung may pag-asa pa ba siyang makawala.
Alam din niya na baka maging hindi maganda ang kahihinatnan ng pinasok niya.
'Ayokong mawala si Aliyah sa akin.'
Kagat ang labi siyang tumayo saka lumabas ng kuwarto. Ganoon na lamang ang kaniyang pagtataka nang may mga tawanan siyang naulinigan mula sa sala. Alam niyang boses ng mama niya ang isa, ngunit ang isa, boses lalaki.
Nagtataka man, lumapit na lamang siya upang mapag-sino ang lalaki na iyon.
"Salamat po sa papuri, Mrs. Guevarra."
"Naku, Hijo. You can call me tita. Totoo naman din kasi ang sinasabi ko. Ang gwapo-gwapo mong bata," ani kaniyang mama dahilang upang kumunot ang noo niya.
"Salamat po talaga," muling sabi ng lalaki.
Tumikhim siya upang kuhanin ang pansin ng mga ito. sabay siyang nilingon ng dalawang nag-uusap at lalong gumuhit ang pagtataka niya nang makilala ang lalaki.
"Thomas?" 'Anong ginagawa ng lalaki ito rito?'
"Anak, mabuti at bumaba ka na. Kanina pa nandito ang mga bisita mo. Gigisingin sana kita kaso nalibang ako sa kuwentuhan namin," ani kaniyang mama.
Hindi niya ito pinansin at tumingin kay Thomas. "What are you doing here?"
"Anak, syempre! Binibisita ka nila!"
"Nila?"
"Oo," ani mama niya saka tumayo at nilapitan siya. "Asikasuhin mo ang mga bisita mo, ha? Kukuhanin ko lang ang meryenda sa kusina," wika pa nito.
Wala siyang sinagot dito at nanatili lang ang mga mata sa binata na panay kamot ang ulo. Magsasalita sana siya nang biglang tumunog ang slide door papunta sa garden nila. Ganoon na lamang ang pagsikdo ng kaniyang puso nang makita si Aliyah na nilalagay ang phone sa bulsa ng pantalon nito.
"Aliyah?"
"H-hi! Gising ka na pala."
"A-anong ginagawa ninyo rito? May kailangan ba kayo?" Hindi nakatakas ang iritasyon sa boses niya.
'Bakit sila magkasama? May relasyon ba sila?'
Parang kinukotkot ang kaniyang puso sa kaalamang baka totoo ang tumatakbo sa isip niya.
"Ah, naiwan mo kasi itong panyo mo sa garden kanina kaya dinala ko na rito," sagot ni Aliyah habang nilalabas sa bag nito ang panyong nawaglit pala niya nang hindi nalalaman. "Here." Inabot nito iyon at tinanggap naman niya.
Tila may kuryenteng dumaloy nang aksidenteng dumampi ang mga daliri nito sa kaniya. Kaagad siyang napalayo dahil sa labis na gulat.
Nang sulyapan niya ang kaibigan ay may nabasa siyang emosyon sa mukha nito. Lalo na ang matitigan ang mga mata nitong tila may sakit na mababanaag.
Nag-iwas si Celestine ng tingin saka ngumiti. "Thank you pero bakit kasama mo pa si Thomas, nakaabala pa ako sa inyo," aniya na sinulyapan pa ang binata. "May bukas pa naman at siguradong magkikita at magkikita tayo."
"Okay lang naman, Celestine," ani Thomas pero hindi niya iyon pinansin at nanatili kay Aliyah ang kaniyang tingin.
Hinawi niya ang mahabang buhok saka pasimpleng pinagmasdan si Aliyah na nakatingin lang sa kung saan. Nang lumingon sa kaniya ang matalik na kaibigan ay nginitian niya ito pero pilit lang.
Masaya naman siya dahil pinasyalan siya ni Aliyah pero iyong fact na may kasama pa itong ibang tao lalo na at lalaki pa ay naiinis siya.
"Celestine, kuhanin mo na rito ang mga cupcakes at juice. May tawag lang ang kuya mo sa phone," ani Mama niya habang nakatingin sa cellphone. Nakatayo ito sa kaniyang gilid.
Bumuka ang bibig ni Aliyah animo may nais sabihin ngunit hindi lang natuloy dahil biglang tinapik ng mama niya ang kaniyang braso.
"Hindi mo pa rin kinukuha? Diyos kong bata ka! Kuhanin mo na at nang makakain ang mga kaibigan mo," utos nito sa anak.
Kaagad siyang tumalima rito saka nagtungo sa kusina upang kuhanin ang pinakukuha nito.
"Kumain kayo riyan, ha? May kakausapin lang ako sa labas."
Dinig niya ang paalam na iyon ng mama niya at napailing na lang. Habang kumukuha siya ng mga baso na gagamitin ay naramdaman niyang may lumapit sa kaniya. Dahil inakalang baka ang mama niya iyon, hindi na siya nag-abala pang lingunin ang nasa likod niya.
Kaya naman bahagya siyang nagulat nang makita si Aliyah. "Liyah, ikaw pala," aniya na hindi pinahalata ang gulat na naramdaman.
"T-tulungan na kita," anito sabay lapit sa kaniya at kinuha ang mga baso at inilagay sa tray. "Ikaw na lang kumuha ng pitsel."
Ramdam niya ang lakas ng t***k ng kaniyang puso. Hindi niya alam pero mukhang mahihirapan siyang makawala sa nararamdaman niya para sa kaibigan.
HABANG KUMAKAIN sila ng cup cakes na gawa ng kaniyang mama ay panay din ang kuwento ni Thomas. Madaldal pala ito at palabiro. Halata namang giliw na giliw ang mga kasama niya pero siya ay hindi. Dahil naiirita lang siya sa tuwing nakikitang tumatawa si Aliyah.
Tila tuwang-tuwa ang kaibigan niya rito at labis siyang naba-badtrip. Lihim siyang napapaismid at napapairap sa mga sinasabi ng lalaki. Pansin niya na over acting ito dahil pati ang mama niya ay dalang-dala. Masyadong pabibo.
"Eh, bakit kasi hindi mo pa sagutin si Thomas, hija?" tanong ng mama niya.
"Ma!" aniya rito. Nahihiya siya sa sinasabi nito at isa pa ay baka kung ano ang isipin ni Aliyah.
"Oh, bakit, anak? Bagay naman sila, 'di ba?" Inosenteng tanong nito.
"Ewan ko sa inyo!" Hindi niya nais maging bastos. Uminom siya ng juice at saka tumayo. "Akyat na ako sa kwarto," aniya na hindi tumitingin sa mga ito.
"Pero—" Boses iyon ni Aliyah ngunit hindi pa rin siya tumingin dito.
"Naku, hayaan mo na siya, Aliyah. Bababa rin siya mamaya."
Hindi na isya nag-abala pang makinig sa iba pang sasabihin ng mga iyon. Masama ang loob niya habang binabagtas ang daan patungo sa kaniyang silid. Isinara niya ang pinto at saka nahiga sa kama.
"Nakakainis naman! Ba't kasi kasama pa niya ang lalaki na iyon? Sinagot na ba niya? Sila na ba? Akala ko ba wala pa sa isip niya ang pakikipagrelasyon?" Inis niyang wika habang nakatingin nang diretso sa kisame.
Pumikit siya maya-maya. Dala na marahil sa labis na kakaisip at pagod na katawan at isip ay hindi na niya namalayang kinain na siya ng antok.